You are on page 1of 3

Ang stroke o atake sa utak ay nangyayari kung ang supply ng dugo sa bahagi ng utak

ay biglaang naharang o kung ang isang ugat ng dugo sa utak ay pumutok, at magkalat ng dugo
sa puwang na pumapaligid sa mga selula ng utak. Tulad ng taong nakararanas ng pagkawala
ng dugong dumadaloy sa puso ay sinasabing nagkaroon ng atake sa puso, ang taong
naubusan naman ng dugong dumadaloy sa utak o biglaang pagdurugo sa utak ay maaari ring
sabihing nakararanas ng atake sa utak o brain attack.

Ang paralisis ay karaniwang katangian ng atake sa utak, at madalas ay sa isang bahagi
lang ng katawan (hemiplegia). Ang paralisis o panghihina ay karaniwang nakaaapekto lamang
sa mukha, isang kamay o paa, o maaari rin sa buong gilid ng katawan o mukha.

Ang taong nakararanas ng atake sa utak sa kaliwang bahagi ng utak ay magpapakita ng
paralisis o paresis (bahagyang paralisis ng motor na gawain) sa kanang bahagi ng katawan. At
kung ang atake sa utak ay tumama naman sa kanang bahagi ng utak, ang paralisis ay makikita
sa kaliwang bahagi ng katawan.
Ischemia ang salitang ginagamit upang ilarawan ang pagkawala ng oxygen at
sustansiya sa mga selula ng utak kung nagkakaroon ng di tamang daloy ng dugo sa utak.
Karaniwang humahantong ang ischemia sa imparksyon, ang pagkamatay ng mga selula ng
utak, na karaniwang pinapalitan ng mga puwang na puno ng likida sa napinsalang utak.
Kung ang daloy ng dugo sa utak ay naabala, ang ilang selula ng utak ay agad
namamatay, ang ilan naman ay nananatiling nasa panganib na mamatay. Ang mga napinsalang
selula ay maaaring mailigtas ng agarang lunas ng gamot. Napag-alaman ng mga mananaliksik
na ang pagbabalik o pagsasauli ng daloy ng dugo sa mga selulang ito ay maaaring magawa sa
pamamagitan ng pagbibigay ng gamot na pangtunaw ng bara sa dugo, plasminogen activator
(t-PA), sa loob ng 3 oras ng pag-umpisa ng atake sa utak. Maraming neuroprotective na gamot
ang sinusubukan upang mapigilan ang pagkalat ng pinsala pagkatapos ng unang atake.
Lagi nang ipinalalagay na hindi naiiwasan o nalulunasan ang atake sa utak. Dagdag pa
rito ang maling paniniwalang karaniwang matatanda lamang ang nagkakaroon ng atake sa utak
at sa gayon, ito ay di masyadong binibigyang pansin.
At dahil sa maling paniniwalang ito, ang karaniwang pasyente ng atake sa utak ay
naghihintay pa ng 12 oras bago itakbo sa emergency room. Ang mga nag-aalaga ay
naghihintay pa ng ilang sandali sa halip na asikasuhin ang atake sa utak bilang isang medikal
ng kagipitan.
Sa pamamagitan ng paggamit sa salitang brain attack, ang atake sa utak ay
nagkaroon ng tuwirang pangalan. Ang nararapat na tugon sa isang atake sa utak ay isang
emerhensiya mula pareho sa taong inaatake at medikal na komunidad. Ang pagtuturo sa
publiko sa pag-asikaso ng atake sa utak na humingi ng emerhensiyang paggamot ay
napakahalaga sapagkat bawat minutong lumipas mula sa pagpapakita ng sintomas nito
hanggang sa oras ng atake, lumiliit ang pagkakataon para makatulong.

Mga Sintomas o Palatandaan
Madaling makita ang mga sintomas ng atake sa utak tulad ng biglaang pamamanhid o
panghihina, lalo na sa isang bahagi ng katawan, biglaang pagkalito o hirap sa pagsasalita o
pang-unawa sa pagsasalita, biglaang hirap sa paningin ng isa o parehong mata, biglaang hirap
sa paglakad, pagkahilo o kawalan ng balanse o koordinasyon; o biglaang malubhang sakit ng
ulo ng walang kilalang dahilan. Ang atake sa utak ay karaniwang malalaman ang pagkakaiba sa
ibang sanhi ng pagkahilo o sakit ng ulo. Ang mga sintomas na ito ay makapagpapahiwatig na
ang atake sa utak ay nangyari na at isang agarang medikal na atensyon ang kinakailangan.

Mga Elemento ng Panganib
Ang pinakamahalagang elemento ng panganib ng atake sa utak ay mataas na presyon
ng dugo, sakit sa puso, dyabetis, at paninigarilyo. Ang iba naman ay dala ng labis na pag-inom
ng alak, mataas na kolesterol, paggamit ng bawal na gamot, mga sakit dulot ng henetika o mga
kondisyon sa pagkabata, lalung-lalo na an mga abnormal na kundisyon sa dugo.

Madaliang Paggaling
Sa mga di malamang dahilan, kusang pinupunan ng utak ang pinsalang sanhi ng atake
sa utak. Maaaring ang ilang selula ng utak ay pansamantalang napinsala, pero di namatay, at
maaaring makapagpatuloy ng tungkulin nito. Sa ibang mga sitwasyon, maaaring isaayos ng
utak ang sarili nitong pagganap. Minsan naman, pinatatakbo ng isang rehiyon ng utak ang
bahaging napinsala ng atake sa utak. Ang mga nakaligtas sa atake sa utak ay nakararanas ng
di-inaasahan at kapansin-pansing paggaling na hindi rin kayang maipaliwanag sa ilang
pagkakataon.

Pinakikita ng pangkalahatang paggaling na:

tinatalang 10% ng mga nakaligtas sa atake sa utak ay nakaranas ng halos lubusang paggaling
tinatalang 25% ang gumaling na may konting kapansanan
tinatalang 40% ang nakaranas ng katamtaman hanggang malubhang kapansanang
nangangailangan ng espesyal na pag-aalaga
tinatalang 10% ang nangangailangan ng pag-aalaga sa isang institusyon o lugar na may
pasilidad para sa mas mahabang pag-aalaga
tinatalang 15% ang namatay agad pagkatapos ng atake sa utak

Pagpapagaling
Ang pagpapagaling ay nagsisimula sa ospital agad-agad pagkatapos ng atake sa utak.
Sa mga pasyenteng maganda ang kondisyon, nagsisimula ang pagpapagaling sa loob ng 2
araw pagkatapos mangyari ang atake sa utak at kailangang ipagpatuloy hanggang
kinakailangan pagkalabas ng ospital. Kabilang sa mga opsyon ng pagpapagaling ay ang mga
sumusunod: ang rehab unit ng ospital, lugar na nagbibigay ng subacute care, isang
espesyalistang ospital, terapyutika sa tahanan, pangangalaga sa labas ng ospital, o
mahabaang panahon ng pag-aalaga sa isang nakabantay na nars.

Ang layunin sa pagpapagaling ay upang pagbutihin ang kilos ng isang biktima ng atake
sa utak at matutong umasa sa sarili habang maaari. Ito ay kinakailangan gawin sa paraan na
maalagaan ang dignidad ng pasyente habang tinutulungan siyang matutunan ang mga
pangunahing kakayahan na naapektuhan ng atake sa puso, tulad ng pagsuporta sa sarili sa
pagkain, pagdadamit, paglalakad, at iba pa.

Bagaman ang atake sa utak ay karamdamang dala ng karamdaman ng utak,
naaapektuhan nito ang buong katawan. Ilan sa mga kapansanang dulot ng atake sa utak ay
pagkaparalisa, kakulangan sa pang-unawa, paghihirap sa pananalita, problema sa emosyon,
problema sa pang-araw-araw na pamumuhay, at kirot.

Ang atake sa utak ay maaari ring makapagdulot ng problema sa pag-iisip, kamalayan,
atensyon, kaalaman, panghuhusga at alaala o memoriya. Maaaring hindi namamalayan ng
isang pasyente ng atake sa utak ang nangyayari sa kanyang kapaligiran, o hindi mamalayan
ang mga mental na pagkukulang na maidudulot nito.

Madalas na nagkakaroon ng problema sa pang-unawa o sa pagbuo ng salita ang mga
biktima ng atake sa utak. Ito ang karaniwang resulta kung ang temporal at parietal na liha sa
kaliwang panig ng utak ang napinsala.

Maaaring humantong sa problemang emosyon ang atake sa utak. Nahihirapang pigilan
ng isang biktima ng atake sa utak ang kanyang emosyon o maaari din magpahiwatig ng maling
emosyon sa ilang sitwasyon. Isang karaniwang kapansanan na nangyayari sa maraming
biktima ng atake sa utak ay ang depresyon - ito ay higit pa sa karaniwang kalungkutang sanhi
ng atake sa utak.

Maaaring makaranas ng kirot ang mga biktima ng atake sa utak, di maginhawang
pamamanhid, o kakaibang pakiramdam pagkatapos ng atake. Ang mga pakiramdam na ito ay
karaniwang dulot ng maraming bagay tulad ng pinsala sa mga ng utak na pinagmumulan ng
sensasyon, pagtigas ng mga kasu-kasuan, o napinsalang bisig o paa.
Ayon sa National Stroke Assocation, ang kabuuang gastos ng atake sa puso sa U.S. ay
umaabot sa $43 bilyon sa isang taon, na may direktang halaga para sa tulong medikal at
terapiya na tinataya sa $28 bilyon sa isang taon.

You might also like