You are on page 1of 5

Chua, Marc Harold A.

Nobyembre 5, 2012
B7 Filipino 10
Wikay Isambit, Layay Makakamit
Pamagat
Nakangiti subalit may luhang nakadampi, may kasuotan ngunit bahag at nilalamig,
nakabubuka ang bibig datapwat walang tinig na hinihimig itoy ilan lamang sa maaaring
paglarawan sa ating bayan. Bayan na nakamit na raw ang kasarinlan, matagal na panahon na ang
nakalilipas. Tunay nga namang nakagagalaw na tayo ng walang dikta ng iba at wala na ring
taling nakakabit sa ating mga bisig at hita na tila ba manyika o bulag na tagasunod, ngunit ito
bang ating kalagayan ay maituturing na pagiging malaya na? Alin mang pagtakip sa tunay na
katayuan ng ating inang bayan ang gawin, kailanmay hindi nito maikukubli ang katotohanang
kaniyang sinasapit. Masakit mang tanggapin, lingid sa kaalaman ng iba, tayoy nakagapos pa rin
sa mahigpit na tali ng mga ilustrado, ng mga makapangyarihan at maimpluwensya. Subalit, ano
ba ang taling ito paniniwala, kaugalian, tradisyon o hindi kaya, ang mismong wika? At sino ba
ang dapat nating sisihin? Sila bang mga nanakop at yumurak sa ating pagkataot nakagisnang
kulturat wika? Maaari, subalit ikintal natin sa ating isipan na tayoy may sari-sariling isip upang
piliin ang daang ating tatahakin. Nakalulungkot ang katotohanang, kaya naman nating magpasya
sa isang bagay, ngunit mas ginusto ng karamihan na mapanghawakan sila ng kamay ng iba.
Mapalad pa nga ang mga bulag, datapwat hindi nila nasisilayan ang mga umaapi sa kanila, ito
namay kanilang nadarama. Hindi tulad ng karamihan sa mga may paningin, namamasdan na nga
nila ang pagsakal at unti-unting pagkitil sa kanilang kaluluwa, manhid pa rin sila. Kaluluwang
nasa atin na hindi pa tayo ipinanganganak, kaluluwang nakaukit na sa ating kamalayan at
kaluluwang sa ngayoy itinatakwil na ng iba. Wika tama!, ang Filipino ang ating kaluluwa,
itoy matagal nang nanalantay sa atin subalit ating ipinagwawalang-bahala. Bakit? dahil ba itoy
mas mababa kung ikukumpara sa wikang ingles para sa paningin ng iba? Ito ang punot dulo ng
hindi natin pagiging malaya. Ito ang dahilan ng pagluha ng ating ina, ang siyang dahan-dahang
pumapatay sa kaunting pag-asa na mayroon ang bansa. Filipino? Filipino! Wika ang
magsisilbing susi sa posas na iginapos ng mga dayo sa atin. Ngunit ano o sino nga ba ang
palalayain ng wika?
Salita rito, sambit diyan sa araw-araw, hindi mawawala sa ating pandinig ang mga
taong nagsasalita upang maunawaan ng iba ang kanilang nais iparating. Ito ang nagiging paraan
ng palitan ng hinaing at kuro-kuro o palagay ng isa patungo sa iba. Subalit, saglit lamang, ano
ang mga ito? Hey, long time no see! I like her! Oh well, see you next term. Tila yata mas marami
na ang nakagisnang magsalita sa salitang ingles kumpara sa salitang Filipino. Hindi ba, mga
Pilipino tayo? Mula sa payak na pagsabi ng Hello at Good Morning, hanggang sa pamamaalam
gamit ang katagang Goodbye, Nasaan ang pagka-pilipino roon? Hindi masama ang matuto ng
ibang wika, pero teka, hindi ba lumalabis na yata tayo riyan? Tunay nga namang may galamay
pa ring naiwan ang mga amerikano sa ating pamumuhay at ito ang pagsasalita sa ingles wikang
itinuturing na makapangyarihan sa lahat ng wika. Bakit nga ba nagkaganito? Bakit tila yata
sinasamba na ng mg pilipino ang wikang Ingles at kalimitan na lamang nating marinig ang
wikang Filipino na ginagamit, madalas na lang sa mga pahayagan, balita sa telebisyon at sa mga
maestrot maestra ng wika na siyang nagkukusang palo upang muling manumbalik ang sigla
nito. Kung ating hahalukayin ang nakaraan, noong panahon ng amerikano kung kailan binili nila
ang Pilipinas mula sa mga Kastila, ang naging hinuha ng mga pilipino ay sila ang mga bayani at
dapat silang tularan. Lalo itong tumindi nang bumalik si Heneral MacArthur na nakilala sa
sinambit nitong I shall return! na siyang tinupad naman niya sa pagsagip sa bansa mula sa mga
Hapon. Dahil sa mga pangyayaring ito, tumaas pa lalo ang paningin ng mga pilipino sa mga
amerikano kayat inakala nilang ang pagtulad sa wikang kanilang sinasambit ay isang hakbang
upang maging mataas sila sa iba. Nang makalaya ang bansa sa hawak ng mga mananakop,
patuloy na nanatili ang kaisipang ito sa karamihan, bagamatt may ilang sumubok na bigyang
katapusan ito sa pamamagitan ng pagtatatag ng wikang para lamang sa mga pilipino. Kahit na
napakaraming tao ang nag-ibayo upang mapalawig ang paggamit ng wika na siyang
naghihiwalay sa Pilipinas at sa ibang bansa, at nagsisilbing pagkakilanlan, nanatili haggang sa
kasalukuyan ang kaisipang: kung may dunong ka sa pakikipagtalastasan sa wikang ingles ay
magaling at matalino ka,. Kung nais nating makamit ang tunay na kalayaan, marapat lamang na
ang dapat nating bigyan ng halaga ay ang ating sariling wika at hindi ang sa iba. Ngunit, hindi ito
ang kasalukuyang nakikita sa ating bansa na hindi pa nga talaga maituturing na malaya.
Halimbawa na lamang ay ang ginawang sarbey ng isang kilalang pangkat na nagngangalang
GlobalEnglish Corporation na binansagang Worlds best country in business English ang
Pilipinas na nalamangan pa ang bansang Amerika sa taguring iyon. Hindi lang ito ang hawak ng
bansa, ayon din sa ibang sarbey, ang Pilipinas ang ikatlo sa bansang maraming nagsasalita sa
wikang ingles kasunod ng Amerika at Britanya. Nakakatutuwa mang isipin ang mga papuri, para
bang may nakakaligtaan naman tayo. Nakalimutan nating hindi naman ito ang ating sariling
wika, ang wikang Filipino na siyang dumadaloy sa ating mga pagkatao. Kasarinlan, kalayaan,
pagkamalaya sa lagay ng ating bayan, atin lamang itong makakamit kung ating pag-iibayuhing
pahalagahan ang Filipino. Bigyang halaga ito, hindi lamang sa pag-aaral ng kayarian at balarila,
kung hindi sa pamamagitan din ng pakikipagtalastasan sa wikang Filipino sa araw-araw nating
buhay. Sa kabilang dako, hindi naman nito nais mawalan tayo ng kaalaman sa ibang wika. Atin
na lamang parisan ang ginawa ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal na isang
polyglot o isang taong maraming nalalamang wika. Bagamat dalubhasa siya sa dalawamput
dalawang wika sa buong mundo noong panahon niya, pinahahalagahan niya pa rin ang wika ng
baying kaniyang nagisnan. Hindi ba sa kaniya nagmula ang mga katagang, Ang hindi
magmahal sa kanyang salita, mahigit sa hayop at malansang isda.
Hindi lamang ang ating bayan ang lumalaya sa pagsambit ng Filipino, maging ang ating
pag-iisip ay nakakalagan din. Itoy tulad ng isang ibong nakakulong sa isang hawla, kapagka
pinakawalan ay nakalilipad ng lubhang tayog. Halibawa, ikay tinawag ng iyong gurot
pinalarawan sa iyo ang isang bagay sa wikang ingles. Kung ang wikang iyong nakagisnan ay
Filipino, mahihirapan kang gawin ang ipinagagawa ng iyong guro, hindi ba? Subalit, kung itoy
ipinalarawan sa iyo gamit ang wikang Filipino, dibat mas malinaw at tiyak ang iyong
paglalarawan. Nabibigyan ng mas maluwag na isipan ang paggamit ng wikang gamit mo simula
nang bata ka pa. Nagiging malaya ang isipan na magdilidili ng mga salitang sasambitin,
makaunawa at makipagtalastasan sa kaniyang ganap na kakayahan. Oo nga naman! Bilang
pilipino, mas nakakaunawa tayo ng mga bagay-bagay na nasa wikang Filipino. Maaring
halimbawa riyan ay ang panonood ng pelikula. Kung ang pelikula ay nasa wikang ingles,
karamihan sa mga pilipino ay hindi mauunawaan ang kabuuan ng kwento o hindi kaya; kapag
nagbiro o nagpatawa ang isang tauhan, mabagal itong maintindihan ng mga pilipinong
manonood. Sa kabilang banda, kahit ano mang pelikula ang panoorin ng isang pilipino, hanggat
itoy nasa wikang Filipino, nauunawaan niya ito ng buo at kahit ano mang pagpapatawa ang
sabihin ng tauhan, makukuha niya agad-agad ang mga ito. Labis din tayo kung makapagpahayag
ng saloobin, kuro-kuro o opinyon kung gamit natin ang ating wika. Sa positibong perspektibo,
may salikmata o tila nawawala ang pader na naglilimita sa kapasidad ng ating utak. Higit sa
lahat, sa pagsalita sa wikang Filipino, mas alam natin ang mga salitang lumalabas sa ating bibig
o di kaya ay naisususulat ng ating mga kamay.
Ang isang bansa ay hindi maituturing na bansa kung wala itong sariling wika. Hindi ito
maihihiwalay ninuman, itoy kusang dumadaloy sa bawat sulok ng isang bansa, mula sa mga
eskinita, kalye hanggang sa mga paaralan. Sa madaling salita, ang bansang Pilipinas at wikang
Filipino ay iisa. Hindi maituturing na malaya ang bansa hanggat hindi nito napapalaya ang
sariling wika. Ang pagiging malaya ay hindi lamang sa pisikal na aspeto, itoy tumatawid sa
aspetong hindi nasisilayan ng mata. Bagaman makalaya ito sa mga mananakop na dayo o
makamit ang kasarinlan mula sa mga oras ng kaguluhan, hindi pa rin ito maituturing na ganap na
kalayaan. Subalit, ang tunay na kalayaan sa isip at sarili ay makakamit sa pagpapalaya sa wika.
Ang pagpapalaya ng wika ay pagpapalaya ng bansa. Itoy nagsisilbing antipara na nagpapalinaw
ng kalayaang pinalabo ng hindi paggamit ng sariling wika. Malayang pag-iisip, malayang sarili
malayang bayan. Ipagkait mo ang kayamanan sa isang bansa, bansa pa rin itong maituturing.
Ipagkait mo ang wikang kanilang sinasambit, itoy hindi na malayang bansa. Ayon nga kay
Patrocinio V. Villafuerte, isang kilalang manunulat ng mga piyesa sa sabayang pagbigkas sa
wikang Filipino, Isang diwa ang nagpasya, isang wika ang ginamit wikang Filipino! Wikang
maka-Diyos, makabayan, makatao.wikang naglalagos sa isipang makabansa, wikang nanunuot sa
damdaming makalupa. Ang pagsambit sa wika ay parang paghiyaw ng mga katagang, Malaya
na ako!

You might also like