You are on page 1of 2

Commencement Speech | Colegio de Los Baños Graduation

Rites 2014
April 5, 2014 at 9:45am
Below is the copy of my speech when I was invited as the Guest Speaker during the 2014
Graduation Rites of Colegio de Los Baños last April 04, 2014.

Dra. Marina San Agustin, Prof. Josue Zuniega, Ms. Aleli Teresa Nolido, Ms. Lea Lopez, Sir Ricardo
Patalen, Faculty & Staff, sa mga magulang, sa ating mga Graduates at sa lahat ng naririto ngayon,
isang magandang gabi.

Bago ang lahat, isang pagbati sa mga magsisipagtapos ang Class 2014! Isang pagpupugay din sa
mga magulang at sa wakas nairaos din! Nang imbitahin ako bilang Guest Speaker, hindi ako
nagdalawang isip na tanggapin ito. Sa kadahilang iilan lamang ang nabibigyan ng ganitong
pagkakataon at matagal na rin naman ang huling pagbisita ko sa Colegio de Los Baños. Ang bilis
ng panahon, dalawampung taon na ang nakakaraan nung huling tumuntong ako sa entabladong ito
upang magbigay din ng mensahe sa mga kapwa ko magsisipagtapos sa High School noon.

Hindi naging madali ang dalawampung taon nakaraan para sa akin. Ito’y magkahalong saya,
tagumpay at pagsubok. May mga pagkakataong halos sumuko na ako dahil hindi naging maganda
ang takbo ng aking piniling karera noong una. Halos ilang taon din ang lumipas bago ko mahanap
ang karerang akma para sa akin. May mga pangyayari din sa aking personal na buhay na
sumubok din ng aking katatagan, isa na dito ang pagpanaw ng aking ama noong nakaraang taon.
Ngunit sa lahat ng pangyayaring ito, nagtiwala ako na magiging maayos din ang lahat. Sabi nga nila,
Tiwala lang. Ito ang dalawampung taon na masasabi kong nagpatatag sa aking kalooban at
pagkatao.

Masasabi kong ang aking karanasan ay akma sa tema ng pagtatapos ngayong taon. “Hindi Natitinag
ang Pusong Pilipino” na kung iisipin ang mga salitang Laban, Pagbangon at Pag-asa ay maaaring
may kaparehong kahulugan. Matatandaan na naging isang malaking pagsubok sa ating mga Pilipino
ang nakaraang taon sa pahagupit ng pinakamalakas na bagyo, lindol at ibang pang sakuna.
Gayunpaman, makailang ulit rin nating napatunayan sa buong mundo na hindi natitinag ang ating
mga kalooban at puso. Tayo’y nanatiling matatag, maparaan at sadyang mapanampalataya. Nariyan
din ang mga atletang Pilipinong na hindi man gaano nasusurpotahan ng ating gobyerno ay buong-
buo ang puso sa pakikipagtagisan ng lakas at talento maiuwi lamang ang minimithing tagumpay.

Ito ay ilan lamang sa mga pagpapatunay na sadyang hindi natitinag ng pusong Pilipino. Kung ating
iisipin hindi lamang sa mga ganitong pagkakataon hindi natitinag ang Pusong Pilipino. Sa araw-araw
ng ating buhay andyan sila at nanatiling matatag, di lamang siguro natin napapansin.
Nakapagpasalamat na ba tayo sa ating mga magulang , kapamilya o mahal sa buhay na nagmahal,
nag-aruga, nagtaguyod, nagsumikap at nagsakripisyo upang maibigay lamang ang ating mga
pangangailangan at mapag-aral tayo ng maayos.
Mabalikan ko lamang po ang aking ama. Si Tatay ay hindi po nakapagtapos kahit elementarya. Si
Nanay naman ay di natapos ang High School ngunit magkatuwang nilang sinikap na kaming limang
magkakapatid ay mapalaki ng maayos at mapagtapos ng pag-aaral. Hanga ako sa abilidad ni Tatay,
halos lahat na po ng trabaho ay kanyang pinasok hanggang sa makapagpundar siya ng negosyo na
bumuhay sa Pamilya Oracion. Ako po ang bunsong anak ni Conrado Oracion o malamang na mas
kilala ninyo na si Rads. Ang may ari ng munting tahian sa Crossing… ang D’Rads Tailoring. Hindi po
dito natapos ang kanyang pagpupursigi, bago pa man magkaJollibee sa Los Baños, mahigit isang
dekada rin ninyong nakasama ang Champ Burger at Champ Bakery. Hindi kailanman natinag ang
puso ni Tatay na magsumikap at lumaban para sa kapakanan ng kanyang pamilya.

Sa ating mga guro na nagsilbing ating pangalawang mga magulang na matiyagang nagtuturo,
nagbabahagi ng kanilang dedikasyon at kaalaman para sa ating ikabubuti. Para sa inyong
kaalaman, hindi po natapos sa loob ng klase ang aming pakikipag-ugnayan at pagiging malapit sa
aming mga dating guro. Lumipas man ang mga taon, nanatiling sila ay bahagi ng aming mga buhay.
Ito rin ang isang dahilan kung bakit hindi ko matanggihan ang pagkakataong makapagsalita at
makapagbahagi ng aking karanasan.

Halos lahat po kami sa klase ang tawag namin kay Ma’m Grace e, Nanay Grace. Siya po ang
Teacher ko sa English sa apat na taon ko dito sa CDLB. Siya po ang isa sa nagtiwala sa aking
kakayahan at isa sa mga dahilan kung bakit natuwid at naging maayos ang aking
pakikipagtalastasan sa Ingles. Nagpapasalamat din ako sa pagtitiwala ng ibang guro sina Sir Eric
Patalen at Ma’m Miriam Nguyen na hindi nagsawang linangin ang aming kakayahan. At sa lahat
po ng guro na nandito ngayon, Mabuhay kayo!

Sa mga nagsisipagtapos ngayon, simula pa lamang ito ng bagong yugto sa inyong mga buhay.
Huwag sana tayong magsawa na abutin ang ating mga pangarap. Sana’y panatilihing hindi natitinag
ang ating mga puso sa ano mang pagsubok na darating. Atin sanang alalahanin na kaagapay ng di
natitinag na puso ang pananampalataya sa Diyos, pagmamahal sa sarili, pagsisikap at pagkakaroon
ng positibong pananaw sa buhay. Sana lagi nating magawan ng paraan ang pagpapakabuti ng ating
mga sarili, dahil sabi nga ni Rico Blanco…

KUNG AYAW MAY DAHILAN


KUNG GUSTO PALAGING MERONG PARAAN
GUMAWA NA LANG TAYO NG PARAAN!

Maraming Salamat at muli isang Magandang Gabi sa inyong lahat!

You might also like