You are on page 1of 1

Masaya ka na rin sa wakas

Masaya ka na rin, sa wakas.


Nagising akong nakita kitang masaya.
Doon ko nalamang narinig Niya ang gabi-gabi kong pangungulit
sa pagbanggit ng pangalan mo na para nang isang orasyon o ritwal bago ako matulog.

Ngunit parang may mali,


hindi ko akalain na sa'yong kaligayahan
makikita ko ang pag-agos ng ilog
madarama ko ang patak ng ulan
ng kalangitang hindi nagbadya.

Ako'y inanod sa dagat ng walang katiyakan.


Kailangan ko nga sigurong bumalik sa ilalim ng karagatan,
kung saan ako nababagay.

Gayunpaman, kung sakaling makita mong muli ang sarili sa dapit-hapon


lumapit ka sa pangpang at ako'y aahon.
Sapagkat maririnig ko ang iyong paghikbi
gaya ng paghampas ng mga alon sa dalampasigan.

Ngunit sa ngayon,
muli akong mawawala sa larawan na iyong tangan.
Binura ako ng mga ngiti sa labi mo.
Marahil ganoon naman talaga
mawawala ang kalungkutan kapag naryan ang kasiyahan
tulad ng dilim kapag naryan ang liwanag.

Pero sa wakas, masaya akong masaya ka na.


Kahit na sa kasiyahan mo'y hindi ako kasama.
Kahit na sa kasiyahan mo'y kailangan kong mawala.

You might also like