You are on page 1of 6

KABANATA LABING-ISA ANG LARAWAN NG UNIBERSAL NA ANYO 1.

Sinabi ni Arjuna: Sa pamamagitan ng Iyong biyaya, ibinunyag Mo ang Iyong lihim na kayamanan sa akin, ang aking kamangmangan sa pamamagitan ng Iyong Kataastaasang Pagkatao lahat ng ito ay naparam. 2. O Panginoon na may magandang mata gaya ng Lotus, napakinggan ko ang malinaw na paliwanag Mo sa paglikha at paggunaw sa mga nilalang, gayun din sa Iyong walang katapusang glorya. 3. O Panginoon, naipaliwanag mong mabuti ang Iyong Kataastaasang Katauhan, bagaman o Purusottama, nais kong mapagmasdan ang mala-gloryang anyo Mo. 4. O Yogesvara, ako ay nagsusumamo, kapag ito ay binigyang laya Mo na Makita ko, pakiusap hayaan mong mapagmasdan ko ang Iyong walang katapusang anyo. 5. Ang Panginoon ay nagsabi: O Partha, masdan mo ang Aking hindi mabilang na banal na anyo ng maraming uri, kulay at hugis. 6. O Bharata, pagmasdan mo ang mga diyos-Adityas, Vasus, Rudras, Asvini,-kumaras at Vayus. Tignan mo ang maraming naka-mamanghang mga anyo, na kailan man ay hindi pa nakikita. 7. O matiyagang Arjuna, pagmasdan mo sa isang bahagi, ang Aking anyo, ang buong sanlibutan na umiinog at nakahimpil na mga nilalang at anumang nais mong masilayan. 8. Ngunit hindi mo Ako makikita sa iyong mga matang iyan, kayat bibigyan kita ng banal na paningin. Masdan mo ang Aking banal na katangian. 9. Sinabi ni Sanjaya: O mahal na haring Dhrtarastra, kasalukuyang nakikipag-usap kay Arjuna ang Makapangyarihan at Kataastaasang Diyos na Panginoong Sri Hari ay ipinamalas ang kagila-gilalas, pinaka-makapangyarihang anyo. 10,11. Ipinamalas ng Panginoon ang Kanyang nakakasilaw, pinaka-mamanghang anyo, mga busilak na mga damit at mga bulaklak, pinabanguhan ng mga selestiyal na halimuyak, at kagilagilalas na mga palamuti, at maningning na nakataas na mga sandata. 12. Ang liwanag ng Isang Libong mga araw na sumisikat ng sunod sunod sa kalawakan ay maihahambing na halimbawa sa sinag ng malaking anyong unibersal ng Panginoon.

13. Sa sandaling yaon, duon sa lugar ng digmaan, nakita ni Arjuna ang lahat ng napakaraming sanlibutan sa iisang anyo, sa loob ng katawan ng Panginoong Krishna, ang Kataastaasang Panginoon ng mga diyos. 14. Napamangha, ang mga buhok sa katawan niya ay nanga-pagsitayuan sa dulo, iniyukod ni Arjuna ang kanyang ulo sa pagsamba kay Panginoong Krishna. Pinagdaop niya ang kanyang mga palad, at nagdasal. 15. Sabi ni Arjuna: O Panginoon, nakita ko sa Iyong katawan ang mga bathala, lahat ng uri ng may buhay, mga selestiyal na mga paham at mga hayop na makamandag, si Mahadeva, ang Panginoong Brahma na nakaupo sa bulaklak ng lotus. 16. O Panginoon ng Sanlibutan, O sanlibutang anyo, sa lahat ng direksiyon nakikita ko ang walang kamatayan Mong anyo na may mga kamay, beywang, bibig, at mga mata. Nakikita kong walang umpisa, pang-gitna o dulo man nitong anyo Mo. 17. Nakikita kita sa lahat ng lugar na may korona sandatang pamalo at disko, isang bagay na napaka-liwanag na nagmumula, parang nakakasilaw na liwanag mula sa araw, mahirap mawari at hindi maipaliwanag. 18. Ikaw ang Kataastaasang Kinapupunuan ng Katotohanan ng Vedas. Ikaw ang pinakamalawak na imbakan ng sanlibutan at walang katapusang tagapangalaga ng eternal na relihiyon na binabanggit sa Vedas. Ngayon ay nauunawaan ko na Ikaw ang eternal na Kataastaasang Katauhan. 19. Nakikita kita na walang umpisa, gitna at dulo, walang katapusang matitipuno hindi mabilang na mga kamay. Ang Iyong mga mata ay mistulang mga araw at buwan, ang Iyong mga bibig ay nagliliyab na apoy, at ang buong sanlibutan ay nalilibot ng Iyong mga sinag 20. Nagi-isa Kang sumasakop sa lahat ng direksiyon pati na ang pagitan ng langit at ng lupa. O mahabaging Diyos sa pagmamasid sa nakagigilalas walang pagkatakot na Iyong anyo, lahat ng nilalang sa tatlong mundo ay nasisindak. 21. Lahat ng mga bathala ay pumapaloob sa iyo, ang mga iba nangangambang nagdarasal ng daop ang mga palad. Ang mga dakilang paham at mga banal na nilalang ay lahat ng umaawit ng Iyong glorya sa pamamagitan ng magagandang berso, nagsasaad, Lahat sana ng kaginhawahan ay mapasa-mundo. 22. Ang Rudras, Adityas, Vasus, Sadhyas, Visvadevas, Asvini-kumaras, Vayus, mga anito ng mga lahi, mga Gandharvas, Yaksas, Asuras, Siddhas- sa katotohanan ay, lahat sila ay nasasabik na sambahin Ka. 23. O Dakilang Mananandata, sa pagkamasid sa Iyong napakalawak na anyo na may maraming bibig, mata, kamay, binti, paa at beywang, pati na ang napakaraming mga ngipin, nangaka-sindak ang lahat na mga nilalang , pati ako ay naalihan ng pagkatakot.

24. O Vishnu, sa nakikita kong anyo mo na abot langit, kagilagilalas na anyo na may makikinang na mga kulay na may malalaking bunganga at nakakatakot na mga mata, ang puso ko ay kumakalabog na ng takot at hindi ko na makita ang pagka-panatag gayun man ang katahimikan. 25. Pagka-kita ko sa Iyong mga bibig na waring ito ay apoy ng pagkagunaw ng sanlibutan, ngumunguya sa pamamagitan ng mga teribleng mga ngipin, nagitla ako at nawalan ng katinuan. Maawa Ka; O Panginoon ng mga diyos, O pinapanginoong mayari ng sanlibutan. 26,27. Ang mga anak ni Dhrtarastra, kanilang mga hari, sina Bhisma, Drona at Karna, kasama ang kanilang pangunahing mandirigna, lahat sila ay bumubulusok sa Iyong mapanganib na bunganga at teribleng mga ngipin. Ilan ay nakikita na ang mga ulo nila ay nahahagip at nadudurog ng Iyong mga ngipin. 28. Kagaya ng maraming ilog umaagos papunta sa dagat ang kanilang pagsanib, alalaon baga ang mga bayaning ito ng mundo ay naglulusutan sa Iyong nagliliyab na bunganga na siyang nagbibigay liwanag nito. 29. Gaya ng gamu-gamo ay tuluyang namamatay sa lagablab ng apoy, gayon din lahat ng mundo ay walang awa at nagmamadaling pumaroon para lang sa kanilang kamatayan, pumapaloob sa Iyong mga bunganga. 30. O Vishnu, sa Iyong nagliliyab na bunganga, Ikaw ang nagbabadya pinaparoonan ng mga mundo, ang Iyong walang katapusang anyo, kumikislap sa liwanag pinupuntirya ang buong sanlibutan. 31. O walang takot na nilalang, paki-usap, sabihin mo sa akin kung Sino Ka. O Panginoon ng lahat ng diyos, ako ay sumasamba sa Iyo; maging mahabagin. Nais kong makilala Ka ng lubusan, ang Pinagmulan sa dahilang hindi ko maintindihan ang Iyong mga Gawain.. 32. Ang Kataastaasang Panginoon ay nagsabi: Ako ang panahon, ang magiting na manunupil ng lahat, at Ako ang nakatalagang gumunaw sa mundo. Kahit hindi mo sila patayin, ni isa man sa mga mandirigma sa magkabilang panig ay walang matitira. 33. Tumindig ka! Maging glorioso! Lupigin ang mga kaaway at lasapin ang ninanais na kaharian. Lahat ng mga mandirigmang nandirito ay natapos ko nang paslangin. O Savyasachin, ikaw lamang ay isang kasangkapan. 34. Paslangin mo si Drona, Bhisma, Jayaratha, Karna at lahat ng mga mandirigmang Akin ng pinaslang. Huwag matakot, lumaban ka! Ikaw ay magiging matagumpay sa mga kaaway.

35. Sabi ni Sanjaya: Pagka-pakinig niya sa mga salita ng Diyos, ang nanginginig na si Arjuna ay yumukod ang ulo, pinagdaop ang mga palad at nagdasal. Sa nahihintakutang puso, yumukod muli, at pagaralgal na nagsabi. 36. Sabi ni Arjuna: O Hrsikesa, marapat na ang buong mundo ay masiglang umawit sa Iyong mga Gloria ng pagmamahal, ang mga demonyo ay tumatakas nagu-unahan papalayo sa lahat ng dereksiyon, at ang mga perpektong mga nilalang ay naghahandog ng pagsamba sa Iyo. 37. At O mahabaging Katauhan, papanong sila ay hindi yuyukod sa Iyo ang sinasambang lumikha mandin sa manlilikhang Panginoong Brahma? O walang kamatayang Diyos ng mga diyos, o kaharian ng sanlibutan, Ikaw ang may katauhan, ang walang katauhan, ang Kataastaasang Walang Katapusan. 38. Ikaw ang eternal na pinagmulan ng lahat ng mga bathala, na siya lamang kanlungan ng sanlibutan. Ikaw lamang ang uma-alam at ina-alam, at ang kataastaasaang kaharian. O Panginoon ng walang katapusang anyo ang buong sanlibutan ay nasasakupan Mo. 39. Ikaw ang ama at ang pinagmulan ng lahi ng lahat ng tao, Ikaw ang hangin, kamatayan, apoy, ang dagat at ang buwan. Yumuyukod sa Iyo, ng libong beses, muli at paulit-ulit. 40. O Siyang kumakatawan sa lahat ng nalikha, ako ay yumuyukod sa Iyo sa harapan, sa likod at sa lahat ng dereksiyon. O Panginoon ng walang katapusang lakas, at hindi masukat na kadakilaan, sinasakop Mo ang lahat, ibig sabihin Ikaw ang lahat ng ito. 41,42. Dahilan sa pagiging pamilyar sa ugnayan basta na lamang Kitang natatawag na Krishna, Yadava, o aking kaibigan, mangmang sa Iyong kagitingan. O dakilang Panginoon kung anuman ang hindi tamang pagtawag ko sa Iyo-sa biruan, habang narerelax, namamahinga, naka-upo o kumakain, maging kasama ka o pag marami tayoako ay nagsusumamo, Ikaw ang nakaka-alam ng lahat na sana ako ay patawarin mo. 43. Ikaw ang ama ng lahat ng tao ang pinakasasamba at ang pinaka-mahusay na guro. Wala kang kawangis dito sa tatlong mundo. Wala nang maari pang pumantay sa Iyo, O Panginoon nang hindi matatawarang kapangyarihan. 44. Ako ngayon ay nagpapatirapa na sumasamba sa Iyo, Aking Panginoon at sinasambang taga-pagligtas, ako ay nagdarasal sa Iyong awa. Ipagpaumanhin Mo na ako bilang ama, kaibigan o mangingibig na unawain ang pagkakamali ng isang anak, kasama o kaibigan. 45. O Panginoon ang puso ko ay tuwang tuwa na makita ang Iyong naka-tagong unibersal na anyo. Mandin ako ay nahihintakutan. O Panginoon ng mga panginoon, kanlungan ng sanlibutan, mahabag Ka sa akin at magpakita ka sa dati mong anyo na ipinamalas mo dati sa akin.

46. Nais kong Makita Ka uli na may suot na korona at may hawak na pamalong sandata at disko. O Panginoong may libong kamay, O unibersal na anyo ako ay nagsusumamo na magpakita ka ulit sa iyong anyo na may apat na kamay. 47. Ang Kataastaasang Panginoon ay nagsabi: O Arjuna para pagbigyan kita sa espesyal mong kahilingan Ako ngayon ay naghayag sa iyo ng Aking maningning na unibersal at sinaunang anyo, sa pamamagitan ng aking banal na katangian. Ang kataastaasang unibersal na anyo ay hindi pa napahayag nuon kanino man. 48. O Arjuna , pinakamagiting sa mga Kauravas, walang sinoman dito sa mundo ang makakakita sa anyo Kong ito na namasdan mo, kahit sa pamamagitan ng pag-aaral sa Vedas, pag-aayuno ayon sa Vedas, maging sa pagiging mapagbigay, o ng mga gawaing ritwal, maging sa masusing pagtitika. 49. Huwag kang mahintakutan na pagmasdan ang teribleng aspeto ng Aking anyo. Huwag matakot. Ngayon, kalmahin mo ang iyong puso, masdan mo ang Aking anyo na may apat na kamay muli. 50. Sabi ni Sanjaya: Habang nakikipag-usap si Arjuna, ipinamalas ni Krishna muli ang Kanyang dating anyo. At minsan pa, ipinamalas Niya ang Kanyang magandang katauhan-ang maawaing Sri Krishna (ng anyong tao, na sinusuotan ng dilaw na damit, alahas ng Kaustubha at Vaijayanti na mga bulaklak) habang pinapahinahon ang nasisindak na si Arjuna. 51. Nagsabi si Arjuna, O Janardana, sa pagkakakita ko sa maganda Mong anyo, nang gaya ng sa tao ako ay naging kalmado at natahimik minsan pa. 52. Ang Kataastaasang Panginoon ay nagsalita: O Arjuna wala ninuman ang nakakita ng Aking anyo na siya mo ngayong natuklasan. Maging ang mga bathala ay palagian itong ina-asam na kahit saglit na sulyap nitong hawig sa nilalang na banal na anyo. 53. Maging sa pag-aaral sa Vedas, maging ng pagtitika, pagiging mapag-abuloy at mga sakripisyo sila ay hindi makakapamalas ng Aking anyo na eternal na pagkatao ng Nektar na Walang-hanggan na siya mong napagmasdan. 54. O Arjuna, manunupil ng mga kaaway, sa pamamagitan lang ng purong debosyon maari itong kumilala sa Akin, makakita sa Akin, at pumasok sa Aking banal na pinaggalingan. 55. O Arjuna, ang Aking mga mananampalataya na isinusuko lahat ang kamunduhan at ang mga may pusong malaya sa kamunduhan ng mga nilalang, silang maninilbihan sa Akin ng buong puso, kilalanin Ako bilang Kataastaasan, sila ay makakarating sa Akin.

PAGTATAPOS NG IKA-LABING ISANG KABANATA

ANG LARAWAN NG UNIBERSAL NA ANYO Mula sa usapan ni Sri Krishna at Arjuna sa Bhagavad-Gita Upanisad, ang Kasulatan ng Yoga ng Transendental na Karunungan sa Bhisva Parva ng Sri Mahabharata, ang Banal na Kasulatan inihayag ni Srila Vyasadeva sa Isangdaang Libong berso.

You might also like