You are on page 1of 14

Langaw

Noon kapag ganitong mga umaga, ako lang ang parating naiiwan sa bahay. Habang si amay ay
nakikiani ng palay, si apay naman ay nasa kabilang baryo. Tumutulong siya sa pagtayo ng tulay.
Doon ako sa malapit na pinto umuupo. Hawak-hawak ang walis tingting na matiyagang ginawa ni
amay. Pagkatapos kong hugasan ang aming pinagkainan, huhulihin ko ang mga langaw na padapudapo sa sahig naming lupa. Yon kasi ang bilin ni amay sa akin. Pag napatay ko na ang mga langaw,
tinitipon ko ito sa isang plastik. Kailangang maipakita ko ang mga napatay kong insekto pagdating ni
amay. Pinipisa at ipinapahid niya ang mga patay na langaw sa ulo ko. Gamot daw yon para tubuan
ako ng buhok. Marami kasi akong panot sa ulo non. Noong una diring-diri ako sa ginagawa ni amay.
Mabaho ang amoy. At saka hindi ako naniniwala na tutubuan pa ako ng buhok. Kahit na madalas
akong kantyawan ng mga kababata ko dahil sa itsura ko kaya hindi rin ako madalas pinapasali sa
mga laro nila. Gustong-gusto ko pa naman ang Chinese garter. Kung sakali man na pagbigyan nila
ko, sa bahay-bahayan lang daw ako pwedeng sumali. Ako raw ang tatayong tatay dahil walang lalaki
sa grupo nila at maiksi raw ang buhok ko. Kaya kahit na babae ako, parating tatay na kalbo ang
labas ko. Kung minsan naiinggit ako sa mga kalaro ko, ang hahaba ng buhok nila. Ngunit tama ang
amay. Isang buwan simula nang gamutin niya ang mga panot ko, unti-unti itong nahilom at
nagsimulang tubuan ako ng buhok. Kaya lang, hindi ito ganap na nakita ni amay, namatay siya
pagkalipas ng isang buwan. Malapit na noon ang ikasampu kong kaarawan.
Isang gabing ayaw tumigil ng ulan, sumuka siya nang sumuka. Nakita ko yong suka ni amay:
nilagang saging at may kasamang dugo. Sumakit nang sumakit ang tiyan at lalamunan niya. Hirap
na hirap siya sa paglunok ng pagkain. Dalawang linggo lang ang itinagal ni amay.
Dinala rin siya ni apay kay Tyang Idad, yong albularyo sa amin na palaging may nganga. Pagdating
namin sa bahay ng matanda, hinipan niya ang amay sa puyo. Pagkatapos, pinahiran niya ang tiyan
ni amay nang pula niyang laway. Noon ko unang nakita ang tiyan ni amay. Parang taba ng baboy.
Bago kami umuwi, sinabihan ni Tyang Idad si apay na magpa-apag para sa mga tawong lipod. Yon
raw yong mga taong hindi nakikita. Pero hindi sila basta-basta tao, may kapangyarihan sila. Parang
multo, parang maligno. At kaya raw nagkasakit ang amay ay dahil merong tawong lipod na galit sa
kanya. Nakapatay daw kasi ako ng anak ng malignong langaw. At dahil si amay ang nag-utos sa
akin upang manghuli ng langaw, siya ang pinagbuntunan ng nanay nitong langaw. Makapangyarihan
ang nanay na langaw, sabi ni Tyang Idad. May katungkulan sa daigdig ng mga tawong lipod. Kaya
kinakailangang mas maraming handa ang dapat na ihain. Naglabas din si Tyang Idad ng gamot ni
amay. Kailangang inumin ang gamot tatlong beses isang araw. Tinitigan ko ang laman ng bote,
merong mga ugat, mga lantang dahon na hinimay at pulang tubig. Benditado raw ang tubig dahil
galing pa raw yon sa balon sa kabilang bayan kung saan nagpakitang naliligo ang Mahal na Birhen
ng Peafrancia.

Pagkatapos kunin ni apay ang gamot, binayaran niya ang matanda. Binigyan niya ng sampung piso
at ilang dahon ng buyo. Tuwang-tuwa si Tyang Idad. Tumawa ito at nakita ko pati ang pinakadulo ng
ngipin niya. Pati ang kaniyang bagtingan, parang hinog na aratiles.
***
Biyernes ginawa ang pag-apag ni Tyang Idad sa bahay. Nangutang si apay ng tatlong kilong
malagkit upang may sumanin. Humingi rin siya sa kapit-bahay namin ng kalamansi upang gawing
lemonada. Kulang nga lang sa asukal kaya medyo matabang ang suman pati na ang panulak.
Kumbidado ang ilan naming kapit-bahay sa pag-apag para kay amay. Nagdala ang isa naming kapitbahay ng linubak na balingoy na meron pang kasamang mga baktin-baktin, maliliit na insektong
parang pinaghalong surot at baboy ang hitsura. Marahil hindi inayos ang pagkakalinis ng lubang at
hlo.
Bumili rin si apay ng isang boteng anisado at nagpakatay ng inahing puti. Nang una kong tikman ang
manok, wala itong masyadong lasa. Hindi raw kasi dapat linalagyan ng asin ang pagkain ng mga
tawong lipod.
Si May Celia, ang panganay at tanging kapatid ni apay ay tumulong din sa paghahanda ng mga
lutuin. May dala rin siyang tinanok na buto ng langka at ilang supot ng bukayo. Sabi niya, para raw
yon sa akin, pero siya rin lang naman ang nakaubos.
Inipon ang mga handa sa mesa. Ilinabas ang mga platot kutsarat tinidor na pinakatago-tago ni
amay. Regalo raw ang mga yon nang kasalin sila ni apay, ngunit ni minsan hindi ko matandaang
ginamit namin ang mga iyon. Una itong gagamitin ng mga tawong lipod para sa pag-aapag.
Mag-aalasais na nang nagsimula ang pag-aapag. Pinahinto ako sa paglalaro ni May Celia at baka
raw mabungguan ko ang mga tawong lipod na papasok sa bahay. Ayaw ko pa sanang tumigil.
Libang na libang pa naman ako sa paglalaro ng atsoy. Kaya lang palihim na niya akong kinurot sa
tagiliran. Pinung-pino. Ang talim ng kuko ng tiya.
Kumuha si apay ng ba na may nagbabagang uling at ibinigay kay Tyang Idad. Ibinuhos naman ng
matanda ang dala nitong kamangyan sa baga. Parang mga matang nandilat ang mga baga,
hanggang sa lumabas ang mabango at puting usok mula sa mga maiitim na uling. Pinausukan ni
Tyang Idad si amay sa kanyang higaan. Magdadalawang linggo nang nakaratay ang amay sa
kanyang higaan. Payat na payat na si amay. May sugat na ring lumalaki sa kanyang likuran. Kung

puwede lang sanang manghuli uli ako ng mga langaw para gamutin yon, tulad ng ginawa niya sa
mga panot ko, gagawin ko. Pero pinagbawalan na kasi ako ng apay na manghuli ng langaw. Wala na
ring bisa ang mga gamot ni Tyang Idad. Kaya huli na talaga naming pag-asa ang ginawang pagapag na yon para makipagkasundo sa mga tawong lipod.
Tiningnan ko si amay habang pinauusukan ang kaniyang higaan. Kahit ang daming usok, hindi na
siya kumukurap. Diretso lang ang tingin niya sa itaas, sa butas-butas naming bubong. Mugto ang
mga mata.
Pagkatapos pausukan ni Tyang Idad si amay, nilibot naman niya ang buong bahay. Nagdasal ng
mga orasyon at parang nagsimulang makipag-usap sa mga tawong lipod. Inimbitahan niyang
kumain na raw ang mga ito. Namangha ako kung paano nakakausap ng matanda ang mga tawong
lipod. Kung nakikita sila ni Tyang Idad, di hindi na sila tawong lipod. Gusto kong matawa dahil
parang mga matagal na silang kaibigan ni Tyang Idad. At para isang malaking laro ang ginagawa
namin.
Sabi ng isang kaibigan ni apay, anak daw ng aswang si Tyang Idad. Kaya hindi siya nagpapagamot
dito. Walang asawa o anak ang matanda. Minsan, ilap ito sa mga tao. Basta na lang siyang
dumating sa baryo namin. Sabi naman ng iba, hindi raw totoong anak ng aswang ang matanda,
dahil nangungumonyon daw ito at mahilig pa nga sa bawang. Sabi naman ni Tyang Paring, yong
matandang may-ari ng tindahan sa kanto: may asoge raw sa katawan si Tyang Idad. Nang tinanong
ko ang apay, sinabi niya na kaya magaling ang matandang manggagamot dahil nakapulot ito ng
pangil ng kidlat. At sabi pa niya, mas mainam raw magpagamot sa matanda dahil mas mura. Kung
sa doktor lang naman na hindi mo na nga maintindihan ang sulat-kamay, paiinumin ka pa ng mga
mamahaling tabletas. Minsan pa nga raw, nag-iimbento ang mga doktor ng anu-anong sakit para
pagkakitaan ang pasyente.
Inikot ni Tyang Idad ang loob at labas ng bahay. Nang maubos na ang kamangyan at unti-unti nang
humalo ang usok sa kawalan, huminto na rin ang matanda. Sinabihan kaming manahimik na at
nandoon na raw kasi ang mga bisitang maligno. Tiningnan ko ang mesa, wala akong makitang anino
ng kahit isang taong kumakain, maliban sa ilang mga langaw na palipad-lipad, palukso-lukso na
parang mga batang naglalaro doon sa ibabaw ng suman. Gusto ko sana itong hulihin at
pagpapatayin. Kaya lang alam kong mapapagalitan ako, lalo nat tinabihan na ako May Celia.
Magsasampung minuto rin siguro yong paghihintay namin bago matapos ang mga tawong lipod.
Nong magpasalamat na si Tyang Idad sa mga bisitang hindi nakikita at hindi rin namin alam kung
nabusog o hindi, sinabihan kami ng albularyo na maaari na raw kaming kumain. Parang mga sisiw

na ilang araw hindi nakatikim ng palay ang mga kapit-bahay namin. Pinalibutan nila ang mesa at
pagkatapos kanya-kanya na sila ng kuha. Kumain na rin ako sa sobrang kagutuman. Kahit na hindi
pa rin maalis sa isip ko ang mga langaw na nakita ko kanina na parang dumikit sa suman at linubak.
Kukuha na lang sana ako ng lemonada nang may biglang nahulog na langaw sa inumin. Isang
malaking langaw, hindi ito pangkaraniwang langaw. Parang yung salugabang na pinaglalaruan
namin, mas malaki ang pakpak at mata. Ipinagpaliban ko na lang ang pag-inom. Pero panay pa rin
ang lagok ng mga bisitang kapit-bahay namin. Napansin rin ng isang bata ang langaw na nahulog sa
bandihadong puno ng lemonada. Pero hindi siya pinansin ng amay niya na abalang
nakikipagkwetuhan kay May Celia. Sa sobrang kakulitan ng bata sa pagturo sa nahulog na langaw,
inakala ng amay niya na humihingi pa siya ng inumin. Ikinuha siya ng amay niya ng isang basong
lemonada. Tumutol ang bata at pilit niya pa ring tinuturo ang langaw na paanod-anod sa lemonada
na ngayon ay nasa loob ng baso niya. Ngunit mas abala pa rin ang amay niya sa pakikipag-usap sa
tiya ko. Hanggang sa nagalit ang amay niya at sinigawan ang bata. Umiyak ang bata habang
itinuturo ang malaking langaw sa loob ng baso niya. Tiningnan ng amay niya ang loob ng baso at
sabay siyang kinurot. Pinatigil siya sa pag-iyak at minura. Hayop na aking ini! Ignoranteng marhay!
Sinabihang inumin na niya ang lemonada. Pasas lang daw yung itim na yon, yun daw ang
pampadagdag tamis at dekorasyon sa lemonada.
Kumuha na rin si Tyang Idad ng kanyang pagkain. Kakaunti ang kinain ni Tyang Idad. Tinikman lang
niya ang linubak at saka inutusan ang apay na maglagay ng pagkain sa altar. Para raw ang pagkain
na yon sa mga kaluluwang animasola at tawong lipod na mahuhuling dumalo sa apag.
Pagkatapos ng pag-apag, nagsipag-alisan na ang mga tao. Kung gaano sila kabilis nagtipon sa
bahay, ganun din kabilis ang kanilang pag-alis. Mas naunang nagpaalam si Tyang Idad na ang sabiy
may aapagan pa raw sa kabilang baryo. Inabutan ni apay ang matanda ng beinte at dalawang piraso
ng tabako. Tumatanggi sana ang matanda ngunit nagpumilit pa rin si apay at ipinasok ito sa bulsa ng
kanyang damit. Matamlay na umalis si Tyang Idad nang gabing yon.
Dahan-dahan namatay ang kandila sa altar. Malalim na rin ang gabi. Kung wala sana akong iba
pang gagawin maliban sa pagliligpit at paghugas na ginamit sa pag-apag, makakapanood pa ako ng
telebisyon sa bahay ni Manay Vacion. Pumunta ako sa banghiran at sinimulang hugasan ang mga
ginamit sa pag-apag. Kailangan ko pa ring pakainin ang aso na si Kagata, na nung gabing yon ay
hindi tumigil sa pag-atungol. Natapos na rin ang pag-uusap ni apay at May Celia. Mag-isa kong
natanaw ang apay na nakaupo sa may lilim ng puno ng langka na may nakadapong kuwago na
madalas kung makita sa puno simula nang magkasakit si amay. Nilagok ni apay ang binili niyang
anisado at mukhang napakalalim ng iniisip.

Mag-aalas-otso na nang mahugasan ko ang lahat. Hinintay ako nang tatay na matapos. Nung una,
parang naaasiwa pa siyang sabihin. Pero nagkuwento rin siya tungkol sa napag-usapan nila ni May
Celia. Plano raw ng tiya na papag-aralin ako sa bayan dahil wala naman daw itong anak. Alam kong
mabigat ang loob ng apay. Naramdaman ko ring awang-awa na siya sa amin ni amay. Pinaramdam
ko kay apay ang pagtutol ko sa kahilingan ng kanyang kapatid. Ayokong sumama kay May Celia.
Pumanhik ako sa silid ni amay at tiningnan siya. Tuluyan nang namatay ang kandila. Ang liwanag na
lang sa kabilang kalye ang pilit na tumatagos sa dingding namin na parang natipon sa mukha ni
amay. Tahimik ang buong paligid at himbing na himbing naman ang amay sa pagtulog na halos hindi
mo na nito marinig ang kanyang paghinga. Naputol ang katahimikan ng gabing yon nang sabaysabay na umungol ang aso at ang kuwago sa puno ng langka na sinundan nang hagulgol namin ni
apay.
***
Mabilis na kumalat ang balita na patay na si amay. Maaga pa lamang ay nag-umpisa nang gawin ni
apay ang kabaong ni amay. Isang lumang lawanit at kawayan ang ginawang kabaong ni amay.
Sinabihan ako ni apay na bantayan ko raw si amay at baka dapuan ng langaw. Pinunasan ko ang
mukha ni amay ng basang bimpo. Di ko rin maiwasang paminsan-minsang umiyak. Pananghalian na
nang matapos ang kabaong ni amay. Hindi na siya inembalsamo. Dumating na rin si Tyang Idad na
siyang nagbihis sa bangkay ni amay. Pinasuot ni apay ang isang lumang bestida. Yun din raw ang
sinuot ni amay ng kasal nila ni apay. Pagkatapos inanyayahan kami ng matandang albularyo na
magdasal ng desinaryo. O Hesus ko kaheraki an kalag ni Rosita. Paulit-ulit naming binigkas ang
katagang ito hanggang sa maubos namin ang lahat ng butil ng rosaryo. Pagkatapos manalangin
nagsimulang makipag-usap si Tyang Idad sa ilang kababaryo namin. Kaya raw namatay ang amay
ay dahil may demonyong kumuha ng pagkain sa altar at naglagay ng asin sa manok. Hindi raw
nasiyahan ang mga tawong-lipod. Maghihiganti raw ang mga apong langaw. Natakot ako sa narinig.
Pero mas malalim pa rin ang lungkot na nararamdaman ko at kung sakali ngang pumayag sa
desisyon ni May Celia ang apay, ngayon pa namang wala na si amay. Walang pumansin sa mga
sinabi ni Tyang Idad.
Isang gabi lang naming pinaglamayan si amay. Merong mga nag-abot rin ng tulong sa amin. May
nagbigay ng isang gantang bigas, mga gulayin at isda. Pinapitas na rin ng tatay ang mga bunga ng
langka upang gataan. Hindi nakarating si May Celia dahil umalis raw patungong Maynila. Puyat na
puyat na ako at pagod sa paghuhugas ng mga pinggan nang makita ako ni apay. Hinawakan niya
ako sa balikat at sinabihang magbihis ako dahil baka matuyuan ako ng pawis. Tipid ang mga salita
ni apay. Tipid rin ang mga buntong-hiningang pinapakawalan ko ng mga sandaling iyon.

Halos wala akong tulog nang gabing yon. Hapon na nang ilibing namin si amay. Dumaan muna kami
sa simbahan upang orasyonan ang bangkay ni amay. Isang daan ang pagpapamisa kaya
nagdesisyon ang apay na orasyon na lang. Mas mura, sampung piso lang. Hindi na kami pumasok
sa simbahan. Marami-rami na rin ang taong nag-abang na lamang sa simbahan. Mainit na mainit
ang panahon. Matagal bago lumabas ang pari. Nagpapahinga yata ang pari nang dumating kami.
Nagsisimula na ring mag-ingay ang ilang tao. Nang dumating na ang pari, sinigawan nito ang mga
tao. Parang minadali lamang ng pari ang dasal kay amay at pagkatapos binasbasan niya ang
bangkay ni amay ng tubig. Kinakalawang na ang lalagyan ng tubig na hawak ng isang sakristan na
kasing edad ko. Tinangka kong silipin ang loob ng lalagyan ng tubig na parang maliit na balde.
Tatlong langaw ang nakita kung paanod-anod sa loob.
Sa isang hukay linibing ang nanay. Hindi katulad ng iba na may nitso. Medyo hinawi pa nga namin
ang mga talahib sa aming daanan. Gusto ko sanang pumitas ng mga cadena de amor na nakabitin
sa dinadaanan namin, pero sinaway ako ng isa naming kapit-bahay. Baka raw magalit ang mga
kaluluwa sa sementeryo. Tahimik na umiyak ang tatay. May ilan ring umiyak. Marahil nakakalungkot
nga ang kamatayan. Lalo na kung ganitong nakita mong tinatabunan ng lupa ang isa mong mahal sa
buhay. Nang mga sandaling yon muli kong naalala si amay na matiyagang ginugusgos ang mga
patay na langaw sa aking ulo na noon ay abot balikat na ang haba at tuluyan nang nawala ang mga
panot.
***
Halos magdadalawang linggo matapos ilibing ang amay nang muling bumalik si May Celia. May dala
itong Pansit Bato, dinuguan at sinapot. Hindi na sana ako magpapakita nang tawagin ako ng apay
upang magmano.
Nakatatandang kapatid ni apay si May Celia. Sa bayan na siya nakatira simula nang mapangasawa.
May kalayuan ang bayan, aabutin ng isat kalahating oras ang biyahe. May negosyo sila ng kanyang
asawang si Pay Ramon. Nagtitinda si Pay Ramon ng karneng baboy, kambing at baka samantalang
may karinderya si May Celia. Maliban sa pagkain, nagtitinda rin si May Celia ng mga pampaganda,
sabon at damit.
Pagkamano ko, iniabot niya sa akin ang dala niyang kakanin. Lumabas sila ni apay at nag-usap sa
may puno ng langka. Pasilip-silip ako hanggang sa nakita kong mukhang nag-aaway ang
magkapatid. Walang imik ang apay. Mukhang tungkol uli sa pagkuha sa akin ang kanilang pinaguusapan. Maging akoy nababahala sa kung anong magiging desisyon ni apay. Marahil sa sobra
kong pagkabahala non, nabitiwan ko ang pinggan na pinaglagyan ko ng dinuguan. Tumapon ito sa

lupa. Pinunpon ko para kahit paano mapakinabangan ni Kagata, mabilis itong pinagpiyestahan ng
mga langaw ngunit may dati na akong nakitang ilang mga patay na langaw na nakahalo sa dinuguan
na dala ni May Celia. Mga langaw na kakaiba, dahil yun yung mga madalas kong makitang
kumukumpol sa tae.
Pagsilip ko ulit, si apay na lang ang nasa labas, wala na si May Celia. Hindi ito nagtagal. Malagkit
ang pakiramdam ko sa hangin. Habang sinisimot ng aso ang dinuguan, naglilinis naman ng balahibo
ang layas na pusang si Kamranga na noon ay umuwi uli sa bahay. Maingay ang mga ibong kirit-kirit.
Nang bumuhos na ang ulan pumasok si apay at pinagsaluhan namin ang malamig na pansit Bato at
ang sinapot. Habang kumakain kami, nagsimulang magsalita si apay. Mabagal ang pagbitiw ng mga
salita. Pumayag siya sa kahilingan ni May Celia. Lumakas nang lumakas ang buhos ng ulan sa
labas at loob ng aming bahay.
Balisa akong natulog nang gabing yon. Dati rati masarap ang matulog tuwing umuulan. Mas
malamig at parang umaawit ang langit. Magdamag na bumuhos ang ulan. Magdamag rin akong
nanatiling gising. Maging si apay, alam kong hindi rin dinalaw ng antok. Maaga pa nga itong umalis.
Hindi ko alam kung saan siya pumunta. At nang mga sandaling iyon, parang hindi ko namalayan ang
oras. Ang daling natapos ng gabi. At kung bakit dumating pa ang isang umaga katulad noon na
naging simula ng katapusan.
Kinabukasan, sabay sa sikat ng araw na nakita ko ang anino ni May Celia. Gaya ng dati may dala uli
siyang pagkain. Pulang pansit na may tamis-anghang ang lasa. Nadatnan niya ako sa may pintuan,
hawak ang walis tingting at isa-isang pinagpapatay ang mga langaw. Inalok niya ako ng pagkain.
Tinangka niya akong kausapin. Naramdaman ko ang pagtatangka niyang suyuin ako kahit alam
kong nagagaspangan siya sa akin. Ayaw ko sanang kunin ang dala niyang pulang pansit dahil
naalaala ko ang dinuguan. Ngunit mukhang masarap ang dala niyang yon. Saka non pa lamang
ako nakakita ng pansit na pula tulad ng mga kuko niya. Binitiwan ko muna ang walis tingting at
tinikman ang pansit. Sunod-sunod ang subo ko dahil kakaiba ang lasa nito. Nahalata ito ni May Celia
at sinabihan niya akong mas marami pa raw ang ganyang kasarap na pagkain sa karinderya niya.
Ibat-ibang uri ng pansit at luto. Mas masarap at mas mahaba pa raw kaysa kinakain ko.
Nakakalahati ko na ang pansit na pula nang dumating si apay. Uminom ng tubig at umupo sa tabi ko.
Ni hindi niya pinansin si May Celia. Basta hinawakan niya lang ako at ang aking buhok na mas
lalong bumibilis ang paghaba. Hindi na siya nagsalita at hindi na rin ako umimik. Muli kong nakita
ang sang katerbang langaw na padapu-dapo sa sahig namin, gusto kung kunin ang walis tingting
kaya lang sinabihan na ako ni apay na mag-ayos na at kunin ang isang bayong na hinanda niya.
Pumanhik ako at nakita kong nasa bayong na ang mga damit ko at isang pares ng bagong tsinelas.
Inabutan ako ni apay ng pera at nangako siyang dadalawin ako nang madalas sa bayan. Nang araw

na yon sumama ako kay May Celia.


***
Malayo-layo rin ang bayan. Yon ang una kong pagluwas mula sa amin. Nakita ko ang tulay na
ginagawa nina apay. Medyo may kalakihan ang tulay na ginagawa sa pagitan ng isang ilog. Bagong
daan daw yon upang mas mapabilis ang pagpunta patungong bayan. Parang sungkaan ang daan
papuntang bayan. Siksikan ang mga tao sa loob ng dyip at maging sa taas nito ay may pasahero.
Tahimik ang mga nakasakay maliban kay May Celia na panay ang mura. Panay ang panambitan ni
May Celia nang bigla itong mapasukan ng langaw. Napahinto ito bigla sa pagsasalita. Tiningnan niya
ako. Nagpanggap akong walang nakita. At pinilit kong pigilan ang pagtawa. Ngunit hindi lang pala
ako ang nakakita. Pati ang binatang bubugahan na sana ng usok ang kanyang hawak na tandang
nang makita nito ang pangyayari. Muntik na itong mapaubo at tumawa nang pagkalakas-lakas. Hindi
nito napigilan na ipaalam sa lahat ang pangyayari. Tumawa ang lahat, pati ako. Napahiya si May
Celia at palihim niya uli akong kinurot.
Pagdating namin sa kanilang bahay, ipinakilala ako kay Pay Ramon, ang asawa ni May Celia.
Nadatnan namin itong kinakausap ang isa pang batang babae na sa kalaunay nakilala kong si
Lourdes. Nahinto ang kanilang usapan nang dumating ako. Binaling ni Pay Ramon ang atensyon sa
akin at pinamano ako. Nahalata kong tahimik na lumabas si Lourdes sa sala. Malaking tao si Pay
Ramon. Malaki ang tiyan na parang kinulam. Sinabi niyang kamukha ko raw ang amay. Hindi niya
raw akalain na ganun na ako kalaki. Ang akala niya kasi pitong taon pa lang ako. Una niyang
napansin ang buhok ko. Hinawakan niya ito. Mabigat at magaspang ang mga kamay niya. Pinipilit
niya akong tingnan sa mata pero ibinabaling ko sa iba ang aking pagtingin. Maganda ang bahay ni
May Celia. Iba sa bahay namin. May isang napakalaking radyo at telebisyon. May dalawa pang
kasambahay sina May Celia, si Manay Norma at si Lourdes na matanda lang ng tatlong taon sa
akin. May tatlong kuwarto sa bahay. Isa sa mag-asawa, si Lourdes at May Norma ay magkasama sa
isang kuwarto at isang maliit na kuwarto sa may malapit sa kusina. Yon raw ang magiging kuwarto
ko. Mas maliwanag ang ilaw sa bago kong tirahan. Mahaba at puting ilaw ang parehong nasa sala at
sa kusina. Ang sahig, hindi lupa tulad sa amin, doon pulang sahig at paisa-isa lang ang langaw. Puti
ang sahig sa banyo at iikutin mo lang ang isang bakal na elesi, lalabas na ang tubig. Hindi ko
kailangang mag-igib.
Matapos ang hapunan, sinabihan ako ni May Celia ng mga tungkulin ko. Maglinis ng bahay at
tumulong sa karinderya. Sunod na taon na lang daw ako mag-aaral at alanganin ang oras. Tinanong
niya ako kung anong baitang na ang inabot ko. Sabi ko Grade 1 lang, di ko pa po natapos. Hindi na
siya nagtanong pa ng iba. Pinakilala ako ni Pay Ramon kay Manay Norma at Lourdes. Si Manay

Norma ang naglalaba at nagluluto sa karinderya at si Lourdes naman ang sumasama kay Pay
Ramon sa katayan ng baboy. Walang imik si Lourdes. Parati siyang tulala. Noon ko rin nalaman na
hindi naman nagtitinda ng karne ang tiyo. Taga-katay ito.
Maaga akong humiga dahil sa pagod sa biyahe. Pero kahit anong gawin ko hindi ko pa rin
magawang matulog. Parang gusto kong umiyak, pero tiniis ko na lang. Saka ko naalaala ang isang
damit na kinuha ko kay apay. Yinakap ko ito at itinabi, inisip ko na nandoon lang si apay sa tabi ko.
Hanggang sa patayin na ang mga ilaw at huli kong narinig ang magkakasunod na hilik sa kabilang
silid.
***
Maaga pay gising na ang mga bagong kong kasambahay. Si Pay Ramon, mas maagang umaalis.
Alas tres ng madaling araw ay dapat gising na siya nang makarami ng kostumer. Kasama niya nang
pumupunta sa katayan si Lourdes na mamimili na rin ng mga kailangan sa karinderya. Mas mainam
ang maagang mamili, mas mura at sariwa ang mga gulay at isda. Mag-aalas nuwebe na kung
bumalik si Lourdes sa bahay pagkatapos ihatid ang mga lulutuin kay Manay Norma. Pagdating niya,
siya na ang maglilinis sa bahay at saka naman darating si Pay Ramon mula sa katayan na kung
minsan, kapag walang masyadong nagpapakatay, umuuwi itong lasing. Pero mas madalas siyang
pumupunta sa may riles at doon nakikipag-inuman sa mga tambay at kapwa niya taga-katay.
Madalang siyang pumunta sa karinderya.
Si Manay Norma ang nagluluto ng almusal. Daing at nilagang itlog ang madalas na agahan.
Pagkatapos niyang kumain, babanlawan na ang mga linabahan niyang damit. Si Lourdes na ang
magsasampay nito kung gahulin sa oras ang matanda. Bago maligo ang tiya ko, sinabihan niya
akong mauna nang kumain at pagkatapos maghanda na rin.
Kailangangang bukas ang karinderya bago mag-alasiyete. May mga papasok kasi sa opisina na dito
na nag-aalmusal. Nung una kong mga araw, nabighani ako sa dami ng ulam at pansit. Iba-iba ang
hugis, haba, lasa at kulay. Paborito ko kasi ang pansit, sabi ni amay, pampahaba raw ito ng buhay.
Kaya tuwing sasapit ang kaarawan ko, tinitiyak kong kumain ng pansit. Kahit na malungkot ako dahil
tatlong taon mula nang umalis ako sa amin, ni hindi ako binisita ni apay. Tatlong taong mag-isa kong
ipinagdiwang ang kaarawan ko.
Hindi lang pansit ang niluluto ni Manay Norma. Nagluluto rin siya ng ulam. May maanghang na laing,
gulay na puso ng saging, inihaw na tilapia, bulalo, sinigang na baboy na linagyan ng bungkukan,
puwag na may bibi, igado, pritong manok at marami pang iba. Parang palaging piyesta sa

karinderya.
Sa halos magtatatlong taon kong pamamalagi, wala akong matandaang araw na naging matumal
ang kita ng karinderya. Marami talagang suki. Kaya kahit na napagkasunduaan na papag-aralin ako,
ni minsan hindi ako nakatungtong sa iskwelahan. Kahit na madalas akong makakita ng mga batang
katulad ko na nakasuot ng uniporme. Mas kailangan raw ako sa karinderya at tama na raw yung
matuto ako kung paano isulat ang pangalan ko.
Nung una bantay lang ako, taga-tawag ng kakain at taga-taboy ng mga langaw. May inupahan din si
May Celia na tumulong sa paghuhugas pero hindi siya nagtagal. Parating nakakabasag kaya
pinaalis niya rin ito. Sinolo ko lahat ang trabaho. Tanging ang pagbugaw ko ng mga langaw ang
siyang naging pahinga ko. May pagbabago rin dahil hindi na tingting ang gamit ko, hinimay na dahon
ng saging na kailangan kung palitan araw-araw. Kung minsan kapag naiinis ako, pinapatay ko pa rin
ang langaw. Ngunit hindi ko na ito iniipon. Hindi ko na kailang gusgusin ng langaw ang aking ulo
dahil tumubo na ang buhok ko. Mahabang-mahaba hanggang baywang. Madalas itong makaagaw
pansin sa mga kumakain. Lalong-lalo na si Pay Ramon na walang araw na pinalampas na hindi nito
hinahawakan ang buhok ko. At nahalata ko ring pabigat nang pabigat ang kamay ng tiyo.
Magaspang at may mga maliliit na bulutong tubig sa pagitan ng daliri.
***
Nung maglalabing dalawang taong gulang na ko, saka biglang nawala si Lourdes. Ni minsan sa loob
ng maraming araw ni hindi ko siya nakausap o nakalaro man. May sarili siyang mundo. Matapos
ihatid niya ang mga lulutuin, hindi na siya bumalik sa bahay. Sumama raw si Lourdes sa kasintahan
nitong marinero. Dinala niya ang lahat ng gamit at sabi ni May Celia, ninakaw pa ni Lourdes ang ilan
niyang alahas at damit. Walang nakakaalam kung saan siya nagpunta. Konting pagbabago lang ang
naganap nang umalis si Lourdes. Maliban sa naging mas madalas na paglalasing ni Pay Ramon,
tuloy ang buhay naming lahat. Napagkasunduaan na yong ibang ginagawa ni Lourdes ay ipapasa
na sa akin. Ako na ang sasama kay Pay Ramon sa katayan. Kailangan kong gumising araw-araw
nang maaga. Ayaw ni Pay Ramon na nahuhuli sa trabaho. Ako na rin ang naglilinis ng bahay.
Pumupunta na lamang ako sa kainan kung malapit nang mananghalian. Mabenta ang Pansit Bato
na hinahaluan nila ng dinuguan. Hindi ako kumakain nito dahil naaalala ko pa rin ang mga langaw.
Kaya tinakot ako ni May Norma na madali raw akong mamatay dahil maselan daw ako sa pagkain.
Masustansya ang dinuguan at pampadagdag ng dugo na parang talbos ng kamote.
***

Maaga akong bumangon sa higaan. Pagkaayos ko ng kumot at unan, naghilamos na akot


nagsepilyo. Para akong mabubuwal at naduduwal. Paglabas ko ng silid, gising na si Pay Ramon at
naghahasa na ng kanyang itak na gawa raw ng mga agta sa Bundok Asog. Uminom ako ng
maligamgam na tubig at yinaya na nya ako palabas papuntang katayan. Medyo madilim pa kung
umalis kami ng bahay at wala pang traysikel kaya naglakad na lang kami. Nang umagang yon,
parang mabibiyak ang ulo ko sa sakit. Marami na ang tao pagdating namin sa katayan. Nandoon din
ang iba pang taga-katay. Malalaki ang katawan at ang tatalim ng dala-dalang itak. Lahat silay
walang suot na pang-itaas, pantalon lang na maong na punit-punit. May ilang nakikipag-usap na sa
mga bibili. Ang ibay nag-uumpisa nang uminom ng tuba at gin. Maingay sa katayan. Pinaghalong
ingay ng tao at hayop. Yon ang una kong pasok sa katayan. Ayaw ko sana pero pinilit ako ni Pay
Ramon. Maliban sa mga langaw na nakita ko na tahimik na pinagpipiyestahan ang mga tumilamsik
na laman ng baboy sa sahig, nakita ko rin kung paano katayin ni Pay Ramon ang isang baboy.
Pinukpok niya ito ng malaking tubo. Ni hindi ito nakasigaw. Tumae lang. Maraming tae. Pagkatapos,
linabas ni Pay Ramon ang isang maliit na kutsilyo at tinusok ang leeg ng baboy. Bumuhos ang dugo.
Mapupula at namimilog-milog. Kumuha ng isang itim na balde at doon inipon ang dugo ng baboy na
nagsimula nang dapuan ng mga langaw. Ito ang ginagawang dinuguan. Pinilit kong hindi maduwal
kahit na kinilabotan na ako sa ginagawa ng tiyo. Nakita kong binuhusan ni Pay Ramon ng mainit na
tubig ang baboy. Pagkatapos, inahit niya ang mga banat na balahibo ng baboy. Napahawak ako sa
buhok ko.
Mabilis ang pag-ahit ni Pay Ramon. Sanay na sanay siya. Pagkatapos, linabas niya ang matalim na
itak at pinagpira-piraso ang baboy. Nakita ko kung paano niya ito hinati-hati at pinaghiwa-hiwalay
ang mga lamang-loob. Ang puso, atay, bituka, ang ulolahat. Saka may inalis si Pay Ramon sa
bahaging likuran ng aboy. Makakabuti raw sa mga batang bilot ang kumain noon. Ihawin ko raw.
Non ko nalaman na babae pala ang kinatay na baboy.
Pagkatapos makuha ang dugo na gagawing dinuguan, kalahating kilo ng atay at sampung kilong
karneng kakailanganin sa sinigang, lumabas ako ng katayan at namili ng ilan pang gagamitin sa
pagluto. Nakamura ako sa agtang binilhan ko ng dalawang lata ng tabagwang. Bumili rin ako ng mga
gulayinlangka, puso ng saging at hilaw na papaya. Lalong sumakit ang tiyan ko.
Hindi ko masyadong maintindihan ang naramdaman ko nung araw na yon. Nang magsasara na
kami saka naman may nahalata si Manay Norma sa palda ko. Dugo! sabi ng matanda. Kinabahan
ako dahil baka tumae ako ng dugo. O baka tilamsik lang sa may katayan. Hindi ako nakapagsalita.
Tiningnan ako ni May Celia at isinama sa loob ng banyo. Nakita kong dumudugo ang akin. Non ako
bigla napahagulhol. Pinilit akong sawayin ni May Celia at ipinaliwanag nya sa akin na normal sa
isang dalaga ang ganun. Nagmamaraut na kunu ko. Pinaalis nya ang panti ko at ipinapunas sa

mukha ko. Nandiri ako. Pero sabi niya, kung hindi ko raw gagawin yon mas nakakarimarim ang
tubuan ng tagyawat. Kaya sumunod na lamang ako. Hindi niya na rin ako pinahugas ng maiitim na
kawali at malalaking kaldero. Baka raw kasi umitim ang dugo ko. Nauna na kaming umuwi ng tiya at
pagdating namin nandoon na si Pay Ramon, nanonood ng telebisyon. Kinuwento ni May Celia ang
nangyari sa akin. Biniro ako ni Pay Ramon na kaya raw ako dinudugo dahil kumain ako ng puki ng
baboy. Napatawa si May Celia. Hindi ako tumawa. Dahil sa totoo lang hindi ko naman talaga kinain
yong binigay niya. Tinapon ko ito sa labas ng katayan.
Pagkabihis ni May Celia, pinalukso niya ako sa hagdanan. Mula sa ikatlong baitang, tumalon ako na
parang palaka. Tinuruan niya rin akong lagyan ng lumang labakara ang panti ko. Marami pang bilin
sa akin si May Celia. Labis kong ikinabahala ang sabi niya na buwan-buwan na raw akong dadatnan
ng pagdudugo. Inisip kong isa yong sumpa. Marahil paghihiganti pa ito ng mga tawong lipod o
kayay ng mga malignong langaw.
Binigyan ako ng bagong dalawang panti ni May Celia na halatang galing pa sa aparador. Amoyalkampor. Medyo may kaluwagan at makati-kati ng isuot ko. Limang araw akong ganun. Limang
araw ng hindi maintindihang sakit ng ulo at ng pakiramdam. Limang araw ng pagluluksa. Kung
nandoon lang sana si amay at apay.
Natakot ako sa kalagayan kong yon kaya kahit na mahirap para sa akin, pinilit kong kumain ng
dinuguan para huwag akong maubusan ng dugo. Kahit na parati kong naaalala ang mga langaw.
Naging bugnutin rin ako ng mga araw na yon. Lalo na kung hindi ko maiintidihan ang gustong kainin
ng mga kostumer. Minsan namay kakain na lang, hahawakan pa ang buhok ko. Nayayamot ako
dahil dumarami na rin ang langaw na kahit anong lupit ng pangbubugaw ang gawin ko at ilang
kandila ang itirik, hindi na ito natatakot.
***
Sunod na Linggo, habang kumakain kami ng pritong turay saka gulay na ug-ug, nagpaalam si May
Celia na aalis siya papuntang Maynila sa darating na Miyerkules. Kukunin niya raw ang mga bagong
damit at sapatos. Kaya binilin niya ang karenderya sa amin ni Manay Norma. Magtatatlong araw daw
siyang mawawala. Nagsasalita pa siya nang bigla akong natinik. Sinabihan ako ni Manay Norma na
bilog-bilogin ko raw ang kanin bago isubo para makasama ang tinik na malalim yatang kumapit sa
lalamunan ko. Hindi tumalab ang payo ng matanda. Kaya binigay ni Pay Ramon sa akin ang basong
iniinuman niya. Pinainom niya ako doon para maalis ang tinik. Pinanganak raw kasi siyang suwi.
Naaalis daw nito ang tinik. Ngunit hindi tumalab ang sabi ni Pay Ramon. Kaya pinalapit niya na lang
ako sa kanya. Lumapit ako at hinawakan niya ang leeg ko. Maaalis niya raw ang tinik dahil pinaglihi

siya sa pusa. Hinimas-himas ang bahagi ng leeg ko, malapit sa king dibdib. Mariin at dahan-dahan.
Nang tinanong niya ako kung wala na raw ang tinik, nagpanggap ako na wala na ito. Habang
sinasansan ni Pay Ramon ang leeg ko, naalala ko ang baoy na kinatay. May limang malalaking
kulugo rin ang kamay ng tiyo. Natuwa naman si May Celia sa nakitang inaakalang kakayahan ng
asawa. Sa totoo lang, nawalan ako ng ganang kumain. Tiniis ko na lang ang tinik.
***
Alas-otso na nang makaalis si May Celia. Pag-uwi namin ng bahay, natulog agad si Manay Norma.
Binilin niya na ako na lang ang magbukas sa tiyo. Hintayin ko raw. Maghahating-gabi na nang
dumating si Pay Ramonlasing na lasing. Halos masira ang pinto sa lakas ng katok niya.
Magmamano sana ako nang bigla niya akong siniil sa mukha. Sinabihan niya akong magbihis at
may pupuntahan kami. Ayoko sanang gumayak. At gusto kung umiyak. Pero wala akong nagawa.
Ipapakilala niya raw ako sa mga kaibigan niya. Natakot ako dahil madilim na sa daan at amoy tuba
pa siya. Singbilis ng pintig ng puso ko ang sunod-sunod na hilik ni Manay Norma. Nagbihis ako suot
ang bestida na naiwan ni Lourdes. Sa pagmamadali ko, baliktad kong naisuot ang tsinelas ko.
Umaapaw ang pagkabagabag ko nang sandaling yon.
Habang naglalakad kami, parang sasabog ang puso ko. Hawak-hawak ako ni Pay Ramon sa siko.
Mahigpit na mahigpit. Mabilis ang bawat hakbang namin at halos kinakaladkad ako. Hanggang sa
marating namin ang istasyon ng tren. May limang lalaki kaming nadatnan na nag-iinuman. Panganim ang tiyo. May kadiliman ang lugar dahil isang bombilya lang ang ilaw. Tatlo sa mga lalaking
yon ang namukhaan ko. Yung isa, madalas ring kumakain sa karenderya, tsip yata ang tawag sa
kanya. May dala itong baril parati. Doon ako sa tabi niya pinaupo ni Pay Ramon. Inisip kong
tumakbo, tumakas sa madilim na lugar na yon, pero inisip ko kung saan ako pupunta. Wala akong
makitang sagot sa aking utak.
Lumakas lalo ang tawa ng mga kaibigan ni Pay Ramon. Panay duwal ng takal ang pulis sa tabi ko.
Umaalingasaw ang panghi at baho ng sahig. Parang init ng lupa. Maliban kay Pay Ramon, lahat ng
limang lalaki ay bumubuga ng usokmabaho. Nagsimulang magtanong ang isa sa kanila. Ang
daming tanong. Taga saan ka ba? Ano ka ni Ramon? Umiinon ka ba? Pinaamoy sa akin ang baso.
May regla ka na ba? Lahat sila nagtatanong. Pero kahit isa, wala akong sinagot sa kanila. Tiningnan
ko sila, tinangka kong iguhit ang mukha nila sa isip ko. Pare-pareho ang naging tingin ko sa kanila.
Lahat sila mukhang langaw. Malalaking langaw. Nanlilisik ang mata na hindi kumukurap. Ito ang
huling bagay na nakita ko nang gabing yon. Wala na akong ibang maalala. Maliban na lamang sa
biglang nagdilim ang pagtingin ko. Para akong pinalo sa batok. Parang yong baboy sa katayan.
Walang lumabas sa lalamunan ko. Hindi ako nakaiyak o sumigaw man lamang. Napahandusay ako

sa sementong sahig. Maraming maliliit na bato at buhangin na parang natatakot at nagtatangkang


magtatago sa katawan ko. Hanggang sa naramdaman kong may mamasa-masang mga dila ang
parang tumutusok sa leeg ko. Parang matatalim na kutsilyo ang mga dila. Lalong lumalalim ang tinik
sa lalamunan ko. Lalo itong sumasakit. Naramdaman ko rin ang magagaspang na kamay na
humihimas sa katawan ko. May humihila sa buhok ko. May umaamoy nito na parang nagliliyab ang
paputol-putol na hiningang lumalabas sa ilong. Parang amoy ng sunog na buhok ang lumalabas sa
bibig nila. Hanggang sa pinunit nila ang damit ko. May pilit na pumiris sa suso ko. Naramdaman ko
na ring may humubad ng panti ko. Isa-isa silang umibabaw sa akin. Mabilis. Marahan. Mabilis.
Hanggang sa maramdaman ko ang dahan-dahang pag-uga ng lupa. Parating na ang trenmalaki at
mahabang sasakyan. Sabay bumuhos ang dugobilog-bilog, mainit at walang patid. Hindi natigil
ang pagbuhos ng dugo. Mabilis, rumaragasa ang pagbuhos. Gusto kong tumayo para kunin ang
pinira-pirasong damit ko. Kaya lang, ang bigat-bigat na nang katawan koparang nakapasok sa
tiyan ko ang mahabat malaking sasakyan na panadalian lamang na dumaan. Parang pinasok ang
loob ko ng tren.
***
Pagkatapos ng pinakahuling lalaking dumapa sa akin, naramdaman ko ang nahihirapan na akong
huminga. Pikit ang mga mata kong pinipilit kong buksan. Pero ayaw. Ayaw na yata nitong makakita
ng mga langaw. Gusto kong sumigaw pero ngatal na aking lalamunan, walang lumalabas.
Unti-unting nagdilim ang aking paningin. Wala na akong makita maliban sa kadiliman. Pero
nararamdaman ko pa rin silaang mga langaw. Dahan-dahan nang nagsipag-alisan ang ilan nilang
kasamahan. Natira na lang ang pulis at ang tiyo. Narinig kong sinabi ng pulis kay Pay Ramon na
bayad na raw ang utang ng tiyo ko sa kanya. Tabla. Mag-uumaga na nang makaalis silang lahat
ngunit hindi ang mga langaw na noon ay nagsisimula nang dumapo sa akin. Tinatangka ko itong
bugawinginagalaw ko ang aking mga kamaymatigas na matigas ito. May mga langaw na rin na
palipad-lipad at padapu-padapo sa labi kokaya pilit ko itong hinihipan palayo sa aking mukha.
Walang lumalabas na hangin. Naaalala ko ang mga umagang katulad nito. Umuupo ako sa may
pintuan, manghuhulit papatayin ko ang mga langaw para pagdating ni amay igugusgos niya ito sa
ulo kopara raw tubuan ako ng buhok. Ngunit ngayong umaga kahit anong pilit na taboy ko sa mga
langawdamang dama ko ang maliliit na paa nitong parang tinutusok ang laman ko kahit na
tinakpan na ang ilang bahagi ng katawan ng dyaryo ng dalawang lalaking iniwanan na akong
nakahandusay sa sahig na pareho ko nang malamig na malamig.

You might also like