You are on page 1of 1

Lumaya ka na

Sa araw na ito, ika'y aking pinalalaya na


Lumaya ka na sa lungkot na iyong nadarama
sa mga pag-asang iyong inakala
sa mga alaalang dumadalaw sa iyong gunita
sa kanyang matatamis na ngiti
sa kanyang maingay na pagtawa
at higit sa lahat sa damdaming iyong nadama habang siya'y kasama

Lumaya ka na sa pag-asang hahanapin ka nya


na sa iyong paglisan, ikaw ay kanyang hahabulin
pipigilan at sasabihing nais ka nyang manatili

Lumaya ka na sa mga pantasyang ikaw ay kanyang mamahalin


gaya ng pagtingin mo sa kanya
sa mga pantasyang nilikha ng iyong isipan na balang araw ay masusuklian nya rin ng pag-ibig ang pag-ibig mo
at hindi lang pasasalamat ang mamumutawi sa kanyang bibig

Lumaya ka na at lumipad
lumipad ka kung saan naisin ng iyong puso
hanapin ang lugar kung saan ligaya at hindi lungkot ang makakamtam

Lumaya ka na at piliting huwag muling makulong


makulong sa hawla ng kawalan
lalong huwag ikulong ang sarili sa pag-ibig ng ninuman

Lumaya ka na dahil yan ang nararapat


Lumaya ka na dahil matagal ka nang sinakop
Matagal ka nang nagpigil at nagtiis
Matagal ka nang lumuluha
Matagal nang hindi niya naririnig ang iyong pagtangis
Kaya pinalalaya na kita.

You might also like