You are on page 1of 13

theoryang romantisismo

Sa panitikang Pilipino, sinasabing ROMANTIKO ang tula kapag ang tema ay umiikot sa wagas
na pag-ibig ng magsing-irog. Ang pag-ibig na ito ay dumaranas ng mga pagsubok o balakid.
upang mabatid ang nakakubling katotohanan, kabutihan at kagandahan, ang tangi nilang
kasangkapan ay inspirayon. Ang tanging bumubuo sa pagiging totoo at maganda, ayon sa
paniniwala ng mga romantisista ay inspirasyon at imahinasyon. Marami ang nagtuturing na ang
romantisismo ay bago at radikal sapagkat pinapagalaw nito ang diwa at isip ng tao upang
makalikha ng sining at panitikan.
Ang mga sumusunod ay nakakapit sa romantisismo:
Makapangyarihang damdamin, inspirasyon, imahinasyon at paglikha, kalikasang personal,
kahalagahang kombensyunal, katotohanan, kabutihan at kagandahan.
manalig sa Diyos, sa katwiran, at sa kalikasan. Ang mga romantisista ay demokratiko at
mapagsulong sa ikagagaling ng lipunan.

"Romantisismo, Estilong Pilipino " Itinatak sa Nobelang


Tagalog
"Romantisismo, Estilong Pilipino "
Itinatak sa Nobelang Tagalog
ni Ruby Gamboa-Alcantara
ANG NOBELANG TAGALOG NOON
Ang nobelang Tagalog ay iniluwal sa panahon ng mga Amerikano. Ito ay pinatutunayang
produkto na labas sa panahon ng pananakop ng mga kastila bagamat napakayaman sa
impluwensiya ng nasabing panahon. Walang maituturing na nobelang masining at makabuluhan
na nasulat noong panahon ng Kastila maliban saNOLI at FILI ni Rizal na nasa wikang Kastila.
Ang La Loba Negra ni Jose Burgos ay lubhang dramatiko (melodramatika) at ang Ninay (1985)
naman ni Pedro Paterno ay kawangking-kawangki sa banghay ng NOLI ni Rizal. Ang Ninay ay
nagtangkang maging tunay na nobelang Pilipino sa paggamit ng mga tanawing Pilipino na buong
buhay na inilarawan sa nobela at sa paglalangkap ng mga kaugaliang Pilipino (halimbawa'y
"paglilibing") subalit naging pilit ang pagkakapasok ng mga elementong ito kaya't naging
artipisyal ang kabuuan ng tinangkang pagka-Pilipino.
Ang kawalan marahil ng mga naipalimbag, naipalathala, o maaaring naisulat na nobela noong
panahon ng Kastila ay maipaliliwanag sa mga sumusunod na dahilan:
malaking halaga ang kaugnay na gagastahin sa pagpapalimbag;

ang mga manunulat o maging ang karaniwang mamamayan ay walang layang maglahad ng
kanilang damdamin at kaisipan dahil sa kahigpitan ng sensura; at
namalasak ang mga sanaysay at panunuligsa na ibinunga ng Kilusang Propaganda at siyang
mga inilathala sa Pahayagang La Solidaridad.
Karagdagan pa ang katotohanang ang ilang mga nakasulat ng nobela noong panahong nabanggit,
halimbawa ay si Rizal, ay hindi nagtatag ng mga panuntunan sa pagsulat ng nobela. Kaya't
walang nagawa ang mga manunulat na/sa Tagalog kundi ang bumuo ng sari-sarili nilang
huwaran sa pagsulat. Nanguna rito sina Lope K. Santos at Valeriano Hernandez Pea at kaagad
namang sinundan ng mga manunulat na sina Aurelio Tolentino, Iigo Ed. Regalado, Roman
Reyes, at marami pang iba.
Karamihan sa mga tagapanguna ng nobelang Tagalog ay aral sa paaralang Kastila kung kaya't
hindi naman kataka-takang ang kanilang malikha ay mga kuwentong Kastila rin ang kaanyuan.
Mapupunang ang kalakhan ng mga nasulat ay natutungkol sa pananampalataya (nobena, awit,
korido, moro-moro, komedya, atb.) at kagandahang-asal. Sa kabuuan, binigyang-katangian ni
Teodoro A. Agoncillo ang panitikan ng panahon ng Kastila na "patakbuhin na'y amoy simbahan
pa." Kaya't nabuo ang konsepto ng nobelang Tagalogbilang behikulong pampangaral o
pampalipas-oras at dagdag pa ay pampalaganapng maka-kolonyal na buhay at kaugaliang
Pilipino (Pilipino sa depenisyon ng panahong iyon.)
ANG TRADISYONG ROMANTISISMO SA NOBELANG TAGALOG
Litaw na litaw na ang panahon ng Kastila ay kakambal ng pagpasok ng romantisismo sa
Pilipinas. Nag-ugat ang romantisismo sa kamalayang Pilipino noong 1800 - nang mamalasak ang
panitikang halaw sa itinapon ng kulturang Europeo na metrical romances . Ang impluwensiyang
ito ay lalo pang pinalaganap ng "panitikang hindi nakasulat" na bukambibig ng mga prayleng
Kastila at siya pa ring naging batayan ng mga panulat ng ilang mga Pilipinong nakapag-aral at
nakabasa ng mga akda ng mga tanyag na manunulat na Kastila.
Subalit kaiba sa romantisismo ng Espanya ang " romantisismo sa Pilipinas katulad ng
pagkakaiba na ng relihiyong Katoliko sa Europeo sa Katolisismong ipinakilala sana at taglay pa
ng Pilipinas. Ang kabalintunaang ito ang naging bunga ng maling pagpapasunod at pamamalakad
sa pamahalaan ng mga nagsidating naconquistadores . Ayon sa kasaysayan ng romantisismo sa
Espanya, ang "romantisismo " ay palagiang kapantay sa kahulugan ng rebolusyon o
pagbabagong-anyo sapagkat ang Kilusang Romantiko ay reaksiyon sa neo-classicismo na
puwersang nagpapamalagi sa status quo sa pagtataguyod ng mga layuning (1) panatilihin ang
kaayusan o decorum ; (2) bigyang-diin ang ilusyon ng realidad; at (3) padalisayin ang paggamit
ng wika. Sa gayon, ang "romantisismo ay pagpupunyagi, sa kabila ng lumalaking balakid batay
sa katotohanan, na matamo, mapanatili o mabigyang pagmamatuwid ang mailusyong pananaw sa

sandaigdigan at buhay ng tao na bunga ng maimahinasyong paglalangkap ng karaniwan at dikaraniwan, ng alam at di-alam, ng totoo at ideyal, ng mga may takda at walang katakdaan, ng
material at ispiritwal at ng natural at supernatural."
Sa kabilang dako, ang konseptong ito ng "romantisismo" ay nag-iiba sa paglipas ng panahon.
Kaya nga't ang isinasaad na pagbabagong-anyo na taglay nito sa kapaligirang 1750 sa
Pransiya ay natabunan naman ng naipagkamaling mga katangian ng neo-classicismo . Tuloy, ang
naging diin ng impluwensiyang tinaguriang "romantisismo estilong Pilipino" ay sa mga
katangiang malayo sa katotohanan (ilusyon at/o imahinasyon), eskapismong matatawag , o kung
katotohanan man ay eksaherado naman (pag-ibig, sentimentalidad, atb.) katulad halimbawa ng
pagiging makapangyarihan ng pag-ibig sa iba pang sangkap sa kuwento, sobrang pagbibigaykaganapan sa mga detalye ng kalikasan, patriotismong pilit, Katolisismong bulag , at kung anuano pa. Pagpapatunay lamang din na ang "romantisismong" ito ay hindi ang romantisismong
Europeo na reaksiyon sa neo-classicismo kundi ang kataliwas nito.
Patutunayan ito ng mga katangiang gumitaw sa pagsusuri sa mga sumusunod na nobela na hinati
ayon sa panahon ng pagkakalimbag at paghuhubog:
1906 Juan Masili , Patricio Mariano
1910 Bagong Dalaga , Roman Reyes
1911 Kung Magmahal ang Dalaga , Iigo Ed. Regalado
1920 Ang Mestisa , Engracio Valmonte
1923 Ang Pag-ibig At ang Babaye , Jose Villamor
1933 Sanggumay , Gregorio C. Coching
1945 Fort Santiago , Pedrito Reyes
1946 Lakandula , Alberto S. Cruz
1947 Alipin ng Kagandahan , Roberto S. Teodoro
Ang Pangarap Kong Birhen , Carlos Padilla
1949 Dalawa Ang Ina , Mateo Reyes
1953 Timawa , M. S. Martin
1958 Ang Pagkamulat Ni Magdalena , A. G. Abadilla at Kapulong
1960 Biro ng Tadhana , Pascual Manalo
1967 Dilim Sa Umaga , Efren R. Abueg
1971 Lagablab ng Kabataan , Dr. Fausto J. Galauran
Mga Buwaya sa Lipunan , Celso A. Carunungan
Hanggang Sa Kabila ng Langit , Liwayway A. Arceo
Satanas sa Lupa , Celso A. Carunungan
1972 Kumusta Si Peter , Benjamin Pascual
1972 Mga Kaluluwa Sa Kumunoy , Efren R. Abueg
1973 Mister Mo, Lover Boy Ko , Efren R. Abueg

Nakalulungkot, malaman na ang nobelang Tagalog ay hindi pa rin nakaigpaw sa elemento ng


pag-ibig na ayon kay Balagtas ay
. labis ang kapangyarihan,
Sampung mag-aama'y iyong nasasaklaw!
Pag ikaw ang nasok sa puso ninuman,
Hahamakin ang lahat masunod ka lamang.
At yuyurakan na ang lalong dakila,
bait, katuwira'y ipanganganyaya,
buong katungkula'y wawalaing-bahala,
sampu ng hininga'y ipauubaya.
Simula sa nobelang Juan Masili (1906) hanggang sa Mga Kaluluwa Sa Kumunoy(1972) ay
tinalakay ang tungkol sa pag-ibig: pag-iibigan ng magkasintahan, tatsulok na pag-ibig, dobletatsulok na pag-ibig, at basta pag-ibig.
Si Enrique, sa Juan Masili , ay nagtangkang magpatiwakal sapagkat ang kanyang katipang si
Benita ay ipinagkasundong ipakakasal sa mayamang si Kapitan Ape. SaBagong Dalaga , bubuo
ng isang tatsulok sina Manuel, Elisa at Ines, ng isa pa sina Elisa, Matias at Engracio, at ng isa pa
sina Elisa, Manuel at Engracio. Ang magkasintahan dito ay sina Manuel at Elisa, si Ines ay
kaibigang matalik ni Elisa na may pag-ibig na taglay para kay Manuel, si Engracio ay
mangingibig ni Elisa, gayundin si Matias. Sina Engracio at Ines ay nagsapakat na paghihiwalayin
sina Elisa at Manuel upang kanilang maangkin. Mabuti na lamang at ang gagawin nilang panulot
na si Matias ay tapat ang pag-ibig kay Elisa (ayon ito sa nobela) kaya't nang magselos si Manuel
at magkagalit sila ni Elisa, si Matias ang gumawa ng paraan sa kanilang ipagkakasundo sa
dahilang hindi niya matiis na maghirap ang kalooban ni Elisang kanyang minamahal. Ang
tatsulok sa Kung Magmahal Ang Dalaga ay binubuo nina Flora, Mario at Padre Raul na isang
prayleng Kastila. Kinasangkapan ni Padre Raul ang pagiging relihiyosa ng isa sa tiyahin ni Flora
upang mahikayat na itira sa isang hiwalay na bahay si Flora nang mailayo raw diumano sa
masasamang mata ng tao. Subalit sa katotohanan, may matinding pagnanasa si Padre Raul na
maangkin si Flora at ito ang pamamaraang naisip niyang gawin upang maisakatuparan ang
maitim na balak. Sa Ang Mestisa magkakaagaw kay Tirso sina Teang at Elsa. Paghihiwalayin ni
Elsa sina Teang at Tirso at babalakin pang pikutin ang lalaki. Si Mercedes naman sa Ang Pagibig at Ang Babaye ay magmamartir sa pagkakapahiya sa pagbubunyag ng ginawang
pakikipagkita at pakikipagtagpo sa kasintahang si Arturo upang ang huli ay mapawalang-sala sa
ibinibintang na pagpatay sa isang babae. Sina Danilo at Carmen naman ay ikakasal sa Fort
Santiago , kaya't maghihinanakit si Dolores na kapatid sa turing ni Danilo sapagkat ang dalaga
pala ay may lihim na pagtingin sa binata. Si Carmen naman ay inaalala pa ang dati niyang
kaklase na si Roberto. Magkakaroon ng digmaan at si Danilo ay ipadadala sa Bataan; sa
pagbabalik, ito ay bulag na. Si Carmen naman ay sasama na kay Roberto at si Dolores ang
maiiwan kay Danilo. Sa Lakandula , magkasintahan sina Angel at Amelia ngunit pipikutin ni

Tindeng si Angel; magugumon sa bisyo si Angel at sa huli ay magkakatagpong muli sila ni


Amelia na isa nang "social worker". Ang bubuo naman ng mga tatsulok sa Alipin ng
Kagandahan ay sina Dela at Oscar at ang iba pang tatsulok ay sina Oscar, Elma at Federico at ng
isa pa'y sina Dina, Ruben at Oscar. Sina Rogelio, Maria Luisa at Ester naman sa Ang Pangarap
Kong Birhen ; sa Timawa ay sina Andres, Alice at Lily; sa Ang Pagkamulat ni Magdalena ay sina
Dario, Denang at Pong ang isa at ang pangalawa ay sina Dario, Denang at Miss Reyes. Mayroon
ding tatsulok sa Biro ng Tadhana - sina Loring, Pastor at Jaime. Sa Mga Buwaya Sa Lipunan ay
sina Armando, Senador Morales at Chita. Sina Rica, Jaime at Roberto ang unang pangkat at sina
Padre Jesus Marin, Rica at Roberto ang pangalawang pangkat sa Hanggang Sa Kabila ng
Langit . Sina Benigno, Conrado at Chona sa Satanas Sa Lupa ; at sa Mga Kaluluwa Sa
Kumunoy ay sina Bayani, Marilou at Atty. Bondoc.
Sa halos lahat ng mga nabanggit na tatsulukan ng pag-ibig ang karaniwang pinagtatapusan ay
ang kasal o pagsasama nang maligaya hanggang sa wakes. Ito ay pagsunod pa rin sa
pagpapanatili sa/ng kaayusan o pagbabalik sa kaayusan. Sabi nga ni Ginoong Virgilio S.
Almario:
Kakanggata ng ganitong pagsulat ang ganitong konsepto ng pagsunod sa tibok ng puso at ng
banal at dalisay na pagpapakasakit alang-alang sa minamahal. Nasa pinakamasaklap na pagtitiis
ang tamis ng muling pagkakatagpo sa nawawalang kasintahan o asawa. Nasa magandang
pagtatangi-tangi naman ng walang kahulilip na via cruces ng pag-ibig ang sulatan ng
kakanyahan ng mangangatha.
Isa pa rin itong pagpapatunay na ang naging pag-unlad ng balangkas ng tunguhin ng panitikang
Pilipino sa pangkalahatan at ng nobelang Tagalog sa partikular ay isang paulit-ulit na proseso
lamang ng pagbalik sa pinagmulan kapag malapit nang marating ang kaituktukan ng pagsulongpagbalik o ng pagtaas-pagbaba mula sa temang romantikong pag-ibig tungo sa makabuluhang
kamalayang panlipunan. Dangan nga lamang at tila nananaig pa rin ang unang baiting.
Kung sisiyasatin natin ang unang sampung taon ng mga Amerikano sa Pilipinas ay malalamang
may ilang nobela rin naming nalikha na nauukol sa mga suliranin ng mga anakpawis, magsasaka
o magbubukid, manggagawa at iba pang kauri.Samakatuwid, mahihinuhang naipakilala na sa
lipunang Pilipino ang katotohanan tungkol sa umiiral na antas ng pangkabuhayan na malaki ang
epekto sa iba pang aspeto ng lipunan - pulitikal, sosyal at cultural. At ang katotohanang ito ay
taglay o tinaglay ng mga nobelang Banaag at Sikat ni Lope K. Santos (1906), Anino ng
Kahapon ni Francisco D. Laksamana (1906), Sa Ngalan ng Diyos ni Faustino Aguilar, Juan
Masili ni Patricio Mariano, at iba pa. Sa gayon, mauuri ang bahaging ito ng panahong iyon
bilang paitaas na pagsulong ng balangkas ng pag-unlad sapagkat hindi lamang napirme sa
temang romantikong pag-ibig ang mga nobela kundi natuto na ring humarap sa mga tunay-napangyayari sa kapaligiran, natuto na ring manuligsa sa kalakaran ng lipunan. At kung madawit pa
rin ang tungkol sa pag-ibig, masusuring ito ay ginamit na lamang bilang isang behikulo ng tunay

na binibigyang diing tema sa nobela. Subalit katulad pa rin ng kapaniwalaang angkasaysayan ay


nauulit , ang pagsulong na ito ay nagbabalik ding pilit sa pinagmulan. Tila may kung anong
puwersang pilit na humahadlang sa pagsulong ng panitikan o sa particular, ng nobelang Tagalog.
Ang panahong 1800-1900 ay maihahanay natin bilang isang yugto na humubog sa kamalayan ng
mga nobela nina Lope K. Santos, F. Laksamana, atb. Kung kayat' sa huling bahagi ng panahong
ito at unang bahagi ng susunod na panahon 1900-1911(unang yugto ng Panahon ng Amerikano)
masasabing nasa itaas ang kamalayan ng nobela . Ang Juan Masili ni Patricio Mariano ang
kinatawan ng panahong ito sapagkat dito ay nakita na ang pagtuligsa sa pagsasamantala ng
mayayaman sa mahihirap. Ang ama ni Juan sa nobela ay ipinabilanggo at ipinapatay ng
mayamang si Kapitan Tiago dahil sa pagtatanggol ng una sa kanyang karangalan na nirumhan ng
Kapitan sa ginawang panggagahasa sa asawa (ina ni Juan). Subalit ang nobelang ito ay hindi pa
rin lubos na nakatakas sa impluwensiya ng romantisismo tulad ng pagiging sentimental ng ilang
bahagi nito at ng halos walang katapusang mga pangyayari. Hindi pa nagkasiya sa pagpapahirap
sa buhay ni Juan ang manunulat kung kaya't ipinagpatuloy niya ito sa pagpapasok kina Enrique
at Benita na magiging biktima pa rin ng kabuktutan ng buhay. Kitang-kita pa rin sa nobelang ito
ang pagiging romantiko ng pagtanaw sa buhay ni Enrique na sapagkat masasawi sa pag-ibig ni
Benita (na ipakakasal sa isang mayaman) ay binalak nitong magpatiwakal. Ito ay romantikongromantiko sa paniniwalang ang buhay ay puno ng pagdurusa at pagpapakasakit, ang kaligayahan
ay isa lamang panaginip sapagkat ang tunay na katotohanan ng buhay ay nasa pagdurusa at
pagpapakasakit at pagtitiis, at ang kalutasan lamang ng lahat nang ito ay
kamatayan. Samakatuwid, ang itinaas na kamalayan ng Banaag at Sikat ay pakunwang
inalalayan ng Juan Masili at patagong binitiwan. Kung kaya't ang mga nobelang nasulat sa
panahong kasunod (1910-1940 0 ay naglunoy na naman sa konsepto ng pag-ibig . Sa mga
pamagat na lamang ay makikita na ang sinasabing pagbabalik sa pinagsimulang: 1910 - Bagong
Dalaga ni Roman Reyes; 1911 - Kung Magmahal Ang Dalaga ni Iigo Ed. Regalado; 1920
- Ang Mestisa ni Engracio Valmonte; 1923 - Ang Pag-ibig at Ang babaye ni Jose Villamor; 1933
- Sanggumay ni Gregorio C. Coching. Bukod pa sa pagtalakay sa pag-ibig, ang mga nabanggit na
nobela ay tumukoy pa rin sa mga sumusunod na tema:
pagtutol ng mga magulang sa pag-iibigan ng mga anak na impluwensiyang nasapol mula sa
aristokratang pananay ng mga Kastila ( Bagong Dalaga; Ang Pag-ibig at Ang Babaye ),
impluwensiya ni Rizal: panunulisan tulad ni Elias ( Juan Masili ); pag-aampon tulad ni Padre
Florentino kay Simon ( Juan Masili , si Juan ay inampon at pinaaral ng isang matanda; Bagong
Dalaga , bagama't ibang uri naman ng pag-aampon ang ginawa ni Mang Adyong kina Aling
Dolores at Elisa); katiwalian ng prayleng Kastila ( Kung Magmahal Ang dalaga ) na masasabing
reaksiyon sa pananakop ng Kastila; at
pamana ng pananakop ng Amerikano; bahay-aliwan at babaing mababa ang lipad
( Sanggumay ).

Ang susunod namang yugto ng paghuhubog, ( 1940-1960 ) na sumasakop sa mga panahon


ng Digmaang Pilipino-Hapones, Komonwelt at Republika ng Pilipinasay nagsimula na naman sa
unang baiting ng balangkas ng pag-unlad sa nobelang Tagalog ng nauukol sa pag-ibig. Lahat
halos ng halimbawang nobela sa panahong ito (sa pag-aaral na ito) ay nagpapatunay: Fort
Santiago - 1945, Lakandula - 1946,Alipin ng Kagandahan - 1947, Ang Pangarap Kong Birhen 1947, Timawa -- 1953, Ang Pagkamulat ni Magdalena - 1958, at Biro ng Tadhana - 1960.
Bagamat dahil na rin sa pagkakapagpakilala sa Pilipinas ng mga bagong konseptong tinaglay ng
mga mananakop na dayuhan at ng pakikipag-ugnayang panlabas ng Pilipinas ay nagkaroon ng
dagdag na temang paglulunuyan ang nobela. Bukod pa rito, nagkaroon ng pangganyak ang mga
nobelista na sumulat ng naiiba dahil sa ibinigay na laya sa pagsulat ng panahon ng mga
Amerikano kaya't makikita na ang pagtalakay sa mga temang nauukol sa pulitika ( Lakandula ),
pagsusundalo at digmaan ( Fort Santiago; Lakandula, Timawa ), materyalismo ( Alipin ng
Kagandahan; Lakandula; Timawa ). Nararapat sanang ang pag-akyat sa baitan ng pag-unlad ay
tumaas na sa pagpasok ng mga bagong kaisipan subalit matindi ang impluwensiya ng
"romantisismo" lalo na sa aspekto ng pagpapanatili ng kaayusan,order o decorum tulad ng
ipinakita sa Ang Pangarap Kong Birhen, Alipin ng Kagandahan at Biro ng Tadhana kung saan
ang mga magkahiwalay na magkasintahan (o mag-asawa) ay nagsamang muli o nagpakasal sa
katapusan ng nobela (tulad ng nabanggit na). Gayundin naman sa mga nobelang Fort Santiago,
Lakandula at Timawa sa hindi pagiging makatotohanan ng balangkas o sa karamihan ng mga
pangyayaring isinasalaysay. Sa Fort Santiago : ang kasal nina Carmen at Danilo ay hindi natuloy
sapagkat nagpunta sa digmaan ang binata; sumama kay Roberto si Carmen; bumalik na bulag si
Danilo; nagkitang-muli sina Dolores at Danilo at sa katapusan ay sila ang nagkasama. Sa Alipin
ng Kagadahan, ang simula ay sa pagkakagulo ng pagliligawan nina Dina, Dela, Oscar, Elma,
Ruben, Federico at iba pa; sa katapusan naman ay sina Federico at Elma, Ruben at Dina ang
magkakatuluyan. Pareho rin sa nobelang Biro ng Tadhana kung saan sina Miling-Jaime at
Loring-Pastor ay nagpakasal, si Loring ay mag-aartista at pag-aasawang muli ni Pastor kay
Lupeng pagkamatay ni Loring. Sa yugto ring ito pumasok ang pagpapakilala sa Amerika bilang
lupang pangako o pandaigdig ng kaunlaran at kaligayahan tulad ng pagbanggit sa
pagkakapanggaling ni Andres Talon (Timawa) sa Amerika kung saan siya ay nag-aral upang sa
pagbabalik sa Pilipinas ay makaharap na muli ang mga taong humamak sa kanya. Isa pa marahil
bunga ng pagpapakilala ng kaisipang demokratiko sa Pilipinas ang naging tema ng
nobelangDalawa ang Ina ni Mateo Reyes na tumungkol sa paglilitis sa korte suprema (ilusyon
ng hustisya o katarungan) sa kaso nina Jose de Villa, Mercedes de Villa at Emilia Perez na ang
pinagtatalunan ay kung sino ang kikilalaning ina ng batang (binata na sa paglilitis) si Jose - ang
kanyang inang nagluwal sa kanya o ang kanyang ina-inahang nagpalaki, nag-arua at nagpaaral sa
kanya. Tanging-tanging ang nobelangAng Pagkamulat ni Magdalena ang nag-iba nang kaunti
bagamat itinuturing lamang ito na isang pagpapakalunod sa paksang sex . Sabi nila Ginoong
Rogelio Ordoez

Ang "Pagkamulat ni Magdalena" ay halos naglunoy lamang sa paksangsex , at ang


paksang sex ay angkop lamang sa mga bansang nasa daigdig na ng makina at may ganap nang
maunlad na ekonomiya.
Kung naging matapat man ang paghahangad ng "Pagkamulat ni Magdalena" na naging
makasining at kung tanda man ito ng "isang katotohanang paghihimagsik ng panitikang
tagalong," hindi naman ito nakaigpaw sa malakas na impluwensiya sa diwa ng may-akda ng mga
akda ni D. H. Lawrence. Kung nagkaroon man ito ng pagtatanghal palayain ang panitikang
Pilipino, wala itong nagawa kundi ibilanggo ang kaluluwang Pilipino sa bartolina ng sex !
Gayunman, may bahid ng pagiging propetiko (prophetic) ang Pagkamulat . sa pagtatangkang
ilarawan ang magiging panahon ng pananakop ng mga Intsik na Komunista sa taong 1980. Ito ay
masasabi pa ring bakas ng "romantisismo" na naiwan sa kamalayang Pilipino hanggang sa
panahong iyon ng 1958; sapagkat ang paghula sa magiging hinaharap ay isa pa ring uri ng
kalabuan o kahiwagaan o ang kilala sa taguring mistisismo na inianak na rin ng "romantisismo".
Ang katangiang ito ay pinatunayan pa rin sa huling yugto ng nobela kung saan si Denang ay
nagkaroon ng mga pangitain ng pangyayaring magiging dahilan o magdudulot ng kapahamakan
kay Dario at ng kamatayan naman para sa kanya. Pinaigting pa ito ng tagpo na kung saan ang
isang lalaking balbasin ay nagpakita sa kanya bago siya tuluyang nalagutan ng hininga.
Katangian pa rin ng nobelang ito ang pagiging biblical sa pagkakapasok pa rin ng ilang
elementong panrelihiyon tulad ng mga pangalang Magdalena, Lazaro, Beronika; historikal sa
mga pangalang Kasamang Rizal, Del Pilar, atb . Ideolohikalsa mga bahaging tumatalakay sa mga
simulain o paniniwala na makikita sa mga naganap na pagtatalo tungkol sa pamahalaan (Dario
vs. Pong), lipunan at ekonomiya (Dario vs. Johnson) at relasyong pisikal (Dario vs. Denang).
Subalit ang mga katangiang nabanggit ay hindi pa rin naglalagay sa nobelang ito sa ituktok ng
kamalayang panlipunan sapagkat nangaral lamang ito ng ilang pilosopiya tungkol sa moralidad
at imoralidad, seremonyas sa relihiyon, indibidwalismo, kapayakan ng buhay, at
pakikipagtulungan ng Pilipinas at Estados Unidos. Nagkulang pa rin ito sa paglalarawan sa
realidad ng kolonyal na sosyedad o lipunang Pilipino; hindi ito "isang literaturang maghahantad
sa kabulukan ng kasalukuyang lipunan, isang literaturang parang panistis na bibiyak sa ninanana
at inuuod na kaisipan ng sambayanan. "(Sapagkat ) Para maituring na mahalaga ang isang
literature o anumang bahagi ng literature, dapat na magkaroon ito ng kaugnayan sa mga
pangunahing problema ng bayan - kung bakit patuloy na nagdaralita ang maraming Pilipino,
kung bakit atrasado an gating ekonomiya, at kung bakit patuloy na napagsasamantalahan ang
masa."
Ang ikaapat na yugto ng paghuhubog ( 1967-1972 ) ay mailalarawang pinakamataas na panahon
sa nobelang Tagalog sapagkat sa panahong ito naisulat at nailathala ang mga sumusunod na akda
na naging kinatawan ng paghingi ng pagbabago sa lipunan:

1967 Dilim sa Umaga ni Efren R. Abueg (ERA)


1971 Lagablab ng Kabataan ni Dr. F. J. Galauran
Mga Buwaya sa Lipunan ni Celso A. Carunungan (CAA)
Satanas Sa Lupa ni CAA
1972 Mga Kaluluwa Sa Kumunoy ni ERA
Sa Dilim Sa Umaga , tinalakay ang tungkol sa anomalya sa tanggapang pinaglilingkuran ni
Antero at pinamumunuan ni Mr. Collas. Ang tanggapang ito ay isang sangay ng gobyerno na
namamahala sa komunikasyon. Isiniwalat dito ang ginagawang panloloko sa tao ng ilang
pulitikong kauri nina Mr. Collas at Senador Montano; pang-aapi sa mga api nang tulad ni
Meliton; anomalya sa mga ospital na nagbibili ng bangkay ng pasyente. Inilahad din ang tungkol
sa kilusang pangnasyonalismo sa pamumuno nina Ligaya at Bayani; demonstrasyon ng kabataan
at kilusang manggagawa laban sa ilang kampanya ng gobyerno, atbp. Dapat sana ay nakaiwas na
ang nobelang ito sa daloy ng "romantisismo" subalit nakita pa ring sa katapusan ng nobela ay
ibig tumakas ni Antero sa katotohanang nagaganap sa kanyang kapaligiran. Natakot pa rin siyang
makipagtunggali sa katotohanan at humanap ng lunas sa kanyang mga suliranin at sa suliranin
din ng kanyang bayan. Nanaig pa rin ang pag-iwas na ito ni Antero - eskapismo pa rin ang
kalutasang sinuungan niya. At nang makumbinsi na siyang sumama sa demonstrasyon, ang
dahilan ay si Ligaya at hindi ang pagtaas ng kanyang kamalayang panlipunan. Malaki ang pagibig ni Antero kay Ligaya at ito ang hindi niya matatanggap na mawala sa kanya. Romantiko pa
rin ang naging dahilan sa pagsapi ni Antero sa demonstrasyon ng kabataan. Ayon na nga rink ay
Ginoong Abueg nang siya ay magbigay ng isang panayam tungkol sa nobelang Tagalog sa
pulong ng TANIW noong Mayo 24, 1970:
Ang bagong kabataang manunulat, sa halip na magkaroon ng hinog na oryentasyong pulitikal, ay
nagkaroon lamang ng ilusyon ng romantisismo ng reporma, na sa palagay nila ay magagawa sa
pamamagitan ng mga nobelang kung lumalampas sa pagbubunyag ng mga "bulok na bahagi" ng
lipunan ay hindi naman nagmumungkahi ng pagbabago, kundi naglalarawan lamang.
Sa Lagablab ng Kabataan ay ipinirisinta ang dalawang puwersang naglalaban tungo sa
pagbabagong hinihingi sa lipunan: ang mapusok na paraan na nilalayon ni Crisostomo
Ibbarientos at ang mahinahong pagbabago lamang na inaadhika ni Isagani. Ang nobela ay
kinakitaan ng malaking impluwensiya ng nobela ni Rizal sa paggamit ng mga tauhang Kabesang
Tales, Isagani, Crisostomo. Dity ay isiniwalat ang tungkol sa kilusan ng mga Huk ngunit
pahapyaw lamang. May tatak ng pagiging angat sa kamalayan ang nobelang ito subalit tila hindi
pa rin nakapagbigay ng kongkretong kalutasan sa mga suliraning panlipunan. Iniwan ang wakas
na walang katiyakan sa tutunguhin ni Isagani matapos na siya ay mabaril sa demonstrasyon at
mapagaling ang anak na doktor ng Gobernador ng kanilang lalawigan.
Ang Satanas Sa Lupa at Mga Buwaya Sa Lipunan ni Celso A. Carunungan ay naghahantad ng
mga katiwaliang nagaganap sa lipunan: ang ginahasang si Lita na isang "hostess," pagkukulong

kay Rodrigo na siyang inakusahan ng paggahasa sapagkat siya lamang ang mahirap sa pangkat,
ang pananakot ni Senador Morales kay Armando ( Mga Buwaya Sa Lipunan ); ang pulitika sa
bayan na kinakatawan nina Benigno Talavera, isang dating mabuting mamamayan na sumama sa
pagkakapasok sa pulitika, Kong. Carpio, Kong. David at Balbino na apre-parehong naglulukuhan
upang makaakyat sa kaitaasan ng kapangyarihan at kayamanan, pagkagumon ni Ismael na anak
ni Benigno sa marijuana, ang pagkakaroon ng ugnayan nina Benigno at Chona, pagdadalantao
nang walang asawa ni Esther na anak pa rin ni Benigno, ang pagtatanan ng magpaparing si
Conrado at Chona. Sa dalawang nobelang ito ay nakita ang wakas ng mga kabuktutan sapagkat si
Senador Morales ay pinag-usig at si Benigno naman ay namatay na at ang lahat ng ebidensiyang
ipinang- blackmail sa kanya ay sinunog na ng asawang si Virginia. Ang isang nakasira
sa Satanas Sa Lupa ay ang "romantikong tipo" ni Virginia bilang isang asawa at ina. Sobrasobrang pagpapakasakit at pagmamartir na tila hindi na makatotohanan ang kanyang
pinaglunuyan. Kaya nga't mapatotohanan pa rin ang ainasabing pagkakabahid ng
"romantisismo."
Ang Mga Kaluluwa Sa Kumunoy ay isa lamang pagpapaunlad ng Dilim Sa Umaga at halos
katulad na mga katiwalian sa lipunan ang tinatalakay. Katulad pa ring n inaasahan, makikita pa
rin ang pag-iral ng isang tatsulok ng pag-ibig sa mga tauhang sina Bayani, Marilou at Atty.
Bondoc.
Ang huling yugtong ito ng paghuhubog ng nobelang Tagalog (1967-1972) ay halos nakarating na
sa apex ng kamulatan sa mga unang tinalakay na nobela ngunit bigla na naming bumagsak sa
paglabas ng mga nobelang katulad ng Hanggang Sa Kabila ng Langit at Kumusta Ka, Peter ? Na
pangkaraniwang istorya lamang ng pag-iibigan, paghihiwalay, pag-alis, atbp, ang inikutan.
Kitang-kitang naulit na naman ang sinasabing proseso ng pagtaas-pagbaba at pagsulongpagbalik ng balangkas ng nobelang Tagalog. Buhay na buhay ang tatak ng "romantisismo":
estilong Pilipino sa mga nobelang ihinahalimbawa.
PAGLALAGOM
Patuloy ang naging pagtaas ng nobelang Tagalog - subalit sa kaituktukan ng ilusyon at
imahinasyon. Nagkakaiba-iba na lamang sa depenisyon batay sa mga katangiang naragdag at
natisod sa pagpapalit ng panahon subalit mga kaisipan o konsepto pa ring naglulublob at
nakalublob na sa " romantisismo ' kahit man estilo nang Pilipino katulad ng:
pangunguna ng tungkol sa pag-ibig;
pagsasalaysay ng walang katiyakang balangkas;
pagiging sobrang sentimental;

puno ng pagpapakasakit at pagmamartir;


pagbabalik sa kaayusan o pagpapanatili ng kaayusan;decorum
kahiwagaan o mistisismo;
pagiging didaktiko o mapangaral;
pagtakas sa katotohanan o "eskapismo";
katolisismong bulag - panatisismo;
patriotismong pilit; at
kung anu-ano pang katangiang mailusyon lamang.
At dahilan na rin sa ang "romantisismo" ay pasumpung-sumpong at hindi sumasalalay sa
paksaing anupaman, ang paggitaw nito ay walang katapusan, maaari nga lamang magkaiba-iba
ng anyo ayon sa paksang kinasapian. Samakatuwid, ang paglulunoy sa mga di-karaniwan, dialam, ideyal, walang katakdaan at supernatural at ang pagtanggi ng magsiyasat sa katotohanan o
realidad at pagtangging makisangkot sa mga puwersang bumubuo sa katotohanan ang siyang
PINAKAMABIGAT NA KAPAHAMAKAN ng nobelang Tagalog.
Higit sa lahat, batay sa ginawang pagsusuri at pagtaya sa landasin ng nobelang Tagalog mula
sa Juan Masili (1906) hanggang sa Mga Kaluluwa Sa Kumunoy(1972), ang lumabas na
pinakamatinding puwersang tagapastol ng "romantisismo, estilong Pilipino" ay
ang Censorship ng bawat panahon. Kaya't habang may tanikala ang panitik ng mga manunulat
ng nobelang Tagalog ay babalik at babalik at patuloy na paiilanlang ang mga nobelang tulad
ng May Lalaki sa Ilalim ng Kama Ko(Benjamin Pascual), Lumapit, Lumayo. Ang
Umaga (Liwayway Arceo), Mister Mo. Lover Boy Ko (Efren R. Abueg) at Misteryosang
Biyuda (Benjamin Pascual).
TALABABAAN
Teodoro A. Agoncillo, "Pasulyap Na Tingin Sa Panitikan Tagalog, 1900-1950," URIAN Lectures
II (1970), p. 233.
Impluwensiya - mga katangian ng kultura ng panahon.
Petronilo Bn. Daroy, "Politics As Literature," Rizal: Contrary Essays(Quezon City: Guro Books,
1968), p. 130.

Cristina Pantoja-Hidalgo, "The Failure of the Filipino Novel," UNITAS, 45:21-34 (March,
1972).
Teofilo del Castillo at Buenaventura S. Medina, Jr., Philippine Literature From Ancient Times To
The Present (Bureau of Printing, 1966), p. 255.
Agoncillo, p. 234.
Nicanor G. Tiongson, Guro ng Panitikang Pilipino, Departamento ng Filipino at Panitikan ng
Pilipinas, Unibersidad ng Pilipinas, sa isang panayam sa klaseng Pilipino 270, Unang Semestre
1975-76.
Neo-classicismo - nagsimula sa lipunang itinatag atpinagharian ng Haring Louis XIV ng
Pransiya. E. Allison Peers, A History of the Romantic Movement in Spain (New York and
London: Hafner Publishing Co., 1964), p. 10.
Ibid.
Mula sa sipi ni Rosario L. Torres sa paliwanag ni Hoxie Fairchild. Rosario L. Torres, "Ang
Romantisismo Sa Panitikang Tagalog,"GENERAL EDUCATION JOURNAL (Quezon City: U.P.,
1970-1971), p. 239.
Peers, p. 11.
Virgilio S. Almario, "Panimulang-Suri: Mga Bukal at Batis ng Nobelang Tagalog," Philippine
Collegian (Agosto 12, 1974), p. 4.
Agoncillo, p. 234.
Lascelles Abercrombie, Romanticism (New York: Barnes & Noble, Inc., 1963), pp. 41-49.
Rogelio Ordoez "Sulyap Sa Panitikang Pilipino at Sa Pagkamulat ni
Magdalena ," BANYUHAY , I: 15-16.
Mistisismo - kung minsan, ginagamit ito bilang katumbas ng simbolismo o alegorismo; kung
minsan nama'y itinatapat ito sa siyensiya-okulta o teosopiya; at kung minsan ay iniaangkop
lamang sa kalagayan ng isipan ng isang mapangarapin o sa Malabo at kagila-gilalas na
pamamalagay tungkol sa Diyos at sa daigdig. Gervasio B. Santiago, "Ang Mistisismo Sa
Nobelang Tagalog," Sampaksaan ng mga Nobelistang Tagalog(Diliman, Quezon City: Ang
Aklatan, U.P., 1974), p. 70.
Ordoez, p. 18.

Abercrombie.
Pantoja-Hidalgo, pp. 21-34.
TALAAKLATAN
Abercrombie, Lascellas. Romanticism . New York: Barnes & Noble, Inc., 1963.
Agoncillo, Teodoro A. "Pasulyap na Tingin Sa Panitikang Pilipino,"Urian Lectures II (1972).
Almario, Virgilio S. "Panimulang-Suri: Mga Bukal at Batis ng Nobelang Tagalog," Philippine
Collegian , Agosto 12, 1974 - Setyembre 2, 1974.
Daroy, Petronilo Bn. "Politics As Literature," RIZAL: Contrary Essays. Edited by P. Bn. Daroy
and D. Feria, Q. C.: Guro Books, 1968.
Del Castillo, at B. S. Medina, Jr. Philippine Literature From Ancient Times To the Present .
Bureau of Printing, 1966.
Halsted, John B. Romanticism . London and Melbourne: MacMillan & Co., Ltd., 1969.
Lukas, George. Studies in European Realism . New York: Grosset & Dunlap Publishers, 1964.
Midcentury Guide to Philippine Literature , Series 4. Manila: MCS Enterprises, Inc., 1972.
Ordoez, Rogelio. "Sulyap Sa Panitikang Pilipino at sa Pagkamulat ni
Magdalena ," BANYUHAY, I ( Agosto-Setyembre, 1969).
Pantoja-Hidalgo, Cristina. "The Failure of the Filipino Novel," UNITAS, v: 45 (March, 1972).
Peers, E. Allison. A History of the Romantic Movement in Spain . New York and London. Hafner
Publishing Co., 1964.
Sampaksaan ng mga Nobelistang Tagalog (Mga Panayam Tungkol sa Nobelang Tagalog na
Binigkas Noong Abril 11, 1969). Diliman, Quezon City: Ang Aklatan, Unibersidad ng Pilipinas.
1974.
Torres, Rosario L. "Ang Romantisismo sa Panitikang Tagalog,"General Education
Journal (1970-1971). Pinamatnugutan nina Patricia Melendrez-Cruz at Jesus F. Ramos. Quezon
City: Unibersidad ng Pilipinas, 1971.

You might also like