You are on page 1of 5

Isabelle Dominique S.

Cabazor
2013-13543
May 12, 2014
Filipino 40 X3-B

Ang Aklan ay isa sa apat na probinsiyang bumubuo sa isla ng Panay. Ayon sa
tala ni Pedro Monteclaro, naglayag ang sampung datung taga-Borneo upang
makatakas sa mapang-abusong pamamahala ng hari ng Borneo na si Sultan
Makatunaw. Pagkatungtong sa pampang ng Ilog Sirwakan (nasa Iloilo),
nakipagkaibigan ang mga datu sa pinuno ng mga Aetang naninirahan sa isla.
Napagkasunduan ng dalawang panig na ibigay sa mga taga-Borneo ang isla kapalit ng
pagbibigay ng ibat ibang regalo, tulad ng mga kagamitang gawa sa ginto at makukulay
na damit, sa mga Aeta. Nagkaroon ng pista upang ipagtibay ang kasunduan at itoy
ginugunita bawat taon sa isla. Nang magsimulang manirahan ang mga Aeta sa
kabundukan bilang pagtupad sa kasunduan, ipinagpatuloy ng mga taga-Borneo and
pagdiriwang ng pista sa kapatagan sa pamamagitan ng pagpahid ng abo sa kanilang
balat upang magmukhang Aeta. Nang lumaon, tinawag na Ati-Atihan ang pistang ito
sapagkat nagpapanggap na mga Aeta ang mga nagsisipaggunita nito. Pinangalanang
Madya-as ng mga taga-Borneo ang isla at hinati ito sa tatlong sakup: ang Aklan at
Capiz sa pamamahala ni Datu Bangkaya, ang Irong-Irong (Iloilo) kay Datu Paiburong, at
Hamtik (Antique) kay Datu Sumakwel. Sa pagdating ng mga Kastila, pinangalanan
nilang Islas de los Pintados ang isla ng Panay dahil sa mga tatu sa katawan ng mga
naninirahan dito. Ang kasalukuyang pangalan na Aklan ay pinaniniwalaang nanggaling
sa Akean, isang ilog. Tinanong diumano ng mga Kastila ang pangalan ng rehiyon sa
isang nangingisda sa nasabing ilog at akala nitoy itinatanong sa kanya ang pangalan
ng ilog. Aklanon ang pangunahing sinasalita ng mga taga-Aklan. Sa Aklanon,
pinapalitan ng tunog e ang tunogl sapagkat pinaniniwalaang hindi mabigkas ni Datu
Bangkaya, ang unang pinuno ng Aklan (at Capiz), ang tunog na l, kaya naging Aklan
ang pangalan ng probinsiya mula sa Akean.
Sa kasalukuyan, ganap ng magkahiwalay ang probinsiya ng Capiz and Aklan. Ito
ay bunga ng maraming pagtatangka na paghiwalayin ang dalawang probinsiya. Dito
nagtagumpay si Congressman Godofredo P. Ramos na nagpasa ng House Bill No. 334
na pinirmahan ni Pangulong Ramon Magsaysay at naging Republic Act No. 1414 na
nagtatakda ng paghihiwalay ng Capiz at Aklan noong Abril 25, 1956. Dahil sa ginawang
ito ni Godofredo P. Ramos, tinagurian siyang Ama ng Aklan at naging gobernador ng
Aklan noong 1959.

Ang probinsiya ng Aklan ay binubuo ng 17 na bayan: Altavas (binubuo ng 14 na
barangay), Balete (binubuo ng 10 barangay), Banga (binubuo ng 30 barangay), Batan
(binubuo ng 20 barangay), Buruanga (binubuo ng 15 barangay), Ibajay (binubuo ng 35
barangay), Kalibo (binubuo ng 16 na barangay), Lezo (binubuo ng 12 barangay),
Libacao (binubuo ng 24 na barangay), Madalag (binubuo ng 25 barangay), Makato
(binubuo ng 18 barangay), Malay (binubuo ng 17 barangay), Malinao (binubuo ng 23
barangay), Nabas (binubuo ng 20 barangay), New Washington (binubuo ng 16 na
barangay), Numancia (binubuo ng 17 barangay), at Tangalan (binubouo ng 15
barangay). Ang datos na ito ay ayon sa 2010 Census Population and Housing ng
National Statistics Office.

Apat ang pangunahing wikang sinasalita sa probinsiya: Ingles, Filipino, Ilonggo,
at Aklanon. Sa apat na ito, Aklanon ang sinasalita ng karamihan ng mga naninirahan sa
Aklan. Ito ay miyembro ng Malayo-Polynesiang pamilya ng mga wika. Malaki ang
pagkakatulad ng Aklanon sa wikang Kinaray-a at Kuyonon na mga wika sa Kanlurang
Visayas. Sa aking pagsasaliksik, walang naibabanggit na suliraning pangwika sa
probinsiya.

Ang pinakatanyag na atraksyon sa Aklan ay ang isla ng Boracay. Ito ay
matatagpuan sa bayan ng Malay, Aklan. Tanyag ang Boracay dahil sa dami ng mga
magagandang beaches sa isla tulad ng: Yapak, Puka, Ballinghai, at White Beach. Ang
mala-pulbos na buhangin at malinaw na tubig-dagat ang nakahihimok sa marami na
tumungo sa isla. Maraming turista mula sa loob at labas ng bansa ang bumibisita dito
lalo na tuwing panahon ng tag-init. Hinirang itong pangalawa sa pinakamagandang isla
sa buong mundo ng magasing, Travel + Leisure na nakabase sa Estados Unidos.
Nagsimulang makilala ang Boracay dahil sa mga turistang Aleman na bumisita at
nagpasikat sa isla noong 1970s. Magmula noon naging tuloy-tuloy ang pagpapatayo ng
mga imprastruktura sa lugar upang mapaunlad ang turismo sa probinsiya. Noong taong
1980, mga 14,000 na turista ang bumibisita sa isla. Biglang tumaas ang bilang na ito
kasama ng pagtaas ng popularidad ng isla. Umakyat sa 163,000 ang bilang ng turistang
bumisita noong taong 1996 at tumuntong sa 556,000 at 1.206 milyon noong mga taong
2006 at 2012 (Tomioka). Dahil sa pagdami ng gawain ng tao sa isla, dumami rin ang
duming napupunta sa dagat at nakaaapekto na ito sa buhay ng mga organismong
naninirahan sa dagat tulad ng mga koral. Ang dumadaming basura sa isla na
napupunta at nagpaparumi sa dagat ay dulot ng kapabayaan ng mga tao. Ang mga
tubong dapat dinadaluyan ng ulan ay nagkakaroon ng mapanghing amoy dahil
mayroong mga naninirahan sa isla na kumokonekta sa mga tubong ito at ginagamit
itong kanal upang makabawas sa mga gastusin sa tubig. Ang mga tubong ito ay
lumalabas sa dagat kaya kung gagamitin itong kanal, mapupunta sa dagat ang mga
duming galing sa mga bahay at komersyal na istablisimiyento sa isla. Ang mga basura
ay nakakasagabal sa photosynthesis (proseso ng paghinga ng mga halaman at algae).
Ang algae ang nagsusuplay ng oxygen upang mabuhay ang mga koral sa ilalim ng
dagat. Nagiging sanhi ito ng pagkamatay ng mga korals. Ayon sa mga eksperto,
napapabilis ng gawain ng mga tao ang beach erosion sa isla na nagiging sanhi ng
pagkamatay din ng napakaraming korals at ng matinding pagtaas ng tubig sa isla
tuwing high tide. Ang beach erosion o tinatawag ding coasal erosion ay nangyayari
kapag natatangay ng mga alon ang mga buhangin sa pampang. Nagdudulot ito ng
pagnipis ng dalampasigan na nagiging sanhi ng matinding pagtaas ng tubig tuwing high
tide. Bagamat normal itong nangyayari sa lahat ng dalampasigan sa mundo, hindi ito
kasing-bilis at nagdudulot ng napakabilis na pagtaas ng tubig tuwing high tide.
Pinaniniwalaan ng mga eksperto na napapabilis ng pag-unlad ng turismo ang erosyon
sa isla. Ayon kay Kazuo Nadoaka, isang propesor at ispesyalista sa Tokyo Institute of
Technology, lumalala ang erosyon sa Boracay dahil sa pagkasira ng mga koral. Ang
mga koral ang nagsisilbing ankla upang hindi masyadong matangay ng alon ang
buhangin sa pampang. Dahil sa mas maraming buhanging natatangay ng dagat, hindi
naaarawan ang mga koral at nasisira ang mga ito. Ang panghihina at pagkasira ng mga
koral ay nagdudulot ng pagkabawas sa buhangin na napupunta sa dalampasigan ng
isla. Ang pagkabawas sa buhangin ay nagpapalala sa erosyon ng mga dalampasigan
sa isla. Ayon kay Miguel Forbes, propesor ng marine ecology sa Unibersidad ng
Pilipinas, mayroong 75 porsyento ng dagat sa Boracay ang may koral noong 1990,
ngunit noong 2010 lima hanggang sampung porsyento na lamang ng dagat sa Boracay
ang may koral. Kapag nagtuloy-tuloy ang walang pakundangang pagkakalat sa isla,
mawawala na ang dating kagandahan at kalinisang nagpasikat sa Boracay. Kasabay
nito ang pagkawala ng ikinabubuhay ng maraming local na residente hindi lamang sa
isla ng Boracay, kundi sa buong probinsiya rin ng Aklan.
























Sanggunian:

Ager, Simon. Omniglot. Omniglot Limited. 1998-2014. Web. 11 May 2014.
< http://www.omniglot.com/>
Boracaylive. TravelOnline. 2013. Web. 11 May 2014. <http://boracaylive.com/>.
Monteclaro, Pedro A. Maragtas. Iloilo: El Tiempo, 1907. Print.
National Statistics Office. Census of Population and Housing. Total Population by
Province, City, Municipality and Barangay as of May 1, 2010. Western Visayas:
NSO, 2010. Print.
Regalado, Felix B. and Quintin B. Franco. History of Panay. Iloilo: Central Philippine
University Press, 1973. Print.
The Official Website of Aklan Province. Provincial Government of Aklan. n.d. Web. 11
May 2014. <http://aklan.gov.ph/>.
Tomioka, Shiho. The Asahi Shimbun. The Asahi Shimbun Company. 26 Aug. 2013.
Web. 11 May 2014 <http://ajw.asahi.com>.
U.S. Geological Survey. U. S. Department of the Interior Recovery Investments. 15 Apr.
2014. Web. 11 May 2014. < http://coastal.er.usgs.gov/>.

You might also like