You are on page 1of 3

Marvin T.

Lagonera FIL14 D

Agosto 8, 2011 Ikalawang Kritikal na Pagsusulit

Humihimlay sa tatlong mahalagang pamantayan ang ating pagpapakahulugan sa sistemang Plutokrasya ng panahong pre-kolonyal. Ating binigyang-diin ang (i) kayamanan bilang batayan ng kapangyarihan, (ii) tedja bilang imperatibo sa pagiging pinuno, at (iii) ang kawalan ng pormal na batas. Gamit ang tatlo sa parehong kronolohiya, ilalatag ko ang aking tatlong patunay sa pag-iral ng Plutokrasya sa epikong Hudhud ni Aliguyon. Ang Plutokrasya, sa alternatibong pakahulugan, ay panunungkulang dinikta ng kayamanan. Sa parehong pangangatuwirang ang dami ng yaman ang naghahalal sa pinuno, kayamanan rin siyang magtatapos ng paghahari niya. Gayundin, sa kabuuan ng epiko, mahalaga ang papel ng pagpepreserba sa ekonomiya sa pagpepreserba ng kapangyarihan nina Aliguyon at Pumbakhayon sa kani-kanilang tribo. Gayong natalakay na natin ang mga institusyon ng pagpapalawak ng kapangyarihan, ipapakita ko naman kung paanong itong larong pangkapangyarihan sa pagitan ni Aliguyon at Pumbakhayon ay sa esensiya, larong Plutokrasya rin. Sa linya 450-460, sinabing mabangis ang pingkian ng kanilang sandala sa pilapil [ng palayan] . . . humiyaw ang mga kaibigan ni Aliguyon . . . laban, Aliguyon, talunin mo! Sa ating diskusyon, madaling masasabing tedja ang dahilan ng hiyawan ng mga kaibigan ni Aliguyon. Gayumpaman, kung babalikan ang linya 440 450, makikita ang isa pang motibasyon ng mga tao, walang naiwan [na bigkis ng palay], tumakbo ang mga kalaban . . . dala-dala ang mga banga ng alak. Ang tanong, bakit dadalhin nila ang mga banga ng alak? Ang implikasyon nito ay nariyan ang mga tao hanggat mapoprotektahan ni Aliguyon ang yaman at palayan, gayundin ni Pumbakhayon. Ang punto ko ay, ang pagwawagi ni Aliguyon o ni Pumbakhayon ay hindi lamang masusukat sa kakayahan nilang umulit ng sibat ngunit sa kakayahan rin nilang mapreserba ang kanilang palay. Sa tuwing nawawagas ang palay, nawawalan ng loob ang mga ka-tribo ng dalawa. Ang implikasyon nito sa kulturang nagpapahalaga sa kasidhian ng pag-uulit ay sa kung paanong sa paulit-ulit na 1

labanan at kawalang-kakayahang mapreserba ng palayan, naaapektuhan ang awtoridad ng mandirigma. Sa paulit-ulit na labanan, hanggang saan niya magpoprotektahan ang kaniyang palayan? Ang halaga ng pag-uulit ay hindi na lamang upang masukat ang pagkapanalo mula sa kabilang tribo ngunit upang mapreserba rin ang awtoridad sa loob ng tribo ayon sa dikta ng Plutokrasyang sistema. Sa pagpepreserba ng awtoridad sa isang Plutokrasya, mahalaga ang papel ng tedja. Masasabi nga, imperatibo ang tedja sa pagiging pinuno. Kaya naman, sa paglalaban ni Aliguyon at Pumbakhayon, hindi nila maiwasang magpalitan ng pagkamangha sa isat isa tulad ng sa linya 462 463, huwag labisan ang pagsigaw pagkat kasukat ko si Pumbakhayon at mahusay. Laging dumarating ang dalawa sa punto kung saan sumasang-ayon sila sa isat isa. Hindi ito ang kaso ni Daulayan. Tahasang sinabi ni Pumbakhayon kay Daulayan sa linya 650 660, ako ang pupunta pagkat ikawy hindi mahusay . . . nakakahiya kay Aliguyon. Agad nangatuwiran si Daulayan, tingnan mo ang bisig ko kung hindi rin ito malakas. Dalawa ang implikasyon ng nasabing pahayag ni Daulayan. Una, kinailangan pa ni Daulayan na mangatuwiran upang pagpaniwalain si Pumbakhayon sa kaniyang kakayahan. Hindi tedja kundi pakiusap ang nagsilbing paraan sa pagpapahintulot sa una na lumaban. Ikalawa, bagaman halata naman ang bisig ni Daulayan, ikinahiya pa rin siya ni Pumbakhayon. Hindi kaya ito dahil sa kawalan niya ng tedja? Ganito nga ang nangyari nang ipinagtanggol ni Daulayan ang kaniyang sarili sa linya 681, bakit, sa palagay mo bay di ako magaling? Hindi pa man nagaganap ang tunay na laban, nalaman na ni Aliguyon na hindi niya kapantay si Daulayan. Gayundin, ang kawalang-kakayahang umulit ni Daulayan ang naging sanhi upang matiyak na hindi kalakasan ang tedja ni Daulayan. Ang implikasyon nito sa kulturang nagpapahalaga sa kasidhian ng pag-uulit ay sa kung paanong mahalagang elemento sa labanan ang tedja. Mahihinuha nating sa labanan, hindi lamang pisikal na kakayahan ang nauulit kundi pati rin ang tedja. Nagawang umulit ng tedja nina Aliguyon at Pumbakhayon sa kanilang paglalaban ngunit sa umpisa pa lang, hindi na ito nagawa ni Daulayan.

Tulad ng kawalang-kakayahang umulit ng sibat, wala ring kakayahang tumbasan, umani at umulit ng tedja si Daulayan. Kaya naman, sa isang Plutokrasya, mahina si Daulayan. Ikatlong patunay, mahalagang katangian rin ng Plutokrasya ang kawalan ng pormal na patakaran at batas. Nabanggit nga sa tanong, malaya ang mga kaibigan ni Aliguyon na iwan siya, na hindi sila mapaparusahan. Ipapasok ko ang konsepto ng kawalang pormal na batas sa isang nakakapagpabagabag na realidad sa epiko. Nakapagtataka na ang hindi magandang relasyon ni Aliguyon sa kaniyang mga magulang lalo na sa kaniyang ina ang pinakaaangkop na salitang makapaglalarawan rito ay kabastusan. Makikita ito sa unang bahagi ng epiko nang sinabi ni Aliguyon sa kaniyang ina sa linya 37, hindi kamalasan ni Aliguyon, anak ni Amtulao, kundi ng kaniyang inang si Dumulao. Gayundin ang relasyon ni Pumbakhayon sa kaniyang inang si Dangunay tulad ng sambit ni Dangunay sa linya 340, kayong mga bata, sa anong dahilan at kayoy naglalaban? Patas kayo ng galing sa bukid! ngunit hindi nila pinakinggan ito. Ang tanging malinaw sa pangyayaring ito ay ang kawalan ng parusa sa hindi pagrespeto at pagsunod ng mga anak sa kanilang magulang. Walang itinakdang batas kayat malaya sina Aliguyon at Pumbakhayon na suwayin ang kanilang mga magulang upang makapaglaban. Ang punto ko rito ay na sinasaklaw, nilalapatan at naiimpluwensiyahan ng Plutokrasya ang kahit pa yunit ng pamilya. Kritikal ang papel ng pagbuwag ng batas sa konsepto ng kulturang nagpapahalaga sa kasidhian. Ang batas ay aparatong naglilimita. Kung may batas, nagiging routine ang lahat na dapat itot ganito ang gawin, hindi iyat ganiyan. Sa pinaka-esensiya, binubuwag ng pormal na batas ang kasidhian ng pag-uulit. Sa kawalan ng batas, nagaganap ang ritwal na maraming posibilidad. Sa ganitong pag-unawa nagiging mahalaga ang papel ng kawalang-batas sa relasyon nina Aliguyon at Pumbakhayon sa kanilang mga magulang. Sumisidhi ang halaga ng ritwal sa pagsuway sa kanilang mga magulang. Sa katunayan, hindi magiging posible ang labanan nina Aliguyon at Pumbakhayon kung hindi nila sinuway ang kanilang mga magulang sa umpisa pa lamang.

You might also like