You are on page 1of 2

Sa pagtatapos ng unang kwarto ng 2013, ang administrasyong Aquino ay buong galak na nagdiwang sa mas mataas na tantos ng Gross Domestic

Product (GDP) na umabot sa 7.8%. Ito ay mas mataas ng 1% sa 6.8% na tantos noong huling kwarto ng 2012. Ang bansa umano ang may pinakamalaking paglago sa buong Asya. Ngunit katulad ng dati pang anunsyo ng paglago ng ekonomya ng bansa, hindi ito kinakitaan ng inclusive growth- o paglago ng ekonomya na umaabot sa mababang sektor ng lipunan tulad ng pagbawas sa tantos ng kawalan ng trabaho at kagutuman. Sa katunayan noong Abril 2013 ang nagtala ng mas mataas na bilang ng walang trabaho sa bansa- mula 2.89 milyon ay umakyat sa 3.09 milyon ang Pilipinong walang trabaho. Habang ang underemployed naman ay nananatiling 7.25 milyon o tinatayang 19% ng populasyon. Kung susuriin, ang mga industriyang umuunlad sa bansa ay mga yaong nasa sektor ng low employment at low valueadded katulad ng business process outsourcing (BPOs) o call centers, ekplorasyon ng dayuhang kumpanya sa pagmimina, turismo, manupaktura para sa export (mga export processing zones) at cheap labor export. Ang mga industriyang ito ay walang maasahang matagalang pakinabang dahil sa lahat ay nakaasa sa pangangailangan at kapital ng mga dayuhang mamumuhunan. KABABAIHAN AT KANYANG MGA ANAK ANG NANANATILING PINAKAMAHIRAP SA BANSA Patuloy na dumadausdos ang kabuhayan ng kababaihan at kanyang mga anak. Sa mga batayang sektor, ang kababaihan at bata ang nagtala ng pinakamaraming bilang ng mahihirap. Noong 2003, 20.96 milyong kababaihan at bata ang naitalang pinakamahirap sa bansa. Higit pa itong lumobo noong 2009 na umabot sa 23.58 milyong kababaihan at bata. Mula 2003 hanggang 2009, tumaas ng 12.5% ang bilang ng mahihirap na kababaihan at bata sa bansa. Ito ay may average na 2% pagtaas ng tantos kada taon. Pumapangatlo sa pinakamaraming bilang ng mahihirap ang mga mamamayang nakatira sa maralitang komunidad- mula 4.5 milyon ay lumobo ito sa 5.7 milyon noong 2009. Kung susuriin, mayor din naman ng populasyon dito ay mga kababaihan at bata. PPP ANG SOLUSYON? Ang solusyon ni G. Aquino ay pagpasa ng tungkulin nito sa pribadong sektor at dayuhang mamumuhunan sa mga proyektong tulad ng patubig, kuryente, transportasyon, ospital, paaralan, kalsada, pabahay at mga proyekto sa information technology. Nagmistulang negosyo ang dapat sanay batayang serbisyo ng pamahalaan para sa mamamayan. Sa PPP, binibigyan ng pamahalaan ng kalayaang maningil sa mga mamamayan kapalit umano ng serbisyong hatid ng mga proyekto. Sa kasalukuyan, mayroon ng tatlong proyekto ang naigawad sa malalaking kumpanya- ang Daang Hari-SLEX Link Road Project sa Ayala Corporation; PPP for School Infrastructure Project (PSIP)- Phase I sa Megawide Consortium ni Bayani Fernando; at NAIA Expressway Project sa Optimal Infrastructure Development Inc. ni Danding Cojuangco. Bukod dito mayroon pang anim na mga proyektong nasa live bidding. Ang mga ito ay proyekto sa transportasyon at kalsada, enerhiya, ospital, at edukasyon. Upang lalong makaengganyo ng mga mamumuhunan, nagpahayag na rin ang pangulo na igagarantiya nito ang mga proyekto sa ilalim ng PPP to minimize the risks of investors. Nag-commit siya na babayaran ng gobyerno ang mga kontraktor sa oras na pigilan ng mga regulatory agencies ang paniningil nila sa napag-usapang singilin o fees. Dagdag pa niya, gagamitin ng gobyerno ang sarili nitong resources para masiguradong buong-buo ang makukuhang kita ng mga namuhunan.Nakakabahala ang pahayag na ito dahil ginagarantiya nito ang kita ng pribadong sektor sa pamamagitan ng paggamit sa pondong dapat sana ay nakalaan sa serbisyo sa mamamayan, para lamang ipambayad sa mga namuhunan. Bagamat sinasabi ni G. Aquino na kawalan ng resources ang sinasabing dahilan kaya kailangan ang PPP, ngunit handa naman itong gamitin ang resources ng gobyerno para ibayad sa pribadong sektor. Sa huli, babalikatin pa rin ng mga mamamayan ang bigat ng gastos sa pag-akses sa serbisyo. Dahil kasosyo na ang pribadong sektor sa mga proyekto, maaari na rin silang magtakda ng presyo o singilin ayon sa kanilang interes. Ang direktang epekto nito ay ang dagdag na bayarin sa pamasahe o transportasyon, edukasyon at mga ospital, dagdag-singil sa kuryente at tubig, malawakang dislokasyon ng mga pamilya dahil sa mga proyekto, at ang lalong pagkalubog sa utang ng mga mamamayan. Ang kababaihan bilang taga-badyet at taga-puno ng puwang sa pangangailangan ng pamilya ang siyang pangunahing babalikat ng mga dagdag bayarin na ito. Sa kalagayang ang ekonomya ay pansamantalang nilulunasan ng eksport, remitans, utang-panlabas at dayuhang pamumuhunan, hindi kailanman ito makakatulong sa pangmatagalan at sustinidong ekonomya ng bansa dahil sa lahat ng ito ay nakaasa sa dikta ng dayuhang puhunan at mayayamang bansa. Palagiang maghihirap ang mamamayan. Malinaw na hindi eskimang PPP ang kailangan ng bansa kundi isang programa sa ekonomya na magbibigay lunas sa pangunahing isyu ng pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura- ang pagharap sa isyu ng kawalan ng lupa; at ng pambansang industriyalisasyon. Sa pagkakaroon lamang ng lupang sinasaka ng mga magsasaka at pambansang industriyang magsisiguro ng sustenidong kalagayan ng lokal na ekonomya tunay na aalwan ang buhay ng mamamayan.

You might also like