You are on page 1of 10

Ang Gatas sa Panitikang Pilipino: Gamit, Representasyon at Kasalukuyang Katayuan

Romel Rafor Jaime PanPil 190

Gatas lang ang katapat mo noh! Isang malaking billboard ng salon ni Ricky Reyes ang makikitang nakahambalang sa kahabaan ng EDSA, sa ibabaw ng bubong ng Nepa Q-Mart na nagsasaad ng nasabing advertisement ukol sa pagpapaganda ng buhok. Gatas? Para sa buhok? Isang malaking industriya na sa ngayon ang gatas. Mula sa pagiging inumin at sangkap sa mga pagkain, kalat na rin sa ngayon ang paggamit sa gatas externally. May tinatawag na milk rebonding (paglalagay ng gatas sa buhok upang maging tuwid ito) at mayroon din namang mga nagkalat na sabon o pamahid sa balat na pinangangalandakan na may sangkap o based sa gatas. Nakapagpapabata raw ang mga ito, nakatatanggal ng mga pileges at nakapagpapaputi. Nakapanggigilalas na gamit ng gatas! Bago pa ang mga nasabing gamit sa gatas, ito ay isang malaking bahagi lang muna ng dietng mga tao. Makikita ito mula sa sariwang gatas na iniinom ng mga tao sa umaga, kesong ipinalalaman sa tinapay, mga kakanin, matamis at ulam na nilalahukan ng gatas, hanggang sa gatas na sinususo ng bata sa kanyang ina. Talagang malaki ang ginagampanang papel ng gatas sa nutrisyon ng tao lalong lalo na ng isang batang bagong silang. Mayaman kasi ito sa mga nutrisyon at mineral na sumusuporta sa katawang nagsisimula pa lamang sa pagdedebelop. Pinanggagalingan ito ng phosporus at calcium na kinakailangan sa pagpapatibay ng buto. May taglay rin itong bitamina A, B at D. Ang carbohydrate na mayroon ito ay iyong uring madali lamang tunawin kaya hindi nakasisira ng tiyan (maliban sa mga taong lactose intolerant). Bukod pa sa mga nabanggit na, pinalalakas ng gatas ang immune system ng katawan. Dahil ang gatas ay nasa anyong likido, madali lamang itong maipasok sa katawan kung kaya talagang ang disenyo nito ay para sa pagkonsumo ng mga sanggol. Ang mga bagay na ito ang dahilan kaya hindi maikakaila ang kahalagahan ng gatas. Ang nabanggit na kahalagahan ng gatas ay transendental o humuhulagpos sa isang grupong kultural patungo sa iba pa sapagkat hindi ito ari ng iisang grupo lamang. Lahat ng tao sa buong mundo ay nakaranas kahit minsan sa kanilang buhay na uminom at buhayin ng gatas. Bagaman iba-iba ang paraan ng paggamit o pagkonsumo sa gatas, nananatili ang katotohanang ito ay matatagpuan sa kahit anong lipunan na nasa ibabaw ng mundo. Kung gayon masasabing ang gatas ay isang mahalagang sangkap na kultural sapagkat bahagi ito ng pamumuhay na mayroon ang mga tao. At dahil bahagi ito ng kultura, hindi nakagugulat na matatagpuan ito sa panitikan ng kahit na anong kultura. ANG GATAS SA PANITIKANG PILIPINO Bilang isang bansang may kultura , ang Pilipinas ay may panitikang katatagpuan ng gatas bilang sangkap nito. Maraming teksto sa panitikang Pilipino ang hindi man direktang tumatalakay sa gatas ay nagpapakita naman ng papel na ginagampanan ng gatas sa lipunang namamayani sa panahong ang isang teksto ay nabuo. Bawat teksto ay may ibat-ibang paggamit sa gatas mula sa literal hanggang sa simbolikong paraan. Upang maipakita kung anu-ano ang mga nabanggit na paggamit, ipiprisinta ng papel na ito ang ilang teksto na gumagamit sa gatas bilang midyum o nagpapakita ng kahalagahang ginagampanan ng gatas sa bawat piryod ng kasaysayan at

kasaysayang pampanitikan ng Pilipinas. Susubukin ding ilahad ng papel na ito ang kasalukuyang katayuan ng gatas sa kasalukuyang lipunan kung saan ang gatas nga ay isa nang malaking industriya. Ang Gatas sa Panitikan Noong Hindi pa Pilipinas ang Pilipinas Ang pagiging bahagi ng gatas ng kulturang Pilipino ay nagsimula pa noong panahong nagkaroon ng mga tao sa lupaing sa pagdating ng ikalabing-anim na siglo ay makikilala bilang Pilipinas. Ang panahong tinutukoy dito ay iyong panahong hindi pa naisusulat ang kasaysayan at ang nangingibabaw na uri ng panitikan ay iyong panitikang oral. Makikita ang gatas bilang bahagi ng panitikang oral ng mga Pilipino. Ang isang tao ay itinuturing na may gatas pa sa labi upang sabihing siya ay hindi pa mature. Tumutukoy ang pariralang may gatas pa sa labi sa mga batang sumususo pa sa kanilang mga ina na silang mga kakikitaan ng gatas sa labi. Nais lamang iparating ng mga nagsasabi sa kanilang pinagsasabihan na ang pinagsasabihan ay tulad pa ng mga batang wala pang sariling disposisyon o kakayahang magtimbang ng tama at mali. Dito, ang gatas ay ikinakapit sa pagiging bata pa ng isang tao. Ang mga sumusunod naman na bugtong ay nagpapakita kung paanong ituring ng mga sinaunang tao ang gatas bilang buhay: Tubig na pinagpala, walang makakuha kundi bata. (Tagalog) - Gatas Dalawang dayap na hinog, nanga sa tutok ng bundok, Ang dumadaloy na hamog, lubhang mahalagang gamot (Tagalog) - Utong ng suso at gatas E-el talabil sun lawil (Blaan) Water in a hill gives life - Gatas Mapapansing sa bawat bugtong ay ihinahalintulad sa tubig ang gatas (sa ikalawang bugtong, bilang hamog, na tubig rin naman). Ang tubig ay buhay sapagkat kailangan ito ng katawan upang tayo ay mabuhay (sa katunayan, kayang mabuhay ng tao nang kahit ilang araw ng walang pagkain bastat may tubig). Samakatwid, ang gatas ay tulad rin ng tubig na itinuturing na nagbibigay buhay na siya namang nagpapatunay ng kahalagahan ng gatas para sa mga Pilipino lalong-lalo na yaong gatas ng ina. Ang sumusunod na dalawang bugtong ay gumagamit naman sa gatas bilang representasyon ng isang bagay, samakatwid, isang simbolong naglalarawan sa bagay na ninanais nilang pahulaan, ang lampara. Usa ka aninipot nga misteryoso Nagtungtong sa tumoy sa suso Ug nagsuyop sa gatas na esposo

A mysterious firefly stands on the tip of the breast and sucks thick milk (Cebu-Negros Oriental) Gipabatog sa pikas nga suso Nga may gatas nga ispiso Ug gipahinayhinay pagpasuso It was put on a nipple that contains sticky milk, and made to suck the milk slowly (Cebu) Ang lamparang tinutukoy sa bugtong ay iyong gumagamit ng langis o gas upang makapagbigay liwanag. Ang gatas sa bugtong na ito ay ginamit na representasyon ng langis na dahilan upang magningas ang dulo ng pabelo ng lampara. Dito, makikitang ang gamit pa rin ng gatas ay tagapagbigay buhay sapagkat ihinalintulad siya sa langis na siyang nagbibigay buhay sa apoy. Bagaman magkasalungat kung papansinin, (ang gatas bilang tubig at gatas bilang tagapagbuhay ng apoy), iisa naman ang nais tumbukin ng pagkakagamit ng gatas sa parehong grupo ng mga bugtong: ang gatas bilang mula ng buhay. Isa pa sa magpapakita ng pagtingin ng mga prekolonyal na Pilipino sa gatas bilang buhay ay ang alamat ng bigas ng mga Tagalog. Ayon sa kuwento, nagalit si Bathala sa mga tao nang sambahin ng mga ito ang kaaway niyang si Atasip bilang Diyos. Sa kanyang galit, pinatay niya ang lahat ng mga hayop at halaman sa buong mundo kung kayat walang makain ang mga tao. Humingi sila ng makakain sa bago nilang Diyos na si Atasip at binigyan naman sila nito ngunit ang mga nasabing pagkain ay hindi naman nakaaalis ng gutom at nakapagbibigay ng lakas sa kanila. Dahil dito, nagsisi silang lubos sa mga nagawa nilang kasalanan at nagbalik-loob kay Bathala. Dahil sadyang mahal niya ang sangkatauhan, hindi niya nakayang makitang nahihirapang ang mga tao. Sinugo niya si Lakambui, isang mababang Diyos, upang sabihin sa mga tao na magbungkal ng lupa. Ang lupang binungkal naman ng mga tao ay pinadiligan ng mga gatas na nagmula sa suso ng mga kababaihan. Pagkaraan ng limang araw ay mayroon nang tumubong halaman sa lupang diniligan nila ng gatas. Pagkaraan muli ng apat na buwan ay naagkaroon ng bungang kulay ginto ang halaman na kapag binuksan ay may butil sa loob na kulay gatas. Tinawag nila itong palay at siya nilang kinain upang mabuhay. Sa kuwentong nabanggit sa itaas, lutang ang paggamit sa gatas bilang pinagmumulan ng buhay. Dahil wala na ngang makain ang mga tao, ang tanging pag-asa na lamang nila na may makain ay kung may mabubuhay na halaman sa binungkal nilang lupa. Kung halimbawang walang gatas na makukuha mula sa mga kababaihan, walang tutubong halaman mula sa binungkal nilang lupa at tuluyan na nga silang mamamatay. Dapat ring mapansin na mataas talaga ang pagtinging iniuukol ng mga Pilipino sa gatas sapagkat ito ang napili nilang gamiting bagay na magiging dahilan upang tumubo ang mga palay sa kuwento gayong maaari namang ibang bagay ang gamitin nila.

Ang iba namang kuwentong prekolonyal ay kakikitaan ng ibang pagtrato sa gatas: bilang bagay na nagsisilbing tagapag-ugnay ng ina sa kanyang anak. Matutunghayan sa kuwentong Bata Mama, Bata Bahi (Batang Lalaki at Batang babae) ang pagtratong ito sa gatas. Sa kwento, dalawang magkapatid, isang batang lalaki at isang batang babae ang naulila sa kanilang mabait na amang datu. Ang kanilang ina ay nagpakasal na muli sa kapatid ng kanilang namatay na ama. Ang kanilang tiyuhin ay may masamang ugali at laging pinarurusahan ang magkapatid sa kanilang kaunti mang pagkakamali. Isang araw ay inutusan ng kanilang tiyuhin ang magkapatid na manguha ng dahon ng gabi. Binalak niya talaga na matagalan ang magkapatid sa pangunguha ng dahon ng gabi sapagkat gusto nang iwan ng datu ang mga bata habang ipagsasama niya ang kanilang ina na kanyang asawa patungo sa malayong lugar. Bago umalis ay pinagluto niya muna ang kanyang asawa ng kanilang mga kakainin at mahigpit na nagbilin na huwag mag-iwan ng pagkain para sa kanyang mga anak. Ngunit nang malingat ang asawa ay nagtabi siya ng pagkain at naglagay ng gatas mula sa kanyang suso sa lalagyan at kasama ng isang kutsilyo ay ibinaon niya ito sa mga abo ng kanyang pinaglutuan. Nang umalis na sila, gumamit siya ng sinulid na abaka sa kanilang mga dinaraanan upang masundan siya ng kanyang mga anak. Sa bawat hihintuan nilang mag-asawa ay nagluluto siya ng pagkain at kapagdakay magbabaong muli sa mga abo ng pagkain at gatas. Sa ganitong paraan ay halos masundan sila ng kanyang mga anak dangan nga lamang at sa bandang huli ay nawala na ang sinulid na abaka na sinusundan ng magkapatid. Dito, makikitang kahit iniwan na ng ina ang kanyang mga anak dahil sa takot sa kanyang asawa at sa buhay ng kanyang mga anak (nagbanta ang kanyang asawa na papatayin ang mga bata kung hindi niya iiwan ang mga ito), naipadarama pa rin ng ina sa kanyang mga anak ang pagmamahal sa pamamagitan ng mga pagkain at gatas na iniiwan niya sa mga hinihintuan nila. Hindi man sila tuluyang nakita ng kaniyang mga anak sa pamamagitan ng mga ito, ang mga ito naman ang naghatid sa mga bata sa kaligtasan dahil ang mga ito ang dahilan kung bakit nakilala ng mga bata ang higanteng alimasag na siyang nangalaga sa mga bata sa loob ng mahabang panahon. Gatas ang nagsilbing dugtong ng mga bata sa kanilang ina na sa paglipas ng mahabang panahon ay makikita rin naman nilang muli sa tulong pa rin ng namatay na nilang itinuring na inang alimasag. Sa kuwento namang Mapanganib na Duyan, gatas ang naging paraan ng isang ina upang iparamdam ang kaniyang pagmamahal sa kanyang anak. Nawalay si Bugan sa kanyang mag-ama sa kagagawan ng kaibigan niyang impostorang si Magapid. Inaya siya nitong sumakay sa duyan at sinadya nitong lakasan ang pag-ugoy sa duyan hanggang tumilapon si Bugan at namatay. Pagkaraan ay kinuha ni Magapid ang kanyang mga alahas, isinuot at saka umuwi sa bahay ni Bugan. Hindi naman napansin ng asawa ni Bugan na iba na ang babaeng umuwi sa kanilang bahay. Samantala, si Bugan naman ay binuhay na muli ng mga kalapati at pinahiram siya ng mga balahibo kung kayat siya ay naging kaisa nila. Naging kasa-kasama ni Bugan ang mga kalapati sa mga panahong si Magapid naman ay patuloy na nagbabalatkayong Bugan. Dumating ang panahon na umabot na sa sukdulan ang pangungulila ni Bugan sa kanyang pamilya lalo na sa kanyang anak kung kayat nagpasya siyang bumalik na sa kanilang tahanan. Nagpahuli siya kay Aliguyon, kanyang asawa, bilang isang ibon at naging alaga ng kanyang sariling anak. Pagkaraay ipinakita niya na rin sa kanyang anak na siya ang tunay nitong ina sa pamamagitan ng pagtatanggal ng mga balahibong ipinahiram ng mga kaibigang kalapati; at karakarakay nakilala nga siya ng kanyang anak. Sa pagkasabik sa anak ay agad niya itong inilagay sa kanyang dibdib at pinasuso. Ang kanyang pagpapasuso sa kanyang anak ang naging paraan ni Bugan upang iparamdam ang

kanyang labis na pangungulila at pagmamahal dito. Ipinakikita rin dito ang pagturing sa gatas bilang invisible na taling nag-uugnay sa ina sa kanyang anak na parang ang pagpapasuso ni Bugan ng gatas sa kanyang anak ang magiging paraan upang mapagtakpan ang matagal ding panahong sila ay nagkawalay. Sa kuwentong Mariang Alimango, ang itinuturing na Pilipinong bersyon ng transendental na kuwentong Cinderella, gatas ang naging daan upang mapatunayan ng ina ang kanyang pagiging ina sa pito niyang anak. Dahil sa kagagawan ng mga taong naiinggit at nagnanais ng kalungkutan ni Maria, siya ay nawalay sa kanyang pitong anak. Sa kanilang pagkikita-kitang muli ay napatunayan ni Maria ang kanyang pagiging ina sa kanyang mga anak nang biglang bumulwak at kusang dumiretso sa bibig ng bunsong anak ang kanyang gatas. Dito, gatas ang naging identidad niya bilang ina. Wala siyang ginawa ngunit parang may sariling isip ang gatas at ito mismo ang nakakilala sa anak ng pinagmulan nito. Bagaman may elemento rito ng animasyon ng inanimate na bagay (gatas na parang may sariling pag-iisip) masasabing ang paggamit ng gatas dito ay tulad ng sa Mapanganib na Duyan kung saan ang gatas ay nagsilbing invisible na taling nag-uugnay sa ina at sa kanyang mga anak. Ang Gatas sa Noli ni Rizal Hindi halata ang paggamit ni Rizal sa gatas sa kanyang akdang Noli Me Tangere. Sa ika-43 kabanata, sinasabi sa nobela na si Maria Clara ay maysakit at siya ay ginamot gamit ang liquen na may gatas sa umaga, arnibal na may marshmallow at dalawang pildoras de cinoglosa. Sa ika-45 kabanata, sasabihing gumaling na sa kanyang sakit si Maria Clara. Mayroong dalawang basa ang maaaring gawin sa paggamit na ito ni Rizal sa gatas. Una dito ay ang paniniwalang ang gatas ay tunay na nakagagaling at kailangan ng katawan ng tao. Sa nobela ay makikitang ginamit ni Rizal ang pariralang liquen na may gatas na para bagang ipinagdiriinan na ang liquen ay dapat na may gatas; kung wala ay hindi rin epektibo. Kumbaga, dito ay mahihinuhang lalong pinatitibay ng pagkakagamit ni Rizal sa gatas bilang gamot sa sakit ni Maria Clara ang kakayahan nitong magpalakas na muli ng katawan at magbigay ng panibagong buhay, tulad ng paniniwala ng mga prekolonyal na Pilipino ukol sa gatas. Ang pangalawa naman ay ang paggamit ni Rizal sa gatas bilang kasangkapan ng kabuktutan ng pekeng doktor na si Tiburcio de Espadaa sa kanyang panloloko. Dito, ang gatas (kasama ng iba pa) ay naging dahilan upang magtagumpay ang pekeng doktor sa kanyang pagkukunwari at panggagatas sa ama ni Maria Clara na si Kapitan Tiyago sapagkat siningil ng doktor ang huli ng libu-libo para sa kanyang kunwaring panggagamot. Sa paggamit ng gatas na kinasangkapan ni Tiburcio , ipinakita ni Rizal ang nooy namamayani nang korapsyon sa lipunang Pilipino sa ilalim ng pamahalaang Kastila; at ang pagtingin sa mga puti bilang mga mas maaalam kung kayat patuloy na natatapakan ang mga Pilipino. Lalo pang nagtumibay ang pagpapakita ng korapsyon bilang bahagi ng sistema sa lipunan noon nang makita nga sa ika-45 na kabanata na magaling na si Maria Clara at ipinagpipilitan ni Donya Victorina na ito ay dahil sa gawa-gawang gamot ng kanyang asawang si Don Tiburcio. At naniwala ang karamihan. Ang Gatas sa panahon ng Commonwealth hanggang sa Paglaya (?) ng 1946

Ang panitikan sa panahong ito ay hitik sa mga piyesang nakasulat sa Ingles. Ito rin ang panahon na tinatawag na pistaym kung kayat mga sulatin ukol sa pang-araw araw na buhay, mga kuwentong romantiko at mga masasabing panitikang salat sa kamalayang panlipunan ang nangingibabaw. Aktibo sa pagsulat sa panahong ito si Jose Garcia Villa na naniniwalang hindi dapat na lapatan ng isyung panlipunan ang panitikan sapagkat nawawala ang artistikong elemento nito. Bagaman sakop ng Imperyalistang Amerika, kakaunti ang mga panitikang naglalahad ng tunay na kalagayan bilang isang hindi malayang bansa ng Pilipinas. Mapapansin sa maikling kuwentong The Milkman of Makiling ni Jose Villa Panganiban ang trend ng pagsulat noong panahon ng mga Amerikano. Ang kuwento ay tungkol sa isang matandang maggagatas na nagkaroon ng pagkakataong makilala ang mapaghimalang dalaga ng Bundok Makiling at ang kanyang ama. Sa araw-araw na pagdadala ng gatas sa taluktok ng bundok, ni hindi naisip ng matanda na itigil ang pagdadala ng gatas sa dalaga at sa ama nito. Bilang pagganti sa ginagawang pagtitiyaga ng matanda ay tinulungan ito ng mag-amang buhaying muli ang kanyang nag-iisang anak na kamamatay lamang. Dahil sa tulong na natanggap, nangako ang matanda na hinding-hindi niya ititigil ang pagdadala ng gatas sa mag-ama. Ipinagpatuloy niya ang pagrarasyon ng gatas sa mag-ama sa taluktok ng Bundok Makiling kahit mahinang mahina na siya at nang malapit na siyang mamatay, ipinagbilin niya sa kanyang binatang anak na ituloy ang gawain. Ipinagpatuloy nga ng binata ang pagrarasyon ng gatas sa dalaga ng Makiling hanggang sila ay magkahulugan ng loob. Sa bandang huli ay narahuyo din sa ibang babaing taga-kapatagan ang binata at nalimutan nang dalhan ng gatas ang dalaga ng Makiling. Dahil sa pagtataksil na iyon, hindi na nakita pang muli ang dalaga. Ang maikling kuwentong ito ay maituturing na isang kuwento ng pagmamahalan. Ang gatas ang naging daan upang magkakilala ang binatang anak ng maggagatas at dalaga ng Bundok Makiling. Sinisimbolo rin dito ng gatas ang kanilang pag-iibigan. Habang nagdadala ang binata ng gatas para sa dalaga ng Makiling, patuloy ang kanilang pag-iibigan. Nang mawala na ang gatas at ang tamis nitoy di na natitikman ng dalaga, naputol na rin ang pag-iibiigan nilang dalawa. Sa maikling kuwentong ito ay matutunghayan ang sinasabing kawalan ng paglalapat ng isyung panlipunan sa panahong ang tekstong ito ay nasulat. Makikitang ang kuwento ay umiinog sa sarili nitong mundo at hindi man lamang kasasalaminan ng katayuang panlipunan noong mga panahong iyon. Ang pagkakagamit sa gatas ay upang magkaroon lamang ng ugnayan ang dalawang taong magmamahalan sa bandang gitna ng kuwento at hindi nakapokus sa kahalagahan at gamit ng gatas sa mga tao bagaman ang kuwento ay nagpapakita pa rin naman ng pagiging bahagi ng gatas ng diet ng mga tao sa panahong ito. Ang huling bahagi ng Commonwealth ay sumasakop sa panahong ang mga Hapon ay naglagi sa Pilipinas at isinagawa ang kanilang mga karimarimarim na gawain. Sa panahong ito ay kakaunti ang mga nasulat na panitikan ngunit nang magkaroon na ng katahimikan ay marami ang naisulat ukol sa bahaging ito ng kasaysayan ng Pilipinas. Ipinakikita ng pelikulang ginawa lamang nitong kasalukuyang dekada, ang Gatas sa Dibdib ng mga Kaaway, ang isang tagpong nagpapakita ng gatas bilang tagapag-ugnay ng dalawang lahi sa panahon ng kanilang pakikipagdigmaan sa isat isa. Sa pelikula, isang Pilipina ang nagsilbi bilang

wet nurse para sa anak ng isang heneral na Hapon upang pakawalan nito ang asawa niyang napagkamalang guerrilya. Sa pamamagitan ng gatas na nagmumula sa dibdib ng kaaway ay nabuhay ang batang anak ng Hapon at nakalaya naman ang asawa ng nasabing Pilipina. Malinaw sa pelikula na hindi lang dahil sa nais niyang makalaya ang kanyang asawa kung bakit siya pumayag na maging wet nurse kung hindi dahil na rin sa kanyang motherly instinct. Ang ina ng anak ng Hapon ay namatay nang ito ay isilang kung kayat walang magpapasuso rito. Sa kuwento, naging manipestasyon ng motherly instinct ng Pilipina ang gatas na bumuhay sa batang Hapon. Sa kuwento, muling ipinakikita ang pagka-ina ng isang ina sa pamamagitan ng gatas na nagmumula sa kanya tulad ng karamihan sa natunghayan na sa mga prekolonyal na kuwentong unang tinalakay. Ang pagkakaiba lamang, sa kuwentong ito ay lumagpas pa ang pagiging ina ng isang ina sa kanyang pagiging ina sa sariling anak patungo pa sa anak ng iba. Lalong pinatunayan ng kuwento na ang ibinibigay na nutrisyon ng gatas sa isang bata ay hindi lamang pampisikal kundi (sa kuwentong ito) pang-emosyonal rin. Panahong Malaya (Na nga ba?) Ang umanoy paglaya ng Pilipinas ay nagdulot ng malakas na impact sa pagsulong ng panitikang nilalapatan ng isyung panlipunan. Sa panahong ito, ang paggamit ng mga representasyon at simbolismo ay mas naging laganap at makahulugan kaysa noong mga naunang piryod ng pagunlad ng panitikang Pilipino kung kaya kapag sinabi mong buwaya sa sementadong gubat, ang buwaya ay may sariling kahulugan at ang sementadong gubat ay hindi literal na gubat na sinemento. Sa panahong ding ito sumikat ang paggamit sa gatas sa ibang konteksto. Nauso ang paggamit sa salitang gatasan para tukuyin ang korapsyon na laganap sa pamahalaan at sa lipunang Pilipino. Halimbawa nito ang mga pulis na mahilig mangotong at ginagawang gatasan ang mga pobreng drayber at mga mapagsamantalang kumpanya na gumagatas sa mga manggagawa. Ang kuwentong Langaw sa isang basong Gatas na isinulat ni G. Amado Hernandez ay isang mabuting halimbawa para maipakita ang nasabing paglalapat ng isyung panlipunan. Sa kuwento, walang makikitang langaw, walang makikitang baso at lalong walang makikitang gatas. Ang kuwento ay ukol sa isang magbubukid na pinipilit na paalisin sa lupaing kanyang sinasaka sapagkat siya ay isang eye sore sa bagong subdibisyong itinatayo sa gilid ng inookupa niyang lupa. Sa maikling kuwento ay ipinakikita ang pag-uuri ng tao batay sa kanyang katayuan sa buhay, kung siya ba ay may pera o wala, may pinag-aralan o maledukado. Pinakikita rin ang pagpanig ng batas o ang pagpapaikot sa batas upang pumanig sa mga may kaya laban sa mga pesante. Malinaw na isang pagmamalabis sa kapangyarihan ng mga taong may kapit sa maykapangyarihan o makapangyarihan mismo. Nagkaroon ng 360 digring ikot ng paggamit sa gatas dito kung ikukumpara sa gamit sa gatas sa panitikan ng mga naunang piryod. Kung buhay, pagka-ina, o pagiging bata ang mga naunang gamit sa gatas, dito, ginamit ang gatas bilang representasyon ng kapangyarihan at mataas na estado sa

buhay samantalang ang mga taong siyang nagtitiyagang maggatas sa kambing, kalabaw at baka ay silang mga itinuring na langaw. Sa tula ni Mykel Andrada na Isang malaking Kumpanya ng Kape, Gatas at Tsokolate, Walang Pangalan ay ipinagdukdukan ang katayuan ng gatas sa kasalukuyang panahon. Bahagi na ang gatas ng komersiyalisasyong dulot ng globalisasyong pilit na ipinapasok sa bansa at pinagsisiksikan. Ang insidenteng tinutukoy sa tula ni Andrada ay yaong pag-aaklas na naganap laban sa isang malaking kumpanya sa Laguna na dili ibat ang Nestle na maraming karapatan ng manggagawa ang pinag-aapakan. Marami sa mga produkto ng Nestle ay milk-based. Tulad nga ng nabanggit na sa unahan ng papel na ito, ang gatas ay isang malaking industriya na at kung gayoy commercialized na. Ang payak na pakahulugan sa gatas bilang buhay, dugtong ng ina sa kanyang mga anak o pagiging bata ay tuluyan nang binaliktad ng pangkasalukuyang panitikan at pangkasalukuyang katotohanan. Ang Gatas ng Kasalukuyang Panahon Malayo na ang pinagdaanan ng gatas. Ang gatas ay nananatiling ang gatas ng sinauna ngunit may bahid na ng gatas ng pangkasalukuyan. Bagaman ang pagturing sa gatas bilang buhay ay nananatili, dahil sa komersyalisasyon nito, maraming mga tao na rin ang nanghihina at walang makain dahil sa pagmamalabis ng mga kumpanyang nag-eempleyo sa mga ito. Hindi na lang ang pagkonsumo ng gatas ang usapin ngayon kundi pati na rin ang kawalan ng katarungan para sa mga manggagawang may kinalaman sa pagpoprodyus nito. Lumalabas na biktima ng komersiyalisasyon ang gatas. Sa klase ni Propesor Neil Garcia, binanggit niya na nagkasakit siya at naging mahina ang katawan dahil sa palagian niyang pag-inom ng gatas (ngunit hindi raw siya lactose intolerant). Nanghina raw siya sapagkat ang gatas ay para sa mga sanggol at ang kaya lamang nitong suportahang katawan ay yung mga maliliit pa. Kapag matanda na, iba na raw ang body composition ng tao kaya hindi na advisable na kumonsumo palagian ng gatas. Kung paniniwalaan ang Propesor, masasabing kung paanong ang gatas ay tumutulong sa pagpapahaba ng buhay, minsan din ay nagiging dahilan ito ng pagka-ubos ng lakas. Sana hindi totoo ang sinabi ni Propesor Garcia. Kaya lang, mahirap umasang hindi nga totoo ang sinasabi ni Propesor Garcia sapagkat hanggat nariyan ang mga kapitalistang kumokomersyalays sa gatas, mananatili itong sanhi ng pagkahulog ng katawan ng mga manggagagawang walang pang-pa milk rebonding ng buhok at pambili ng mga losyon at sabong pampakinis ng balat at pampatanggal ng pileges. Wala rin silang pambili ng gatas. MGA SANGGUNIAN : Aklat: Eugenio, Damiana, ed. Philippine Folk Literature: the Myths. Quezon City: University of the Philippines Press, c2001.

_________________. Philippine Folk Literature: the Riddles. Unpublished Manuscript Gardner, Fletcher. Filipino (Tagalog) Versions of Cinderella. Kopya mula sa The Journal of American Folklore. Vol. 19, No. 75. Oktubre-Dis., 1906. Hernandez, Amado V. Langaw sa Isang basong Gatas. Nasa Langaw sa Isang Basong Gatas at iba pang Kuwento ni Amado Hernandez. Torres-Yu, Rosario, ed.Diliman, Quezon City: UP Press,1996. Manuel, Esperidion Arsenio. Treasury of Stories. Pasig City: Anvil Pub., c1995. Santos, Angeles. Isang libot isang bugtong. Malabon: Epifanio Delos Santos College Press, 1958. Martinez-Belen, Crispina. To Milk a Mango Tree. Nasa A Gleam in the Dark and Other Stories. Martinez- Belen, Crispina. Manila: Communication Arts Sciences Services, c1995. Panganiban, Jose Villa. The Milkman of Makiling. Nasa Philippine Short Stories, 1941-1955: Part 1 (1941-1949). Yabes, Leopoldo, ed. Quezon City: University of the Philippines Press, 1975.

http: Andrada, Mykel, Isang Kumpanya ng Kape, Gatas at Tsokolate, Walang Pangalan. Na-retrieved noong Oktubre 12, 2007 mula sa http://coupbetat.blogs.friendster.com/ Kosloff, Ron, Milk: Truth and Myth. Natretrieved noong Oktubre 12, 2007 mula sa
http://www.bodybuilding.com/fun/kosloff5.htm

You might also like