You are on page 1of 5

Atang de la Rama: Reyna ng Kundiman

Ni Renato Perdon
Sydney, Australia
January 10, 2015

Kinilala siya bilang isa sa pinakamasigasig na tagapagtaguyod ng identidad o pagkakakilanlan ng


kulturang Pilipino. Kahit noong panahon ng mga Amerikano na ang sariling kulturang Pilipino ay unti-
unting natatakpan ng kulturang Kanluranin, walang-takot niyang ipinaglaban ang pananaig ng kundiman,
isang uri ng awiting Pilipino.
Ang kaniyang pagmamahal sa sariling atin ay nabigyan ng daan sa mga sarsuwela, mga dulang musikal
na kaniyang ginampanan. Pinaksa ng mga dulang napabantog ang mga isyung panlipunan, tulad ng
usurya, sabong at kaisipang kolonyal ng mga Pilipino.

Si Honorata de la Rama, lalong kilala sa palayaw na ‘Atang’ ay ipinanganak noong 11 Enero 1902 sa
Pandakan, Maynila. Bata pa siya nakahiligan na ni Atang ang musika. Sa gulang na pitong taon,
lumalabas na siya sa mga sarsuwelang Kastila. Ngunit sa mga sarsuwelang Pilipino napako ang kaniyang
talino. Sa gulang na labindalawang taon, pinag-aral siya ng musika ng kaniyang kapatid sa ilalim ng
pagtuturo ni Maestro Leon Ignacio. Dahilan sa angking talino ni Atang, pinagpasiyahan ni Maestro
Ignacio at ni Hermogenes Ilagan na lumikha ng isang sarsuwela na nababagay sa ganda at talino ni Atang
at ito ay ang napabantog na Dalagang Bukid.
Dinumog ng tao ang pagtatanghal ng sarsuwela. Labing-apat na taon pa lamang noon si Atang, ngunit
hinahangaan na ng madla ang kaniyang kakayahan sa pagkanta. Suot ang magarang balintawak inawit
niya ang ‘Nabasag ang Banga’. Ang sarsuwelang ito ay ipinalabas sa entablado ng pitong daan at
dalawamput’t apat na ulit. Ang kabantugan ng Dalagang Bukid ay pinatunayan ng isalin ito sa pelikula.
Dahil sa katanyagan ni Atang, siya ang napiling lumabas sa pelikula. Masasabing si Atang ang kauna-
unahang artistang babaing lumabas sa kauna-unahang pelikulang Pilipino.

Kahit na lumalabas sa entablado, alam ni Atang ang kahalagahan ng edukasyon, kaya nagsikap siyang
makapag-aral sa kolehiyo. Kahit hirap sa kaniyang mga gawain, natapos ni Atang ang Batsilyer sa
Parmasya sa Pamantasan ng Centro Escolar noong 1922. Naging tanyag din si Atang bilang
prodyuser/manedyer na nagturo at naghasa sa mga batang artista na napabantog din sa larangan ng
teatro at musikang Pilipino. Siya ay naging manunulat-prodyuser din ng mga dulang tulad ng Anak ni
Eva at Bulaklakng Kabundukan. Dahil sa kaniyang mga nagawa, tinagurian si Atang de la Rama na Reyna
ng Kundiman at Reyna ng Sarsuwela.

Ang kanyang gawain ay pagmamahal sa sariling atin ang nagtulak sa kanya na tumungo at magtanghal sa
mga lalawigan at mga baryo. Kahit sa sabungan at iba pang pook, hindi siya namili ng pagtatanghalan.
Siya marahil ang artistang masasabing nagtanghal kahit sa liblib na pook ng Pilipinas na hindi
napupuntahan ng mga taga-lungsod. Dinala niya ang mga awiting Pilipino sa mga pook ng mga negrito
ng Zambales at Sierra Madre, sa mga Bagobo ng Dabao at Lumad ng Mindanao.
Upang makilala ang mga awiting Pilipino sa ibang bansa, naglakbay din si Atang kasama ang anim na
musikong Pilipino at nagtanghal sila sa Hong Kong, Shanghai at Tokyo. Nagtanghal din siya sa mga
siyudad sa Amerika at umawit sa mga Pilipino sa Hawaii, San Francisco at New York. Apat na ulit siyang
naglakbay sa ibang bansa upang iparinig lamang ang mga awiting Pilipino.

Noong nabubuhay pa si Atang, malimit niyang sabihin sa sumulat nito na ang kaniyang iskedyul ng
pagtatanghal ay tutuong nakakatuliro. ‘Rene, Maniwala ka’t hindi, wala akong ginawa noong araw kundi
lumabas, kumanta, humiga, bumangon, kumain at lumabas’, ayon kay Ka Atang ang pangalan na gusto
niyang tawag ko sa kaniya, lalo na tuwing dadalawin niya ako sa Pambansang Komisyon ng Kasaysayang
Pilipinas na noon ako ay nagtatrabaho pa.
Ang mga katangiang ito ang nagtulak upang siya ay mapusuan na maging kabiyak ng dibdib ni Amado
Hernandez, isang makata, makabayan at isa sa mga haligi ng panitikang Pilipino. Si Hernandez ay naging
bantog din bilang lider ng mga manggagawang Pilipino. Kasama si Amado, ipinagpatuloy ni Ka Atang ang
kaniyang hangarin na maipamulat sa mga kabataang artista at intelektuwal ang kahalagahan ng
kulturang Pilipino. Si Ka Atang ay sumakabilang buhay noong 1994.

You might also like