You are on page 1of 3

Sa puso ng Lungsod ng Maynila o sa tinatawag na Intramuros, matatagpuan ang Rizal

Park kung saan matagal nang nakatindig ang bantayog ng tinaguriang Pambansang Bayani ng
Pilipinas na si Jose Rizal. Sa pook na ito, na kilala noong kapanahunan ng kolonyalismo sa ilalim
ng mga Kastila sa tawag na Bagumbayan, matatandaang binaril si Rizal noong ika- 30 ng
Disyembre, taong 1896.
Malawak, tahimik, at napaliligiran ng mga luntiang halaman- ganyan namin
mailalarawan ang tanawin sa Rizal Park.
Bitbit ang kaunti naming kaalaman, minabuti naming masdan at obserbahan ng mabuti
ang naturang liwasan. Sa pagkababa pa lamang namin mula sa bus ay bumungad na kaagad sa
amin ang isang napakatayog na bandila ng Pilipinas, na tila ba nagmamalaki habang sumasabay
sa malakas na ihip ng hangin. Sunod na pumukaw sa aming atensyon ay ang bantayog ni Rizal,
na talaga namang bantay-sarado pa ng mga sundalo. Mababakas din ang katanyagan ng parke na
ito dahil sa hindi lamang mga Pilipino ang makikita doon na nagpapakuha o kaya naman ay
kumukuha ng litrato; may iilan din na mga dayuhan.
Samantala, sa likod ng bantayog ni Rizal, mababanaag ang isang mataas na gusali, na
hindi maiaalis na maging agaw-atensyon sa tuwing kinukuhanan ng litrato ang monumento.
Napag- alaman namin na ang gusaling ito ay pagmamay- ari ng DMCI Homes at pinangalanang
Torre de Manila, na sa kabuuan ay isang 49 na palapag na condominium. Kaugnay nito, naglabas
ng order ang National Commission on Culture and the Arts (NCCA) ng kaagarang suspensiyon
ng naturang gusali, na di umano ay isang malaking photobombsa tanawin ng Rizal Park.
Sa pagpapatuloy ng aming pagmamasid, nasaksihan namin kung gaano kalawak ang
lupaing kinatitirikan ng bantayog ni Rizal. Sa aming pagsasaliksik, natuklasan namin na
tinatayang 54 na ektarya ang lawak ng lupang inilaan bilang pagbibigay karangalan sa
kabayanihan umano ni Rizal.
Kapansin- pansin ang natatanging kaayusan ng lugar, na isang indikasyon ng tunay na
pagrespeto at pagbibigay importansya sa Pambansang Bayani. Idagdag pa ang preserbasyon ng
tanawin nito mula sa mga gusaling pangkomersyo, kitang- kita ang lubos na pagpapahalaga at
pagbibigay karangalan. Ngunit, sino nga ba si Jose Rizal upang bigyan ng ganito kalaking
pagkilala at importansya? Tunay nga kayang karapat- dapat siyang hiranging Pambansang
Bayani nating mga Pilipino?
Si Jose Rizal, bilang Pambansang Bayani, ay ang nagsisilbing pundasyon ng ating
bansa. Bilang pundasyon, malaki ang nakapasan sa kaniya na gampanin sa pagpapanatili ng
katatagan ng ating bansa. Ngunit, ano nga ba ang tinataglay na kalagayan ng natin at ng ating
bayan sa ngayon?
Oo, sa ngayon ito ay nababalot ng korapsyon at katiwalian, puno ng mga naghihirap at
nagpapahirap. Ngunit sa kabila nito, patuloy pa rin ang laban natin tungo sa tunay na
kalayaan! Makailang ulit man tayong nadapa at nasaktan, patuloy pa rin ang ating pagbangon
para makamtan ang inaasam nating kasarinlan.

Subalit, bakit nga ba ganito ang kalagayan natin? Bakit kaya hindi magwakas ang pangaabusong umiiral sa ating bayan?
Upang lubusang maunawaan, ang ating bansa, sa kasalukuyan, ay maihahambing sa isang
sira- sirang bahay, na patuloy pang nasisira dahil sa pang- aabuso at pananamantala ng ating
tatay sa atin na kanyang mga anak. Nariyan at talamak pa rin ang korapsyon na nagdudulot ng
patuloy na paghihirap ng karamihan sa ating mga kababayan.
Kung tutuusin, masasabi nating nag- ugat pa nga ang ganitong uri ng bulok na sistema
noong panahon ng pananakop ng mga Kastila. Sa panahong din na ito unti- unting nilamon ng
nagbabagong kaayusan ang dating makabayang tatay natin; hanggang sa tuluyan na ngang
naging makasarili ito, na kahit pa sa ngayon ay nagpapatuloy.
Nababalot ng kaliwat kanang pang- aabuso ang ating bansa sa kasalukuyan, pero
nananatili pa rin tayong pikit sa katotohanang ito. Pero, bakit nga ba sa kabila ng pagkakaloob
ng mga banyaga sa ating ng kawalangyaan este kalayaan, ay patuloy ang ganitong
pananamantala? Hindi ba dapat ay kasunod ng ating kalayaan ay ang pagkaalpas natin sa
bulok na uri ng sistema?
Dahil dito, mahihinuha na marahil ay mayroong pagkakamali sa nahirang na pundasyon
ng ating bansa kung kayat patuloy ang pagkasira nito.
Matatandaang si Rizal ay isang Ilustrado. Nagmula siya sa angkan ng isang
mangangalakal na Intsik, na mas piniling manirahan dito sa ating bansa. Lumaki siya sa bayan
ng Calamba sa Laguna na noong panahon ng pananakop ng mga Kastila ay pag- aari ng mga
Dominikano. Dahil sa tumataas na pagpapahalaga sa lupa noong panahong iyon, dulot na rin ng
pagbubukas ng Pilipinas sa komersyo, sinamantala ng mga Dominikano ang pagkakaroon nila ng
kapangyarihang pang- ekonomiya at pampulitika upang kumita ng mas malaki. Pinatawan ng
mas mataas na upa ang mga lupain, na ikinahirap ng mga kasm ni Rizal. Ito ang nagtulak kay
Rizal upang isulong ang interes ng kanyang mga ka- uri (ng mga Ilustrado)- ang pagkakaroon ng
reporma.
Taliwas sa tunay na hangarin nating mga Pilipino ang ninais ni Rizal. Hinangad niyang
maging probinsya ang ating bansa ng Espanya. Sa halip na lumabas sa loob, ay hinangad niyang
pumasok sa labas.
Hindi niya tinignan ang tunay nating hangarin. Sa halip, kumilos siya, nag-alsa siya
para sa interes niya at ng kanyang mga ka-uri.
Kung susuriin ang hangad ni Rizal, tila ipinahihiwatig niyang kalimutan nating mga
Pilipino ang ating pagka- Pilipino at tuluyang isailalim ang ating mga sarili sa pangangasiwa
ng mga Kastila.
Kabilang din sa isinulong na reporma ni Rizal ay ang pagkakaroon ng representante na di
umano ay maglalatag at magsusulong ng mga interes ng mga Pilipino sa Espanya. Sa totoo
naman, ang sinasabing representante ay hindi naman talagang titignan ang interes ng nakararami.

Bagkus, tanging mga pansariling layunin lamang niya at ng kanyang mga kasamahan ang
titignan at isusulong niya.
Kabilang din sa isinulong ni Rizal ay ang pagkakaroon ng Freedom of Speech at
Freedom of Press upang tugunan ang mga suliranin na umiiral sa lipunan. Ang lahat ng mga ito,
katulad ng kagustuhang maging probinsya ang Pilipinas ng Espanya, ay pumapatungkol sa
pagpasok sa labas, pagyakap sa ibang kamalayan.
Sa inihaing reporma ni Rizal, masasabi na ang pangunahing nais ni Rizal ay ang
baguhin ang ating mga sarili ayon sa kung paano ang mga Kastila nang sa gayon ay maipakita
natin na karapat- dapat tayo mapabilang sa mga probinsya ng Espanya. Ang ideolohiyang ito ni
Rizal, maging ang kanyang paraan ng pakikihimagsik ang siyang naging konsiderasyon upang
siya ang hiranging Pambansang Bayani.
Si Rizal, kaiba kina Andres Bonifacio at Emilio Aguinaldo, ay piniling lumaban sa
pamamagitan ng pagsusulat taglay ang kanyang mga ideolohiyang naglalayong isailalim tayo sa
bagay na taliwas sa ating hangarin (ang magsarili) kung kayat siya ang naging instrumento ng
America upang tuluyan tayong mapasailalim sa kapangyarihan nito.
Oo, hindi nahirang bilang ating Pambansang Bayani si Andres Bonifacio. Ito ay dahil sa
ideolohiyang kanyang taglay, na katulad ng sa atin- ang makamit ang kalayaan at kasarinlan.
Bunga rin ito ng marahas niyang paraan ng pag- aalsa, kung kayat hindi siya ang siyang pinili.
Naisip kasi ng Amerika na kung si Bonifacio ang kanilang gagawing Pambansang Bayani,
magdudulot ito ng kamulatan sa atin, na siyang ayaw ng mga Amerikano. Si Aguinaldo,
bagamat traydor sa Katipunan, ay nagsusulong din ng rebolusyon kagaya ni Bonifacio, kung
kayat hindi rin siya ang hinirang na Pambansang Bayani. Sa kabilang banda, si Rizal ay naiiba
ng pamamaraan at paniniwala kung kayat si Rizal ang naging instrumento ng Amerika.
Ang paghirang kay Rizal bilang Pambansang Bayani ay mistulang kasangkapan lamang
upang ibahin ang ating kamalayan at kaisipan, nang sa gayon ay tuluyan nila tayong
mapasailalim sa kanilang kapagyarihan.
Masasabing hindi nararapat maging ating Pambansang Bayani si Rizal sapagkat ang
paghirang sa kanya bilang Pambansang Bayani ang nagtulak at nagtutulak pa sa atin na patuloy
pumasok sa labas. Hindi akmang gawing pundasyon ng ating bansa si Rizal dahil higit sa lahat,
taliwas ang kanyang ideolohiya sa kung ano talaga ang hinahangad nating mga Pilipino- ang
Kasarinlan.

You might also like