You are on page 1of 2

GININTUANG ARAL

ni John Louiese Estopil Villadore


Ang buhay natin sa mundo ay makabuluhan
Punung-puno ng liksyon, aral at katuruan
Kaalamang napulot at ating natutunan
Mula pa sa dahon ng ating kapanganakan
Sa pagmulat, paglaki at pagpasa-libingan.
Mga magulang natin ay nagpasan ng hirap
Mailuwal lang sa mundo ang mahal na anak
Di matutumbasan ang pagkalinga't paglingap
Na kanilang binigay, kaya ang nararapat
Sila'y pakamamahalin ng wagas at tapat.
Ang pagsunod sa utos at batas sa tahanan
Napakahalagang aral na matututunan
Pagka't sa paglaki, pagtuntong sa paaralan
Sa ating gobyerno at sa buong pamayanan
Ang pagiging masunurin ay isang huwaran.
Lumayo sa mga masasamang impluwensya
Pati sa sugal, alak, sigarilyo at droga
Iwasan ang maling gawi, sundin ang konsyensya
Ingatan ang dangal, igalang ang kapwa
Mag-aral ng mabuti at huwag magpabaya.
'Wag gawin sa iba ang masama para sa'yo
Punain ang sarili bago ang ibang tao
Iwasan ang mga masasamang biro't
Panatilihin ang mabuting pakikitungo
Ang paglimot nito ay pag-anyaya ng gulo.
Tuklasin ang nilalaman bago ka lumayo
H'wag kang maghusga batay sa panlabas na anyo
Kagandahan ng kalooban ang s'yang simuno
Ito ang basehan sa pagpili ng kasuyo
Hindi kislap ng mata kundi tibok ng puso.
Sa pag-aasawa naman ay ito ang turo
Pag-iisang dibdib, 'wag dali-daling isubo
Pagka't mahirap iluwa 'pag ika'y napaso
Iyong pakatandaan na ang sugatang puso
Matagal maghilom kung pag-ibig ay binigo.
Bawat tao'y mayroong kalayaang mangarap
Makamit ang ninanais, umahon sa hirap
Kahit pa may wikang, "kapalara'y nakatatak",
Tayo pa rin ang pipili, tayo ang tatahak
Ituloy lang ang paglipad kahit na lumagpak.

Suriin mo ng mabuti ang bawat desisyon


Kapakanan ng iba ay isama sa layon
Malusog ang tanim kapag sagana sa dahon
Pagpupukpok ng mag-isa ay hindi babaon
Kailangan ng karamay sa hampas ng alon.
Ang 'di marunong lumingon sa pinanggalingan
Ay hindi makararating sa paroroonan
Ikaw ay wala ngayon sa iyong kalagayan
Kung walang sumuporta at nagsilbing sandalan
Kaya't pasasalamat, sa kanila'y ilaan.
Kabutihang-loob, asal, at pusong-dalisay
Buo at positibong pananaw sa buhay
Iyan ang sandata sa pagkamit ng tagumpay
Subalit ang pagtindig ay hindi rin titibay
Kung marupok ang tiwala sa D'yos na gumabay.
Anumang mga pagsubok at hamon sa buhay
Magtiwala lang sa Kanya at S'ya ang aakay
Tibayan ang pananalig, itiklop ang kamay
Kaganapa'y may dahilan at 'wag kang bibitaw
Sa likod ng mga ulap, maningning ang araw.
Magtanim ng kabutihan at iyon ang bunga
Ang wakas ay laging kamag-anak ng simula
Ang nagaganap ngayo'y dulot ng naganap na
Ang mali'y di maaayos ng isang mali pa
Bagkus ito'y gamiting tagamulat ng mata.
Kung ang buhay mo'y masaya at makabuluhan
Ay iyong mawiwikang tila kahapon lamang
Ngunit kung ito'y hungkag at walang kasiyahan
Masama ang ugat at puno ng pagdaramdam
Magbubuntung-hininga ka't may pagsisisihan.
Darating ang araw na malalaglag ang dahon
Ang paglisan ay hindi lilihisan ng taon
Kaya't maging handang humalik sa Panginoon
Mag-iwan ng mabuting gunita sa panahon
At ang iyong alabok, ikakalat ng alon.

You might also like