Professional Documents
Culture Documents
Mainit na pagbati!
Sa darating na ika-25 ng Hulyo, magbibigay ng kanyang kauna-unahang State of the Nation
Address si Pangulong Rodrigo Duterte. Nakatakdang salubungin ng mga manggagawa at
mamamayan ang unang SONA ni Duterte ng malaking pagkilos para ipanawagan sa bagong
rehimen ang adyenda ng mamamayan para sa tunay na pagbabago at sa makatarungan at
pangmatagalang kapayapaan.
Kaugnay nito, narito ang ilang mga paninindigan, kagyat na mga tungkulin at panawagan ng
kilusang paggawa tungo sa SONA ni Duterte.
Paninindigan at pakikitungo sa gobyerno ni Duterte:
Sa pangkalahatan, ang pakikitungo natin sa gobyernong Duterte ay pag-engganyo,
pagtanggap, pagsalubong, at pagsuhay sa kanyang mga positibong hakbangin, at
pakikitunggali na may pagtitimpi at pagtitimpla sa mga negatibo. Sinusuportahan natin ang
mga positibo niyang hakbang habang pahamig na pinupuna at tinutunggali ang mga negatibo,
na may pagtitimpla ng pagdadala na hindi antagonistiko sa lahat ng panahon. Maaring
makipagtalakayan, makipag-aralan o magpaabot sa kanya ng di pagsang-ayon sa mga usapin
gamit ang ibat-ibang linya o paraan.
Malaki ang potensyal para makapagbuo at mapatibay ang progresibo at makamamayang
alsyansa sa pagitan ng bagong rehimeng Duterte at ng pambansa-demokratikong kilusan.
Ikinalulugod at sinusuportahan natin ang kagustuhan at hakbangin ni Duterte para
magkaroon ng makabuluhang pagbabago sa bansa gaya ng kaseryosohang muling buksan ang
usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ng National Democratic Front
of the Philippines, ang pangakong palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal, ang
pagpapatupad ng mga maka-manggagawa at maka-mamamayang polisiya, paghirang sa mga
progresibong lider at personahe sa mga susing posisyon sa gabinete, at paglaban sa korupsyon
at kriminalidad.
Gayunpaman, nananatili tayong mapagbantay sa mga anti-mamamayan at antimanggagawang patakaran ng kanyang administrasyon.
Mulat tayo na ang gobyerno ni Duterte ay pinamumugaran ng ibat-ibang pampulitikang
pwersa (mga ahente ng imperyalistang US, malaking kapitalista, panginoong maylupa, makakanang paksyon ng military, mga rebisyunista at dilawan, simbahan at iba pang relihiyosong
sekta at mga sagad-sagaring anti-komunista) na maaring makaimpluwensya sa pampulitikang
paninindigan at mga patakarang ipatutupad nito.
Pakikitungo sa DOLE:
Ang pakikitungo natin sa DOLE ay hindi dapat maiba sa pangkalahatang pakikitungo sa
gobyernong Duterte. Susuportahan natin ang mga maka-manggagawang patakaran at hakbang
habang ang mga susulpot na mga usaping taliwas sa paninindigan ng mga manggagawa ay
pahamig na tinutunggali kung ang mga usapin ay maaring mapagkakasunduan o kung hindi
naman sagad-sagaraing maka-kapitalista.
Itinuturing nating positibo ang pagkahirang bilang kalihim ng Department of Labor and
Employment sa punong negosyador ng gobyerno ng Pilipinas sa usapang pangkapayapaan at
alyado ng progresibong kilusan na si Sec. Silvestre Bebot Bello III at kay KMU vice chair for
Mindanao at dating Anakpawis Representative Joel Ka Jomag Maglunsod bilang
pangalawang kalihim sa Labor Relations.
Nagbubukas ito ng pinto para sa mas maluwag na pagsulong ng mga laban ng mga
manggagawa, partikular ang pagbasura sa kontraktwalisasyon at pagpapatupad ng
Pambansang Minimum Wage na P750. Nagbubukas din ito ng pinto sa mas paborable at mas
mabilis na pagresolba sa mga usapin at kaso sa antas lokal.
Ikinagagalak natin ang paninindigan ni Pangulong Duterte sa kanyang pangakong wakasan
ang kontraktwalisasyon. Bagamat may mga kailangan pang linawin sa mga inihahapag na
balangkas ng pagpapatupad, positibo naman na bukas si Sec. Bello na makipagtalakayan at
tumanggap ng mga mungkahi mula sa kilusang paggagawa.
Iginigiit din nating maibigay kay Usec. Maglunsod ang mga susing tanggapan at opisina ng
DOLE, gaya ng Bureau of Labor Relations, na magbibigay ng paborableng kondisyon para sa
mga manggagawa.
Sa lahat ng panahon, dapat tuluy-tuloy at mas malakas nating igiit ang ating mga
panawagan sa pagbasura sa kontraktwalisasyon at pagpapatupad ng National Minimum Wage
na walang kompromiso.
Naninindigan tayong hindi napapawi ang katangian ng DOLE bilang isang reaksyunaryong
institusyon at ang domninanteng impluwensya ng mga malalaking dayuhan at lokal sa mga
patakaran at programa nito. Susi pa rin sa pagtagumpay ng laban ng mga manggagawa ang
malawakang pagmumulat, pag-oorganisa, at sama-samang pagkilos sa lahat ng antas.
Pagdadala ng kampanya tungo sa SONA:
Sa pagdadala ng kampanya tungo sa SONA, bitbit natin ang tatlong mayor na panawagan
batay sa pagkakasunud-sunod ng prayoridad;
Hanggang dito na lang muna, mga kasama. Umaasa kami sa inyong maagap at positibong
pagtugon sa nilalaman ng memorandum na ito. Magkita-kita po tayo sa darating na SONA.
ELMER C. LABOG
Tagapangulo