You are on page 1of 8

McCoy, Alfred and Ed de Jesus. 1982.

​Philippine Social History: Global Trade and Social

Transformations. ​Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

Abenojar, Katrina Pebrero 20, 2018

Agdeppa, Manuel

Almeda, Timmy

Arcalas, Mikayla Jayelle

I. Introduksyon

A. Biograpiya ng may akda

Nagtapos ng Kasaysayan ng Timog-Silangang Asya sa Pamantasan ng Yale si Alfred

William McCoy. Ang karamihan sa kanyang mga nailathala ay may kinalaman sa kasaysayang

pampolitikal ng Pilipinas at sa pandaigdigang palitan ng ​opium​. Si Edilberto C. de Jesus naman

ay nagtapos sa kursong Makataong Sining, cum laude sa Pamantasan ng Ateneo de Manila

noong 1962, at tumanggap ng Ph.D. noong 1972 sa Pamantasan ng Yale.

B. Konteksto ng akda

Dalawang siglo na ang nakalilipas nang ang halos kabuuan ng Pilipinas ay nababalot pa

ng mga kagubatan at hindi pa gaanong pinaninirahan. Nang tirahan ito ng mga Kastilang

mananakop, pinaigting nito ang kanilang kapangyarihan sa mga ilang bahagi ng Luzon at mga

pangunahing isla ng Visayas. Nagbago ang pamumuhay sa buong kapuluan dahil sa pagpasok ng

Pilipinas sa pandaigdigang ekonomiya. Sa mga pananaliksik na ginawa ni de Jesus, ito ay isang

pagtatangka na suriin ang epekto ng pandaigdigang merkado sa kasaysayang panlipunan ng

ekonomiyang agrikultural panluwas.

II. Buod ng talakayan


A. Mga pangunahing dalumat pambuod

1. Lokal na transpormasyon - Iba-iba ang paraan na naapektuhan ang mga

iba’t ibang lugar ng mga transpormasyon sa kalakal na nangyayari sa

mundo.

2. Ang estado sa buhay ay katumbas ng kulay ng balat - Ang mga mestizo ay

itunuturing angat sa buhay. Dahil sa puting balat ay mas malinis daw sila

ayon sa paniningin ng mga tao. Ang mga kayumanggi naman ang kulay ay

napanhuhusgahang madudumi.

3. Palitan ng produkto at kultura - Bago pa man dumating ang mga Kastila sa

ating bansa, mayroon nang mga pagkakataong nakasalamuha ng mga

taga-Luzon ang mga nasa Visayas at Mindanao dahil sa pangangalakal ng

mga produkto ng kani-kanilang lugar.

4. Heograpikal na istruktura ng Pilipinas bilang salik sa pananakop - Dahil sa

pagiging arkipelago ng Pilipinas, hindi naging madali ang pagpapakalat ng

tradisyong Kastila sa ilang bahagi ng bansa. Bagkus, may mga iilang lugar

na hindi talaga napasailalim ng kapangyarihan ng Espanya dahil dito.

Masasabi rin na kaya hindi gaanong naimpluwensyahan ng mga Kastila

ang ating mga katutubo sapagkat nirerepresenta nito ang pagtutol sa

panlabas na kaugalian at tradisyon at ang pananatili ng nakasanayan at

katutubong pamamaraan at pamumuhay.

5. Siksik sa likas na yaman ang Pilipinas - Isa sa mga pangunahing dahilan

kung bakit piniling sakupin ng mga Kastila ang ating bansa kahit wala
itong gaanong mga pampalasa ay dahil marami itong likas na yaman.

Nakita ito ng mga mananakop bilang isang dahilan para manatili sa

Pilipinas, at habang naninirahan ay mayroon silang mapagkakakitaan.

III. Pagpapaliwanag sa mga usaping pangkasaysayan at panlipunan

A. Mga susing salita

1. Tributo - Ito ay isang donasyon na ibinibigay bilang paggalang sa

nakatataas ng posisyon tulad ng simbahan. Maaari din itong maging isang

buwis na kailangang bayaran ng bawat mamamayan.

2. Principales - Ang mga taong matataas ang estado. Sila ay namamahala ng

mga pueblo. At dahil sila ay nakatataas sa buhay mayroon silang mga

pribilehiyo na natatanggap tulad ng hindi pagbibigay ng ​tributo​. Higit pa

rito, hindi sila sakop ng ​quinta​.

3. Hacienda - Sa malalaking plantasyon nagtatanim ang mga magsasaka ng

produktong panluwas. Kadalasan, hindi ang mga nagsasaka ang may-ari

ng hacienda. Ang mga walang lupa ang nangungupahan dito. No’ng una,

nagbabayad lamang sila ng renta sa lupa at sa mga gamit pansaka.

Nagiging mabuti ito para sa haciendero dahil hindi sila mismo ang

nakikipagsapalaran na pamunuan ang paghahanda ng lupa at sa mga

pangyayari katulad ng kalamidad, ​crop failure​, at pagbago ng presyo ng

mga produkto. Nalilipat ito sa mga nangungupahan. Mayroon namang

naging ​crop sharing na polisiya ng mga haciendero maliban sa pagbayad

ng renta, kung saan mayroong porsyento ng ani ang binibigay. Ang resulta
naman nito ay ang paghigpit ng mga haciendero sa pagsasaka at ani ng

mga nangungupahan, at may dahilan na silang paalisin ang mga hindi

produktibo. Maaari paring umangat ang estado ng mga magsasaka sa

ganitong sistema, subalit ang mga sakuna ay sanhi ng maraming

pagkawala, lalo na sa pagkamatay ng mga kalabaw na napilitan silang

magrenta din ng kalabaw mula sa haciendero at humiram ng pagkain.

Lumaki at lumaki ang mga kailangang bayaran at ang interes sa mga

utang. Lumaki rin ang mga pamilya, pero isang anak lang ang pwedeng

magmana ng pangungupa, kaya mula dito nanggaling ang bagong klase,

hindi lamang ang haciendero at ang nangungupahan, kundi ang mga

walang lupa at walang inuupahan. Sila ang naging mas mababa pa sa

nangungupahan, at naging oportunidad na may mapagsamantalahan

naman ang mga nangungupahan na dati’y nasasailalim lamang sa

haciendero. Ang pangatlong klaseng ito ay ang mga tao din na lumipat sa

mga lungsod at naging iskuwater at pulubi. Mas lumala ang sitwasyon nila

sa pagpalit sa tao ng makina at iba pang teknolohiya dala ng ​green

revolution​. Nagsimula ang lahat na ito sa pribadong pag-aari ng

malalaking lupa na pinamana sa susunod na mga henerasyon ng pamilya

ng may-ari at sa pag-iisip nilang pagsasamantala ng iba para umunlad ang

sarili, habang ang mga nangungupahan at manggagawa ay tuluyang

naging parang mga alipin sa lupang sinasaka nila, na sa tingin nila’y

parang nabayaran na nila maraming beses kundi lang dahil sa interes na


tumutubo ng tumutubo. Ang sistema ng agrikultura na ipinakilala ng mga

taga-Europeo at dulot ng ​global trade ang nangasiwaan ng pagbago ng

mga sistemang panlipunan na nakikita hanggang ngayon.

4. Rebolusyon - Dulot ng malaking ​inequality at nararanasang

pagsasamantala ng mga magsasaka, may mga nabuong unyon, bagong

relihiyosong grupo, at komunistang grupo. Ang lahat ng ito ay ang tugon

ng taong nasa mababang posisyon para mag-iba ang mga ipinapataw na

hindi makatarungan na ​crop sharing ​scheme​, mga buwis at sapilitang

paggawa mula sa ​polos y servicios​, at para magbago ang mga

namamahalang nagsasamantala sa kanila. May mga mabuti at hindi

mabuting bagay na dulot nito. Ang iba sa mga taga unyon ay nagtagumpay

sa mga hinihingi nila, pero ang iba naman ay itinataboy kapag nalamang

kasali roon. Ang ibang mga unyon ay gumawa ng kolektibong sakahan

kung saan silang lahat ay nakikinabang. Maliban sa mga pagbabago dulot

ng kolektibong pagkilos at pagsasama-sama ng mga magsasaka, ang

rebolusyon din para pabagsakin ang kapangyarihan ng mga kolonisador.

Pero dahil sa korupsyon ng mga taong inilagay sa matataas na posisyon, at

ang mga tao rin na iyon ang mga nakatataas na ang estado,

may-kapangyarihan at mayaman sa mga probinsya nila, ang inaasahang

pagbabago mula sa rebolusyon at pagtatag ng Republika ng Malolos ay

hindi nangyari; napasa lamang ang mga aspeto ng dating pagka-kolonyal

sa bagong republika.
B. Mga pangunahing pagsusuring diwa

1. Komunidad - Napakahalaga ng komunidad sa buhay ng mga Pilipino. Ito

ay nakabaon sa ating pamumuhay na kailangan ay kasama tayo sa isang

kabuuang grupo. Noong panahong Kastila ay nahiwalay ang mga

komunidad sa Pilipinas. Nagkaroon ng iba’t ibang grupo tulad ng mga

mestizo, mestizo sangley, at mga Arabo para magbigyang halimbawa. Sila

ay nasa labas ng mga pader ng Intramuros dahil sa mababang tingin ng

mga Kastila sa kanila. Nakikita natin dito ang paghihiwalay ng mga tao

dahil sa kanilang kulay at pagkakatao.

2. Etnosentrismo - Ang mga Kastila ay higit na nagpakita ng kanila mataas

na paningin sa sariling lahi. Halimbawa na ang kanilang paghihiwalay sa

sarili sa mga naiibang lahi. Dahil sa mababang tingin nila ay inabuso nila

ang kanilang kapangyarihan. Hanggang ngayon ay nararamdaman natin

ang impluwensiya ng mga Kastila sa ating bansa. Pati na rin ang pangalan

ng bansa natin ​Pilipinas ay galing sa isang Kastila na hari. Naitatatak na sa

ating pagkatao ang mga impluwensiya ng Kastila. Eto ang tinatawag natin

ngayong ​Colonial Mentality kung saan nakikita natin na higit na magaling

ang mga bansang sumakop sa atin. At dahil sa tagal ng pagsakop sa atin ay

mas kilala na natin ang sarili bilang alipin ng ibang bansa kaysa

magkaroon ng sariling identidad.

3. Alternatibong perspektibo ng pagtingin sa mga napabuti ng sistema - Ang

karamihan ay ang napasama sa sistema na nabuo dahil sa pandaigdigang


kalakalan. Ito ay dahil sila ay napasailalim sa lipunan, at lumalaki ang

utang sa mga nakatataas kahit sila ang gumagawa ng lahat ng trabaho. Ito

ang isang pokus ng libro, subalit sa kabilang banda, nagkaroon parin sila

ng kabuhayan sa pamamagitang ito, at ang maraming lugar ay umunlad

dahil sa kayamanan na dinala ng kalakal na ito. Napabuti naman ang iilan

sa sistemang ito, at sila ang mga may-ari ng lupa at negosyante. Dahil dito,

nagkaroon ng klase sa lipunan ng ​Ilustrado​, ang mga nakapag-aral sa

Maynila o sa Europa at ang mga napunta sa mga posisyon ng

kapangyarihan. Mayroon ding mga probinsya na napatuloy pa rin ang

kultura kahit dominado sila ng agrikulturang panlabas. Isang ehemplo

naman ay ang Bikol na hindi napatuloy ang kasaganaan na mayroon sila

noong pangunahing tagaluwas sila ng abaca, pero may aspektong mabuti

na napanatili nila ang kultura nila.

Wakas

Kabuluhan

Ang mga nailathalang kaalaman sa librong ito ay naging susi sa pagkilala ng mga iskolar

sa ating kasaysayan bilang isang bansa, at tinalakay nito ang iba’t ibang uri ng pamumuhay sa

iba’t ibang lugar. Kung hindi dahil sa mga naisulat, naikuwento, at mga naitalang mga

pangyayari sa loob ng mahigit 300 taon ng pananakop ng mga Kastila sa ating bansa, marahil ay

wala tayong ideya sa kung ano ang mga tunay na naganap. Dahil dito, masasabing malapit sa

katotohanan, kung hindi man ang katotohanan na mismo, ang naituturo ng librong ito sa mga

mambabasa nito, na siyang magsisilbing pangmulat sa mga mata ng mga nais pang ituloy ang
pagsisiyasat at pag-aaral tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas, at ang mga pagbabagong dinanas

nito sa panahong ito ay nasa ilalim ng Espanya.

You might also like