You are on page 1of 2

Ang China, US, Scarborough at Balikatan

by Renato Reyes Jr.

Madalas naitatanong kung bakit wala tayong protesta ngayon laban sa incursion ng Chinese fishing
vessels at maritime surveillance shipssa Scarborough Shoal at bakit daw sa US lang nakatuon ang
protesta ng Kaliwa. Ang katunayan niyan ay maaga pa lang nagpahayag na ang Bayan (Bagong Alyansang
Makabayan) laban sa Chinese incursion sa Scarborough Shoal at nanawagan din sa PH governmentna
igiit ang soberanya ng Pilipinas. Naghain na rin ng resolusyon ang progresibong partylist groups para
imbestigahan ang naturang incursion sa teritoryo ng Pilipinas.

Pero sa pagitan ng China at US, di hamak na mas malala, mas masaklaw at mas mapanganib ang
ginagawa ng US sa ating bansa. Hindi lang incursion sa teritoryo ng bansa ang ginagawa ng US. Nais ng
US ang permanenteng presensyang militar sa ating bansa. Nais ng US na gawing military outpost ang
hindi lang isa kundi maraming bahagi ng bansa, mula Luzon hanggang Mindanao. Ginagawa ng US na
isang laboratoryo ang Pilipinas para sa counterinsurgency operations nito, kabilang ang paggamit
ng drones. Ginagamit din ng mga tropang Kano ang Pilipinas para sa mga notoryus na “rest and
recreation” activities. At gagamitin din ang Pilipinas bilang lunsaran ng mga operasyong interbensyon ng
US sa rehiyon.

Sa usapin ng dispute sa China, umiiral na ang mga hakbangin ng gobyerno para hanapan ng
diplomatikong solusyon ang usapin. Marami na ngang ahensya ang pinapakilos sa isyung ito. Pero sa
usapin ng US troops at VFA, kapansin-pansing walang makabuluhang aksyong ginagawa ang gobyerno
para tugunan ang mga isyung pang-soberanya. Kabaligtaran pa, nanghikayat pa ang gobyerno ng dagdag
na sundalong Kano at ibinubukas pa ng Pilipinas sa ibayong paglabag ng soberanya.

Walang pasubali, tutol tayo sa incursions ng China at paglabag sa soberanya ng Pilipinas. Tutol tayo sa
anumang “bullying” at paggamit ng pwersang militar sa usapin ng territorial dispute. Pero dagdag pa
dito, kailangang mas pursigido nating tutulan itong balak ng US na magmistulang base militar muli ang
buong Pilipinas. Di dapat payagan ang US na gamitin ang isyu ng South China/West Philippine Sea para
bigyang katwiran ang plano nitong magdagdag ng tropang Kano sa Pilipinas. Di dapat manghimasok sa
usaping ito ang US. Isang malaking pagkakamali na isiping magkapareho ang interes ng US ang Pilipinas
pagdating sa territorial disputes. Layon lang ng US na maisulong ang imperyalistang agenda nito na
makapaghari sa rehiyong Asya, bagay na hindi naman alinsunod sa pambansang interes ng Pilipinas.

Ang usapin sa Scarborough Shoal at Spratlys ay mga dispute sa pagitan ng mga bansang naggigiit
ng territorial claims. Diplomatiko ang pangunahing paraan ng pagresolba sa isyu. Samantala, ang usapin
naman ng US troops at VFA ay pagsiskap ng isang imperyalistang bansa na ituring tayong tila isa pa ring
kolonya nito. Pulitikal na pakikibaka ang pangunahing paraan ng resolusyon sa isyu. Kung susuriin ng
mas malalim, talagang magkaiba ang pinagmumulan ng dalawang usapin at magkaiba ang paraan ng
pagtugon.

Higit na nangangailangan ng kagyat na aksyong protesta ang usapin ng US troops at VFA dahil sa saklaw
ng isyu at sa tindi ng paglabag sa soberanya ng bansa. Aminado ang mga progresibo na ito ngayon ang
pangunahing pinagtutuuan ng mga pagkilos. Pero habang nangyayari ito, matamang babantayan natin
ang developments sa usapin ng China at dun ibabatay ang anumang magiging susunod na hakbangin

http://pinoyweekly.org/new/2012/04/ang-china-us-scarborough-at-balikatan/

COPYRIGHT TO PINOY WEEKLY ORG

You might also like