At nakadungaw sa bintana, Nakikinig sa musika ng siyudad na kahit nababalot sa dilim ay buhay sa ingay ng samu't saring kwento ng pag-ibig; Sa taas ng toreng kinalawang ng panahon, Iba ang nawawaring hiwaga, Sa halip na malunod sa ingay ng mga asong ulol na naghahabulan ay nangibabaw ang halina ng usapan ng kuliglig; Sa malayong dako ng inaakalang impyerno, Kumikislap pa rin ang bituin sa mga mata, Nakatagong ligaya, katahimikan at kapayapaan na hindi nakikita sa nakabubulag na silaw ng araw kung saan walang makatitig; Kaya't kumapit ka sa gabi, Tuluyan mong linlangin at libangin ang iyong sarili, Dahil balang araw, pasasalamatan mo ang pagsuko mo sa 'di karaniwang sandali.