You are on page 1of 5

BASAHIN ANG PRIVILEGED SPEECH NI KONSEHAL RED ERFE-MEJIA SA NAKARAANG REGULAR SESSION

NG SANGGUNIANG PANLUNGSOD (JUNE 19, 2017) KONTRA SA PAGLIPAT NG CITY HALL:

"Ako ay nakatayo sa harapan ninyo upang ipaalam sa inyo ang pinakamalaking iskandalo at kurapsyon sa
historya ng atin minamahal na siudad.

Nakakalungkot na sa araw na ito kung kalian natin ipinagdiriwang ang ika pitumput na taon ng ating
siudad mababahiran pa ito ng kurapsyon, kriminalidad, lagayan, at pagnanakaw.

Sa araw na ito sa harap pa ng mga kabataan ipapasa ng konsehales ng mayorya, ang isang napaka
saklap na ordinansa upang ilipat ang city hall natin sa lupa ng pamilya ng mayor ng siudad na ito.

Sa unang dinig palang, mali na agad ilipat ang city hall sa lupa ng kapatid ng mayor, kung saan ang mga
nakapalibot na lupa ay pagmamayari ng kanilang pamilya.

Tama ba yon?

Ang aking pagkakaalam ang pangalan ng sentro ng gobyerno sa ating lungsod ay City Hall at hindi City
Supermarket Hall.

Lasing ata sa kapangyarihan ang ating mayor na nakalimutan na niya na dapat ihiwalay niya ang
pansariling at pang negosyong interes sa kanyang katungkulan bilang pinakamataas na opisyal ng ating
siudad.

Ang opisyal na inuuna ang pagpapayaman sa sarili sa pamamagitan ng pag abuso ng kanyang
kapangyarihan ay kurap, at higit sa lahat isang GARAPAL.

Balikan natin ang mga pangyayari.

Ayon sa mga tagadepensa ng kurap na ordinansang ito, na aprubahan na daw ng HLURB ang
Comprehensive Land Use Plan kaya pwede na ilipat ang city hall.
Ang tanong naisapubliko ba kung sino ang taong may nagmamay-ari ng mga lupa sa Lucao na siyang
makikinabang sa pagpasa ng CLUP at paglipat ng city hall?

Hindi ba totoo na hekta-hektarya ang lupa jan ni Mayor Belen Fernandez na siya ang pinakamalaking
benepisaryo sa pag pasa ng CLUP at kung saan ang mga fish pond na binili niya sa murang halaga ay
ngayon may halagang mahigit 800 milyong piso?

Hindi ba totoo na gusto niyang ilipat ang city hall sa lupa niya para mas lalo pang tumaas ang halaga ng
kanyang mga lupain na aabot sa dalawang bilyong piso?

Hindi ba totoo na ang sanggunian, na siyang dapat pumipigil sa mga kriminal at kurap na gawain ng isang
mayor ay nalagyan daw ng malaking salapi upang ipasa ang mga iligal na ordinansang ito?

Ito ang gusto kong maintindihan ng mga kasamahan natin dito sa konseho kahit bigyan kayo ng tig
isang kotse, o tig isang milyon, o tig dalawang milyon, kahit tig limang milyon para ipasa ang mga
ordinansang ito hindi magbabago ang buhay niyo. Pansamantalang ginhawa lang yan. Naisahan pa rin
kayo at inisahan niyo ang taongbayan.

Kayo ay inihalal ng taongbayan dahil kayo ay pinagkatiwalaan nila para mag silbe ng tapat at tunay, hindi
para pagsilbihan ang kasuwapangan ng mayor at pagtakpan ang kanyang katiwalian.

Huwag niyo sana ibenta ang dignidad at kaluluwa ninyo sa mga walang hiya at garapal na opisyal na
nangaabuso ng kanilang kapangyarihan.

Huwag na tayo magbulagbulagan na kesyo donasyon daw ang lupa kung saan ipapatayo ang city hall.

Ano ngayon kung donasyon?

Yung kapirasong lupa na yon ay napakaliit na porsyento lamang ng lupa na pag mamayari ng pamilya ni
Mayor Belen Fernandez at kanyang mga kapatid.

Ang ibinigay na lupa sa siudad ay napalibutan ng mga lupa ni Mayor.


Kung sa sugal, yang donasyon na yan ay balato lamang. Nagbigay ng piso para kumita ng isang milyong
piso.

Isang panlilinlang lamang yang donasyon para itago ang tunay na kabahuan at kabalbalan ng paglipat ng
ating city hall.

Ang punot dulo nito ay ang bilyon bilyong kikitain ni Mayor pag nailipat na niya ang city hall sa kanyang
lupain.

Bawal at mali ang pagnanakaw, at hindi nagiging tama ito dahil walang nakakita o dahil ang mga
nakakita ay pilit na nagbubulagbulagan.

Hindi naman bago ang pangaabuso ng kapangyarihan para sa pansariling interes. Tignan niyo nalang
yung Bangus Festival.

Tuwing Bangus Festival kung saan ang orihinal na Kalutan ed Dalan ay ginagawa sa A.B. Fernandez lagi
nalang dinadahilan na gawin sa De Venecia Highway para ang makinabang ang CSI na siyang
pinakamalaki at nagiisang mall sa kalsadang iyon? Hindi ba matagal nang sigaw ng bayan na ibalik yan sa
AB Fernandez para ang totoo at nakakaraming Dagupeo ang makinabang?

Kasuwapangan.

Hindi ba totoo na tuwing Bangus Festival ang inilalabas na mga bangus ay ang mga pag mamay-ari ng
mayor, at kahit ito ay napakaliit o kulang sa timbang, sapilitan pa rin binebenta para siya ang kumita?

Pagsasamantala.

Hindi ba totoo na imbis na ayusin ang Dagupan City Astrodome para magamit ng karamihan ng ating
mga kakabayan, ang pinapagamit nalang ay ang CSI Stadia para sa mga ibat ibang okasyon. Walang
problema sana dito, kaso hindi ba sinisingil ang pag gamit ng Stadia sa siudad ng Dagupan?

Pangaabuso.
Ako ay humihingi ng paumanhin sa ating mga Manlingkor ya Kalangweran kayo ay nandito para
matuto paano maging isang opisyal na pampubliko, ngunit kailangan niyo din malaman ang totoong
nangyayari sa ating siudad dahil sa nalalapit na panahon, kayo din ang mamumuno sa ating siudad.

Sana matutunan niyo ang mga maling pangyayari, ang mga maling desisyon, ang mga maling priyoridad
na inuuna dahil sa impluwensya ng pera.

Higit sa lahat dapat niyong matutunan na huwag matakot ipaglaban kung ano ang tama para siudad
natin, ito ang patunay ng totoong pagmamahal sa ating bayan.

Intindihin niyo sana na hindi nagtatapos dito ang karumaldumal na kwentong ito. Pag naipasa na ang
ordinansa na ilipat ang city hall, isusunod nila ang pag-utang ng higit kumulang na anim na daang
milyong piso upang ipatayo ang isang siguradong over-priced na city hall.

Ang tanong dapat bang unahin ang paglipat ng city hall? Hindi ba mas tama na ayusin muna ang mga
problema ng siudad sa baha, trapik, krimen, droga, trabaho, kalusugan, at edukasyon?

Ako ay nasa pangatlo at huling termino ko bilang konsehal ng siudad. Wala akong makukuhang
kalamangan sa paglantad ng kurapsyon na ito. Ako ay nagsasalita dahil kailangan malaman ng taong
bayan ang katotohanan.

Wala po akong cable channel para paguwapuhin ang sarili ko at iangat ang sarili kong bangka, wala po
akong mga koneksyon sa media, wala po akong pag mamay-aring dyaryo, wala po akong pag mamay-
aring lupa na hekta-hektarya.

Ang kaisa isang armas ko lamang ay ang aking lakas ng loob ang lakas ng loob na magsalita dahil hindi
ko masikmura ang pag gahasa na ginagawa ng ating mga opisyales sa dignidad ng ating siudad.

Hindi man marinig ng karamihan ang aking pahayag ngayong araw na ito, ako ay nangangarap sa
pandinig ng ating mga manlingkor, sa pandinig ng mga nandirito ngayon, sa pandinig ng ating mga
kaibigan sa media, na mahanap din ninyo ang lakas ng loob sa inyong mga sarili na tumayo at ihayag na
tama na, sobra na, palitan na.
Buo ang aking tiwala ko sa diyos na may kapal na makakamit natin bilang siudad ang hustisya laban sa
mga kurapsyon na ito.

Huwag po natin ipasa ang ordinansang ito. Sa ating mga Manlingkor, pagsabihan niyo ang mga
konsehales ninyo na ipairal ang tama, ang makatarungan, at higit sa lahat, ang dignidad ng minamahal
nating siudad ng Dagupan.

Maraming salamat po."

You might also like