You are on page 1of 2

Yna

Si Yna ay napakaganda. Ang kanyang mga ngiti ay kasingganda ng pagbukangliwayliway ng haring araw.
Siya ay kayumangging kaligatan. Ang kanyang mga mata ay waring nangungusap, maliwanag kapag siya
ay masaya, at malamlam kapag siya ay malungkot. Ang kanyang kagandahan ay alam sa buong bayan, at
ang kanyang mga kapitbahay ay nahalina sa kanyang yumi at ganda.

Hanggang nakilala niya si Enrique. Gwapo si Enrique, mestizohin at kulay berde ang mga mata. Mukha
siyang pinabatang Ian Veneracion. Unang beses pa lang na nakita niya si Yna ay nahumaling na siya dito.
Relihiyoso rin si Enrique at lubhang seryoso. Kaya’t gamit ang relihiyon kinuha niya ang atensyon ng
dalaga. Dahil waring natuwa si Yna sa kakisigan at pagiging relihiyoso ni Enrique, sumama siya dito. Dito
na nagbago ang lahat. Noong pumayag si Yna na sumama, dinahas siya ni Enrique at inangkin. Ginamit
niya si Yna, sinaktan, at niyurakan. Sa loob ng 15 taon ay nagsama si Enrique at Yna. Nanatiling maganda
si Yna, pero hindi na siya katulad ng dati. Ang dating mga ngiti niya ay napalitan ng pait, at ang kanyang
mata ay maga sa lupa. Gusto na niyang makaalis, pero wala siyang magawa. Masyadong malakas si
Enrique. Hanggang nakilala nito si Alden.

Si Alden ay mestizohin rin, at laging nakangiti. Magaling itong magkwento at magaling sa pera. Nakita ni
Alden kung paanong tratuhin ni Enrique si Yna. Naawa ito sa babae. Siya rin ay dating sinaktan ni
Enrique. Pero di na siya kasing hina ng noon. Malakas at kaya na niyang labanan si Enrique ngayon. Kaya
habang wala si Enrique, kinausap ni Alden si Yna. Handa siyang ipaglaban si Yna. Hindi na siya papayag
na ganoon ang trato ni Enrique kay Yna. Tinanong niya si Yna kung handa na ba siyang maging malaya at
iwan si Enrique. Tuwang-tuwa si Yna sa narinig. Pumayag siya at naghandang ipaglaban ang sarili mula
kay Enrique. Si Yna mismo ang lalaban, at tutulungan siya ni Alden.

Dumating na araw ang ng paglalaban. Dahan dahan nang nakakalaya si Yna kay Enrique at noong malapit
ng makaalis si Yna, dumating si Alden at ginulpi si Enrique. Tuwang tuwa si Yna dahil sa wakas ay tapos
na ang pait at paghihirap niya. Wala na si Enrique.

Pero kasinungalingan lang pala ang lahat. Nagkasundo na pala si Enrique at Alden na kunwari lang ang
kanilang paglalaban. Binenta pala ni Enrique si Yna kay Alden.

Kaya’t ngayon, si Alden na ang gumagamit kay Yna. Siya na ngayon ang nananakit at nangaabuso kay
Yna. Si Yna naman ngayon ay mas nasadlak sa pagdurusa. Lahat ng kanyang pagtitiis at pakikipaglaban
ay nawalan ng saysay.

Pag nasa harap ng ibang tao, ang ganda ng pakitungo sa kanya ni Alden. Pero pag silang dalawa na lang,
lagi siyang sinasaktan nito, ginagamit, inaabuso.

Isang araw, may nakaaway si Alden – si Daniel. Si Daniel ay barumbado, at palaaway. Dati naman itong
biktima ni Alden. Niloko ni Alden si Daniel, at dahil dito, nagpalakas si Daniel upang makapaghiganti.
Dahil alam ni Daniel na di niya kaya si Alden, ang sinaktan niya ay si Yna. Ginamit niya si Yna, inabuso,
sinaktan, habang walang magawa si Alden dahil may iba siyang inaasikaso. Nawasak ang ganda ni Yna.
Ang kanyang mga ngiti ay napalitan ng sugat, ang mga mata ay namamaga sa iyak. Basag ang puso niya
at puro pasa sa katawan. Wala na ang ngiti ni Yna, napalitan na ng kalungkutan.

Noong dumating si Alden, sinugod nito kaagad si Daniel at dagliang tinalo. Bago pa makangiti si Yna ay
sinaktan din siya ni Alden. Di na naiintindihan ni Yna kung bakit siya rin ay sinasaktan ni Alden. Matapos
saktan, halos di na makilala si Yna, at agaw buhay siya. Dinala siya sa ospital ni Alden, na umalis din
agad.

Dumating ang mga anak ni Yna mula kay Enrique, kay Alden, at kay Daniel. Galit na galit ang mga ito kay
Yna dahil pumayag siyang iwan sila ni Alden. Wala silang pampagamot sa ospital, at wala na rin silang
panggastos sa bahay. Imbis na gumawa ng sariling paraan para mabuhay, pinilit ng mga anak ni Yna na
ibenta nya ang katawan niya kay Alden.

Ginawang pokpok ng mga anak niya ang kanila ina. Para sa kokonting limos, na pinanggastos nila para sa
kanilang mga luho, handa silang ipagamit si Yna sa iba’t ibang lalake. Yung ibang anak naman ay walang
pake, samantalang ang iba ay walang alam sa mga totoong nangyayari.

Wala na ang dating ganda ni Yna. Sa loob ng maraming taon, napalitan na ng mga peklat at guhit sa
mukha ang makinis na mukha ni Yna. Ang kanyang mga mata ay puno ng dalamhati. Ang kanyang mga
ngiti ay pilit, at kinukubli ang mga luha. Ang mga kapitbahay niya na dating tumitingala sa kanya ay mas
maganda na sa kanya. Mas maayos na ang pamumuhay. Ang mga kapitbahay niya kase ay pinaglaban ng
kanyang mga anak, at nagtulungan silang iahon ang kanilang pamilya.

Samantalang ang mga anak ni Yna, mga walang utak. Walang alam sa mga nangyayari at walang
pakiaalam. At yung mga may utak naman, ay walang puso.

You might also like