You are on page 1of 2

Tila larawan na ng katiwalian ang gobyerno sa ating bansa.

Para sa ilang pulitiko,


ginagawa na lamang nila itong isang laro o sugal. Ngunit ang kaibahan nga lamang ay
nanggagaling sa kaban ng bayana ng perang kanilang ginagamit imbes na sa kani-kanilang
mga bulsa. Kaparis ngayon, nalalapit na ang halalan para sa labindalawang pwesto sa
pagkasenador at pati na rin sa ibang pwesto sa lokal na pamahalaan. Kahit nga noong hindi
pa nagsisimula noon ang itinakdang oras o araw ng Komisyon ng Eleksyon para sa
pagsusumite ng Sertipikasyon ng Pagtakbo ay damang-dama na natin ang mga paramdam ika
nga ng mga nais makasungkit ng posisyon sa gobyerno. Tama ang narinig ninyo. Para bang
inihahalintulad nila ang larangang ito sa pampalakasan. Mala-Olympics din ang kanilang
ginagawang paghahanda at panlalamang. Tila isa na itong sakit na patuloy na lumalaganap
sa lipunan. Ang tanong ngayon, nakasisiguro ba tayong sa kani-kanilang mga bulsa
nanggagaling ang pondong kanilang ginamit para sa pagpaparamdam?
Sa inyong barangay o di kaya naman sa inyong bayan, hindi bat naglipana na ang mga
mensahe ng pagbati ng mga pulitiko kung saan ang kanilang mga mukha at pangalan ay tila
lalamunin kayo sa sobrang kalakihan? Pati nga mga ambulansya, ______ at pati mga tulong
para sa mga nasalantang pamilya ng kalamidad ay mayroong mga pangalan nila! Hindi lang
yan, idagdag pa natin ang mga numerong ikinakabit sa mga kabahayan na aakalain mong
mga parapernalya na para sa nalalapit na eleksyon sapagkat ang mga mukha ng kapitan at
ang mga numero ay magkasinlaki na. Naaalala ninyo pa ba noong kayoy nagtapos sa
sekondarya? Ano-ano ang halos tumabon at sumakop na sa mga pader ng inyong paaralan?
Walang iba kung hindi mga mensahe ng pagbati mula sa ibat-ibang mga personalidad sa
larangan ng pulitika. Hindi bat noong mga panahong iyon ay halos isang taon pa bago
sumapit ang eleksyon ngunit damang-dama na natin ang mga pagpaparamdam nila. Hindi ko
sinasabi na mali ang kanilang ginagawang pagbati, ang mali ay ang paraan nila nito.
Gayundin, hindi ko sinasabi na mali ang kanilang pinagawa sa kani-kanilang lugar, ang mali
ay ang pagsasama nila ng kanilang mga pangalan sa mga ito gayung ang pondo ng mga ito
ay nanggaling naman sa gobyerno, hindi sa kanilang bulsa.
Marahil hindi na bago sa inyong lahat ang panukala ni Senadora Mirriam Defensor
Santiago sa senado na bilang 1967 na mas kilala sa tawag na Anti-Epal Bill. Ito ay may
titulong An Act Prohibiting Public Officers from Claiming Credit through Signage Announcing
Public Works Project. Sa kasalukuyan, ito ay nananatili pa ring pinag-uusapan sa senado.
Kung maipapasa ito, pagbabawalan na at isa ng illegal na gawain ang pagkakabit at
paglalagay ng mga billboards, tarpaulin, at banner na mayroong pangalan at litrato ng
mga pulitiko dahil ito naman ay pinondohan ng gobyerno na nanggaling sa taongbayan.
Dagdag pa rito, nagpanukala rin si Senadora Santiago na anim na buwan bago
magsumite ng Sertipikasyon ng Pagtakbo ang isang nais kumandidato ay nararapat lamang
na magpasa rin siya ng Certificate of Intent to Run for Public Office (CIRPO). Kung siya ay
mabibigo na magpasa nito, hindi rin siya mapapayagan na maghain ng Sertipikasyon ng
Pagtakbo. Maganda rin ang panukalang ito sapagkat sa oras na maihain na niya ang kanyang
CIRPO ay pagbabawalan na rin siyang mag-endorso ng produkto, o di kaya naman ay lumabas
sa mga programa sa telebisyon o radio na nagpapakilala o nagbibida sa kanilang mga sarili.
Ang akin lamang, nararapat na mas paglaanan nila ng pondo ang ibang problema sa
lipunan. Gamitin na lamang nila ang perang kanilang inilaan sa mga pagpapagawa ng mga
billboard o banner sa pagsasaayos ng kani-kanilang mga lugar.
Sa makabagong panahon, nararapat lamang na sumabay sa agos ng pagbabago ang
ating mga pag-iisip. Ang mga pagbabagong ito nawa ay sa nakabubuti. Bilang mga kabataan,
nasa mga kamay natin ang pagbabago. Huwag tayong magpadala sa mga pangako ng mga
pulitiko at sa kanilang mga matatamis na salita. Nararapat na huwag nating hayaang ang
mga maaagap o maaagang mangampanya na hindi naman karapat-dapat ang maupo o

maluklok sa pwesto sa gobyerno. Oras na para mapuksa ang sakit na ito na patuloy na
kumakalat sa lipunan.
Para naman sa mga pulitiko, nawa ay malaman nila na hindi nadadaan sa pagiging
maagap ang pagkapanalo sa darating at sa mga sumusunod na eleksyon. Ang tamang paraan
ng pagpapakilala ng kanilang mga sarili ay sa pamamagitan ng kanilang kabutihang loob at
bukal ba kalooban na maglingkod. Iyon ang magdadala sa kanila sa nais na pwesto sa
gobyerno-ang kasipagan at dedikasyon sa trabaho.

You might also like