You are on page 1of 6

Maria Elena J.

Sumisim

Raniela E. Barbaza, Ph.D.

Pan Pil 12 THY1

09 Pebrero 2012

Kritikal Na Analisis Ng Nobelang Para Kay B

Walang quota ang pag-ibig. Nasa taong umiibig ang kahihinatnan ng kaniyang buhay – pag-ibig.

Kung hindi maganda ang kinalabasan nito, hindi dahilan ang pagkakaroon ng quota ng pag-ibig.

Ito ay sosyal konstrak lamang na idinikta ng lipunan. Ang mga taong nawasak ng pag-ibig ay

yaong mga taong hindi kasama sa quota at ito naman ay pinaniniwalaang katotohanan ng

karamihan ngunit ang totoo ay isa lamang ilusyong sinang-ayunan ng lipunang nagreresulta ng

paglilimita ng taong magmahal.

Ang katotohang may quota ang pag-ibig ay imbensyon ng nakapirming kombensyon. Ang

katotohanang alam ng komunidad ay hindi yaong realidad sa halip ay sosyal na kombensyon

lamang at nakalimutang ilusyon. Sa paggamit pa lang ng salitang „quota‟, nagagawa nilang

mapaniwala ang kanilang sarili na ang hindi totoo (na may quota ang pag-ibig) ay totoo. Ang

salitang „quota‟ ang metaporang naisidhi, naipasa at napahusay at pagkatapos ng mahabang

paggamit nito, nagiging pirmihan, kanonikal at umiiral na katotohanan. (Nietzsche, p.84)

Sa kabila ng pag-iral ng metapora ng katotohanang nanlilinlang sa tao, may kakayahan siyang

gumawa ng mga desisyon dahil hawak niya ang kontrol. Kinokontrol niya ang kaniyang pagkilos

sa pamamagitan ng pagdedesisyon. Sa usapin ng pag-ibig, ang bawat desisyong kaniyang

maisasakatuparan ay magreresulta ng bagay na maaaring ikatuwa o ikasawi ng kaniyang puso.

1
Ang kaniyang desisyon ang magdidikta sa magiging kahihinatnan ng kaniyang buhay – pag-ibig.

Kung mabubuhay siya sa paniniwalang may quota ang pag-ibig, hindi siya magtatagumpay.

Kung mabubuhay naman siya sa para makasama sa quota, hindi rin siya magtatagumpay.

Habang iniisip ng isip ang pagkontrol sa maaaring mangyari sa buhay – pag-ibig ng tao,

bubulong ang laman at hindi maglalaon ay tatawag ito.

Tumawag man ang laman, hindi agad bibigay ang isipan. Ang agarang pagtugon sa tawag ng

laman ay hindi nangangahulugang kasama na sa quota ng pag-ibig dahil simula‟t sapul, ilusyon

lamang ito. Si Lucas ay mayroong sariling konsepto ng paghihintay at pagkontrol. “Papayag

lamang siyang mag-sex sila ni Bessie kapag mahal na siya nito. Kaya niya itong turuang umibig.

Kung pinatigas man ang puso nito ng mga nakalipas na karanasan ay magtitiyaga si Lucas na

paghilumin ang mga sugat na iyon.” (Lee p.143) Naroroon ang pagnanais ng kaniyang katawan

ngunit kontrolado ng kaniyang isipan. Rinig niya ang tawag na iyon ngunit sadyang istoiko

siyang tao. Marunong siyang magtiis para sa pag-ibig kahit pa ipagpalagay ang kawalan ng

katotohanan sa likod nito. Kahit pa istoikong tao si Lucas, tao pa rin siya, hindi solid ang

kaniyang sarili. Nasa „fluid state‟ ika nga dahil laging nagbabago. Hindi niya maintindihan ang

kaniyang sarili dahil hindi siya absoluto. “Ayaw naman niyang maka-sex si Bessie hangga‟t

hindi pa siya gusto nito. Pero bakit ang nakikita niya ay ang basketbolistang panay ang

halinghing habang mapusok na kinakabayo ng pawisang si Bessie?” (Lee p.144) Hindi nawawala

ang pag-aangkin ng sarili ng iba para sa sariling nasa. May konsepto rin ng inggit dahil naroroon

ang pagnanais ng kaniyang katawan at ang inggit na iyon ay mas lalong nagpapalakas sa tawag

ng laman. “Iniisip niya kung hanggang kailan niya laging mapaglalabanang haplusin ito sa pisngi

at saka halikan. Itong napakagandang babaing ito, na iniisip ng iba na masama.” (Lee, p.145)

Palakas ng palakas ang puwersa ng tawag ng laman at hindi naglaon, bumigay si Lucas dito.

2
“Kaya sa ilalim ng papalakas na buhos ng ulan habang dumidilim na ay nagpatong ang mga

katawan nila, pumasok ang buhangin sa bibig ni Lucas, nakisabay ang hingal ni Bessie sa tikatik

ng ulan. Hinaplos ni Lucas nang buong pagmamahal ang mukha ni Bessie.” (Lee, p.151) Dahil

sa „sense of touch,‟ napukaw ang kanilang damdamin. Buhay na buhay ang pandamdam nilang

iyon at ito ang siyang nagsisilbing instrumento para maramdaman nila ang kanilang sarili sa

pamamagitan ng presensiya ng isa‟t isa. Dahil sa ugnayang iyon, nagagawa nilang maunawaan

ang kanilang sarili. Nailalabas nila ang tunay nilang sarili kapag buhay ang „sense of touch‟ nila.

Dahil sa sex, naeekspres nila ang damdaming nakukubli sa kanilang pagkatao. Sa paraang iyon,

nagagawa nilang sambitin ito, hindi tungo sa salita bagkus ay sa bawat kilos na kanilang

ginagawa habang magkapatong ang kanilang katawan at doon nila madadalumat na

nakukumpleto lamang ang kanilang pagkatao o marahil din ay nalalaman lamang nila kung sino

sila o kung ano sila dahil sa „sense of touch‟ na tinataglay nila kalakip ang presensiya ng iba.

Ang kawalan naman ng „iba‟ ay pagkawala ng tunay na sarili, ng tunay na identidad. “Hindi na

siya naka-fanksyon na gaya ng dati dahil para bang tinanggal ng pagkawala ni Lucas lahat ng

kasamaan sa kaniyang katauhan at ngayon ay hindi na niya alam kung ano siya, kung sino siya.”

(Lee, p.166) Tuwing ito ay isang tanong sa pagtukoy kung sino tayo, ito ay ang lohikang

hanggang ngayon ay nagsisilbing ating „master key.‟ Sex, ang katwiran para sa lahat. (Foucault,

p.78)

Kasabay ng pagtugon sa tawag ng laman ay ang pagtamo sa sariling hangad. Si Lucas ay

matibay na pinanghahawakan ang kaniyang pangarap, pangarap na patuloy na lumiliyab dahil sa

tawag ng lamang kaniyang natugunan. Dahil sa tawag na iyon, nag-aapoy ang kaniyang

hangaring makapagsulat ng magandang kuwentong iaalay niya kay Bessie, umaasang

magugustuhan niya ito at siya rin mismo. Ngunit sa gitna ng pagtamo sa hangaring iyon,

3
makikitang si Lucas ay naipit sa pagitan ng kaniyang kagustuhan at ng kagustuhan ng kaniyang

mga tauhan. May pagdidiin ang mga tauhan ni Lucas na idinamay sila nito sa kaniyang

kasawian. “Nagpapakita sa kaniya ang kaniyang mga tauhang mas nagiging totoo at lumalabas

ang tunay na ugali, mas nagiging kompleks.” (Lee, p.198) Binabagabag nila ang kaniyang

konsensiya at napapasailalim si Lucas sa kapangyarihan ng kaniyang mga tauhang humihimok sa

kaniyang kaloobang aminin ang totoo – na idinamay niya ang mga ito sa kaniyang kasawian at

ipinataw ang mga ito sa kaniyang teorya tungkol sa pag-ibig.

Ang pagtatapat ay isang obligasyong nakakalikha ng katotohanan, katotohanang nagdidiin sa

sarili bilang mismong paksa ng pinagtatapat. Ang obligasyong ito na magtapat ay malalim nang

nakatanim sa sarili, na hindi na ito itinuturing bilang epekto ng isang kapangyarihang pumipigil

sa sarili; sa halip ay parang ginagamit nito ang katotohanan, na nanirahan sa pinakasikretong

katangian ng tao, upang ito ay lumabas at lumitaw sa ibabaw. (Foucault, p.60) Ang pagsang-

ayon ni Lucas sa demand ng kaniyang mga tauhan ay hudyat ng kaniyang pag-amin na mali siya

at mali ang kaniyang teorya tungkol sa pag-ibig. Ang pag-amin niyang iyon ay paraan ng

paghahayag ng kaniyang sarili sa parehong paraang pagkawala ng kaniyang sarili. Nakukulong

man si Lucas sa imahe ng isang puro-tiniris-at-tagihawat-ang-pangit-na-mukha na tao, hindi niya

alintana ito at binasag pa ang kombensyon, na ang mga pangit ay hindi karapat-dapat magmahal

dahil wala silang puwang sa mundo at ang isa pang kombensyong nagdidiktang may quota ang

pag-ibig na teorya niya rin mismo. Kahit pa ang ahensya ng dominasyon ay hindi naninirahan sa

taong nagtatapat ngunit sa taong nakikinig, sa hindi nagsasalita at sa nagtatanong, ang

diskursong ito ng katotohanan ay umeepekto hindi sa taong tumatanggap nito bagkus ay mula sa

taong pinagdadahasan ng katotohanan. (Foucault, p.62)

4
Ang pagbago ni Lucas ng ending ng ilan niyang tauhan ay pagpapakitang hawak niya pa rin ang

kontrol sa kabila ng lahat. Dahil hawak niya ang kontrol, kaya niyang igapos ang tawag ng laman

o tugunan ito. Tao lamang din naman siya, kaya natangay siya rito ngunit ang kaniyang

pagkatangay ay hindi nangangahulugang hindi na niya hawak ang kontrol sa mga panahong iyon

dahil ang mismong pagkatangay niya ay sensyales na nakontrol niya ang sarili niyang kumawala

sa ahensyang mayroon siya. Hawak pa rin niya ang kontrol kahit pa nagpadala siya sa tawag ng

laman dahil may kakayahan naman siyang pigilan ang kaniyang sarili, lihisan ang tawag o

sumabay na lamang sa tawag at ginawa nga niya ang panghuli. Hawak pa rin niya ang kontrol

kahit pa idinidiin siya ng kaniyang mga tauhan na magtapat sa kaniyang kasawian sa pag-ibig

dahil maaari niya naman silang balewalain o pakinggan. Hawak pa rin niya ang kontrol kahit pa

idinidikta ng bayang siya ay pangit na tao at hindi karapat-dapat magmahal at mahalin dahil nasa

sa kaniya kung maniniwala siya rito o babasagin niya ang „mindset‟ na iyon. Hawak pa rin niya

ang kontrol kahit pa ipamukha sa kaniya na ang pag-ibig ay may quota at hindi siya kasama sa

quotang iyon. Hawak niya ang kontrol at nagawa niyang basagin ang kombensyong idinikta ng

lipunan, ang metaporang umiiral na katotohanang kinonstrak ng lipunan na teorya niya mismo.

5
Mga Siniping Akda

Foucault, Michel. The History of Sexuality Volume I: An Introduction. Trans. Robert Hurley.

New York. Random House: 1978. Print

Lee, Ricky. Para Kay B (O Kung Paano Dinevastate ng Pag-ibig Ang 4 Out Of 5 Sa Atin).

Quezon City. Writers Studio Philippines, Inc.: 2008. Print

Nietzsche, Friedrich. Philosophy and Truth: Selections from Nietzsche’s Notebooks of the early

1870s. Trans. Daniel Breazeale. New York. Humanity Books: 1999. Print.

You might also like