You are on page 1of 4

Pananalasa ni Digong

Enrico Berdos

No’ng una’y ambon


bugso ng mga nayong
ayaw sa ampon
at mga panginoong
may mga pusong
simbaho ng lupang
tuyot na sumisingaw
matapos halikan
ng biglaang pag-ulan.

Sawang-sawa na
sa deka-dekadang
tagtuyot ng kaunlaran,
sila'y nagdasal
upang mapagbigyan
sa tag-ulang inaasam.
Dumating ito
sa anyo ng bagyong
mahangin magsalita
maraming karanasan
upang madiligan
pagnanasa nilang
madelubyo ang
mga tulisan
at bangag nang ganap.

Nagsimulang umulan.
Umihip ang hangin
sa porma ng mga
putang ina,
pakyu amerika’t
patayin ang lahat
ng adik
pati kritiko.
May panganib
na paparating
ngunit sila’y nagsaya.
Inasahan nilang
mabubuwag na
mga scalawag at korap
sa Malakanyang.

Nang ito’y dumaan


mula Davao pa-Maynila,
nagdilim ang kalangitan.
Bumagsak
laksa-laksang patak
ng tubig sa pormang
aninong nakamaskara.
Malakas na hangin
ng paninirang-puri
daluyong ng panganib
nanalantang malupit
sa mga lupain
ng aba’t mga alipin.
Dinig na dinig
mga putok ng baril
kasingtunog din
ng kulog sa gabi.
Maraming bumagsak
haligi’t poste ng mga
naghihirap na tahanan
sa iba’t ibang siyudad,
lungsod at barangay.
May nilipad na mga
yerong magaan
ang utak at alam
kaya naman napadpad
sa kung saan-saang
mga kasinungalingan
at tunggaliang
dilaw kontra makabayan.

Tulad ng panaka-nakang
pagbuhos ng ulan
matapos manalanta
ng bagong-salta,
maraming gripo
sa mga mata’t katawan
ang pinatagas
hanggang mawalan
ng likidong laman.
Hindi pa matanggal
lungkot at pagkaawa
ng kalangita’t
mga karatig-bayang
nakikisimpatya
sa inang baya’t
kanyang mga anak.
Ngayo’y paalis na
papunta sa pulang
tulog na halimaw
ang bagyong nanalasa,
kinakatakot ng lahat
sunod nitong paggalaw
pagka’t walang alam
kahit ang midya
kung ‘san magpapakita
ang hangin at ulang
kanyang dala-dala.

You might also like