You are on page 1of 6

Deogracias, Farah Iman F.

2011-78714
Psychology 108: Sikolohiyang Pilipino
February 22, 2014
Ano ang Sikolohiyang Pilipino bilang teorya?
Ang tao ay naiiba sa pangkaraniwang hayop sapagkat siya ay may likas na kakayahang
makapag-isip, makaramdam, at makapagpahayag ng palagay at saloobin. Tunay na mahalaga
sa tao ang kanyang identidad sapagkat ito ang pinaghuhugutan ng kanyang pagkatao. Ito ang
nagdidikta sa kanyang mga pinipiling pang-araw-araw na gawain, aktibidad, at kilos. Ito rin ang
nagsasabi kung anong uri ng tao siya, kung anu-ano ang kanyang mga katangian at kung anuano ang kanyang mga kalakasan at kahinaan. Ang identidad ng isang tao ang nagbibigay sa
kanya ng batayan ng kanyang pang-araw-araw na buhay: makatwiran namang isipin na kung
ang tao ay walang identidad ay ano pa siya sa mundo na kanyang ginagalawan?
Ngunit kinakailangan bang may malay ang tao sa kanyang identidad para kumilos sa
mundong ito? Hindi naman. Maaari pa rin niyang ipagpatuloy ang kanyang pamumuhay kahit
hindi niya buong kilala ang kanyang sarili. Ngunit ang dahilan kung bakit nais na pag-aralan ang
identidad sapagkat mayroong mga aspeto sa kasalimuotan ng tao na hindi magdudulot ng
ikabubuti niya. Maaaring may mga negatibong pangyayari na nakaapekto sa kanya noon na
ngayon ay pailalim na nagpapahirap sa kanyang isip, diwa at katawan. Kapag ang tao ay may
alam na sa kanyang sariling pagkakakilanlan, mayroon na siyang kontrol sa mga maaaring
maganap sa buhay niya, at maaari na niyang mahanap ang mga kasagutan o solusyon sa mga
hirap at hamon ng buhay sa kanya.
Sa kabilang banda, hindi maikakaila na komplikado ang naging kasaysayan ng Pilipinas.
Napasailalim ito sa ibat-ibang lahi at dahil dito nabago ang pamumuhay at kultura ng mga
Pilipino. Sa katunayan, nagsagawa ng pag-aaral si Dr. Virgilio Enriquez ukol sa pangingibabaw
ng mga banyaga sa pamamagitan ng ibat-ibang paraan ng pagtrato sa ating kultura, o ang
tinawag niya na cultural domination. Inisa-isa ng mananaliksik ang mga anyo o phases ng
nabanggit na domination.
Una rito ang denial and withdrawal kung saan ang mga pinapahalagahan natin sa ating
kultura ay isinasawalang-bahala, sa madaling salita pinapalabas na hindi umiiral talaga sa
bansa. Tulad na lamang nang sinubukan ng mga banyaga na gumamit lamang tayo ng iisang
wika. Hinahadlangan noon ang paggamit ng ibat-ibang katutubong wika na mayroon tayo.
Naipapakita din ang pagsasawalang-bahala sa ating kultura nang sabihin nila na ang mga
palaro natin ay base sa mga isports na galing sa ibang bansa -- para mas maging tiyak -- sa
bansa nila. Ngunit ang katotohanan doon ay mayroon naman na talaga tayong larong ganoon
na binigyan lang natin ng mga panuntunan para malaro din sa ibat-ibang dako. Pati ang
pagkain ay pinasukan ng pagtatanggi; wala raw pagkaing Pilipino dahil sa mga pyesta, mga
pagkaing Intsik, Amerikano, at Kastila. Ngunit lahat ng mga ito ay sa pang-ibabaw lang may
katangian na banyaga sapagkat ang mga sangkap nito at mga pamamaraan na ginawa para
makaluto ng mga pagkaing Pilipino ay gawa ng Pilipino rin. Maliban pa rito sa mga nabanggit,
tinalakay din ang pagkaila sa katutubong batas (sapagkat nauuna ang batas na ipinapatupad ng
mga kolonyalista) at ang pagkaila sa katutubong relihiyon.
Kung may mga aspeto naman ng kulturang Pilipino ang nakaalpas sa mga pagtatanggi
ng mga banyaga, sinubukan naman itong sirain. Ito ang antas ng destruction and desecration.
Ang mga katutubong manuskrito ay sinunog, ang mga libingan ay ninanakawan diumano ng

mga kabaong na malaki ang halaga. Dahil dito ang mga kabaong ay inilagay na nakasabit sa
malaking bato. Sumunod naman na antas ang denigration and marginalization, kung saan ang
diwa, identidad at mga kaugalian ang inopensahan. Minamaliit ang medisinang Pilipino, ang
itsura ng Pilipino gayon din sa kanyang accent kung magsalita ng Ingles. Hindi rin binibigyan ng
pansin ang literatura at palabas ng mga Pilipino kapag itinatabi ito sa mga kanluraning sining.
Ang ika-apat na antas ay ang redefinition and token utilization. Kung hindi mawala sa
sistema ng kulturang Pilipino, aangkinin na lamang ang mga ito bilang sa kanila talaga
nanggaling. Maaari rin na ang isang banyagang konsepto ay isinasa-Pilipino para tanggapin
natin ang mga ito. Sa larangan ng musika, kakaunti lamang ang nalaman natin sapagkat nang
kinontrol ng mga Amerikano ang ating mga radyo ang napapatugtog lamang ay ang mga
musika nila. Nagaganap din ang redefinition tuwing ginagamit ng mga psychotherapist ang mga
ritwal at panalangin bilang anyo lamang, at hindi sakdal na ginagamit talaga sa paggagamot.
Kumbaga ay pinaniniwala lamang ang mga Pilipino na iyon ang ginagamit nila, ngunit sa ilalim
ng mga ito ang pinapairal nila ay ang mga paggamot sa paraan nila.
Ang mga huling antas ay ang transformation and mainstreaming at ang
commercialization and commodification. Kasama rito ang pagsasamantala sa mga katutubo
natin na may karamdaman na humahanap ng makakagamot sa kanila. Ang sinasabi ng
sikolohista ay kailangan niya uminom ng gamot para mapaniwala na ang sakit ng Pilipino ay
pangkatawan lamang, kahit ito ay problema sa mentalidad ng tao. Kumbaga sa paraan na ito
nagkakaroon ng placebo effect. Sa isa pang-usapin, pinagkakakitaan ang mga katutubong
halaman na mahahanap sa Pilipinas. Ang mga ito ay nagiging mahal at sa kasamaang-palad ay
ang mga Pilipino na umaani nitong mga halaman na ito ay hindi kayang mabili o ma-afford ang
mga ito. Ang pinakamalubhang nagawa ay ang pag-patent sa mga genes na nakolekta mula sa
mga katutubo.
Dahil sa lahat ng pinagdaanang antas ng cultural domination ng mga Pilipino,
masasabing ngayon hindi maiiwasan na mayroon pa ring pagkalito sa kung ano talaga ang ibig
sabihin ng pagiging isang Pilipino. Ang mga kaisipan na napasa na mula sa isang henerasyon
papunta sa isa ay kumabit na sa ating diwa. Sa isang pag-aaral, napag-alamanan na ang
pagiging Pilipino ay isang usapin na malimit mabigyan ng angkop na pagsusuri. Marahil ito ay
kumbaga natural na o sa madaling salita ay taken for granted. Ngunit paano nga ba makikilala
na ang isang indibidwal ay Pilipino?
Sa nabanggit na pag-aaral, importante sa mga naging kalahok ang matangi ang ingroup o mga nasa loob sa mga out-group o mga nasa labas. Nasusukat ang mga ito sa
pamamagitan ng tatlong dimensyon: ang pinagmulan, kinalakhan, at kamalayan (Yacat, 2005).
Ngunit mayroong pansariling pagkiling ang mga kalahok kung alin sa mga dimensyon ang
pinakamahalaga. Ang kanilang pagpili ay depende sa kung saan sila sa Pilipinas nanggaling.
Halimbawa, ang mga taga-Maynila ay nagbigay kahalagahan sa kamalayan, sapagkat ang
Maynila ay maituturing na isang sentro ng kalakalan (kapansin-pansin ang ibat-ibang
impluwensya ng dayuhan sa lungsod). Makikita ang diperensya sa dalawang grupo: ang mga
Kristiyanong taga-Mindanao at ang mga Muslim na taga-Mindanao. Para sa nauna, ang
kanilang pinahahalagahang dimensyon ay ang kinalakhan dahil itinuturing nilang importante
ang pagsasagawa nila ng mga kasanayang Pilipino (o kulturang Pilipino mismo). Para naman
sa mga Muslim nating kababayan, higit nilang itinuturing na tampok sa mga dimensyon ang
pinagmulan. Ang aspetong binibigyan nila ng pansin ay ang pagiging mamamayan ng Pilipinas,
sapagkat ang kanilang kultura ay halos ganap na naiiba sa karamihan (pagkakaiba sa
relihiyon).

Maliban sa loob-at-labas na pagtingin sa pagiging Pilipino, mayroon din naman ang


babaw at lalim. Ang babaw at lalim ay tinaguriang isang sukat ng integrasyon ng indibidwal sa
loob. May dalawang lebel ito: maaaring Pilipino sa pangalan (mababaw) o Pilipino sa puso
(malalim) ang pagka-integra ng isang indibidwal sa loob. Nasasabi na nasa isang lebel ang
isang Pilipino kung pagmamasdan hindi lamang ang kanyang mga salita kundi pati ang
kanyang mga galaw. Ang pag-galaw na kinikilalang Pilipino sa pangalan ay ang pagkilala at
pagtanggap sa sarili bilang isang Pilipino. Sa kabilang dako, ang mga pag-galaw na kinikilalang
na Pilipino sa puso ay ang (1) taas-noong pagmamalaki na siya ay isang Pilipino, kasama na
rito ang pagtanggap niya sa kanyang kapwa Pilipino, (2) pagkakaroon ng damdamin at
pagdamay sa kapwa niyang Pilipino, at ang (3) pagiging aktibong kalahok sa mga usaping may
kinalaman sa pagiging Pilipino.
Ang mga nabanggit ay naglalarawan sa kung paano binibigyan ng kahulugan ng isang
indibidwal ang pagiging Pilipino. Ngunit mahalaga rin naman na mapagaralan lalo na sa
usaping identidad kung paano nilalarawan ng isang Pilipino ang kanyang sarili, at hindi lang
base sa mga aspetong kung ano ang mga nagpapatunay na Pilipino siya kundi pati na rin kung
ano rin ang kanyang mga katangian. Sa isang pag-aaral ni Sta. Maria (1999), may mga
representasyon ang Pilipino sa kanyang sarili o self. Ayon sa kanya, ang mga katangian na ito
ay nahuhugot mula sa kulturang kinabibilangan ng indibidwal. Dahil ang kilos ng isang tao ay
batay sa kanyang mga karanasan, ang mga kilos niya rin samakatuwid ang nagiging repleksyon
kumbaga ng kulturang sumasaklaw sa kaniya. Sa pag-aaral na ito makikita natin sa isang
perspektibo ang bahid ng kulturang Pilipino, upang mabigyan pa ng konteksto ang ating mga
pagsusuri.
Binubuo ang pag-aaral ng paglalarawan sa sarili at paglalarawan sa kapwa, gamit ang
pakikipagpanayam sa mananaliksik. Nakalap ang mga datos at mula rito humila ng typology.
Kasama rito ang Simpleng Tao, Taong Masayahin, Taong May Malasakit, at ang Taong
Matapat. Ang mga ito ay nilarawang madaling lapitan, nakikinig sa saloobin ng kapwa,
masayang kasama at palakaibigan, hindi madaling magalit, matulungin, at sumusuporta sa mga
kaibigan. Ang mga ito ay Type 1. Ang Type 2 naman ang Taong Tago ang Kalooban, at ang
Taong Hayag ang Kalooban. Ang mga katangian naman ng mga taong ito ay maramdamin,
madalas mag-isip, maraming problema, takot sa kritisismo, hindi gaanong nagsasalita,
madaling nakapagpapahayag sa pamamagitan ng salita o kilos kung hindi nila gusto ang kapwa
tao, mainitin ang ulo, at nagtatago ng nararamdaman. Ang Type 3 naman ay ang Taong
Nagsusumikap. Ang taong ito ay ginagawa ang lahat para matupad ang mga pangarap,
maplano, masipag, desidido, at mainipin. Ang mga tipolohiyang ito ay nabuo sapagkat ito ang
pagtugon ng tao sa kanyang kapaligiran; ang mga nadebelop na representasyon ay maaaring
tingnan bilang isang metodo ng pakikibagay sa lipunan upang mapanatili ang magandang
relasyon sa isat-isa. Dahil naipakita ng pag-aaral na ito ang paglalarawan ng isang indibidwal
sa kanyang sarili (o sa ibang indibidwal), ang pag-aaral na ito ay isang magandang panimula sa
pag-aaral ng sikolohiyang Pilipino. Ngunit dahil sa tahasang katiyakan ng mga katangian ang
mga representasyon ay tila istrikto; maaaring may mga Pilipino na tatanggi na kabilang sila sa
isang kahon ng mga pag-aasal. Tunay na masyadong dynamic ang tao para siya ay lagyan ng
hangganan, lalo na sa aspetong pang-indibidwal na katangian. Posible na mayroong mga
overlap sa mga representasyon kung kayat hindi sapat ang pag-aaral na ito upang
mapaliwanang ang konsepto ng sarili ng mga Pilipino.
Ang mga paksang ito ay mga panimulang usapin sa sikolohiyang Pilipino. Para higit na
maintindihan ang mga susunod na talakayin, mahalagang mapag-usapan kung anu-ano ang
kabuluhan ng sikolohiya sapagkat tunay na malaki ang kinalaman nito sa ating pag-aaral. Ang
sikolohiya ay masalimuot na usapin. Nang dahil ito ay umusbong mula sa kanluran, ang mga

pangunahing kaisipan na nakapaloob rito ay maka-kanluranin rin. Kaya kung gagamitin sa


konteksto ng Pilipino, ito ay lumalaban sa interes ng tao (Jimenez, 1977). Nahahayag ang
pagkontra ng sikolohiya sa interes ng tao sa dalawang paraan: sa tatlong kaisipang
ipinapalagay nito at sa mga metodong ginagamit nito sa pananaliksik.
Ang unang ipinapalagay ng sikolohiya ay hiwalay ang tao sa kanyang paligid.
Nakaligtaan ang importanteng aspeto ng pagiging isang tao -- na may epekto ang kapaligiran
sa dito. Ang pinakamalaking aplikasyon ng ganitong maling kaisipan ay kapag nagbibigay na ng
solusyon sa problema ay nakatuon ang pansin sa indibidwal, at isinasawalang-bahala ang
kapaligiran niya na maaaring tunay na sanhi ng problema. Ang tao ay produkto ng kanyang
kapaligiran kaya makatwirang sabihin na hindi siya hiwalay sa kanyang paligid. Kaya kung may
solusyon man sa problema ng tao ay dapat parehas na isinasaalang-alang ang maaaring sanhi
dulot ng tao at ng kanyang kapaligiran.
Ang ikalawang pagpapalagay naman ng sikolohiya ay magkakasingtulad ang mga tao,
kung kayat hindi mahalaga ang ginagamit na teorya, kung saan ito galing at kung ano ang
kapanahunang pinanggalingan nito. Tunay na ito ay kamalian sapagkat ibat ibang kultura ang
sumasakop sa bawat lugar at panahon ng kasaysayan. Hindi dapat itinuturing unibersal ang
mga prinsipyo na umaangkop sa isang makapangyarihan at mataas na bansa. Sa pagpilit na
pag-akma ng mga banyagang prinsipyong ito, maraming katutubong katangian ang hindi
nabibigyan ng pansin. Nagiging bulag ang paggamit ng mga teoryang ito at ang mas
nakakalungkot ay hindi ito nakakatulong sa taong dapat tinatangkilik nito.
Ang ikatlong palagay ay na ang sikolohiya ay hindi kumikiling sa anumang sistema ng
pagpapahalaga o sa isang partikular na uri ng lipunan. Ang katotohanan nito ay ginagamit ang
sikolohiya upang mahanap ang mga bagay na makakapag-impluwensya ng mga tao (madalas
sa larangan ng komersyalisasyon). Kadalasan, ang nakararami ay napagsasamantalahan (at
indirektang naaapi) ng kakaunting maykapangyarihan. Ito ang dahilan kung bakit hindi totoong
walang kinikilingan na partikular na uri ng lipunan ang sikolohiya. Nangyayari din minsan ang
pagsasagawa ng mga pag-aaral na kumikiling sa interes ng nagpopondo. Nagagamit rin ang
sikolohiya para bigyan ng panakip na dahilan ang mga lumalaban sa isang mapang-usig na
sistema. Maraming nagsasabi na naglalabas lang ng masamang loob ang mga nagpo-protesta
kung kayat iniisip na drama lang o nag-iinarte lamang ang ito. Sinisira ng sikolohiya ang
kredibilidad ng mga taong ito kung kayat hindi tunay na walang pagkiling ang sikolohiya sa
sistema ng pagpapahalaga.
Maliban sa mga pagsusuring ito, mayroon din namang isinagawang pag-aaral tungkol sa
mga ibat ibang anyo ng sikolohiya sa kontekstong Pilipino (Enriquez, 1976). Ito ang Sikolohiya
sa Pilipinas, Sikolohiya ng Pilipino, at Sikolohiyang Pilipino. Ang buod na pagkakaiba-iba ng
tatlo ay na ang una ay ang mismong kabuuang anyo ng sikolohiya sa kontekstong Pilipinas.
Kinabibilangan ito ng lahat ng mga kaalaman sa sikolohiya sa ating bansa. Malimit na ito ang
sikolohiya na ipinakilala ng kanluran sa atin. Maaaring magkaroon ng mga biases dito lalo na sa
parte ng mag-aaral na dayuhan. Ngunit sa kabila nito mas tinitingala ang mga dayuhang
sikolohista kaysa sa mga Pilipinong sikolohista, kahit sila ang may first-hand experience na
kapag nag-aral at nagsuri ay mas makakatulong sa ating kalagayan.
Ang ikalawa naman ay ang popular na pagtingin sa sikolohiya dito sa bansa. Kabilang
rito ang lahat ng mga teorya na may kinalaman sa Pilipino, pag-aaral man ito ng dayuhan o ng
kapwa Pilipino rin. Madalas na pinag-aaralan dito ang mga katangian ng mga Pilipino at ang
mga etnikong grupo sa Pilipinas. Maaaring dito ay magkaroon ng mga pagkakamali, lalo na
kung ang mga terminong ginagamit ay foreign na isinasalin sa Pilipino. Maaaring magkamali
ang pag-aangkop ng teorya dahil madalas ay nanlalahat o generalized ang mga teoryang ito.

Nangyayari din ang mga usapin na kung sino ba talaga ang nakikinabang sa mga pag-aaral na
isinasagawa.
Ang ikatlong anyo ay ang nilalayong anyo ng sikolohiya sa kontekstong Pilipino: ang
Sikolohiyang Pilipino. Ito ang sikolohiya na galing sa mga karanasan at kaisipan sa
orientasyong Pilipino. Ang pinakamahalagang aspeto nito ay nais nitong huwag maging
extremist na para bang masyadong partikular o masyadong unibersal. Layunin nitong
pahalagahan ang mga parehas na partikular at unibersal na pagtingin sa mga bagay-bagay.
Tinalakay din ni Dr. Enriquez ang ibat ibang konsepto sa sikolohiyang Pilipino. Ang mga
katutubong konsepto (na may katutubong anyo at kahulugan), ang mga konseptong bunga ng
pagtatakda ng kahulugan (na may katutubong anyo at ang teknikal na kahulugan), ang pagaandukha (na kung saan ang anyo ay banyaga ngunit ang kahulugan ay katutubo), ang
pagbibinyag (o ang anyo ng salita ay katutubo ngunit ang kahulugan ay banyaga), ang
paimbabaw na asimilasyon ng taguri at konseptong hiram (na kung saan ang anyo ng salita ay
banyaga ngunit ang ang kahulugan ay katutubo), at ang mga ligaw na banyagang konsepto
(ang mga salitang may banyagang anyo at banyagang dahilan rin).
Ang mga minungkahi ni Enriquez ay halos kaparehas ng mga mungkahi ni Jimenez.
Para maging tunay na makabuluhan ang sikolohiya, kailangan kilalanin o tiyakin na angkop ang
gagamiting metodo ng pananaliksik sa mga taong pag-aaralan nito. Maging maingat din sa mga
teoryang ginagamit. Kung uunawain ang Pilipino sa mata ng dayuhan, tunay na magkakaroon
at magkakaroon ng iba-iba (na halos mali-mali) na interpretasyon. Sa mungkahi ni Jimenez,
dapat mamulat tayo sa realidad na may mga ipinapalagay ang sikolohiya (lalo na ang
sikolohiyang banyaga) na nakakapinsala sa mga taong dapat tinutulungan nito. Ayon pa kay
Enriquez, mahalaga rin na magkaroon tayo ng tiwala sa kakayanan natin, sa mga sikolohistang
Pilipino na marapat rin namang makipagkaisa at makipag-usap din sa iba pang sikolohistang
Pilipino sa ibat-ibang lugar sa bansa para mas maging ganap ang mga pag-aaral sa
sikolohiyang Pilipino.
Ang aking mga nabanggit na konsepto ay ang pinakamahalaga at di malilimutan na mga
konsepto sa Sikolohiyang Pilipino. Ang mga sumunod nang pinag-aralan sa klase ay tila
nakalilito pa, lalo na ang usapin ng pagkatao, katauhan, at sarili. Ang konsepto ng kapwa ay tila
isa sa mga konseptong paborito ko. Naipapakita sa mismong salita na ito ang malaking bahagi
sa kultura ng Pilipino sapagkat ito ay isang salita na may ibig sabihin na ang isa ay hindi iisa
(o hindi iiba) sa iba. Kung isalin man ito sa ibang wika ay magkakaroon ng pagkakamali sa
interpretasyon. Ang Pilipino ay tunay na nakikiramay, may pakiramdam, at may malasakit sa
kanyang kapwa (na madalas na ipakita sa pakikipagsimpatiya rin). Ang kapwa ay isang
napakalaking salita, na halos ay pwedeng gamitin ito upang suportahan ng salitang pag-ibig.
Hindi lahat ng mga napag-aralang konsepto ay naibanggit rito sapagkat sa tingin ko ay
hindi pa sapat ang aking pagkakaintindi sa iba. Hindi maikakaila na ang ibang konsepto ay
nakakalito pa at hindi pa mauunawaan ng lubos. Maaaring magkaroon pa ng mas malalim
napagkaunawa kung ito ay mapag-usapan pa sa ibang konteksto o kung may mabasa pang
ibang mga reperensya. Maaaring hindi rin ito agad na maintindihan sapagkat ang ibang
konsepto ay may pagka-abstrakto, o di kayay may mga salita o terminong ginagamit na tayo sa
pang-araw-araw na binibigyan ng ibang depinisyon ng SP. Sa kadahilanang ito, maaaring may
cognitive dissonance pang nagaganap tuwing pinag-aaralan ang mga bagay na ito.
Bilang panghuli, ang SP bilang isang teorya ay hindi pa tapos at binubuo pa, kung kayat
mas mabuti na magsulong pa ng ibat ibang pag-aaral ukol sa Sikolohiyang Pilipino para mas
maging konkreto na ito at maituro na rin sa lahat ng eskwelahan. Hindi maitatanggi ang

kahalagahan ng SP dahil ito ang magsisilbing kasagutan sa mga problema ng hindi lamang ng
tao o partikular na komunidad, kundi pati na rin mismo sa estado ng ating bansa.

MGA SANGGUNIAN:
Enriquez, V. (1994). Pagbabangong-dangal: Indigenous psychology and cultural empowerment.
(pp. 7-41). Lungsod Quezon: Akademya ng Kultura at Sikolohiyang Pilipino.
Yacat, J. A. (2005). Making sense of being and becoming filipinos: An indigenous psychology
perspective. Philippine Journal of Psychology,38(2), 19-37.
Sta. Maria, M. (1999). Filipinos' representations for the self.Philippine Journal of Psychology,
32(2), 53-88.
Jimenez, M. C. C. (1977). Ang kabuluhan ng sikolohiya: isang pagsusuri. Inilathala sa A. Carlos
& A. Magno (Eds.),The Social Responsibilities of the Social Scientist(pp. 68-77).
Lungsod Quezon: Unibersidad ng Pilipinas.
Enriquez, V. (1976). Sikolohiyang pilipino: Perspektibo at direksyon. Inilathala sa L. Antonio, E.
Reyes, R. Pe & N. Almonte (Eds.), Ulat ng Unang Pambansang Kumperensya sa
Sikolohiyang Pilipino (pp. 221-243). Lungsod Quezon: Pambansang Samahan sa
Sikolohiyang Pilipino.

You might also like