You are on page 1of 5

ISANG BALIK-ARAL SA AKLAT NI RAY O. LIGHT: DEMOKRASYANG U.S.: ANG KAILANGANG-KAILANGANG ALAMAT NG IMPERYONG U.S. Ni Prop.

Jose Maria Sison Tagapangulo Internasyunal na Liga ng Pakikibaka ng mga Mamamayan 25 Pebrero 2012 (Binasa sa paglulunsad ng aklat sa ABC Treehouse sa Amsterdam) Minamahal na mga Kasama at Kaibigan, Si Ray O. Light ay nagsasalita mula sa bentaheng pusisyon ng isang proletaryong rebolusyonaryo, isang matagal nang lider ng unyon sa U.S. at isang matatag na proletaryong internasyunalista. Sa kanyang libro, matagumpay niyang inilalantad ang tinaguriang demokrasyang U.S. bilang isang panlilinlang at bilang isang kailangangkailangang alamat na nagpapahintulot sa monopolyong burgesya ng U.S. na linlangin, pagsamantalahan at apihin ang proletaryadong Amerikano at mamamayan ng ibat ibang nasyunalidad gayundin ang sambayanan ng daigdig sa isang napakalawak na imperyo. Pinabubulaanan niya ang ideya na ang monopolyong kapitalismong U.S. ay isang demokratikong eksepsyon sa mga turo ni Lenin hinggil sa pang-ekonomyang katangian at pampulitikang kalikasan ng imperyalismo. Ang kanyang mga artikulong tinipon sa isang libro na sumasaklaw sa panahong 2000 hanggang sa kasalukuyan ay nagbibigay sa atin ng tumpak na tumpak na kaalaman at pagsusuri sa mekanismo ng dalawang-partidong sistemang pampulitika ng U.S. at ng mga ibinubungang patakaran na nagsisilbi sa unipikadong interes ng monopolyong kapitalismong U.S. Sa pagsusuri sa eleksyong U.S., mahusay na ginabayan si Ray O. Light ng kanyang pangunahing sipi mula kay Lenin: Walang magagawa sa ating panahon (ang mga imperyalista) nang walang eleksyon; walang magagawa nang wala ang masa. At sa panahong ito ng paglilimbag at parlamentarismo, imposibleng makuha ang pagsunod ng masa nang walang malaganap na magkakasanga, sistematikong pinamahalaan, mayamang sistema ng paglalangis, pagsisinungaling, pandaraya, pagsasalamangka sa pusturyoso at popular na mga islogan, at pangangako ng lahat ng paraan ng reporma at biyaya sa lahat ng manggagawa hanggat iwinawaksi nila ang rebolusyunaryong pakikibaka para sa pagbabagsak ng burgesya. Ang tinaguriang Demokrasyang U.S. at mga Pana-panahong Eleksyon Ipinapakita ni Ray O. Light na ang pana-panahong eleksyon sa U.S. at ang mga debate sa pagitan ng partido Republikano at Demokratiko, bago, sa panahon at pagkatapos ng eleksyon ay sinadya para palitawin ang ilusyon ng demokrasya, palabuin ang antidemokratikong makauring diktadura ng monopolyong burgesya, pangunahan ang pinagtutuunan ng interes ng pulitikang U.S., busalan ang tinig ng proletaryado at

mamamayan at limitahan ang masa sa mababaw na pagpipilian sa pagitan ng dalawang tatak ng parehong klaseng produkto, gaya ng Coca Cola at ng Pepsi Cola. Sa eleksyong presidensyal ng U.S. katulad noong 2008, si Obama, ang kandidato ng Partido Demokratiko, sa pamamagitan ng matatamis na pananalita, ay mapanlansing inilarawan ang kanyang sarili bilang mas mahusay kaysa kay McCain, ang kandidato ng Partido Republikano, na lubhang pumasan sa mga kapahamakang dulot ni Bush. Ngunit kahit noong panahon ng kampanyang elektoral, nagpaligsahan ang dalawang kandidatong presidensyal para itambuli ang kanilang katapatan sa monopolyong kapitalismo at sa bangkaroteng patakarang neoliberal at nagkasundong sagipin ang malalaking bangko at korporasyon mula sa pang-ekonomya at pampinansyang krisis na gawa mismo ng mga ito. Habang hindi kailanman binabatikos ang mga gerang agresyon ng U.S., sinikap ni Obama na bigyang-diin ang ilan sa kanyang kaibahan kay Bush kaugnay ng Iraq at Afghanistan at ilang isyu ng karapatang tao. Ngunit mula nang siyay maging presidente, ipinagpatuloy ni Obama ang patakarang agresyon ni Bush sa pagdadahilan ng paglaban sa terorismo at ang patakaran ng pagsagip sa oligarkiya sa pinansya. Sa gayon, nabigo siyang muling pasiglahin ang produksyon at empleyo. Pumasok siya sa isang serye ng kompromiso sa Partido Republikano kaugnay ng patakaran sa ekonomya, lokal na panunupil at badyet sa digma. Pinalaki niya ang pagtatalaga ng mga pwersang militar ng U.S. sa ibayong dagat para sa panghihimasok at agresyon. Pinalawig niya ang USA PATRIOT Act at isinabatas ang awtoridad ng militar ng U.S. para walang taning na ipiit ang mga Amerikano nang walang kaukulang proseso. Walang pangulo ng U.S. ang makakatakas sa mga hangganan at dikta ng naghaharing sistema ng monopolyong burgesya at oligarkiya sa pinansya. Nagsasagawa ng mga debate ang partido Demokratiko at Republikano upang palitawin ang ilusyon ng demokrasya. Ginagawa nila ang ganoon hindi lamang para magkumpetensya sa mga boto sa hanay ng botante, kundi mas mahalaga, para makuha ang salaping pangkampanya at iba pang pabor mula sa monopolyong burgesya. Tuwiran at sa pamamagitan ng ibat ibang kaparaanan sa loob at labas ng gubyernong U.S., naipipilit ng monopolyong burgesya ang mga kasunduang dalawang-panig at nahuhubog ang katumbas ng isang paghaharing Republikano sa ngalan ng pambansang interes at pambansang seguridad. Mapanlansing inilalarawan ng monopolyong burgesya ang interes nito bilang ginintuang pamantayan o moderatong gitna sa pagitan ng dulong Kaliwa at Kanan at gayundin sa pagitan ng partido Demokratiko at Republikano na sa totoo ay nagpapaligsahan sa mahigpit na pagkapit sa ganoong kasamang klase ng gitna. Kasabay ng pagtaas at pagpupumilit nito bilang Numero Unong kapangyarihang imperyalista, walang lubay na itinutulak ng monopolyong kapitalismong U.S. ang partido Republikano at Demokratiko nang higit kailanman tungo sa Kanan habang ginagamit ang alamat ng demokrasyang U.S. laban sa adhikain at mga pwersa ng proletaryong rebolusyon at pambansang pagpapalaya. Inilalantad ni Ray O. Light kung paano tinutulungan ng rebisyunismong maka-Browder at ng pagpapatuloy ng ganoong moda ng pag-iisip ang imperyalismong U.S. sa pagpapanatili ng alamat ng demokrasyang U.S. Bilang lider ng Partido Komunista ng USA, inilako ni

Earl Browder ang monopolyong kapitalismong U.S. bilang katangi-tangi sa pagiging diumanoy demokratiko at kasing-aga ng 1940, ginamit ang pahayag na ito bilang tuntungan para sa paglabas ng CPUSA sa Ikatlong Internasyunal. Sa bandang huli, ipinagsigawan niya ang panawagan para sa kapayapaan at demokrasya sa ilalim ng pagtangkilik ng U.S. at nagpasyang likidahin ang CPUSA, at palitan ito ng Pampulitikang Asosasyon ng Komunista (Communist Political Association), nang may hayagang pagayaw sa rebolusyonaryong layunin ng pagbabagsak sa monopolyong burgesya. Karahasan sa Likod ng Demokratikong Pagkukunwari Nasa likod ng demokratikong pagkukunwari ng pakikibakang elektoral sa pagitan ng partido Republikano at Demokratiko ang mahabang kadena ng karahasan para labagin ang mga karapatan ng proletaryado at mamamayang Amerikano at payukurin sila sa kapitalistang pagsasamantala. Nakuha at napalawak ng U.S. ang teritoryo nito sa pamamagitan ng paggamit ng mabangis na pwersa para kamkamin ang lupain mula sa mga katutubong tribong Amerikano at ang hilagang sankatlo ng Mexico. Ipinailalim nito sa
pang-aalipin ang mga Aprikano-Amerikano sa loob ng mahabang panahon at kahit nang matapos ang Gera Sibil ay patuloy silang itinuring na 60% tao at pinagkaitan sila ng demokratikong karapatan, kabilang ang karapatang bumoto, hanggang magkamit ng mga tagumpay ang kilusan sa karapatang sibil noong huling dako ng dekada 1960. Sinulsulan ng U.S. ang pagsiklab ng Digmaang Espanyol-Amerikano upang agawin ang Puerto Rico, Cuba at ang Pilipinas mula sa isang papabagsak nang kapangyarihang kolonyal. Isa ito sa tatlong pangunahing digmaang naghuhudyat at nagtatakda ng paglitaw ng monopolyong kapitalismo bilang modernong imperyalismo sa pagsasara ng Ika-19 na siglo at pagsisimula ng Ika-20 siglo. Mula noon, pinaigting ng imperyalismong U.S. ang pagsasamantala sa uring manggagawang Amerikano, kabilang ang mga AprikanoAmerikano, Latino at Asyano at nakakuha ng mga kolonya, malakolonya, dependyenteng bayan at saklaw ng impluwensya. Nakipagsabwatan ang U.S. pangunahin sa imperyalismong British sa pagpapalawak ng teritoryong pang-ekonomya para sa pagsasamantala sa Latina Amerika at Asya. Tumabo ito ng mga tubo mula sa produksyong pandigma bago pumasok sa mga Digmaang Pandaigdig I at II at humamig ng pinakamalaking bahagi ng mga dambong ng digmaan. Sinakop nito ang ang mga kolonya mula sa mga imperyalistang kaalyado nito at isinulong ang neokolonyalismo sa Asya, Aprika at Latina Amerika. Naging Numero Unong kapangyarihang imperyalista ito at pinangunahan ang Cold War laban sa mga bayang sosyalista. Pinaigting nito ang produksyong pangdigma at nagdeploy ng mga pwersang militar ng U.S. sa pandaigdigang saklaw. Naglunsad ito ng mga digmang agresyon, gaya sa Korea at Indotsina, at nanulsol ng mga masaker sa Indonesia. Napakaepektibo ng propaganda ng U.S. tungkol sa tinaguriang demokrasyang U.S. kaya hanggang ngayon ay matagumpay nitong naiiwasan ang buong pananagutan sa ganoong mga napakalaking krimen gaya ng sumusunod: ang pamamaslang at pamiminsala sa milyun-milyong mamamayan sa mga digmang agresyon ng U.S. at mga masaker gaya sa Pilipinas, Korea, Vietnam at Indonesia; ang sukdulang pagsasamantala at pang-aapi sa mamamayan na nasa ilalim ng paghahari ng U.S. sa anumang anyo; at ang walang tigil na pagpiga ng tubo mula sa uring manggagawang Amerikano.

Tulutan ninyo akong magdagdag nang kaunti tungkol sa demokrasyang U.S. sa Pilipinas. Pinaslang ng imperyalismong U.S. ang 1.4 na milyong Pilipino mula sa umpisa ng Digmaang Pilipino-Amerikano noong 1899 hanggang 1914. At kinabig nito ang burgesyang liberal na humango ng inspirasyon mula sa Rebolusyong Pranses at namuno sa lumang demokratikong rebolusyon sa Pilipinas. Ginawa nito ang ganoon sa pamamagitan ng pagpapalamuti sa kolonyal na paghahari ng U.S. ng linggwahe ng demokrasyang makaJefferson at sa pamamagitan ng pagsasagawa ng kaunting reporma upang ibaling ang ekonomyang pyudal tungo sa malapyudal. Mapanlinlang na inilarawan ng U.S. ang kolonyal na paghahari nito bilang panahon ng pagtuturo ng demokrasya at higit pang Kristyanisasyon. Mula nang ipagkaloob ng U.S. ang di umanoy kasarinlan sa Pilipinas noong 1946, na nagbaling dito tungo sa isang malakolonya, ipinadron ng papet na pulitikong Pilipino ang kanilang konsepto at praktika ng huwad na demokrasya ayon sa modelong U.S. Pinalilitaw ng mga paligsahang elektoral ang ilusyon ng demokratikong pagpipilian para sa mamamayan, kahit na pinagsisilbihan ng mga reksyunaryong pulitiko ng ibat ibang partido, ang interes ng U.S. at ng lokal na nagsasamantalang uri ng malalaking kumprador at panginoong maylupa. Sa nakaraang tatlong dekada, ang monopolyong burgesya ng U.S. at ang mga ahenteng pampulitika nito sa partido Republikano at Demokrata ay ginagabayan ng neoliberal na patakaran sa ekonomya. Isinisisi nila sa istagplasyon ng dekada 1970 ang implasyon ng sahod at malaking panlipunang paggasta ng gubyerno at pinababa ang antas ng sahod at binawasan ang paggastang panlipunan, pero pinatindi ang gastusing militar at sa lahat ng paraan, gaya ng liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon, para ayudahan ang monopolyong burgesya na tumabo ng mas malalaking tubo at magkamal ng kapital sa produksyon at pinansya. Mas madalas at mas matinding bumabalik ang krisis ng labis na produksyon. Lahat ng pagtatangkang pangibabawan ito sa pamamagitan ng pagpipinansya sa pautang sa antas ng estado, korporasyon at tagakonsumo, at sa pamamagitan ng sunud-sunod na pampinansyang bula ay humantong lamang sa mas malubhang krisis sa ekonomya at pinansya. Naganap ang matindi at palala nang palalang pampublikong krisis sa pautang dahil sa pagsagip sa mga bangko at korporasyon, at sa bulagsak na paggasta ng gubyerno para makinabang ang oligarkiya sa pinansya, ang militar-industriyal kompleks at ang nakatataas na burukrasya. Ang walang saysay na reaksyon sa tumataas na pampublikong depisit at pampublikong utang ay ang mga hakbangin sa paghihigpit ng sinturon sa higit pang kapahamakan ng mamamayan, pinalulubha sa gayon ang pagbulusok sa ekonomya at ang mataas na tantos ng disempleyo. Ang mga pinaka-reaksyunaryong pwersa sa U.S. ay nagsasagawa ng katulad ng kilusang Tea Party para ikubli ang monopolyong kapitalismo bilang saligang ugat ng krisis, gawing tampulan ng sisi ang Aprikano-Amerikano, ang imigrante at iba pang mamamayan at itulak ang rehimeng Obama tungo sa mga aksyon na magpapalubha ng krisis. Pero nagsisimula ang malaganap na diskontentong panlipunan at umuunlad tungo sa determinado at militanteng paglaban ng mamamayan sa pinakasentro mismo ng pandaigdigang kapitalismo. Pumutok ang Kilusang Occupy at maaaring tumungo sa mas malalaki at mas militanteng aksyon ng proletaryado at ng mamamayan. Ang Pandaigdigang Krisis at ang Pangangailangan ng Paglaban

Winawasak ngayon ng isang pandaigdigsang depresyon ang buhay ng mamamayan kapwa sa mga bayang imperyalista at pinaghaharian. Sa may kahabaan ng panahon, nabibigo ang mga imperyalistang kapangyarihan na lutasin ang krisis sa ekonomya at pinansya, dahil sa kabulagan nila sa mga panloob na batas ng paggalaw ng kapitalismo at sa kanilang dogmatikong pagkapit sa neoliberal na patakaran sa ekonomya. Ang krisis ay nagbubunga ngayon ng pasismo at mga agresibong gera. Sa panlabas, tila itinutuon ito laban sa mga bayan ng ikatlong daigdig na matitigas ang ulo at sa matagal nang inaaping mga mamamayan, ngunit bahagi ang mga ito ng inter-imperyalistang labanan para sa paghahati-hati ng daigdig. Ang mabilis na lumalalang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista ay nagdudulot ng malulubhang kahirapan at pagdurusa sa sambayanan ng daigdig. Kaalinsabay, pinupwersa nitong lumaban ang mamamayan. May kagyat na pangangailangan para sa pagpapaigting ng anti-imperyalista at demokratikong pakikibaka ng mamamayan sa pandaigdigang antas. Gaya ng mariing tinukoy ni Ray O. Light sa kanyang aklat, mayroong magkaalinsabay na kagyat na pangangailangan para sa namumunong papel ng rebolusyonaryong partido ng proletaryado sa mga rebolusyonaryong pakikibakang masa sa ibat ibang bayan at para sa pagpapalakas ng internasyunal na kilusang komunista.###

You might also like