You are on page 1of 1

Ibat-ibang Antas ng Pagsulong sa Asya: Ang Penomenong Flying Geese

Ginamit ng ekonomistang si Kaname Akamasu ang mga gansang lumilipad na parang nakabaligtad na “V” sa
kalangitan upang mailarawan ang pag-unlad at pagsulong ng ekonomiya sa Asya. Sabi niya, ang mga gansa ay
pinangungunahan ng isang gansa na siyang magdadala sa kanila sa isang lugar na may kaaya-ayang kondisyon.
Ang mga bansang nasa unahan ay mas may kakayahan na magpasa ng mas maunlad na industriya sa mga
bansa sa hulihan. Nangunguna ang Japan sa mga bansang may pinaka-maunlad na industriya at sinundan ito ng mga
Newly-Industrialized Countries (NIC) gaya ng HongKong at Singapore. Habang nasa huling bahagi naman ang China,
Laos, India, Cambodia, Vietnam at Myanmar. Tinutulan ng China ang kaayusan dahil mas gusto nitong siya ang
nangungunang “gansa” at hindi ang Japan.
Nakaranas ang mga bansa ng pag-unlad pang-ekonomiya ngunit may pagkakaiba ang kondisyon ng bawat
bansa lalo na sa demokrasya at sa sistemang pulitikal. Nagtataglay ang bansang Singapore ng isa sa pinakaliberal na
ekonomiya sa rehiyon ngunit hindi nito nakikita ang pangangailangan para sa demokratisasyon. Samantala, ang Pilipinas
naman ang isa sa pinaka-demokratikong bansa sa rehiyon ngunit hindi ito kasing-unlad ng Singapore.

Mga Organisasyong Pang-Ekonomiya

Ang mga layunin ng mga organisasyong pang-ekonomiya ay nakatuon sa pagpapabuti ng ekonomiya ng mga
bansa sa daigdig. Dalawa rito ang World Trade Organization (WTO) at Asia-Pacific Economic Cooperation ( APEC).

World Trade Organization


Ang World Trade Organization ay isang pandaigdigang organisasyon na may kinalaman sa pagbuo ng mga
patakaran sa kalakalan sa pagitan ng mga bansa. Sentral sa organisasyon ang mga kasunduang pinag-uusapan at
nilalagdaan ng mga bansang nakikipagkalakalan at kinukumpirma sa kanilang mga parlamento o lehislatura. Layunin ng
WTO na matulungan ang mga prodyuser ng produkto at serbisyo, at mga tagapagluwas at tagaangkat na negosyante.
Nabuo ang WTO sa Switzerland noong Enero 1995 bilang resulta ng Uruguay Round ng General Agreement on
Tariffs and Trade (GATT). Noong 2007, may 149 na bansa ang kasapi nito. Kabilang sa mga pangunahing Gawain nito
ang:

• Pagpapatupad ng kasunduang pangkalakalan;


• Magsilbing porum kung saan pag-uusapan ang mga negosasyong pangkalakalan;
• Magsaayos ng alitang pangkalakalan;
• Magmonitor ng pambansang patakarang pangkalakalan;
• Magbigay ng tulong-teknikal at pagsasanay sa mga papaunlad na bansa; at
• Kooperasyon sa iba pang organisasyong pandaigdigan.

Asia-Pacific Economic Cooperation


Ang APEC ang pangunahing forum para sa pagtataguyod ng kaunlarang pang-ekonomiya, kooperasyon,
kalakalan, at pamumuhunan sa rehiyong Asia-Pacific. Mayroon itong 21 kasaping bansa na kilala rin bilang member
economies. Kabilang dito ang Australia, Brunei Darussalam, Canada, Chile, China, HongKong, Indonesia, Japan, Korea,
Malaysia, Mexico, New Zealand, Papua New Guinea, Peru, Pilipinas, Russia, Singapore, Chinese Taipei, Thailand,
Vietnam, at United States.
Mula nang itatag ang APEC noong 1989, naging abala ito sa pagpapababa ng taripa at iba pang hadlang sa
kalakalan sa rehiyon. Resulta nito ang paglikha ng epektibong ekonomiyang pambansa at pagpapataas ng pagluwas.
Susi sa pagkakamit ng layunin ng APEC ang Bogor Goals na napagkasunduan ng mga pinuno ng mga bansang kasapi
sa kanilang pagpupulong sa Bogor, Indonesia noong 1994. Ang mga layunin sa pulong sa Bogor ay ang bukas na
kalakalan at pamumuhunan sa rehiyon pagdating ng taong 2010 para sa mga industriyalisadong ekonomiya at 2020 para
sa umuunlad na ekonomiya. Tinawag ang mga layunin na ito na liberalisasyon o bukas na kalakalan at globalisasyon o
ang pagsapi sa pandaigdigang kalakalan sa ekonomiya.
Ang malaya at bukas na kalakalan ay makatutulong sa paglikha ng trabaho at pagbibigay ng mas malawakang
oportunidad para sa pandaigdigang kalakalan at pamumuhunan.hindi naniniwala ang APEC sa protectionism o
patakarang pang-ekonomiya kung saan itinataguyod ang industriyang pambansa sa pamamagitan ng pagpataw ng
mataas na taripa at iba pang regulasyon. Layunin nito na mapababa ang pag-angkat at maproteksyunan ang mga sariling
industriya.

You might also like