Professional Documents
Culture Documents
Si Malakas at Si Maganda
Si Malakas at Si Maganda
Ang araw ay sumisikat, maliwanag na parang ginto at ang langit ay napapalamutian ng mapuputing ulap. Sa malayo ay
nakasilip ang buwang kabilugan samantalang kukuti-kutitap ang libong mga bituin.
Iniangat ng Diyos ang Kanyang kamay at ito'y itinurong pababa. Sa isang iglap ay nalalang ang mundo. Ang mga lunting
kakahuyan ay sumibol, pati mga damo. Namukadkad at humahalimuyak ang mga bulaklak.
Ang mga dagat ay umalon at ang mga ilog ay umagos. Nagliparan ang mga ibon sa himpapawid at nag-awitan.
Isang araw ang hari ng mga ibon ay lumipad at ginalugad ang papawirin. Pagkatapos ikinampay ang matipunong mga
pakpak at paimbulog na pababa sa kakahuyan.
Mula sa malayo kanyang natanaw ang mataas na kawayang yumuyukod sa mahinhing paspas ng hangin.
Kanyang binilisan ang paglipad pababa. Siya'y dumapo sa naturang kawayan upang magpahinga.
Nadama niya ang maririing katok na nagmumula sa loob ng kawayan. May tinig siyang narinig!
"Palayain mo ako, oh, makapangyarihang hari ng mga ibon!" ang hinaing. "Tuktukin ng iyong tuka ang kawayang
kinapapalooban ko. Hindi ako makahinga. Para itong karsel!"
"Baka ito'y patibong!" ang isip ng ibon. Kinamaya-maya'y may butiking gumapang na paitaas sa kawayan. Ang ibon
palibhasa'y gutom, ito'y tinuka ngunit hindi nahuli.
"Salamat sa iyo,dakilang hari ng mga ibon! Ako'y si Malakas. Tuktukin mong muli ang kawayan. Iyong palabasin ang
aking kasama!"
Isang mahinhin at magandang babae ang lumabas. "Ito'y si Maganda, ang aking asawa. Pinalaya mo kami, dakilang ibon.
Ikaw ay magiging kasama namin habang buhay!"
"Hindi maaari. Maraming salamat," sagot ng ibon. "Akoay ibon at ang tahanan ko ay malawak na papawirin. Ako'y
naglalayag sa hangin. Ang aking bagwis ay sinadya sa paglipad. Subalit umasa kayong lagi ko kayong aawitan. Pag ako'y
wala na, ang maliliit kong supling ang aawit sa inyo. Aawitin din nila ang mga awit na inawit ko!"
"Hali kayo! Sumakay kayo sa aking bagwis. Kayo'y dadalhin ko at ipakikita sa inyo ang Lupang Hinirang. Doon kayo
maninirahan!"
Sina Malakas at Maganda ay dinala sa mga pulong luntian at kumikinang sa sikat ng araw. Ang mga ito'y tulad ng tinuhog
na kuwintas na isang mahalagang hiyas!
Dito sa mga pulong ito, Perlas ng Dagat Silangan, nagsimulang namuhay ang mag-asawang Malakas at Maganda-ama't
inang pinagmulan ng lahing kayumanggi.