You are on page 1of 3

Danna Mae T.

Yuzon 2009-11177- Kolehiyo ng Edukasyon Kritikal na Papel ukol sa mga Pagpapahalagang Pilipino

Papel # 1 AP 12

Ang mga Pilipino ay parang bubble gum, wika ni Nanette Inventor na isang artistang kilala bilang komedyante sa telebisyon. Ayon sa kanya, makakatagal at mabubuhay pa rin daw ang mga Pilipino kahit gaano kahirap ang sitwasyon dahil sila ay maabilidad, flexible at resilient, dagdag pa niya. Ang mga Pilipino ay masayahin, para silang mga bata na madaling magustuhan ang mga bagay-bagay, wika naman ng isang sikat na mang-aawit at miyembro ng APO Hiking Society na si Jim Paredes. Mga taong nananaginip palagiyan ang mga Pilipino. Gumising na sila mula sa pagkakahimbing ngunit ayaw pa rin nilang bumangon , ani naman ni Ryan Cayabyab na isang manunulat ng mga awitin. Ang mga opinyong ito ukol sa identidad ng mga Pilipino ay ilan lamang sa napakaraming mga pagpapahalaga na maiuugnay sa atin. Kung maraming positibo tulad ng sinabi nila Nanette Inventor at Jim Paredes, mayroon din namang negatibo katulad ng nais ipahiwatig ni Ryan Cayabyab.

Bukod sa kanilang mga nabanggit, ilan pa sa mga tampok na kalakasan ng mga Pilipino ay ang kanilang pakikipag-kapwa tao, pagmamahal sa pamilya, at pananampalataya sa Diyos. Sa mga kalakasang nabanggit, masasabing ang pagiging masayahin ay madali nating mapapansin sa maraming mga Pilipino. Naitampok pa nga sa isang palabas na kahit ang mga naninirahan sa mga slum areas at ang mga nakaranas ng kalamidad o trahedya sa buhay ay nakahahanap pa rin ng dahilan upang ngumiti o tumawa. Dahil rito, ang mga mahihirap na sitwasyon ay tila hindi nagmumukhang mahirap dahil sa ating positibong tugon sa mga ito. Alinsunod sa pagiging masayahin ng mga Pilipino ay ang kanilang matibay na pananampalataya sa Diyos. Bilang isang Kristiyanong bansa, kapansin-pansin na ang ating pananalig sa Diyos ang nagsisilbi nating matibay na pundasyon upang harapin ang realidad ng buhay,

mga kabiguan, at trahedya. Katulad rin ng pagiging masayahin, mayroon tayong pananampalataya na malalampasan natin ang lahat dahil mayroon tayong Diyos na tiyak na makatutulong sa atin. Ang kahusayan sa pakikipag-kapwa tao ay isa ring mabuting katangian nating mga Pilipino. Marunong tayong makisama sa mga tao, nakikiramay kung kinakailangan, at tumutulong sa mga nangangailangan. Likas sa atin ang tinatawag na bayanihan o pagtutulong-tulong para sa kapwa. Kilalang-kilala rin tayo sa ating pagiging hospitable hindi lamang sa ating kapwa Pilipino, kundi pati na rin sa mga dayuhan. Kung marunong tayong makisama sa kapwa, higit rin naman nating

pinapahalagahan at minamahal ang ating pamilya. Handa nating gawin ang lahat upang maitaguyod lamang ang ating pamilya. Hangga't maaari ay ipinapanatili ng mga Pilipino ang pagkakabuklodbuklod ng kanilang pamilya at hindi nila hahayaan na ito ay mawasak. Ang pakikipag-kapwa tao ay nakakapagpabuti sa ating pagiging responsableng mamamayan na maaaring magsimula sa mga simpleng bagay patungo sa mas malalaking bagay. Napapalakas pa ito dahil sa ating pagmamahal sa pamilya dahil sinisigurado natin na matutugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Bagamat mayroon tayong mga kalakasan, mayroon din naman tayong mga kahinaan at ang mga ito ay nagmumula rin sa ilang nating mga mabubuting katangian. Ang pakikipag-kapwa tao ay nagiging kahinaan natin kung minsan dahil mas pinipili natin na makisama kaysa manatili sa kung ano ang tama. Nagkukulang tayo sa disiplina dahil sa pagnanais nating makisama sa kapwa. Hindi nagagawa ang mga nararapat gawin sapagkat nauuna muna ang pagsasaalang-alang sa kapwa, na kadalasa'y hindi naman nakabubuti sa nakakarami kundi sa iisa o iilang tao lamang. Malimit rin tayong nagkakaroon ng pagkakamali kapag masyado na lamang nakatuon ang ating atensyon sa ating pamilya at nakalilimutan na natin ang iba. May mga pagkakataong hindi na natin napapansin o nakikita ang mga pangangailangan ng ating kapwa, komunidad, o bansa dahil wala tayong ibang iniisip kundi ang pamilya. May mga pagkakataon rin namang tayo ay mahilig umasa sa iba o nagiging tamad sa pagaakala nating pananampalataya lamang at positibong pananaw sa buhay ang kailangan upang

makausad sa buhay. Nalilimutan natin na kailangan rin ng sipag at tiyaga upang makamit ang mga ninanasa at maresolba ang mga problema. Sabi nga sa isang salawikain, Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa. Dahil sa mga kalakasan at kahinaang ito, nagkakaroon ng isang matibay at katangi-tanging identidad at pagkatao ang mga Pilipino. Sa kabila ng impluwensya at pagpapahirap ng mga dayuhang nanakop sa ating bansa, hindi pa rin maipagkakailang mayroon tayong sariling pagkakakilanlan bilang bansa. Ang mga ito ay nakakapag-paalala sa atin na dapat tayong magpatuloy sa paglilinang ng ating mga positibong katangian at sikaping malampasan ang ating mga kahinaan upang makatulong hindi lamang sa ating mga sarili kundi sa buong bansa. Mahalagang hindi natin malimot ang ating mga likas na katangian dahil ang mga ito ang naguugnay sa atin bilang bansa. Bagamat iba-iba ang ating wika at kultura, ang mga kalakasan at kahinaang ito ay makakatulong ng malaki upang maunawaan natin ang bawat isa. Sa kasalukuyan, marami nang nagiging sanhi upang mawala ang pagkakaisa ng mga Pilipino, ngunit kung atin lamang aalalahanin na mayroon tayong mga common values na maaaring maging batayan ng pamumuhay, magsisilbi itong tulay upang magkaroon tayo ng paninindigan na makiisa sa kapwa.

You might also like