You are on page 1of 5

Edukasyon

Talumpati ni Farah Grace Jimena


Edukasyon ay di mananakaw ninuman, kultura
ang kinapapalooban ng mga paniniwala’t
kaugalian, palakasan ang daan sa
pakikipagkaibigan, sandatang kailangang
maangkin ng mga kabataan.
Mahal kong mga tagapakinig naririto na naman
po tayo sa isang pagtitipon kung saan ating
pag-uusapan ang mga aspekto na
makapagpapalakas sa mga kabataang tulad ko.
Mga kabataang magiging susi upang umunlad
ang ating Lupang Sinilangan. Mga kabataang
makapagbibigay liwanag sa mga mamamayan
mula sa madilim na nakaraan. Na magiging
daan sa pagbabagong ating inaasam.
Hindi na lingid sa ating kaalaman na laganap na
ang pag-unlad ng agham sa ating lipunan.
Kaliwa’t kanan na ang mga makabagong bagay.
Katulad ng cellphone at computer. Mga
makabagong bagay na makagpapadali ng ating
pamumuhay, lalung-lalo na ng mga kabataan.
Kahit saang dako ka man ngayon tumingin,
marami ng mga internet café ang nagkalat. Iba’t
ibang model na rin ng cellphone ang lumalabas.
At hindi maikakaila na halos lahat tayong mga
nag-aaral sa pribadong paaralan ay umaangkin
ng mga bagay na ito. Ngunit, ito ba ay ginagamit
natin sa tamang paraan?
Mga kaibigan, ang computer ay malaking tulong
sa ating mga mag-aaral. Katulad sa mga
pananaliksik. Hindi mo na kailangang
maghalukay pa ng sandamukal na mga aklat
para kumuha ng mga kakarampot na datos sa
bawat aklat. Punta ka lang ng yahoo, encode
mo lang ang topikong hinahanap, mag-antay ka
lang ng ilang segundo, binggo na! Makikita mo
na ang hinahanap mo.
Nariyan din ang cellphone na makapagpapadali
ng ugnayan natin. Magagamit sa mga panahon
ng kagipitan. Hindi mo na kailangan pang mag-
antay ng ilang buwan maipadala at tumanggap
lang ng sulat. Sapagkat sa isang text lang,
minuto lang aantayin mo… tanggap kaagad.
Ngunit sadyang namamali ang ilang mga
kabataan sa paggamit ng mga teknolohiyang
makabago. Sa halip na sa pagpapaunlad ng
karunungan ito gagamitin, ginagamit nila ito sa
walang kuwentang bagay. Sa halip na
magresearch para sa assignment… DOTA,
counterstrike, YM at Facebook ang inaatupag.
Mayroon din diyan na pakikipag-textmate ang
pinagkakaabalahan.
Nagpupuyat tuwing gabi. Nanlalalim ang mga
mata sa kinaumagahan. Ang siste, nakikipag-
textmate sa kung kanino na lamang. Pagdating
sa klase bagsak si nene, inaantok, walang
assignment. Pagkatapos magpapadala sa mga
magagandang quotes, mag-a-eyeball,
magkakarelasyon, mabubuntis, mawawala sa
huwisyo ang kinabukasan, malulugmok sa
putikan. Ito ang paraan ng paggamit ng mga
kabataan sa mga makabagong teknolohiya. Tsk
tsk tsk…
Hindi ba’t edukasyon ang natatanging
kayamanan na hindi mananakaw ninuman? Ito
ang natatanging sandata na
maipagsasanggalang sa lahat ng pagsubok ng
buhay. Kapag edukado ang isang tao nagagawa
nitong maitama ang mga maling paniniwala na
bunga ng kahunghangan. Naisasalba ang isang
tao sa lupit ng kahirapan.
Bumaling naman tayo sa ating banal na kultura.
Ito ay ang kinapapalooban ng mga paniniwala’t
kaugalian. Ito ang makinang na kasaysayan ng
ating mga ninuno. Alam ba ninyo na sa buong
mundo, Pilipino ang tinitingala ng mga dayuhan
pagdating sa kulturang kinamulatan? Kung
kaya’t maraming mga dayuhang ang piniling
mag-asawa ng isang Pilipino nang dahil sa ating
kultura.
Sapagkat tayong mga Pilipino ay kilala bilang
matulungin, mapagkumbaba, masunurin, at
magalang na lipi. At ito dapat ang magiging
katangian ng ating mga kabataan. Sa
kadahilanang kung taglay ng mga kabataan ang
mga ganitong uri ng mga katangian ay
mapapadali ang ating pag-unlad. Magkakaroon
ng matiwasay na pagsasama. Makakamtan ang
paggalang sa bawat kapwa.
Ang Kultura natin ay maipapakita rin sa mga
palakasan. Dahil ito ang isang makinang na
daan sa pakikipagkaibigan. Dito nalilinang ang
mga kakayahan na sangkatauhan. Nahahasa
rin dito ang tiyaga ng mga kabataan sa
pagkamit ng tagumpay. Kung ang bawat
kabataan ay mapapabilang sa isang legal na
palakasan, mapapalayo sila sa bisyo. Bagkus,
mararagdagan pa ang mga kaalaman at
kakayahan nito sa pagsunod sa agos ng buhay.
Hindi lamang pisikal na kakayahan ang
mahahasa kundi pati na rin ang emosyonal at
intelektwal. Sa mga palakasan nagsisimula ang
isang magandang pagsasamahan.
Kayat mahal kong mga tagapakinig, lalung-lalo
na sa mga kabataang tulad ko, huwag nating
antaying mawala ang lahat ng mga
pagkakataon para sa ikauunlad natin. Sama-
sama nating yakapin at tanggapin ang mga
aspektong makapagbibigay sa atin ng lakas na
makakatulong sa ating ikauunlad. Nasa ating
kamay ang pag-unlad na inaantay ng ating
bayan. Sapagkat tayo ang tinaguriang pag-asa
ng bayan.

You might also like