You are on page 1of 2

Miguelito S.

Cabrera
BS in ARCHITECTURE

January 05,2015
Filipino II

LIHAM NG ISANG INA PARA SA KANYANG ANAK


Naaalala ko pa noon, binabantayan ka namin ng iyong ama sa buong magdamag. Pinagmamasdan
namin ang iyong mukha kapag ikaw'y natutulog at napapawi ang lahat ng aming pagod. Lagi kitang katabi
sa iyong pagtulog. Ngayon na ako'y matanda na, maaari ba kitang makatabi? Kahit ngayong gabi lang?
Ako'y labis na nasasabik sa iyong mga yakap.

Palibhasa'y musmos ka pa lamang, lagi kang umiihi at dumudumi sa salawal, akin kitang nililinis na
walang pandidiri, pinapabanguhan at pinapaliguan dahil mahal kita.. Ngayong ako'y matanda na, wag mo
sana akong pandirihan kung madumi man ako sa aking salawal, pagkat dala ng aking katandaan, hindi ko
na kontrolado ang aking katawan.

Lagi kitang sinusubuan pag ikaw ay kumakain dahil hindi ka pa marunong gumamit ng kutsara,
hinahawakan ko ang iyong kamay at matyaga kitang tinuturuan. Madalas matapon ang pagkain mo sa
sahig. Makalat ka pa kumain non, marahil dahil malambot pa ang iyong mga buto. Ngayon at ako'y
matanda na maaari mo ba akong turuan? Nalimutan ko na kasi ang paggamit ng kutsara at tinidor?
Pakiusap anak, ako'y iyong pagtyagaan. Madali naman akong matututo.
Sariwa pa rin ang aking alaala pag pinapatulog kita, pinaghehele kita at kinakantahan ng paborito mong
musika. Naaalala mo pa ba ang awitin ko sa iyo? Maaari mo ba iyon kantahin sa akin para ako'y
makatulog?

Lagi kang umiiyak pag ako'y umaalis. Nais mo laging sumama. Ngunit hindi ka pa marunong maglakad,
Malambot pa ang iyong mga buto. Kaya't lagi kitang binubuhat. Naaalala mo pa ba kung pano kita
tinuruang maglakad? Kahit san ka magpunta inaalalayan kita dahil ayokong masugatan ang iyong mga
tuhod. Ngayong ako ay matanda na, maaari mo ba akong akayin? Mahina na kasi ang aking mga tuhod.
Lagi kang nagpapabili na lobo at umiiyak ka pag hindi kita naibibili dahil wala naman tayong pera ngunit
dahil sa iyong kakulitan, napipilitan ako na ibili ka para lamang ikaw ay matahimik. Gustong gusto mong
makipaglaro sakin kahit na marami akong ginagawa, marahil dahil wala ka pang kaibigan, masaya tayong
naglalaro at naghahabulan. Ngunit ngayong malaki ka na at marami ka ng nakilala, Nalimot mo na ba nag
una mong kaibigan? Maaari ba tayong maglaro kahit saglit lamang? Namimis ko na rin ang ating
tuksuhan.

Dati-rati ako ang iyong takbuhan, sa akin mo sinasabi ang iyong mga problema at hindi ka naglilihim sa
akin. Ngunit bakit biglang nagbago? Naaalala ko pa noon ang mga kwento mo, paulit-ulit, parang sirang
plaka. Pero kahit ganon, masaya parin tayong nagkukwentuhan. Ngunit ngayon marami ka ng kaibigan,
marunong ka na rin maglihim sa akin. Ako'y labis na nasasabik sa iyo aking anak. Ano na ba ang mga
kwento mo? Matagal na rin na panahon na wala akong naririnig buhat sayo. Kwentuhan mo naman ako,
Kahit paulit-ulit.

Madalas rin kita ipasyal sa paborito nating lugar. Masayang masaya ka pag pumapasyal tayo. Ngayong
ako'y matanda na, nais ko sanang balikan ang mga alaala. Maaari ba dalhin mo ako sa paborito nating
pasyalan? Nalimot ko na kasi kung pano magpunta doon. Nais ko lamang na ikaw ay makasama at
mapuno ng magandang alaala bago sana ako lumisan..

Malabo na ang aking mga paningin, maaari ba ikaw ang maging mata ko. Minsan mo rin naman akong
naging mata noong maliit ka pa. Ayokong maging pabigat sayo at makadagdag sa alalahanin mo pero
maaari ba? Kahit sandali lang. Hindi na rin naman ako magtatagal.

Mahina na ang aking pandinig. Wag kang maiinis at wag kang magagalit kung hindi ko naririnig ang iyong
sinasabi. Ngunit wag mo sana akong sigawan, kung maaari sabihin mo ng paulit-ulit ngunit marahan.
Masakit sa isang ina ang sigawan ng kanyang anak.

Naaalala mo pa ba pag may sakit ka? Hindi kita iniiwang nag-iisa, binabantayan kita at inaalagaan
hanggang sa ikaw ay gumaling. Ngayong marami na rin akong nararamdaman sa aking katawan, maaari
mo ba akong bantayan? Kahit ngayong gabi lang. Maaari ko bang hiramin kahit ang karampot mong
oras? Kahit konti lang, Kahit sandali lang. Pangako. Nais lamang kita'y makasama. Hindi na rin naman
ako magtatagal.

Anak, mahal na mahal kita. Buong buhay ko'y ginugol sa pag-aalaga sayo. Kaya't wag mo sana biguin
ang tanging hiling ko na ikaw'y makasama. Nais ko lamang na maglambing sayo. Maaari ba wag mo
akong iwanan? Ako ay iyong yakapin at hagkan. Ito ang tangi kong hiling sa aking paglisan.

Ang Iyong Nanay

You might also like