You are on page 1of 3

Biyaheng Break Up

- macho gwapito
“Ewan ko sayo”…..
Ibinagsak ng lalaki ang telepono mula sa kabilang linya. Napako ako mula sa aking
kinatatayuan at muli bumalik sa aking alaala ang unang gabing sinambit niya ang mga katagang
“Mahal kita”, ang mga katagang pilit kong pinanghahawakan sa tuwing totopakin ang isa sa amin
at gumawa ng away na sana mapawi nito ang ano mang pangamba.
“Sasakay ka ba o hindi?” nagmamaktol na wika ng kunduktor habang hawak ang maleta
ko paakyat ng bus sabay hawi sa bangs niyang patagilid, sabay sa uso yata ang loko. Nakapara
pala ako ng hindi ko namamalayan.
Pilit kong ibinalik ang aking diwa’t ulirat sa realidad na kailangan ng bus na ito ng
pasahero, kailangan ng kunduktor ang aking pamasahe at higit sa lahat kailangan ng magiging
katabi ko ng karagdagang init upang maibsan ang nakaambang panlalamig mula sa malakas na
aircon ng bus.
“San Fernando po kuya” sabay gala ng paningin ko sa kabuuan ng loob. Hindi naman
ako nagulat ng pasimpleng sumilip ang karamihan sa mga pasahero sa bagong salta,
nakasanayan na rin siguro ito ng karamihan. Animo’y artistang sinusuri mula ulo hanggang paa.
Swerte ko dahil di naman ganoon kasama ang aking itsura, presentable naman ako kahit paano,
naka polo shirt na stripes, maong na pantalon at, ehem, adidas mula sa bayaw kong galing
abroad.
“Dito ka na lang, may bakante pa” ani ng kunduktor sabay turo sa upuan malapit sa dulo
kung saan may nakaupo nang lalaki malapit sa bintana. Tumango naman ako dahil medyo
punuan nga sa mga ganitong oras at dali daling umupo habang di pa binibilisan ng drayber ang
takbo ng bus.
Tatlong oras ang biyahe mula sa aming bayan patungong San Fernando. Tatlong
mahahabang oras ng panunuod ng TV sa harap, pagtingin tingin sa labas, pagtulog o simpleng
pagpapapanis lang ng laway.
“Isa pang pagkakataon ang hinihingi ko parang awa mo na…huwag ka namang ganito…
mahal ko…ma….”. Sa basag na boses natigilan ang lalaki, kagaya ko binagsakan din siguro siya
ng telepono. Hindi ko napigilan ang sarili kong ibaling ang tingin sa kanya. Kagaya ko kanina
lang, natigilan siya sa paggalaw, ni hindi ko nga masigurado kung humihinga o hihinga pa siya.
Pagtangis. Hindi na niya napigilan ang pagguhit ng luha sa pisngi at mula sa abot kamay
na distansiya naming dalawa, hindi ko rin napigilan na hawakan siya sa braso. Ang kalungkutan
na panandalian kong nakalimutan kanina ay unti unting lumalamon sa aking kabuuan, sa aming
kabuuan. Sa pigil na mga hikbi, narinig ko ang pagsusumamo ng kanyang puso kagaya ng aking
pangungulila sa taong nagmamay-ari ng akin.
Hindi pangkaraniwan ang nasaksihan ng mga matang ito. Na sa kulturang nagkintal sa
isip ng bawat tao na ang mga lalaki ay hindi dapat umiiyak, na kailan ma’y hindi angkop sa
kanilang magpakita ng kahinaan at ni hindi nga dapat nagpapatalo sa lamig na dulot ng air-con.
Katahimikan ang sumunod, walang hanggan sa aking wari. Ni hindi kami pinansin ni
mamang kundoktor na abalang nagbubutas ng tiket, ng bata sa kabila na nagsusuka sa supot na
dala ng kanyang ina, ng TV sa harap na nilalamon ng linya kapag nadadaan ang bus sa bako-
bakong daan, o ng aircon na kanina pa nangungutya sa mga walang kayakap sa araw mismo ng
mga puso.
“Masarap magmahal at mahalin, kaso, di talaga lahat papalarin sa pag-ibig”, sabay
sumubok na tumawa ang lalaki pero di niya napaglabanan ang pag-agos ng mas marami pang
luha, at mas marami pa ulit mula sa akin.
Tinitigan niya ako sa unang pagkakataon. Tumambad sa akin ang mapupungay niyang
mga mata na sa kabila ng grabeng pagluha ay bakas pa rin ang maamo at nakakatunaw na mga
pangungusap mula sa mga ito. Makinis ang balat para sa isang lalaki at hapit ang muscle shirt sa
medyo malusog na mga kalamnan. Papa material kung tawagin ng mga mahaharot at ng mga
ewan na di pinalad maging eba.
Naalala ko tuloy sa kanya ang kasintahan ko na kani-kanina lang ay binagsakan ako sa
telepono. May pagkakapareho sila ngunit di ko lang mawari kung ang pagiging papa material o
ang pagiging magaan kasama.
Diyos ko, hanggang dito ba naman pinarurusahan mo pa rin ako, nasabi ko na lang sa
aking sarili.
“Oo nga, pero kung di lahat susubok di nila mararanasang umibig ng tunay”, sabay
buntong hininga.
Hinawakan niya ang kamay kong kanina pa pala nakahawak sa kanyang braso at inilapat
sa kanyang dibdib. Mariin ang pagkakahawak niya dito kaya di ko mabawi, dagdag pa ang
parehong panghihina ng aking mga kalamnan tulad ng kapag kasama ko ang aking kasintahan.
“Para saan yan” wika ko ng di siya nagsalita habang nakayuko at pinagmamasdan ang
kamay ko sa kanyang dibdib. Hindi na ako kumportable sa kinauupuan ko na para bang
nagkakasala ako sa aking kasintahan sa isip at sa salita. Naglalaban ang landi at konsensya sa
gitna ng aking pangungulila at kahinaan.
“Pakiusap, pahiram muna nito” hinigpitan pa lalo ang hawak at mas lalo pang dinamdam
ang pagkakaroon ng katabi sa bus. “Nakita kita kanina, isang importante sigurong tao ang
nagbagsak sa iyo ng telepono, parang nung sa akin?” wika niya habang ngayo’y nakapikit na.
Klaro na sa akin ang ibig sabihin ng kanyang ginagawa, na sa loob ng sasakyang ito ay
may isang pusong nagluluksa at sa kabutihang palad di siya nag-iisa. Hindi ko na siguro
namalayan ang mga nagaganap. Gamit ang malayang kamay, kinuha ko mula sa kailalimang
parte ng aking bulsa ang aking panyo at sa unang pagkakataon pinunasan ko ang luha ng mga
matang hindi naman ako ang iniiyakan.
“Kung sana kasi yung girlfriend mo ang gumagawa nito” biro ko sa kanya na may
kasabay na pilit na tawa pero sa loob naman pala’y nahihiya lang.
“Ako nga pala si Mike” nakangiti na ang kanyang mga mata habang isinasauli ang aking
kanang kamay pabalik sa isa ko pang kamay na nahihirapan ng humawak sa bag kong
nakakandong sa akin. “Salamat sa pakikiramay mo”.
“Bus stop” sigaw ng kunduktor habang hinahanap ang kung sino mang taong bababa na
sa tabi. Dahan dahang huminto ang bus mula sa kaninang matulin, naging buo ang pinapalabas
sa TV, nakatulog na rin pala ang bata sa kabila mula sa pagsusuka, di ko na rin maramdaman
ang lamig ng air-con kasabay ng muling pagpintig ng puso ko sa bagong kakilala at ang pagtayo
niya mula sa kinauupuan .
“Mauuna na ako. Salamat talaga pareng Marko” paalam niya habang turo sa aking bag
tag. Ni hindi ako nakapagsalita. “ Hahanapin ko ang mokong na lalaking iyon at susuyuin, ano pa
nga ba” na may kasamang otomatik na abot tengang ngiti.
Nalunok ko na siguro ang aking dila. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin o kung tama
ba na tumibok ang puso ko sa kanya. Basta sigurado ako na kasabay ng muling pagkutya ng
malamig na air-con sa mga walang kasama sa araw mismo ng mga puso ay nakatanggap ng
teks ang aking telepono mula sa kasintahan kong si Ronald. “ Break na tayo”.

You might also like