You are on page 1of 2

Porkchop

Paul Corpuz Belisario

“Na…nay, a…a…anong u…ula…ulam?”


Tinanong nung bata yung babae sa harap ng lamesang puno ng pitsa ng mahjong.
Nakataas ang buhok. May sigarilyo sa labi. Nakasimangot.
Nabingi yung bata sa sigaw ng kalaro nung babae.
“Nak nampu…panalo na naman! Pano ba yan,Delia, ubos ka na. Eh andito naman pala kasi yang anak
mong retarde, baka kaya ka minamalas… may balat yata sa pwet eh!”
Tawana ang lahat. Makikisabay sana sya ngunit agad nilingon sya ng iritadong mga mata.
“May tuyo dun sa mesa! Malas ka sakin eh! Layas nga dito!”, pabulong, matalim na sabi ng nanay sabay
balik sa paghahalo ng mga pitsa.
Ang batang takot na dumating, takot ding umalis.

Habang pauwi’y hinarang ng siya ng ilang kapwa bata. Ang mga junior siga ng looban.
“Oh anong ulam mo, Utoy?! Ang yabang mo kaninang masarap ang kakainin mo ah!”
Napalunok sya. Natakot na kantyawan. Hindi natakot na magsinungaling.
“Aah…o…oo! Mm…masa…ma…masarap. Binib…bi…binili ko nan…na…nay, ng…ng…ng pp…p…
porchap!”

Nakasilip na naman yung bata sa bintana. Nanonood sa labas ng bintana. Minsan-minsa’y bigla na lang
itong ngumingiti. Minsan ay tumatawa. Ngayon naman ay umiiyak sya. Araw-araw, ganito ang ginagawa
niya. Bang! Tunog ng kung anong nabasag. Umurong ang nga luha kasabay din ng pag-urong nya mula
sa bintana para lingunin kung anong nangyari. Umurong ang kanyang gutom sa nakita - kinakain na ng
pusa ang tuyo. Sinaid. Walang tinira.
Bumalik sya sa bintana at tumanghod na lang ulit.

Dumating ang ilaw ng barung-barong; lasing.


Walang bago para sa bata. Batbat na ang araw-araw nya sa alingasaw ng alkohol.
“Na…nay? Pwede ko…k..ko p…po bang put…tt…putol paa k…ko?”
Umungol lang ito pagkatapos ay naghilik na. Niyakap nya ang ina. Pinalis at binugaw sya agad nito.
Tumayo ang bata. Lumabas ng bahay. Tuloy-tuloy palabas ng looban.

Kumalembang sa ngalangala ang boses kapitbahay sa pagbulahaw kay Aling Delia. Hang-over, souvenir
niya kagabi mula sa pagkatalo sa mahjong, ang bitbit nya sa pagbukas ng maingit na pinto para soplakin
ang bunganga ng kay aga-aga’y nang-aabala.
“Yung anak mo nasa ospital! Putol daw yung paa! Patay na yata!!”

Tuloy-tuloy na nagsalita ang kaharap na mamang may nakasukbit na baril sa loob ng kwartong may mga
letrang M-O-R-G-U-E.
“Sinugod ho sya ng mga tanod dito, misis. Nakita daw sa likuran ng katayan sa may palengke, hawak-
hawak yung isang kutsilyong pantadtad. Hindi din nila alam kung anong pumasok sa isip ng anak nyo at
pinagtatagpas ang dalawang hita. Maraming dugong nawala. Huli na nung dalin dito sa ospital. Ang
kwento nga ho eh araw-araw nandun ang anak nyo, nanonood sa mga tagatilad ng baboy pati dun sa
mga nagkakatay. Hindi naman pinapansin at pinapa-alis dahil naaawa’t mukhang may sira sa…may…
may depekto ho yata yung bata. Eh, nababantayan nyo ho bang mabuti yung anak nyo, misis? May alam
ho ba kayong dahilan kung bakit nya ginawa yun?”
Parang wala sa loob na iling na lang sya ng iling. Wala nang naintindihan pa si Delia sa iba pang
pinagsasabi ng pulis habang nakatingin siya sa katawang tinatago ng puting kumot...
Umupo si Aling Delia at tumanghod sa tabi ng bintana. Kahapon ang huling pagkakataong nakita niya si
Utoy.
Sa pagkakaupo’y natanaw niya ang bahay nila Lourdes. Nakikipaglaro siya sa anak na may kapansanan.
Ang sabi-sabi’y pinaglihi daw ang bata sa teddy bear kaya’t putol ang dalawang paa hanggang sa hita.
Pinaliliguan ito ni Lourdes ng kiliti at halik. Panay ang yakap ng nanay sa anak. Binubuhat pa ito at
kunway hinahagis sa ere. Walang naming tigil sa pagganti ng bungisngis ang anak. Malakas ang
tawanan ng dalawa, dinig na dinig ito mula kina Delia. Sa ganito pagkukulitan ng dalawa dumating ang
tatay. Agad itong humalik sa anak. Kinarga at nakipaglaro. Maya-maya’y pinakakain na ng mag-asawa
ang kanilang anak; ulam ang porkchop na pasalubong ng tatay.
Noo’y napansin ng mag-asawa na nakatingin sa kanila si Aling Delia. Di man lang kumukurap ni
kumikilos. Blankong mukha. Parang naging bato.

You might also like