You are on page 1of 3

Sa Poong Maykapal, Sa Ating minamahal na Prinsipal, Sa mga Guro, Estudyante ng mababang paaralan ng Nellie E.

Brown, Sa mga butihing magulang at mga panauhing pandangal magandang gabi sa inyong lahat.

Sa araw na ito ipnagdiriwang natin ang isa sa mga pinakaimportanteng bagay para sa mga magaaral na nakapagatapos sa mahigit anim na taon sa mababang paaralan. Sa mga guro na walang humpay sa pananaliksik ng mga bagong kaalaman at metodolohiya upang kayo ay maturuan. At higit sa lahat sa mga inyong mga magulang na walang sawang sumusuporta sa inyong mga anak, mabigyan lamang sila ng magandang kinabukasan.

Marahil marami sa inyong nagtataka kung sino ba ang taong nasa harapan niyo na nagsasalita sa mga oras na ito. Ako ay inanyayahang magbigay ng mensahe para sa inyong mga nagsipagtapos ngayong taong dalawang libo at siyam. Nais ko po na personal na magpakilala sa inyo, ako po ay si Romeo Del Mundo Jr., gaya niyo ako rin ay nagtapos sa paaralang ito eksaktong dalawampung taon ang nakakaraan. Maraming magagandang bagay ang natutunan ko sa paaralan na ito. Ang mga aral na nagsilbing gabay ko para sa aking pagtahak sa tinatawag nating Journey of Life. (Site some examples of your learning during elementary days)

Nais kong ikuwento sa inyo ang isang kuwento na alam kong mapupulutan niyo ng magandang aral. May isang batang taosug na nagtitinda ng popsikel,kakanin, gulay, prutas, mani sa isang pampublikong pamilihan. Hindi lang yun ang kanyang ginagawa, nagbenbenta din siya ng inumin sa labas ng sinehan upang may makain sila ng kanyang pamilya. Mabait, masipag at matulungin siyang bata. Marami siyang trabahong ginawa para sa kanyang pamilya. Pagkatapos niya sa mababang paaralan, pumasok siya sa Sulu Trade School upang makapag-aral ng hayskul. Doon niya nalaman ang kanyang interes. Ito ay ang paglililok. Magaling siyang manlilok, kaya niyang gumawa kahit anumang disenyo. Subalit pagkatapos niya ng hayskul, hindi niya agad naipagpapatuloy ang kanyang pagkokolehiyo dahil kapos ang kanyang pamilya. Datapuwat mahirap man ang kanilang estado sa lipunan, hindi ito naging hadlang sa pag-abot ng kanyang mga pangarap. Pumasok siya sa Bureau of Public Works upang makaipon ng pera para sa kanyang pamasahe papuntang Maynila. Pagkatapos niyang makaipon, agad niya itong ibinili ng tiket patungong Maynila. Pagkarating niya doon, agad siyang pumunta sa Malacanyang. Sa tingin niyo bakit siya pumunta sa Malacanyang? ( Magintay ng mga sagot) Pumunta siya rito upang hingin ang tulong ng dating pangulong, Ramon Magsaysay. Alam niya na ang Pangulo lamang ang makakatulong sa kanya upang muli siyang makapag-aral. Doon nakilala niya ang isang tao na nagngangalang Jose Maria Ansaldo. Noong panahong iyon si Ginoong Ansaldo ay nagtatarabaho sa pangulo. Napakinggan niya ang kahabaghabag na kuwento ng batang tausug. Inalok niya ito na pag-aaralin sa unang taon nito sa kolehiyo. Matapos ang unang taon, sinuwerte siyang makakuha ng Scholarship mula sa gobyerno. Pumasok siya sa Unibersidad ng Pilipinas.

Nag-aral at nagtrabaho siya upang masustentuhan ang pangangailangan niya sa pagaaral.Napansin ng kanyang propesor ang galing niya sa paglilok kung kayat inudyukan niyang kumuha ng isang kursong angkop sa kanyang talento. Pagkatapos niya sa Unibersidad ng Pilipinas, maraming grupo ang nagkainteres sa kanyang talento. Naanyahan ang batang tausug sa Estados Unidos upang mapagpatuloy ang kanyang nasimulan. Libre lahat ang kanyang matrikula at pamasahe papunta doon. Naging matagumpay siyang manlilok sa kanyang henerasyon. Kilala niyo ba kung sino ang batang tausug? Siya ay walang iba kundi si Abdulmari Imao. Siya ay nakapagtamo ng maraming gantipala at parangal sa kanyang larangan. Kagaya niya ako ay nagsumikap at nagtiyaga upang marating ko ang ang aking kinalalagyan sa kasalukuyan. Kagaya niya, hindi ako sumuko sa pagkamit ng aking pangarap. Hindi man kasing layo ng kanyang nakamtan ngunit unti-unti at isa-isa kong pinulot ang mga mithiin ko sa buhay. Walang imposible sa taong marunong magsikap at marunong lumingon sa kanyang pinanggalingan. Ika nga nila kung may tiyaga may nilaga, gasgas man ang kasabihan ito ngunit epektibo pa rin sa taong marunong makinig at marunong bumangon sa kabila ng mga pagsubok.

Mula rin ako sa isang ordinaryong pamilya na kumakain ng tatlong beses sa isang araw. Ang aking ina ay isang matapat na guro sa paaralan na ito at samantalang ang aking ama ay isang Overseas Foreign Worker (OFW). Musmos pa lang kami nang itinanatak na ng aming magulang na ang edukasyon ay ang susi para sa isang magandang kinabukasan. Hindi mo kinakailangan maging matalino upang ikaw ay maging matagumpay. Sa halip, kinakailangan mong maging matiyaga at masipag sa iyong pag-aaral. Walang ibang higit na kayamanan ang maipagkakaloob ng isang magulang sa kanyang mga anak, kundi ang edukasyon. Bilang pagtanaw ng utang na loob sa aking magulang sa kanilang ginagawa sa amin, pinagbutihan ko ang aking pag-aaral. Masuwerte ako dahil hindi lahat ng mga kabataan sa aking panahon ay nakapagtapos sa kolehiyo. Sampu ng aking mga kapatid, nagpapasalamat ako sa kanila na walang sawang sumuporta at kaagapay kong tumupad sa aking mga pangarap. Ang ating magulang, ang mga taong tunay na naniniwala sa atin. Lahat ay gagawin nila upang mabigyan lamang tayo ng magandang kinabukasan.

Walang masamang mangarap, ang ating mga pangarap ang siyang nagbibigay sa atin ng daan patungo sa landas na dapat nating mapuntuhan. Nagbibigay sa atin ng pag-asa na balang araw malayo ang ating mararating. Tandaan ninyo na walang sasarap pa sa isang palay na naani mo sa tulong ng iyong pagsusumikap at paghihirap. Subalit kung isa ka sa mga taong maligaw ng landas, isang masukal na gubat ang iyong tatahakin. Maaring malulon ka sa masamang bisyo at walang mahinatnan ang iyong hinaharap. Maari kang makulong o Ikaw mismo ang sisira sa isa sanang magandang bukas.

Ang edukasyon ang nagsisilbing daan natin sa lipunan. Tinutulungan tayo nito na makipagkomunikasyon sa ibat ibang tao sa buong panig ng mundo. Anu-ano nga ba ang mga tulong na edukasyon sa atin? Una ito ay naghahayag ng pagpapaunlad ating kaaalaman sa matematika, agham, at iba pa; ikalawa Tinutulangan ang bawat isa sa atin na makapamili at mahasa sa kung ano man ang gagampanan natin sa lipunan; ikatlo pinag-uugnay ang magkakaibang kultura sa iisang hangarin at ikaapat ito ay nagsisilbing pinakaugat ng panglipunan at pangkulturang pagbabago. Libo-libong mga kabataan ang di nakakapag-aral sa buong mundo. Bagamat ang ating bansa ay isa sa mga dumadanas ng matinding krisis, masuwerte kayo at nabigyan kayo ng pagkakataon na makapag-aral at makapagtapos. Nais kong ibahagi sa inyo na ang edukasyon ay isang importanteng karunungan na ating maihahandog sa kinabukasan.

Maraming salamat sa inyong pag-anyaya na maging punong tagapagsalita sa araw na ito.

Muli nais ko kayong batiin ng isang maligayang pagatatapos Batch 2009 ng mabaang paaaralan

You might also like