You are on page 1of 1

Colene Arcaina | 100254 | PH104 I

Kung mayroong isang tauhan sa pelikulang On the Job na makapagpapaalala sa akin paano lumaban para sa
mabuti, sasabihin kong si Atty. Francis Coronel, Jr. iyon. Anak siya ng pumanaw na Francis Coronel, Sr., isang
prominenteng pangalan sa militar. Siyay nag-aral sa Philippine Miltary Academy at nakamit niya ang pinakamataas
na karangalan sa kanyang pagtatapos at kanyang nakilala at napangasawa si Nikki, ang anak ng isa sa mga
pangunahing pangalan sa politika na kanya ring ituturing na ama. Makikita sa isa sa mga unang eksena sa pelikula
na ipakilala siya ng kanyang biyenan kay General Pacheco at ilan pang mga pinunong militar. Sa pagnanais ng
kanyang biyenan na bigyan si Francis ng posisyon sa gobyerno, habang pinatatatag nila, kasama si General Pacheco
na tumatakbo para sa senado, ang kanilang kapit ng kapangyarihan sa bansa, ilalakad para kay Francis ang isang
kasong kukunin niya mula kay Joaquin Acosta. Isa itong kasong may kinalaman sa ilegal na negosyo nina General
Pacheco na pagbabayad ng mga preso, tulad nina Daniel at Tatang, upang magpapatay at magligpit ng kanilang mga
kaaway. Sa maraming pagkakataon ay mahaharap si Francis sa isang tunggalian sa pagitan ng kanyang tungkulin
sa bansa at sa kanyang katapatan at pagpapahalaga sa ugnayan nila ng kanyang biyenang tinuring niyang ama na
kaakibat din ng ugnayan niya kay Nikki na kanyang asawa mananahimik ba siya at aanib sa pangkat ng kanyang
biyenan at ni General Pacheco o ibubunyag niya ang ilegal na negosyo ni General Pacheco kahit madamay ang
kanyang biyenan, at mapahamak niya ang kanyang sarili? Sa huli ay pumanaw si Francis bago pa man mailabas sa
media ang ebidensyang nakuha niya. Ipinapatay siya. Namatay siyang lumalaban para sa mabuting ayon sa
tungkulin niya.
Kung tutuusin, mas madali at marahil ay mas matalinong hakbang ang umanib muna sa pangkat nina
General Pacheco. Hindi niya kailangang alalahanin ang ugnayan nila ng kanyang biyenan at nila ni Nikki, at marahil
ay mas napasakamay niya pa ang kapangyarihang kailangan niya upang tuluyang labanan ang heneral at buong
militar. Sa kabila ng lahat ng kanyang koneksyon at potensyal para sa ganitong klaseng kapangyarihan, pinili niya
pa ring talikdan ito at ipinaglaban niya ang ngayon. Nang pinuntahan niya sina General Pacheco upang
magmukhang umanib na siya sa kanila, ngunit sa totooy balak niya lamang kumuha ng ebidensya, tanong ko noon
sa sarili ko, hindi ba katangahan ito? Kinailangan bang noong gabing iyon niya kinuha yung recording bilang
ebidensya? O kayay anong uri ng tapang ang naisilang sa kanya upang gawin iyon?
Maaalala natin sa isa pang bahagi ng pelikula nang mapagtanto rin ni Francis ang katotohanan sa
pagkamatay ng kanyang ama, na ipinapatay siya dahil sa pagtatangka rin nitong bumaliktad mula sa kalakaran noon
sa militar. Dito niya marahil nahugot ang tapang, ang tapang mula sa bukal ng pagmamahal niya sa kanyang amang
lumaban at umasa rin para sa kabutihan. Maaalala rin natin na sa bandang huli ay madalas nang si Joaquin Acosta
rin ang kasama niya upang matapos ang kasong ibinigay sa kanya. Noong gabing magkasama si Acosta at Coronel
ay nabanggit ni Acosta na baka bukas Presidente na yang Pacheco na yan! Mga salita ni Acosta ang nag-udyok
kay Coronel upang lumaban noong gabi ring iyon, na lumaban ngayon, na hindi iyon isang laban na
ipinagpapabukas o basta lang ipinagpapaliban. Kay Acosta niya nalaman ang katotohanan sa pagkamatay ng
kanyang ama, at kay Acosta rin niya natagpuan ang isa pang uri ng bukal ng pagmamahal sa kabutihan. Dito niya
marahil nahugot ang tapang, ang tapang mula sa dalisay na pag-asang nananalaytay sa kapwa niyang kahit kailan ay
hindi nabigyan ng mataas na posisyon sa kapulisan kahit gaano pa siya kahusay sa kanyang tungkulin. Na kahit wala
talaga siyang pangalan, siyay tapat sa tunay niyang serbisyo sa lipunan. Para kay Francis Coronel, marahil ay
mayroon ngang pagmamahal at pag-asang humihigit sa kahit anong pag-aalinlangan at takot na matawag na tangang
lumalaban.
Sa pagtatayang ginawa ni Coronel sa kasalukuyan ay isang pangakong hindi niya pinabayaang may isa,
dalawa, o higit pang pamilya ang magdurusa sa sakit na pagpapapatay na ginagawa nina Pacheco, na hindi niya
hahayaang mapunta ang buong bayan sa pamamahala ng isang tulad ni General Pacheco.
Kaya marahil si Francis Coronel ang napili kong isulat. Bilang isang taong madaling madala sa bugso ng
damdamin, madalas kong tanungin ang aking sarili, paano nga ba maging tunay na matapang? Ano ang mga labang
kailangan kong ipaglaban? Anong saysay? Anong kahulugan? Saan kukunin ang tapang? At kung masabi ko mang
matapang akong lumalaban, mayroon din bang tapang upang sumuko at malaman kung kailang wala naman
talagang laban?
Nang matapos kong panoorin ang pelikulang On the Job, mas umaalab yata ang pagkabagabag ko ukol sa
mga pangyayari kaysa sa pagkamangha ko sa pagkakagawa ng pelikula. Oo, maganda nag kaledad, ang kwento, ang
mga linya, ang pagluha, at sobrang totoo ng galit, at pagkamuhi mula sa mga tauhan. Subalit sa kabila ng sining at
pagkakagawa ng pelikula, may isang katotohanang nakakatakot, nakakaduwag, nakakapanghina, at napakabigat.
Ito ang nanalaytay sa pusot isipan ni Francis Coronel, Jr. Nang kanyang tinanggap at pinagpasiyahang
isakripisyo ang ugnayan nilang magbiyenan, at pati ang kanyang sariling buhay alang-alang sa nakahihigit niyang
tungkulin sa tawag ng kabutihan ay isinilang at naisabuhay ang tapang na kakambal ng pagmamahal at pag-asa. Sa
katauhan ni Francis Coronel ko napagtanto ang tawag ng isang mapangahas na paghamon sa katapangang mayroon
ako. At sa patuloy kong pagtatanong at paghamon ditoy siya ring nais kong panggalingan ng lahat ng mga pasiya
ko para sa kabutihan isang pasiyang bunga ng pagtatanong, paghamon sa katapangan ko, pagmamahal, at pag-asa,
pag-asang hindi ako nag-iisang lumalaban, nagtatanong, humahamon, at nagmamahal alang-alang sa kabutihan.

You might also like