You are on page 1of 1

Paghihintay

Sa pagsapit nang ika-siyam ng umaga


ikaw ang aking hinihintay
marahil nga'y nasanay na ako
na sa oras na ang mga kamay ng orasan ay itinuro ang hudyat ng iyong pagdating
sa bawat pagpatak ng segundo
ako ay umaasang darating ka na
nalulugod akong hindi ako binigo ng mga pag-asang aking pinanghawakan
pag-asang susulpot ka mula sa kabilang mundo
na iibsan mo ang bagot sa bawat araw na dadaan
Ngunit magmula nang araw na iyon
ang araw na hindi ko inaasahang darating,
ay muling makikipaglaro ang tadhana
sa larong alam kong ako'y matatalo
sa larong kahit subukan ko ang lahat ng aking makakaya, sa huli ay matatalo pa rin
gayun pa man ang mas hindi ko inasahan sa pagkakataong ito, kinampihan mo ang kapalaran
ngayon, ako'y tuluyang nanghinang makipaglaro sa kanya
na dapat sana ay magbabakasakaling sa larong ito, ako naman ay magwawagi, ngunit hindi
hindi pa man din nagsisimula ang laro, alam kong talo na ako,
matatalo ako.

Hindi ko lubos maisip na


namutawi sa'yong mga labi ang mga katagang ayokong marinig
ayokong kaharapin.
Hindi ko alam kung ito'y pawang mga biro
o pahiwatig mo na nalalapit na ang iyong pagyao.
Nagpanggap akong parang walang narinig
hinayaan kong magsinungaling ang aking sarili na wala lang ang lahat ng ito
ngunit hindi ko kaya
nagpatuloy ang pagragasa ng ilog sa aking harapan
ako'y inaanod, ngunit hindi mo ako magawang iligtas,
hindi mo ako kayang iligtas.

Napipipi ako sa lahat ng mga pangyayari, kaya ngayon hindi ko masabing manatili ka na lamang sa
aking tabi
Nabubulag ako, hindi ko na makita ang kinabukasang kasama kita
Nabibingi ako, sa ingay na gawa ng aking isipan
sa nakakabinging mga gunita ng mga alaalang kasama ka
sa nakakabinging imahinasyon sa hinaharap na naroroon ka.
Marahil, una pa lang, nakatadhana kang lumisan,
nakatadhana tayong di magsama nang matagal,
nakatadhana tayong magtagpo,
ngunit, hindi tayo nakatadhana.
Sa sobrang ikli ng ating kapalaran,
hindi natin natalo ang tagal ng biyahe sa kalakhang Maynila,
ang tagal sa paghihintay ng sasakyan pauwe
Pero, ano pa nga ba'ng aking magagawa, kundi tanggapin ang lahat.
Pag-aaralang makalimot muli sa ganitong mga laro
at isusumpang muli na hindi na sasali sa larong tadhana ang kalaban.

You might also like