Professional Documents
Culture Documents
Ang Mga Kapampangan at Ang Kanilang Panitikan
Ang Mga Kapampangan at Ang Kanilang Panitikan
WIKA
Ang tawag sa wikang sinasalita ng mga Kapampangan ay “Pampango” o “Kapampangan”.
Ito ay miyembro ng Wikang Malayo-Polynesia. Noong 1571, napag-alaman ng mga Español na
ang palapantigan ng wikang ito ay maaring iugat sa wikang Devangari. Ito ay may sariling
ortograpiya at alpabeto. Kapansin-pansin sa alpabetong ito ang kawalan ng titik “h”. Noong 1896,
nailimbag ang isang aklat tungkol sa Kapampangang alpabeto sa pamagat na “Alfabeto
Pampango” na isinulat ni Alvaro de Benavante. Sa kasalukuyan, karamihan ng mga taong
nagsasalita ng Kapampangan ay nakatira sa mga lalawigan ng Pampanga at Tarlac subalit mayroon
din naman sa ilang bahagi ng Zambales at Bataan.
PANITIKAN
Noong mga panahong ito, mayroon ng iba’t ibang uri ng panitikan. Nariyan ang alamat,
tumayla, bugtong, kuwentong bayan, salita, kasebian at awiting bayan.
Ang bugtong ay kilala rin sa tawag na “Bugtoñgan”. Karaniwan itong binibigkas sa mga
lamayan at kasal. Sinasambit din ito sa mga kritikal na panahon kung saan nangangailangan ng
mabigat na pagpapasya. Halimbawa, ang pagsagot sa isang bugtong ay maaring maging pahiwatig
ng magandang kahihinatnan ng isang pangyayari at mapagpalang kapalaran. Ang sa ibaba ay mga
halimbawa ng bugtong:
Metung a butil a pale (Isang butil ng bigas
Sakup ne ing mabilug a bale Sakop ang buong bahay.)
Tulad ng bugtong, ang kasebian o casebian ay binibigkas din sa mga pampublikong salu-
salo tulad ng lamay at kasal. Ito ang katumbas ng salawikain ng mga Tagalog. Isang halimbawa
nito ay ang sa ibaba:
Ing asung balabaluktut
Butul man e akapulut
(Isang asong nakabaluktot buong araw
Hindi makahahanap ng buto)
Ayon kay Alejandro Q. Perez, maaring hatiin ang awiting bayan ng Kapampangan sa
maraming uri. Ang una ay ang basulto o basultu na karaniwang inaawit ng mga pastol sa bukid.
Maari rin itong awitin habang isinasayaw. Ito ay pataludtod. Nang lumaon, naging isa na rin itong
kompetisyon tuwing pista na sinasabayan ng musika at pagsayaw. Mga halimbawa nito ay may
mga pamagat na “O Caca, O Caca” (O Brother, O Brother), “Tinanam Kung Kamantigi”, “Karin
Pu Kekami” at “Puntung Biabas” .
Pangalawa ay ang pamuri. Ito ay mula sa salitang “buri” na ang ibig sabihin ay gusto. Ito
ay isang awit ng pag-big o “love song”. Ang “Aruy! Katimyas na Nitang Dalaga” (Ay! Kaakit-
akit ang Naturang Dalaga) at “Atsing Neneng” ay mga halimbawa nito.
Ang pangatlong uri ay ang pang-obra. Ito ay isang awit sa pagtatrabaho. Mga halimbawa
nito ay ang “Bye Ning Kasamak” (Ang Buhay ng Magsasaka) at “Deting Tatanam Pale” (Itong
mga Taong Nagtatanim ng palay). Sa mga nabanggit na halimbawa masisilayan ang panitikan
bilang salamin ng pamumuhay ng mga tao – hanapbuhay sa kaso nito.
Ang pang-apat ay ang paninta na mula sa salitang “sinta” na ang ibig sabihin ay minamahal
o pag-ibig. Kung ang pamuri ay para sa isang taong minamahal sa romantikong paraan, ang paninta
naman ay para sa pamilya at kaibigan. Ang mga pamagat na “Ecu Pa Kelingwan” (Hindi Ako
Nakalimot), “Ing Dalumdum ning Bengi” (Ang Kadiliman ng Gabi) at “Atin Ku Pung Singsing
(Mayroon Akong Singsing) ay mga halimbawa nito. Ang huli ay kinakanta at itinuturo pa rin sa
mga paaralan magpahanggang ngayon.
Panglima ay ang karagatan o caragatan. Ito ay isang patulang larong ginagawa tuwing may
lamay. Ito ay ginagawa sa pamamagitan ng pagtatanong at pagsasagot gamit ang tula.
Pang-anim ay ang diparan. Ito ay tulad ng sawikain ngunit inaawit. Ang pangpito ay ang
bulaklakan na isa ring paligsahan gamit ang pagtula kung saan may dalawang grupo – isa ng mga
lalaki at isa rin na mga babae.
PANITIKAN
Bukod pa sa ilang uri ng awiting-bayan na mayroon na ang mga Kapampangan bago pa
man dumating ang mga Español, nalikha pa ang ilang uri ng awiting-bayan. Isa dito ay tinatawag
na “goso”. Ito ay inaawit kasabay ng biyolin at tamburin tuwing gabi bago ang araw ng Todos Los
Santos (All Saint’s Day). Ito ay nagtataglay ng tiyak na aral sa buhay at mabagal na tempo. Ang
sa ibaba ay isang halimbawa nito:
Apu kung makibale O grandowner of the house
Maki manuk lalam bale With a hen under your dwelling
Buri ke sang pakisabi I request that tonight I shall get it
Daunan ke potang bengi. To offer fro All Soul’s Day.
E mu ne sa daraunan Please don’t offer
Ing manuk kung pakamalan The hen that I dearly love
Seli ke pang aduang dalan I have just bought it for two hundred pesos
Kang Marianung baritaklan. From worthless Mariano.
Nariyan din ang duplo na isang ring uri ng awiting-bayan. Ito ay maaring iugat sa mga
Español. Ang duplo ay isang patulang laro. Ito ay tagisan ng galing sa pagpapahayag sa
pamamagitan ng tula at kaalaman sa mga bagay na napapatungkol sa kultura.
Isa pa ay ang sapatya. Ang pangalan nito ay mula sa salitang “tapatio” na tumutukoy sa
isang Mehikanong sayaw. Ito ay isinasayaw habang inaawit. Ito rin ay tagisan sa pagtula.
Lumaganap din ang panitikang kurido o corrido na nagmula sa corrido ng mga Español.
Nagsimula ang anyong ito sa pamamagitan ng pagsasalin ng mga corrido ng Español sa
Kapampangan. Ang mga corrido ay hango sa mga banyagang alamat at tula. Hindi ito inaawit o
sinasayaw. Nakatanggap ng labis na kritisismo ang anyong ito sapagkat ito raw ay pawang
panggagaya lamang ng mga banyagang akda. Gayunpaman, sinasabi na mas malaki ang naging
impluwensiya nito sa mga tao kaysa sa mga akdang panrelihiyon. Halimbawa nito ay ang mga
akdang “Conde Irlos” at “Aring Palmarin”.
Ang panahon sa pagitan ng ika-17 at ika-18 na siglo ay kilala sa tawag na Panahon ng
Liriko. Sa panahong ito higit na naging talamak ang panggagaya ng istilo at damdamin mula sa
panitikan ng ibang kultura. Dito, nagkaroon ng napakaraming pagsasalin at adaptasyon. Isang
napakahalagang halimbawa ng adaptasyon ay ang “Mga Kuwento ni Juan”. Maraming
pinasimulan ang akdang ito. Una, ito ang nagpasimula ng paggamit ng lokal na lugar o eksena sa
isang anyong pampanitikan matapos itong makalimutan ng mga Kapampangang manunulat mula
noong napasailalim sila sa mga Español. Dito rin maiuugat ang simula ng maikling kuwento sa
Kapampangan. Ito ay bukambibig lamang at hindi nakasulat. Ang karaniwang tema nito ay ang
ordinaryong pamumuhay ng isang tao sa Pilipinas.
Matapos ng mga kuwento ni Juan, namayagpag naman ang dulang moro-moro na tinatawag
ding Cumidya o Kumidya. Ito ay nagmula sa kastilang “comedia”. Mula sa ordinaryong tema na
makikita sa kuwento ni Juan, muling nagtungo sa likhang-isip ang panitikang Kapampangan.
Hindi ito nagustuhan ng mga intelektwal noong mga panahong yaon. Gayunpaman, masasabi na
ito ang nagbigay-daan sa kauna-unahang Kapampangang pagtatanghal sa entablado. Ang moro-
moro ay isang melodrama na kinatatampukan ng mga Muslim at Kristiyanong tauhan. Ito ay
pataludtod at may musika.
Isa pang anyong pampanitikan ng nagmula sa corrido ay ang kuriru. Hango sa kastilang
“corrido”. Mayroon itong 12 o mas mababa sa 12 pantig bawat linya. Isang halimbawa nito ay ang
“Corrido King Bye nang Keralanan ning Prinsipe king Imperio Francia ila ning Princesa Adriana
king Kayaria’ning Antioquia” (Corrido tungkol sa Buhay ni Prinsipe Felix ng Kaharian ng
Espanya at ng Emperatris Valeriana ng Kaharian ng Persia).
Isa pang uri na panitikan noon ay ang pasion. Ito ay mula sa mga Español. Ito ay kilala rin
sa tawag na “pabasa”. Isang akda ng pasion ang itinuturing na kauna-unahang gawang naisalin sa
Kapampangan. Ang pagsasalin ito ay ginawa ni Rev. P. Banda. Puni naman ang tawag kung ang
pasion ay ginagawa bilang isang pampublikong aktibidad.
Mayroon ding tinatawag na cenaculo. Ito ay itinuturing na mas mahalaga kaysa sa moro-
moro. Binibigyang diin nito ang makasaysayan at pangheograpiyang katotohan na taglay ng isang
gawang pampanitikan. Ito ang nagbigay-daan sa pagkakalikha ng zarzuelas dahil sa makukulay na
kasuotang ginagamit dito. Isa pang mahalagang palabas na kaugnay sa cenaculo ay ang salubong.
Itinatampok nito ang kuwento ng pagkikita ni Kristo at ni Inang Maria matapos ang muling
pagkabuhay ng una. Tulad ng cenaculo, ito rin ay makatotohanan.
Nariyan din ang mga liham. Hindi ito isang talaarawan o talambuhay. Maraming uri ng
Kapampangang liham subalit masasabi na hindi ito orihinal sa kanila.
Sumulpot din ang harana na pinaniniwalaang nagmula sa mga Español. Ito ay mga awit ng
pag-ibig na kinakanta kasabay ng instrumentong pangmusika. Karaniwan, ito ay hango sa orihinal
na komposisyon.
Ang bayan ng Bacolor ang itinuturing na Athens ng Pampanga noong mga panahong ito.
Ito rin ang sentro ng lalawigan hanggang 1903.
Ang unang kuwarto ng ika-20 siglo ang tinaguriang Ginintuang Panahon ng Panitikang
Kapampangan. Sa panahong ito sumikat ang zarzuela. Ito ay isang dulang inaawit na may halong
diyalogo. Dinala ito ni Alejandro Cubero sa Pampanga mula sa España noong 1880. Noong una,
tinanggihan ito ng mga Kapampangan dulot ng pagnanais ng mga bagay na katutubo o
filipinisasyon. Subalit, nang lumaon ay lumaganap din ito at pagdating ng 1902, halos lahat na ng
bayan sa Pampanga ay may lokal na grupong nagpapalabas ng zarzuela. Seteyembre 13, 1900 nang
ipalabas ang kauna-unahang zarzuela sa wikang Kapampangan – “Alang Dios”.
Inilalarawan ang panahong ito bilang bago, malikhain at orihinal. Binansagan ito bilang
Panahon ng mga Dramang Kapampangan. Dito sa unang pagkakataon, lumabas ang mga musikal
na komedya at trahedya. Ang kauna-unahang gawang komedya ay isinulat ni Mariano Proceso
Pabalan-Byron. Ang drama ay naging behikulo ng makabayang mensahe at kaisipan.
Ang mga kilalang manunulat sa panahong ito ay sina J.C. Soto, M.P. Byron, F.N. Galura,
lahat ay mula sa bayan ng Bacolor. Subalit, si Fr. J.A. Fajardo ang itinuturing na tagapagpauna ng
panahong ito.
Sa pagitan ng mga taong 1907 at 1916 iniuugat ang simula ng peryodismo sa Pampanga.
Ang mga kilalang peryodista noong mga panahong ito ay sina J.C. Soto, F.N. Galura, Liongson,
A. Tolentino, Z. Hilario, P. Gozun at J.G. David. Ang kauna-unahang diyaryo ay nailimbag noong
1907 na may pangalan na “Ing Emañgabiran” sa ilalim ng patnugot na si V. Neri. Ang ilan pang
pangalan ng mga diyaryong naitatag noon ay ang “Ing Balen” (Ang Bansa), “Ing Bandila” (Ang
Bandila), “Ing Katimawan” (Kalayaan), “Ing Alipatpat” (Ang Alitaptap), “Ing Catala” (Ang Loro)
at “Ing Katiwala”. Ang dalawang naunang pamagat ay tumutukoy sa mga diyaryong maituturing
na pinakapampanitikan. Ang mga Kapampangang diyaryo ay maaring isinulat sa Kapampangan
o sa Español. Sa kasamaang palad, marami rito ang hindi masyado nagtagal.
Mula 1921 hanggang 1941, itinuturing na buhay na buhay ang panitikang Kapampangan.
Ang karaniwang tema ng mga seryosong manunulat sa panahong ito ay patriotismo. Ang
Magalang at Bacolor ay kilala bilang mga bayan kung saan masigla ang panitikan.
Mula 1942 hanggang 1982, kapansin-pansin ang pagkawala ang mga lirikong tula. Sa
panahon ding ito, ang zarzuela ay higit na itinuring bilang isang anyo ng libangan.
Noong 1978, itinatatag ang Don Gonzalo Puyat Memorial Awards, isang parangal para sa
mga natatanging gawang pampanitikan sa Kapampangan. Ito ay isang taunang parangal.
May ilan ding samahang pampanitikan ang naitatag ng mga Kapampangang manunulat.
Noong 1964, naitayo ang Aguman Ding Talasulat Kapampangan o AGTAKA. Mula noong 1921
hanggang 1941maraming mga panulaang samahan din ang napasiyanan tulad ng “Munag-Munag”
(Bukang-liwayway), “Tagimpan Ning Talasulat” (Panaginip ng Manunulat), “Sulu at Panyulat”
(Liwanag at Panulat) – ang mga nabanggit ay nakabase sa Magalang, Pampanga – “Aslag” (Sinag
ng Araw) at “Lira Pampangueña” (Kapampangang Lira) – na nakabase naman sa Tarlac. Nariyan
din ang “Akademya ning Amanung Kapampangan” (Academia Pampangueña de Artes y Letra)