You are on page 1of 3

Busero

Dama niya ang sabik na mga alon na dumadampi sa magaspang niyang mga paa. Tumataas ang
kanyang balahibo sa paghipo ng sariwang hangin. Naaaliw ang kanyang mga tenga sa huni ng
mga tumatawid na ibon sa himpapawid. Gumiginhawa ang kanyang lalamunan at dibdib sa
maaliwalas na amoy hatid ng buhangin sa dalampasigan.

Napangiti siya sa pagmulat ng mga mata; bumungad sa kanyang harapan ang pag-ahon ng araw
na tila nagsasalamin sa katawang tubig ng kanilang bayan. Sakay ng bangka, humilera siya sa
mga kapwa mangingisda. Ang mga kalalakihan na katulad niya ay sabik na mangisda at
pagmasdan ang pamumukadkad ng araw. Sa pagtaas nito, masisilayan nila ang dalisay na tubig
na pumupukaw sa iba't-ibang klase ng isda.

Ito ang nagbibigay pag-asa sa kanila na hindi sila mauubusan ng isdang huhuliin- na sa bawat
mangingisda ay maraming isdang pwedeng sungkitin.

Mahiwaga ang katawan ng tubig na nagsisilbing palaisdaan. Sa isang parte, merong matabang.
Meron ring parte na maalat. Sa isang banda, malayang wumiwisik ang mga alon; samantalang sa
kabila ay tila mahimbing at nanahimik ang tubig. Kaya naman kalat-kalat ang pwesto ng mga
kalalakihang mangingisda na may iba't-ibang panlasa ng isdang nais bingwitin.

Pinakamabenta parin ang hipon. Grupo kung lumangoy, kaya kay daling huliin. Parang
rumarampa at kusang tinutukso ang mga mangingisda. Tila ba, gustong ialay ang sarili na
maprito o igisa. Isinasayaw nito ang makurbang katawan na wala sa ibang isda at pilit na hindi
pinapahalata ang ulo nitong kay liit.

Meron rin namang mga isdang bulilit. Maliliit. Kyut kung tirisin. Masarap sipsipin. May bukod
tanging lasap kung kainin. Ngunit, sa isa o dalawang araw na inihain, pagsasawaan rin.

Isa sa pinakamahirap huliin ang mga bangus. Mabilis. Matinik. Maingat. Kaya naman sayang-saya
ang isang mangingisda kapag nakahuli ng bangus. Kasi kung gaano kahirap huliin, ganoon rin
naman kadami ang mga pwedeng ihain gamit ang bangus. Maraming putahe ang pwedeng
lutuin. At maraming tao ang pwedeng kumain. Yun nga lang, pihikan ang bangus. Maarte at
pakipot sa mga mangingisda.

Ang pinaka-kinakatakutan ng mga mangingisda ay ang pating. Ipinagpipilitan ang sarili. Gutom sa
atensyon, at sa lalaki. Siya mismo ang umaangkas sa kanilang bangka. At siya rin mismo ang
nagpapalubog sa mga mangingisda. Kaya naman sa malayo pa lang, kung nakakita ang isang
mangingisda ng palikpik ng pating, humihiyaw na ito sa mga ibang kasamahan na magsilikas na.

Pumwesto siya sa kalagitnaan ng katawang tubig. Dito kasi nagsasalubong ang tubig-alat at
tubig-tabang. Mangilan-ngilan lang silang nakakarating sa sentro dahil mahirap maniubrain ang
bangka. Ngunit kung gaano siya kagaling sa pamamangka, ganun rin naman siya kamalas sa
pangingisda. Padako na ang araw at wala pa rin siyang mahuling isda. Naiinggit siya sa mga
kasamahang balde-balde na ang nahuling hipon; sa ibang mangingisdang may naiahon nang mga
bulilit; at sa mangilan-ngilan na may bitbit ng naglalakihang bangus.

Muli niyang ikinasa ang kanyang pangmingwit at inihagis ang tali nito sa mahiwagang palaisdaan.
Nagporma ang maliliit na alon sa paligid ng kanyang pangmingwit. Tinitigan niya ang ilalim ng
dagat. Hinintay niya ang paghila sa kanyang pangmingwit hanggang siya'y makaidlip.

Pagkagising niya ay lampas-gabi na. Nagsiuwian at marahil nagsisibangon na ang mga


kasamahang mangingisda. Tumingala siya at nakasalubong ng kanyang paningin ang mapusnaw
na titig ng buwan. Hinila niya ang kanyang pangmingwit upang tignan kung may sumabit. Wala
pa rin. Iniikot na niya ang kanyang bangka sa direksyon ng dalampasigan. Kasabay nito ang
pagkulog ng kanyang tiyan.

Napayuko siya sa gutom at tinitigan lang niya ang sarili sa tubig na nagsisilbing salamin niya at ng
buwan. Pinagmasdan niya ng sandali ang sarili upang makapag-isip ng dapat gawin.

Tumitig.

Nagulat.

Sumisid.
Nagsawa na siya sa dating kalagayan. Alam niyang hindi para sa kanya ang pangingisda, at
marahil panahon na para magkaroon ng isang busero sa lugar- isang dating mangingisdang
kumawala sa kanyang bangka.

Patuloy siyang lumangoy sa ilalim ng pala-isdaan. Hinahawi ng kanyang mga paa ang tubig na
pilit siyang inaangat. Pilit namang iniaabot ng kanyang mga kamay ang mga isda. Nangangapa sa
wala.

Wala siyang makita. Wala siyang direksyon. Wala siyang hanging mahinga. Bigla siyang kinapos
sa hangin. Nahahawi na ng kanyang mga kamay ang mga bahay ng isda. Dumadampi sa kanyang
mukha ang buhangin sa dulo ng ilalim. Gusto niya umahon, pero hindi na niya mawari maski ang
ilaw ng buwan sa ibabaw. Nabalot na siya ng dilim.

Nang may kumislap.

Kuminang.

Nagliwanag.

Pilit niyang sinipa ang tubig papunta sa munting liwanag na nakikita. Nahaplos ito ng mga kamay
niya. Hinukay niya ito hanggang sa matanggal mula sa pagkakabaon. Ito ang tila humila sa kanya
pabalik sa ibabaw- patungo sa lugar na pwede niya ulit pagmasdan ang sinag ng araw.

Kasabay ng pag-ahon ng araw, iniluwa siya ng mahiwagang katawan ng tubig. Agad siya kumapit
sa naiwang bangka, saka isinuka at iniubo ang nalunok na tubig. Pagkatapos makahinga ng
malalim at makapagpahinga ng saglit, tumayo siya sa dulo ng bangka. Itinaas niya ang kamay na
dumukot sa liwanag saka ibinuka.

At sa maliwanag na sinag ng araw ay itinipat niya ang perlas na nagsilbing liwanag sa oras ng
kadiliman at kailaliman ng buhay niya.

You might also like