You are on page 1of 3

Sebastian, Ailen Vienne C.

BSABE 1 – 2

Kahit na anumang anyo, pasulat o pasalita, hiram o orihinal, banyaga o katutubo, wika ang
pinakamabisang sangkap sa paghahatid ng diwa at kaisipan at sa pagpapanatili sa madali o mahabang
panahon ng mga naliko na tala, pangkasaysayan o pampanitikan, pampolitika at panlipunan, pansimbahan
o pangkabuhayan at maging sa larangan ng siyensya o ng iba pang displina. Maging ang kultura ng isang
panahon, pook o bansa ay muling naipahayag sa pamamagitan ng wika. Ngunit ngayong panahon ng
lumalagong globalisasyon at makabagong teknolohiya, tulad ng buhangin sa dagat ay tunay nga na
nakikisabay tayo sa bawat hampas ng alon ng pagbabago ng ating nakagisnang lipunan, lipunan na
nababalot ng hiwaga at nagpapatianod sa kuryosidad ang bawat indibidwal. Na kung saan na sa kada
aklas ng alon sa bawat tao’y tunay na naghahatid sa atin sa kalawakan ng panibagong karunungan.
Bagamat iba’t-ibang kultura ang naapektuhan, sari-saring gawi ang nagsusulputan, hindi maipagkakailang
nalangkapan na natin ito ng kakaibang himig, na kada kumpas ng nota at tunog ay nagpapahalimuyak at
nagbubukas sa oportunidad ng pangmalawakang kaunlaran. Sa bawat hakbang tungo sa kasaganaha’y
unti-unting binabago at iniiba nga nito ang mga pansariling pananaw ng bawat isa. Ngunit ang aking
kaisipan nama’y tunay nga ba na sa di mapigilang paglusog ng lipunan nakasalalay ang pansariling
pagbabago ng kaisipan?

“Hindi ‘ko alam, pate e.” “Ano na nga ba iyon?” “Hala, hindi ko na matandaan.” “Nako, mali
yata.” Ilan lamang ang mga iyan sa mga karamihan na naisagot ng mga partisipante sa isinagawang
dokumentaryong interbyu ng aming grupo. Ang iba pa nga ay hindi nakasagot at tila ay nakaktuwaan na
lamang ang kanilang mga sarili sa pagkablangko ng kanilang mga isipan nang marinig ang katanungan.
Ang dokumentaryong ito ay naging mabisang experimento kung saan ay nasagot ang ilang mga pagkalito
na gumagamabala sa karaniwang kaalaman ng madla at sumalamin sa kasalukuyang karunungan ng mga
karaniwang mamamayan. Bilang isang residente ng Pilipanas, ang ‘kahel’ ay ang katumbas na pagsasalin
sa Tagalog ng kulay ‘orange’, ay nararapat lamang na nasa pangunahing kaisipan na ng kahit sino
sapagkat isa ito sa mga pangkaraniwang salita na kadalasang ginagamit, ngunit tila ba nakasanayan na ng
mga mamamayan ang nakasalin sa salitang Ingles. Dahil ba sa mas madali itong mabigkas, o dahil mas
marami ang gumagamit nito? Ang salitang ‘silya’ na galing sa mga Kastila, habang ang ‘upuan’ ay ang
katumbas na pagsasalin sa Tagalog, at ‘salumpuwit’ naman sa Wikang Filipino, ay ang karamihan ay
hindi nalalaman kung saan ang pinanggalingan ng mga ito, ang mahalaga ‘di umano ay ang
pagkakapareho ng mga ito sa pagpapakahulugan na ginagamit ito upang maalalayan ang puwit sa pagupo.

1
Ang kolonisasyon na umiral sa ating bansa noong mga unang panahon, sa pamamagitan ng mga Kastila at
mga Amerikano ang siyang naging sanhi nitong mga pagiging muwang ng mga Pilipino sa kanilang
sariling wika na nagresulta sa pagtangkilik ng ilang mga banyagang wika hinggil sa kanilang mas
pinapaburan na pagsasalin. Gayunpaman, mapapansin na mas may kaalaman ang mga kabataan na nasa
kasalukuyang mas mataas na antas ng pag-aaral sa ilan sa mga katanungan na nakahain para sa kanila. Isa
lamang itong pagpapatunay na ang edukasyong ang nagiging isang mabisang daan na magtutulay sa
karunungang kinakailangang makamtan ng isang tunay na Pilipino.

Kung ang edukasyon ang nagsasangay hindi lang upang maging maalam ang mga tao sa
nakaraang kasaysayan at historya ng bansang pinanggalingan, kung hindi pati na rin sa pagpapaunlad ng
mabisang pakikipagkomunikasyon, ay papaano na lamang ang mga hindi nabiyayaan ng oportunidad na
makapagaral? Hindi ba’t sa pamamagitan ng pakikipagtalastasan doon sa mga mas nakapag-aral ang
magiging mabisang solusyon upang mapanatili ang wikang nakagisnan? Ngunit papaano na lamang kung
ang mga nakapag-aral ay mas prayoridad, mas nakapokus, at mas sanay na gamitin ang mga wikang
banyaga, dahil ito ang inihain sakanila na aralin ayon sa kurikulum ng pamahalaan? Papaano na lamang
papanatilin at papalaguin ang wikang nakatanim sa puso ng bawat isang Pilipino? Animo’y maski ang
mismong Wikang Pambansa ng Pilipinas ay hindi masagot ng ilan. Ang iba’y nagsasabi na ‘Pilipino’, ang
iba naman ay nananatili sa Wikang ‘Tagalog’. Maaaring masabi natin na ito ay dulot ng pabago bagong
desisyon ng mga may awtoridad noong mga panahon ng pagpapatupad ng Wikang Pambansa at sa mga
naging basehan sa Wikang katutubo, maaaring ding dahil sa pagkakaroon ng pagkakahawig sa ilan sa
mga nakagisnang wika alinsunod sa anyo, gramatika, pagkakabigkas at iba pang mga baryasyon, o
maaaring sa kadahilanang lamang wala talagang sapat na kaalaman ang ilan hinggil sa Pambansang Wika
dahil ‘di umano ay hindi naman ito nesesidad sa pang-araw araw na kalbaryo ng buhay. Isa pa sa mga
nagpapagulo sa kaisipan ng iba ay ang pagkakaiba ng ‘Pilipino’ sa ‘Filipino’. Karamihan ay wala pa rin
sa kanilang mga sari-sariling hinuha kung ano ang pagkakaiba, ngunit ang iilan ay nagsabing, “‘Filipino’
ay isa sa mga sabdyek sa bawat antas ng pag-aaral, samantalang ang ‘Pilipino’ ay ang mga tao o
mamamayan sa bansang Pilipinas.” Maaaring magkaroon ng pagkalito sa parteng ito ng ‘Filipino’ bilang
sabdyek o bilang isang Pambansang Wika, dahil pareho nga naman na ‘Filipino’ din ang nakagisnang
termino sa isang sabdyek na alinsunod sa pagtuturo ng mga kasaysayan at iba pang mga aralin hinggil sa
mga Pilipino at sa Pilipinas, ang mahalaga lamang ay kilala din natin ito bilang isang wikang
nagpupunyagi sa puso ng mga makabansang mamamayan ng isa ding nagpupunyaging nasyon.

Kung ang kamalayan ng mga karaniwang mamamayan ay hindi na maipinta sa lona nang may
masidhi at matingkad na mga kulay habang bumubuo ng isang imaheng magrerepresenta sa kasalukuyang
kalagayan ng lipunan hinggil sa paggamit ng sariling wika, ay kung kailan pa naipatupad ng Komisyon sa

2
Mataas na Edukasyon ang alintuntuning alisin ang asignaturang Filipino sa tersyaryong edukasyon, dahil
‘di umano ay ibababa na lamang ito sa hayskul upang mapagpokusan ang mga asignaturang nararapat at
kung ano lamang kailangan sa kursong kinukuha ng isang estudyante. Kung gayon, mukhang ito na nga
ang katapusan ng kamalayan at pagkabatid ng mga tao sa mga paglawak pa ng karunungan sa
pagpapalago ng wikang nakatatak na sa hangin sa bawat pagbuka ng mga bibig upang maglabas ng
salitang ating nakagisnan. Malinaw na hindi napagaralang mabuti ang desisyong naipatupad, dahil hindi
nito kinonsidera ang nasa bingit ng tuluyang pagkawala ng kamalayan ng bawat Pilipino, at ang pagpatay
nito sa tinaguriang identidad ng isang bayan. Lalo na’t hindi din kinonsidera ang opinyon ng mga
propesyunal at mga beterano sa larangan ng literatura at panitikan kung ano pa ang mga magiging dulot
ng nasabing pagpapatupad. Kung ang simpleng pakikipagtastasan at pakikipagkomunikasyong sa mga
pangkaraniwang kapwa Pilipino ay hirap na ang iba, paano na lamang ang pagpapalawig pa ng mga
sulating pampanitikan at ang mga siyentipiko at akademikong papel na kinakailangan sa pagpapatuloy ng
isang mabisang pagkatuto sa iba pang mga larangan ng disiplina? Hindi ba’t isa itong malaking kawalan
hindi lamang sa sector ng edukasyon kung hindi ay pati na rin sa malalim na pagkakakilanlan ng mga
Piipino.

Tunay nga na naipadarama ng wika ang sidhi ng damdamin, ang lalim ng lungkot, ang lawak ng
galak, ang kahalagahan ng katwiran, ang kabutihan ng layunin, ang nakapaloob na katotohanan sa isang
intension, ang kaibuturan ng pasasalamat at paghanga at ng iba pang nais na iparating ng sinuman. Wika
pa rin ang pinakamahalagang sangkap sa anumang paraan ng mabisang pakikipagtalastasan at
komunikasyon. Ngunit ang nagkakaisang bansa ay hindi nagkukulang sa pagpapalaganap ng wikang
nakagisnan at patuloy na pinagyayabong ito, ngayon masasabi ba natin na tunay nga tayong nagkakaisa
kung sa ganitong kasimpleng bagay ay hindi natin makuhang maging isa? Sabi nga, siguraduhin mo
munang nalibot mo na ang iyong sariling bansa bago ka mamasyal sa karatig nitong mga nasyon. Maging
mabisa muna sa sariling pangunahing karunungan ng iyong bansa bago magmarunong sa iba pang
banyagang kaalaman, higit sa lahat matutong mahalin ang sariling bansa bilang ikaw, bago yakapin ang
iba pang mga mas nagpupunyaging bayan.

You might also like