" Kamusta ? ", Pambungad kong bating nakangiti pa.
" Magandang araw sayo ! ", dagdag na bati ko. Sa oras na ito, nag iisip ako. Kinakalkal at pilit na binubusisi ang mga ideyang ilalarawan sa iyo. Maganda, matalino at mabait na anak. Talagang ikaw na ! Para kang anghel na hulog ng langit, bulaklak na mahalimuyak sa harden ng pag - ibig. At higit sa lahat, isa ka sa mga makabuluhang regalong hatid sa akin ng langit. Teka, teka lang ha ! Hindi ito sulat ng pag - ibig, ito'y sinulat ko para magpasalamat ng buong puso sayo. Lagi ka kasing kaagapay at handang umalalay sa minsan kong pagkalumbay. Lagi rin kitang hingahan sa panahong ako'y nahihirapan at tumatambak ang pinagdadaanan. Pinapalakas mo ang loob ko sa mga pagkakataong gusto kong sumuko. Kaibigan ka talagang tunay, kahit minsan man tayong nagkakatampuhan mas madalas pa rin ang kalokohan. Ngunit sa mga seryosong usapan, lagi kang andyan at handang magbigay ng mga payong aking talagang kailangan. Kaya ito ang ikuros mo sa noo," Da bes ka at nag- iisa. O, kaibigan ko. "