You are on page 1of 6

Alamat ng Mangga

noong araw ang mga punong manggang tanim ni Tandang Isko ay parepareho lamang ang bunga. Ito'y maliliit at ang tawag dito ay "pahutan".
Matamis kapag hinog, kaya gustong-gusto ng mga bata ang pahutan.
Marami ang natutuwa kapag panahon ng pamumunga, dahil ang matandang
may-ari ay hindi maramot. Minsan, may magandang dalagang sa
manggahan ni Tandang Isko ay dumaan. Kusang loob na inalok ito ng mga
hinog na mangga ni Tandang Isko. Sa kasiyahan ng binibini ay itinanim nito
ang mga buto ng pahutan sa bukid at sa paanan ng bundok.
Agad tumubo ang dalawang buto at pagkaraan lang ng ilang araw ay ganap
na itong isang puno. Labis na nagtaka si Tandang Isko sa pagkakaroon ng
punong mangga sa hangganan ng bukid at sa ibaba ng batuhang bundok.
Balak sanang putulin ng matanda ang dalawang puno, subalit sa tuwing siya
ay lumalapit, wari'y may bumubulong ng...
"HUWAG PO! HUWAG MO AKONG PATAYIN."
Dala rin ng panghihinayang kaya hinayaan na lang nitong lumaki at lalong
lumago ang dalawang puno ng mangga. Malaking pakinabang tuloy ito sa
mga magsasaka at kalabaw na roon ay sumisilong.
Ang madalas magpahinga sa punong manggang nasa bukid ay si Kalabaw,
kaya nagkaroon sila ng pagkakataong magkausap palagi ng puno.
"Hulog ka ng langit sa akin, punong mangga. Dati-rati'y init sa katanghaliang
tapat ay aking tinitiis, subalit nang ikaw ay sumibol, pagal kong katawan ay
binigyan mo ng ginhawa. Kaya kapag sa iyo ay may nagtangkang pumutol,
humanda sila sa sungay kong matutulis."
"Salamat sa iy, Kalabaw at ako ay iyong ipagtatanggol. Noon pa man ay
hinahangaan ko na ang iyong kasipagan, kasisigan at kalakasan," nahihiyang
wika ng mangga.
Hindi nagtagal, sa dalas ng kanilang pag-uusap ay nagkaintindihan ang
kalabaw at ang punong mangga.
Samantala, nagkaroon na rin ng kagustuhan ang punong manggang nasa
paanan ng bundok at ito ay si "manggang pahutan" na malapit sa kanyang
kinatutubuan.

Sa panahon ng paglilihi ni Pahutan ay palaging sumisilong sa lilim niya ang


isang magsasakang may dalang "piko" at ewan kung bakit gustong-gusto ng
mangga na titigan ang piko.
Sumapit ang araw ng pamumulaklak at pamumunga parehong pinausukan at
inalagaan ni Tandang Isko ang magkahiwalay na puno. Ang lahat ng mga
punong mangga ay pawang nagbunga.
Nang bumalik ang matanda upang anihin ang mga bunga ng mangga, ito ay
lubhang nagulat. Ang dalawang puno na hiwalay sa karamihan ay magkaiba
ng hugis at laki ng kanilang mga bunga. Hindi maisip ni Tandang Isko kung
bakit nagkaganoon.
Muli, ang magandang dalaga ay nagbalik, at...
"Sapagkat ang malalaking mangga ay bunga ng pagkakaunawaan nina
Kalabaw at Pahutan kaya tatawagin itong Manggang Kalabaw. Bagama't
magkawangis sa laki ang mga bunga nila ng kabilang puno ay may
pagkakaiba pa rin sa hugis at sa anilang sukat. Dahil ipinaglihi ito sa piko,
kaya makikilala ito sa tawag na Manggang Piko."
"Binibini, paano mo nasabi ang bagay na iyan?"
"SAPAGKAT AKO ANG DIWATA NG MGA PRUTAS", ngumiti ang dilag at biglang
nawala.
Ang sinabi ng diwata ay paulit-ulit ding ikinukuwento ni Tandang Isko sa mga
namimili ng mangga. Datapuwa't hindi na mahalaga iyon kahit pahutan,
manggang kalabaw o manggang piko basta ag mga ito ay pare-parehong
mangga:
Pusong bibitin-bitin mabangong amuyin, Masarap kainin, lalo na't hinog.

Alamat ng Unang Butiki


Noong unang panahon, may isang batang ubod ng pilyo at pakialamero sa
lahat ng bagay. Marami tuloy ang nagagalit, kaya madalas mapalo at
mapagalitan si Kiko ng ama't ina. Gayunpaman, wala ring kadala-dala ang
batang ito na lalong tumigas ang ulo at wala pang galang sa mattanda. Dahil
dito, walang may gustong makipagkaibigan sa kanya. Palibhasa'y walang
kalaro, ang mga hayop na lang ang ginawang libangan nito. Ang maaamong
hayop ay nagiging mailap dahil sa pananakit ni Kiko. Kalaunan, pati ang
tanim ng may tanim ay lihim nitong sinisira.
Isang araw, habang nagwawalis ng bakuran ang ina ay lumapit si Kiko sa
punso at walang sabi-sabing winasak ito. Galit na galit ang ina sa anak..
Pagkatapos ay abut-abot ang kanyang paghingi ng paumanhin sa mga
duwende.
"Mga nuno, patawarin po ninyo ang aking anak. Hinding-hindi napo siya uulit.
Mag-babait na po siya. Pangako po."
Pinangaralang mabuti ng ina si Kiko na huwag uulitin ang ginawang
paglapastangan nito sa punso dahil masamang magalit ang mga lamanglupa.
Subalit kinabukasan, matapos isuga ang kalabaw ay bayawak naman ang
napagtuunan ng pansin ng batang sutil. Sinundan ito ngunit nawala nang
sumuot sa nakausling ugat ng puno. Hawak ang tirador ay sinaliksik ni Kiko
ang buong paligid.
Laking galak nito nang matagpuan ang maraming itlog ng bayawak, at
tuwang-tuwa na tinirador ang mga itlog. Biglang nagulat ang bata nang
lumitaw sa harp niya ang isang duwende.
"HOY! BATANG SALBAHE, BAKIT MO BINASAG ANG MGA ITLOG? HINDI MO BA
ALAM NA MAY BUHAY SALOOB NITO? SA GINAWA MONG IYAN, KITA'Y
PARURUSAHAN. MAGIGING KALAHI KA NG BAYAWAK...!"
"Huwag po, maawa po kayo sa akin. Magpapakabait napo ako, peks man."
"SINUNGALING! ILANG BESES KA NANG NANGANGAKO TUWING PINAPALO KA
NG TATAY MO. AT KAHAPON LANG, NANGAKO ANG NANAY MO, PERO
NAGBAGO KABA? NGAYON, BILANG PARUSA, IKAW AY HAHALIK SA LUPA BAGO
MAGTAKIP SILIM AT DAHIL IKAW AY TAO NA NILALANG NG MAYKAPAL KAYA SA
TAHANAN KA RIN MANANAHAN. BUTIKI ANG ITATAWAG SA IYO!" Pagkawika'y
dagling naglaho ang duwende.

Dali-daling kumaripas ng takbo ang nahintakutang bata at nagsisigaw nang...


"AYOKONG MAGING BUTIKI NANAY, TULUNGAN MO AKO... AYAW KONG
MAGING BUTIKI...!"
Napadungaw ang ina at kitang-kita niya ang pagkasubasob ng anak bago
paman ito nakaakyat ng hagdan. Nagtaka ito sa pagbabagong-anyo ni Kiko
hanggang maging maliit na hayop na animo'y bayawak.
Palibhasa'y "BUTIKI" ang huling katagang narinig sa anak, kaya butiki na rin
ang itinawag niya rito. Bagama't mabait ay mailap ang hayop na ito dahil sa
hiya.
Patuloy pa rin ang paghalik ng butiki sa lupa tuwing dapithapon. Panahon na
lang ang hahatol kung nararapat na ngang ibalik sa dating anyo si Kiko. Para
sa mga duwende, mabuti nang manatili itong butiki sa habang panahon.
(HOY! BATA, GUSTO MO MAGING BUTIKI?)

Alamat ng Antipolo
Sabi ng matatanda, ang mga magsasakang naninirahan sa kapatagan noong
pahahon ng Kastila ay nagsilipat sa kabundukan upang makaiwas sa kalupita
ng mga dayuhan. Sa kagubatan na sila namalagi para huwag masangkot sa
kaguluhang nagaganap sa bayan. Ang patuloy na paghihimagsikan ay lalong
nagpagalit sa mga Kastila. Umisip sila ng paraang maka-paghiganti.
Maraming walang malay na Pilipino ang kanilang pinag-bintangang kasapi ng
Katipunan at ipiniit sa madilim na karsel.
Nabalitaan ng mga naninirahan sa bundok ang gagawing paglusob ng mga
guardia sibil sa kanilang lugar at sila ay natakot. Araw-gabi ang
nangangambang mga kababaihan ay walang tigil sa pagdarasal upang sila
ay iadya sa panganib na darating.
Hanggang isang araw, umakyat na nga sa bundok ang mga Kastila.
Nakarating sila sa lugar na kung saan nagkakatipon-tipon ang mga
nagdarasal. Sa pagtataka ng lahat ay biglang nagningning ang punong
TIPOLO. Kaginsa-ginsa ay lumitaw ang Birheng Concepcion sa itaas ng puno.
Palibhasa'y mga relihiyoso ang mga dayuhang ito, sila ay nahintakutan at
nagsisi.
Marami ang nakakita sa pagmimilagrong iyong ng Birhen. Sila ay
nagpasalamat sa saklolong ibinigay nito. Angmasamang balak ng mga
Kastila ay hindi na natuloy, bagkus sila ay nanganakong ang pook na yaon ay
kanilang igagalang. Masaya nilang ipinamalita sa kapwa nila Kastila ang
nakitang pagmimilagro.
"Saang lugar iyon at kami man ay pupunta roon", tanong ng
mananampalataya.
"Sa bundok. Itanong ninyo kung saan ang Tipolo at ituturo nila sa inyo." ang
kanilang sagot.
Dahil sa paulit-ulit na pagtatanong ng mga taong doon ay dumarayo ng
"Saan ang Tipolo?" tinawag nilang SANTIPOLO ang pook na ito na kalaunan
ay naging ANTIPOLO.
Buhat noon, nakagawian na ng lahat, mahirap man o mayaman, ang
pamamanata sa mataas na bundok na ito ng ANTIPOLO lalo na sa panahon
ng Mahal na Araw.

Alamat ng Kalabasa
Si Kuwala ay anak ni Aling Disyang, isang mahirap na maggugulay. Maliit pa
siyang bata nang mamatay ang ama at tanging ang ina ang nagpalaki sa
kanya.
Mabait si Kuwala. Maliit pa ay mahilig na siyang tumingin sa mga larawang
nasa libro at nang matuto ay pagbabasa ang naging libangan.
Basa siya ng basa. Walang oras na hindi siya nagbabasa. Binansagan tuloy
siyang Kuwalang basa nang basa.
Matalino ang anak kaya nagsikap si Aling Disyang para matustusan ang
anak. Si Kuwala naman ay higit na pinagbuti ang pag-aaral.
Tag-ulan noon nang isang hapon ay umuwi si Kuwala na mataas na mataas
ang lagnat. Inirireklamo niya ang mahirap na paglunok. Nagsuka rin siya
nang nagsuka. Palibhasa ay walang pera, hindi agad nadala ni Aling Disyang
sa doktor ang anak. Nang masuri ito ng doktor ay malala na ang kondisyon.
Paralytic poliomyelitis ang umatake sa mahinang resistensiya ni Kuwala.
Naging mabilis ang pagpasok nito sa katawan niya at agad siyang
naparalisa. Ilang linggo makaraan ay binawian ng buhay ang kawawang
bata.
Hindi matanggap ni Aling Disyang ang sinapit ni Kuwala. Upang maibsan ang
lungkot ay inubos niya ang panahon sa pag-aasikaso ng mga tanim na gulay.
May kakaibang halamang tumubo at nagbunga sa pataniman ni Aling
Disyang. Bilog ang bunga noon na kulay dilaw ang loob. Natuklasan ng mga
kumain ng gulay na may bitamina itong nagpapalinaw ng mata.
May isang nagtanong kung saan galing ang halamang iyon. Ang sabi ng
tinanong ay kina Kuwalang basa nang basa. Nagpasalin-salin iyon sa
maraming mga bibig hanggang kalaunan ay naging kalabasa.

You might also like