You are on page 1of 1

BAHA

Libu-libong buhay na ang nasawi dahil sa malaking problema natin sa baha. Itoy patuloy na banta sa buhay at kalusugan ng ating mga anak at sumisira sa ating ekonomiya, lalo sa agrikultura, kayat lalong naghihirap ang ating mga mamamayan.Dapat magkaisa at tumulong ang bawat Pilipino sa paglutas sa problema sa baha, lalot sinasabing mas malalaking baha ang darating sa bansa bunga ng climate change. Ang gobyerno at tao ay dapat magkaisa upang maiwasan ang delubyong tulad ng Ondoy na ikinamatay ng marami nating kababayan.Ang bawat mamamayan ay dapat mapangalaga at kalinga sa kapaligiran at lawak ng kalikasan. Ang kawawang kalagayan ng ating kalikasan ay makikita ng kabuuan kung tayo ay nasa himpapawid. Matatanaw natin na halos lahat ng ating kabundukan ay ahit.Hindi lamang sa mga kabundukan walang kapararakang pinuputol natin ang mga puno, subalit maging sa kalunsuran. Sa Kalakhang Maynila ay walang hanay ng mga puno sa ating mga dinaraanan. Mas marami pa ang bilang ng mga poste ng kuryente kaysa mga puno sa ating kalunsuran, kayat ang nalalanghap at nadarama natin ay maruming hangin at nakapapasong init.Ang gahamang pagputol ng mga puno at pagkalbo sa kabundukan ay maraming beses nang naging sanhi ng kamatayan ng ating mga kababayan. Tulad ng nangyari sa Ormoc, Leyte, kungsaan, dahil sa walang pakundangang pagputol ng mga puno at patuloy na pag-ulan ay nilamon ng rumaragasang agos ng tubig at putik, mula sa kabundukan, ang isang bayan, na ikinamatay ng libu-libong mamamayan. Kamakailan ay maraming pamilya ang namatay dahil sa pagguho ng lupang kinatatayuan ng kanilang tahanan. Hindi sana nangyari ang trahedya sa Cherry Hills, Antipolo City, kung hindi pinagpupuputol ang mga puno dito at kung hindi pinatag at pinahina ang bundok sa paligid nito.Dahil sa sukdulang pagwasak sa kalikasan ay wala tayong huni na mapakinggan. Nilisan tayo ng mga ibon dahil pinutol natin ang mga punong kanilang dinadapuan at pinagpupugaran. Kay ganda sanang pakinggan ang huni ng mga ibon, subalit dahil sa paghalay natin sa kalikasan ay nawalan tayo ng karapatang marinig ang kanilang awitan.Sa lungsod ay walang mga ilog na mapasyalan o mapaglanguyan. Ang ilog Pasig na maganda sanang daanan at pasyalan ay hindi malapitan dahil sa amoy na nakakasuklam. Ginawa natin itong basurahan hindi lang ng dumi, subalit ng mga taong ating pinaslang. Ang tubig nitoy lason, hindi lang sa tao, subalit sa mga isdang ditoy dating naninirahan.Ang mga estero natin ay patay, itim at barado ng mga basura at putik. Dahil dito, sa kaunting ulan ay binabaha ang ating paligid. Maging ang ating karagatan ay marurumi at hindi mapaglanguyan. Ang mga lumulutang ditoy mga basura, dumi ng tao, langis at plastik.

Nasaan ang ating pagmamahal sa kabataan?


Ilang taon na lang ay wala nang malalabi sa ating kapaligiran. Ang ating kabundukan at parang ay matutuyot at magiging disyerto ng ating kapabayaan sa kalikasan. Wala ng mga punong paglalaruan ang ating mga anak. Wala ng sariwang hangin na malalanghap. Wala ng malinis na tubig na iinumin. Wala ng huni ng ibon na pakikinggan. Wala ng isdang matitikman. Wala ng ilog at dagat na lalanguyan. Papasuin at tutuyuin sila ng matinding init na sanhi ng ating paghalay sa kalikasan.Mahal ba natin ang ating mga anak? Kung gayoy kumilos tayo at buhayin ang ating kapaligiran at kalikasan. Magtanim tayo ng puno. Ngayon at hindi bukas. Taniman natin ang lahat ng maaaring tamnan. Itanim natin ang kahit anong puno upang tayoy may lilim na masilungan. Ang lahat ng lugar ay gawin nating luntian. Gawin nating hardin ang ating kalunsuran at gubat ang ating mga kabundukan. Mga gubat na walang ahas at buwaya na sisira sa kalikasan. Mag-iwan tayo ng alaala sa ating mga minamahal. Ang punong ating itinanim ang pinakamagandang alaala na ating maiiwan. Ipagtanim natin ng puno ang lahat ng ating minamahal at itoy ating alagaan. Alalahanin natin ang pagsilang ng ating mga anak at pagpanaw ng mga minamahal sa pagtatanim ng puno. Kung tayoy nag-iisa ay magtanim rin tayo bilang alaala ng ating katauhan.Regaluhan natin ng puno ang ating mga kaibigan sa kanilang kaarawan at sabihin itoy alagaan bilang tanda ng ating pagkakaibigan. Ipagdiwang natin ang kaarawan ng Diyos sa pamamagitan ng pagtatanim ng puno bilang pagpugay sa Kanya at alagaan at palakihin ito upang purihin Siya.Hayaan nating ang mga puno ang maging simbolo ng ating pag-ibig sa Diyos, mga minamahal at kaibigan. Linisin natin ang ating mga ilog at karagatan. Huwag natin itong gawing basurahan, palikuran at tapunan ng mga taong ating pinaslang.Pangalagaan at kalingain natin ang ating kapaligiran at kalikasan para sa ating kinabukasan. Magtanim tayo ng mga puno nang kahit paanoy may maiwan tayong kabutihan sa ating mga anak at bayan. Ang taong hindi nakapagtanim ng puno kahit minsan ay walang lilim na iiwan sa kabataan at bayan.

You might also like