You are on page 1of 14

Director: Butch Nolasco

Year: 1996
Cast: Pen Medina, Joonee Gamboa, Jaime Lim, and Saguisag Matienzo

MGA BAHAGI:
Ang Batang si Moy Mercado
Jose Rizal Mercado: Atenistang Probinsyano
Patungo sa Liwanag ng Dunong at Daigdig
Ang Lakbayin Patungo sa Ligalig
Dapithapon at Dilim
TRANSCRIPTION BY: Tabitha Alindogan Peña
No copyright infringement intended

Anong pumapasok sa isip natin kapag nababanggit ang pangalang Jose Rizal? Ang matapang na
nobelista ng Noli Me Tangere na gumising sa kamalayan ng mga Filipino. Ang bayaning binaril sa Luneta.
Ang makata na nagsabing, “Ang taong „di marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa ang amoy sa
malansang isda.” Pero sino ba talaga si Jose Rizal? Anong uri ng Filipinas ang kanyang kinagisnan? Anong
mga ideya at prinsipyo ang kanyang isinabuhay at ipinaglaban? Ano ang kanyang tunay na pagkatao?
Hanapin natin ang puso at kaluluwa ng dakilang Filipino sa loob ng rebulto sa Luneta. Hanapin natin ang
ngiti sa matigas na mukhang nakaukit sa pisong barya. Sa pamamagitan ng pagtunghay sa mga orihinal na
sulat, litrato at iba pang piraso ng ala-ala, subukan nating kilalanin ang isang Filipinong nagngangalang
Jose Rizal.

Taglay pa rin natin hanggang ngayon ang isang kwadernong may pamagat na “Memorias de un
Estudiante de Manila”. 17 taong gulang si Rizal nang tipunin niya ang kanyang mga ala-ala mula
kapanganakan hanggang sa una niyang pag-ibig sa kwadernong ito. Nagkubli siya sa pangalang P.
Jacinto para manatiling pribado ang kanyang buhay. Pero sa dulo ng dokumento, matatagpuan din ang
kanyang pirma. Heto ang sariling salaysay ni Jose Rizal:

Ang Batang si Moy Mercado

“Isinilang ako sa Calamba noong Hunyo 19, 1861 sa pagitan ng alas-11 at alas-12 ng gabi. Araw
noon ng Miyerkules. At ang aking pagsilang sa daigdig na ito ng luha ay muntik nang ikasawi ng aking ina,
nang „di niya naipangako sa Mahal na Birhen ng Antipolo na dadalhin ako sa kanyang simbahan.”

Si Teodora Alonzo ang ina ni Rizal ngunit mas kilala siya noon bilang Lolay. “Hindi ordinaryo ang
aking ina. Mahilig siya sa Literatura at mas mahusay magsalita ng Español kaysa sa akin. Siya ay isang
Matematika. Ang kanyang ama, dating kinatawan sa kortes, ang una niyang guro.” Bukod sa pag-aasikaso
sa 11 anak, pinamahalaan ni Doña Lolay ang isang tindahan sa silong ng kanilang bahay at iba pang maliliit
na negosyo. Dahil sa kanyang malakas na personalidad at pagsisikap, malaki ang nagawa ni Doña Lolay
sa masigasig na paghuhubog ng pagkatao ng kanyang mga anak at ng kanilang pag-ibig sa karunungan.
Tinuruan niya silang bumasa at sumulat. Sinanay sila sa pagdarasal at pagtulong sa gawaing bahay at
kabuhayan. Dahil dito, lubhang malapit si Rizal sa kanya. “Kung „di dahil sa kanya, ano kaya ang
kinasapitan ng aking pag-aaral at kapalaran? Talagang ang ina ang lahat sa isang tao, pagkatapos ng
Diyos.”

Bagama‟t tahimik lamang ang ama ni Rizal na si Francisco Mercado o Kikoy, sensitibo siya‟t malapit
sa kanyang mga anak. Mahigit 40 taon na siya nang isilang si Jose Rizal. “Ang aking ama na huwaran ng
mga ama ay nagbigay ng edukasyong naaayon sa aming bahagyang kakayanan sa buhay. Sa pagsisikap
ay nakapagpatayo siya ng bahay na bato at nakapagpundar ng isa pa.”

Parehong taga-Biñan ang mga magulang ni Rizal ngunit lumipat sila sa Calamba at nangupahan sa
lupang pag-aari ng mga prayleng Dominiko.

Sa bahay kubo madalas maglaro ang isang batang kung tawagin nila‟y Moy. Ayon sa kanyang
mga kapatid, tahimik na bata si Rizal. Bagaman madaling mahalata sa panlalaki ng kanyang mga mata
kung siya‟y natutuwa o nabibighani sa isang bagay. Mahilig siyang magpinta ng mga hayop, ibon at
bulaklak gamit-gamit ang achuete, uling at iba pang katas ng halaman bilang pintura. Mahilig din siyang
humubog ng pigurin at busto ng mga tanyag na taong nababasa niya sa kanilang mahigit 1000 mga aklat.
“Matapos kumain at magdasal ng rosaryo, dumadako kami sa azotea o sa alin mang bintanang
2
TRANSCRIPTION BY: Tabitha Alindogan Peña
No copyright infringement intended

katatanawan ng buwan at magkukwento ang aking yaya tungkol sa mga nakalibing na kayamanan at
kalansay, mga aswang, mga nuno, mga punong namumunga ng diyamante, mga taong nakatira sa
buwan.”

Matamis ang oras sa tahanang iyon kaya mauunawaan ang lungkot na nadama ni Rizal nang sa
napakamurang gulang na 9 na taon ay nalayo siya sa kanyang pamilya upang mag-aral sa Biñan. “Inihatid
ako ng aking kapatid na si Paciano, isang araw ng Linggo. 9 na taon pa lamang ako pero natutunan ko
nang magpigil ng luha. Ipinakilala ako ni „Ñor Paciano sa aking maestro na siya ring nagturo sa kanya
noon.” Sa pamamagitan ni Maestro Justiniano Cruz, namulat si Rizal sa isang paraan ng pagtuturo na
usong-uso noong panahong iyon. “Ayaw ko nang bilangin ang mga palong natanggap ko. Lagi akong
nangunguna sa klase pero sa kabila ng aking reputasyon bilang mabait na bata, bihira ang araw na hindi
ako nakatatanggap ng 3 hanggang 6 na palo.”

Babahagya lamang ang sakit na nadama ni Rizal kung ihahambing sa mga sumunod na pangyayari
na nag-iwan ng malalalim na sugat sa kanyang ala-ala.

Sinubukan ni Doña Lolay na pagbatiin ang kanyang kapatid na si Jose Alberto at ang pabayang
asawa nito na bukod sa nakiki-apid ay iniwan pa ang kanilang mga anak. Ikinagalit ng babae ang
pakikialam ni Doña Lolay at pinaratangan siyang kasabwat ni Alberto sa tangkang lasunin siya. Sa tulong ng
tiniente ng guwardiya sibil, na kaibigan pa man din ng Pamilya Mercado, inaresto si Doña Lolay sa kanilang
bahay. Malupit ang naging pagtrato ng alkalde na inilarawan ni Rizal bilang isang panatikong tuta ng mga
prayle. Pinilit niyang umamin si Doña Lolay kapalit ng pangakong agad siyang pawawalan. Pero tumagal
ng 2½ taon ang pagkabilanggo ng ina ni Rizal. “Hindi ko mailarawan ang dinanas naming pagdaramdam
at kalungkutan. Mula noo‟y nawalan na ako ng tiwala sa pakikipagkaibigan. 9 kaming magkakapatid at
kami‟y pinagkaitan ng ina ng mga taong itinuring naming kaibigan at trinatong mga bisita.”

Ganoon na lamang ang lungkot na pinasan ni Rizal nang ihatid siya ni Paciano sa Ateneo Municipal
sa Maynila na nakatirik noon sa Intramuros. At dito‟y naranasan ng probinsyanong taga-Calamba ang
tagumpay, pait, at pag-ibig sa buhay ng isang estudyanteng Maynila.

Jose Rizal Mercado: Atenistang Probinsyano

11 taong gulang pa lamang si Rizal nang siya‟y magpatala sa Ateneo. Noong una‟s diskumpiyado
pa ang mga pari na tanggapin siya dahil bukod sa alangang panahon siya nagpatala, sadyang napakaliit
at napakatamlay ni Rizal. Kaya‟t, taliwas sa inaakala ng marami, hindi agad nakapagpakitang-gilas si Rizal
bilang estudyante. Noo‟y hirap siyang magsalita ng Kastila, isang probinsyanong malayo sa kanyang
bayan, napakaliit kung ikukumpara sa mga kaklase niyang Español at Meztiso, at malumbay dahil sa
kapalarang sinapit ng ina. Ginugol niya ang kanyang panahon sa pagsisimba. “Mangyari, sa aking
pangungulila ay wala akong nalalamang sukat-pagbalingan kundi ang Diyos.” Naging masugid din siya sa
pagbasa ng mga nobela at akdang pang-Kasaysayan. Minsa‟y nagawa niyang linlangin ang ama na
bilhan siya ng “Historia Universal” sa pasubaling kailangan ito sa klase.

Napalaya na si Doña Teodora, nang magtapos si Rizal ng kursong sekondarya at bumalik sa


Ateneo upang mag-kolehiyo. Nang panahong ito ay umusbong ang talino niya sa pag-aaral. Tuwing
semestre ay nakakapag-uwi siya ng mga premyo. Sa ilalim ng matiyagang pamamatnubay ng propesor
niyang si Padre Francisco de Paula Sanchez, pinatalas ni Rizal ang kanyang pagkatha sa wikang Español.

3
TRANSCRIPTION BY: Tabitha Alindogan Peña
No copyright infringement intended

Nakapagsulat siya ng ilang tula at nagsalin ng dulang banyaga na itinanghal sa gabi ng kanyang
pagtatapos sa kolehiyo.

Nang tanggapin ni Rizal ang kanyang diplomang Batsilyer en Artes at 5 medalya sa gulang na 15,
sa halip na matuwa‟y lubha siyang nalungkot. “Paalam, magandang panahong „di ko malilimot. Sa
karimlan ng aking buhay, ikaw ang sandaling bukang-liwayway na hindi na muling babati. Paalam,
maliligayang oras ng aking naglahong kamusmusan.”

Nang bumalik si Rizal sa Calamba, umasa si Doña Lolay na tutulungan na lamang niya si Paciano
sa bukid. “Ayaw na sana akong pag-aralin pa ng aking ina. An‟ya, sapat na ang aking nalalaman at kapag
nadagdagan pa ito‟y mapupugutan ako ng ulo.” Pero nanghinayang si Don Kikoy sa talino ng kanyang
anak kaya pinag-aral ito ng Pilosopiya sa Unibersidad ng Sto. Tomas. Kumuha din si Rizal ng kurso sa Land
Surveying o Agrimensura sa Ateneo upang mapagbigyan ang kanyang ina.

Pagkaraan ng 1 taon, nagpasiya si Rizal na mag-aral na lamang ng Medisina matapos matuklasang


nabubulag na ang kanyang ina. Noo‟y nakilala ni Rizal ang kanyang unang pag-ibig, isang kolehiyalang
kasamahan sa dormitoryo ng kapatid niyang si Olimpia, isang binibining nagngangalang Segunda
Katigbak. “Siya‟y may kababaan ng bahagya, may mga matang kung minsa‟y makislap at nangungusap at
kung minsan nama‟y malamlam at malungkot, may mga pisnging mamula-mula, may isang ngiting
nakakagayuma at nakakaakit. Habang kausap siya, wari‟y unti-unti kong nilalagok ang napakatamis na
lason ng pag-ibig. Ang mga sulyap niya‟y bumabaon na parang palaso sa kaibuturan ng aking puso.”
Naudlot ang suyuan nang pauwiin si Segunda ng kanyang ina upang alagaan ang sanggol na kapatid.

Ilan pang mga dalagita ang pinagka-interesan o naging interesado kay Rizal bago niya natuklasan
ang pag-ibig sa kaanak niyang si Leonor Rivera.

Habang nagbabakasyon sa Calamba, naganap ang isa pang pang-aalipusta na yumanig sa


pagkatao ni Rizal. Isang gabi, habang naglalakad pauwi, nakaligtaan niyang saluduhan ang isang tiniente
ng guwardiya sibil. 3 hagupit ang tinanggap niya. Inilapit niya ang kaso sa Malacañang ngunit hindi siya
pinansin.
Pero ang mga hagupit na ito‟y simula lamang ng iba pang latay na tatanggapin ni Rizal upang
mamulat sa pang-aaping dinaranas ng mga Pilipino sa ilalim ng buktot na lipunan at pamahalaan.

Sumali si Rizal sa isang timpalak-pampanitikan. Nanalo ng unang gantimpala ang lahok niyang “El
Consejo de los Dioses”. Nang pumanhik siya sa entablado at nakita ng mga manonood na isang Pilipino—
na isang Indio—ang nanalo, walang pumalakpak. Gayunpaman, hindi nasiraan ng loob si Rizal.

Nang mapagtanto niya na hindi kikilalanin at hindi sasapat ang kanyang pag-aaral sa Sto. Tomas
upang makapanggamot, nabuo ang kayang pasya na mag-aral sa España. Tinanggap ni Rizal ang hikayat
ng mga kaibigan, maging ng tiyo niyang si Antonio Rivera, ama ni Leonor.

Pero walang kapantay ang ibinigay na suporta ng kapatid ni Rizal na si Paciano. Masinop niyang
binalak ang pag-aaral ni Rizal at ipinamana ang pangarap na laan sana sa kanya—isang pangarap na
ipinagpalit sa obligasyon ng panganay na lalake na pangasiwaan ang kabuhayan ng pamilya. Inilihim nila
sa pamilya ang mga balak.

4
TRANSCRIPTION BY: Tabitha Alindogan Peña
No copyright infringement intended

Patungo sa Liwanag ng Dunong at Daigdig

“Ginising ako ni Señor Paciano ng alas-5 ng umaga upang maghanda para sa paglalakbay.
Pupungas-pungas pa akong bumangon at nag-ayos ng aking dadalhin. Binigyan ako ni „Ñor Paciano ng
365 piso. Gising na ang aking mga magulang pero tulog pa ang aking ibang kapatid. Nilagok ko ang isang
tasang kape. Malungkot akong tiningnan ng aking kapatid. Walang kaalam-alam ang aking mga
magulang. Nang maisip ko na iiwan ko ang aking pamilya, bumalong ang luha sa aking mga mata. Wari‟y
malulunod ako. Ay, kaylaki nitong sakripisyo para sa isang kabutihang ni hindi mo matanganan. “

Nagtungo si Rizal sa Maynila. Matapos humingi ng mga sulat ng rekomendasyon kay Pedro Paterno
at sa mga paring Heswita, naglayag siya patungong Europa noong ikalawa ng Mayo sa edad na 20 taong
gulang. “Kumuha ako ng lapis at iginuhit sa papel ang baybayin ng Maynila. Nanghihina man ang aking
mga kamay tulad ng aking puso, patuloy ako sa pagguhit.”

Unti-unti ring naglaho ang lumbay ni Rizal, pinalitan ng pagkamangha sa pagtuklas ng bagong
buhay at daigdig sa kabila ng mga alon. Iniwan sa atin ng kasaysayan ang napakaraming larawan ng mga
tao‟t tanawin, mga sulat sa magulang at kaibigan, at mga ala-ala tungkol sa kanyang mga paglalakbay na
masinop niyang sinulat sa mga papel at kwaderno. Ito halimbawa ang kanyang opinion sa bapor na
Djemnah. “Kumikinang ang lahat, mahangin, malinis ang mga kwarto. Nababalutan ng alpombra ang lahat
ng sahig. Malinis ang inidoro, ekselente ang mga banyo.” At nang dumako siya sa Aden, “May nagtitinda
ng malalaking itlog at balat ng leon at tigre. Uminom kami ng limonada. Gumamit ang serbidor ng pako
para biyakin ang yelo at kinamay ito sa baso bago ihain sa amin.” Nakita rin niya ang bantog na Suez
Canal, ang Villas ng Sicily at Naples, ang kastilyo sa tuktok ng bundok.

Dumaong si Rizal sa Marseille, France at mula roo‟y sumakay ng tren patungong Barcelona, Spain
kung saan siya namalagi ng ilang buwan upang palipasin ang bakasyong pang-tag-araw ng mga
unibersidad. Unang araw pa lamang, nawalan na ng amor si Rizal sa Inang España. “Pumasok ako sa
pinaka-pangit na dako ng lungsod at namalagi sa fondang nakasiksik sa isang makipot na eskenita. Ang
mga tao‟y walang pakialam sa isa‟t isa. Tumatagos ang lamig hanggang buto. May panahon na
nagsisiputok ang alipunga sa aming mga katawan.”

Habang nagpapalipas ng oras bago magbukas ang mga unibersidad, tinupad ni Rizal ang
pangako sa ilang kaibigan na magsulat ng mga artikulo para sa “Diariong Tagalog”, ang unang
pahayagan na nakasulat sa Tagalog at Kastila na pinamamahalaan ni Marcelo del Pilar sa Pilipinas. Patuloy
din ang pakikipag-sulatan sa kanyang pamilya, at mga kaibigan. “Mahal kong kapatid, nang matanggap
namin ang telegrama na nagbabalitang nakaalis ka na, malungkot ang ating mga magulang, lalo na si
Tatay. Siya ay naging balisa, ayaw bumangon sa kama, umiiyak sa gabi. Pinapapunta niya ako sa Maynila
upang alamin kung paano mo nagawang umalis upang mag-aral. Sinabi ko sa kanya na tinustusan ito ng
ilan mong kaibigan pero nang mapansin kong balisa pa rin siya at nanganganib magkasakit, pinagtapat ko
sa kanya ang lahat sa pasubali na siya at siya lamang ang makakaalam niyon. Bumuti na ang matanda at
ngayo‟y nakukuha nang tumawa. Ang „yong nagmamahal na kapatid, Paciano.” “Iniibig kong kapatid,
nasabi sa akin na gusto mo raw marinig ang wikang Tagalog upang hindi mo malimot ang iyong
pinagmulan at kami na iyong mga kapatid. Tuwing binabasa ko ang iyong mga liham, hindi ko mapigil ang
pagluha, lalo na „yong sinulat mo bago ka umalis at sinabi mong dumaan ka dito upang magpaalam ngunit
natutulog pa ako. At „yong sabi ni Mama na kaunti lamang ang dala mong salapi kaya lagi kong iniisip kung
paano ka nakakaraos. Gawa nito, padadalhan kita ng diyamanteng singsing. At isulat mo sa akin kung
kanino ko ito maaaring ipadala. Ang iyong nagmamahal na kapatid, Neneng.”

5
TRANSCRIPTION BY: Tabitha Alindogan Peña
No copyright infringement intended

Umabot din kay Rizal ang balita na ipinagdamdam ni Leonor ang kanyang paglisan. Hindi na sila
nakapagpaalam sa isa‟t isa. At iniulat ng isang kaibigan ni Rizal na malaki ang ipinayat ni Leonor dahil sa
pag-aalala. At nagbabalak itong kulayan ng itim ang lahat ng kanyang damit.

Mula sa Barcelona‟y lumipat si Rizal sa Madrid at magkasabay na nagpatala sa Kolehiyo ng


Medisina at Kolehiyo ng Pilosopiya at Letras. Nakuha rin niyang ipagpatuloy ang hilig sa pagpipinta,
pagsusulat at pag-aaral ng mga wikang Europeo. Tinipid ni Rizal ang sarili sa maraming bagay, maliban sa
libro, tiket sa teatro, at kaunting paglilibang. “Madrid, ika-30 ng Disyembre, 1882. Señora Maria,
natanggap ko ang maikli ngunit malaman mong liham. Maniniwala ka ba na hindi pa ako naliligo mula
noong Agosto at hindi ako pinagpapawisan? Ganyan dito: napakalamig at napakamahal ng paliligo. 35
sentimos ang bawat isa. Ang nagmamahal mong kapatid, Jose.”

Totoong hindi Madrid ang sentro ng karunungan sa Europa. Madalas ireklamo ni Rizal ang gawi ng
mga estudyante doon na natutulog hanggang tanghali, kung gabi nama‟y dumadalaw sa bahay ng mga
kalapating mababa ang lipad. Pero mahirap ding sisihin ang mga kabataang mula Filipinas. Sa unang
pagkakataon, malaya sila mula sa kanilang mga magulang—sa isang napakalayong lugar kung saan mura
ang aliw.

Nakasama ni Rizal ang mga Filipinong intelektwal tulad ni Graciano Lopez-Jaena, isang dating
estudyante ng Medisina na unti-unting kinikilala sa kanyang pagsusulat at pagtatalumpati at si Gregorio
Sanciangco, may akda ng “El Progreso de Filipinas”. Sumapi siya sa Circulo Hispano-Filipino, isang
samahan ng mga Filipino at Español na nagtitipon sa isang bahay upang pag-usapan ang mga bagay-
bagay na may kinalaman sa Filipinas at maglabas ng isang pahayagan o revista.

Bukod sa mahusay na kombersasyon, malaki ang motibasyon sa pagpunta roon ni Consuelo


Ortega, ang dalagang anak ng may-ari ng bahay. Niligawan siya ni Rizal at bagaman inakala ng dalaga
na napakasaya niyang kausap, ang pinili niya ay si Eduardo de Lete, isang Kastilang ipinanganak sa
Filipinas na magmula nito‟y naging lihim nang kaaway ni Rizal.

Namatay ang Ciculo dahil sa kakulangan ng pondo at paglaganap ng pulitikal na kulay na


ikinailang ng matatandang Kastila. „Di man nila napansin, tumatalab na ang mga liberal na ideya sa
kamalayan ng mga Filipinong intelektwal, isang proseso ng pagbubukas ng isip sa pagkakaiba ng buhay sa
konserbatibong Filipinas at España kung saan napaka-liberal ng pagpapalitan ng mga ideya. Bunga din ito
ng mga ideyang napulot mula sa mga klase sa Pilosopiya na nagpapahalaga sa katuwiran sa halip na
relihiyon at bulag na pananampalataya. Bunga rin ito ng pagpapalitan ng kuro-kuro sa pagitan ng pag-
inom ng kape o pagkatapos manood ng mga dula sa teatro. Samakatuwid, naging napaka-natural ng
pagpasok ng pulitika sa usapan. Halos hindi ito namalayan.

Makikita ang pagsibol ng kamalayang-pulitikal sa isang talumpating binigkas ni Rizal bilang


parangal sa pagkapanalo nina Juan Luna at Felix Resurreccion Hidalgo sa isang timpalak sa pagpinta. “Sina
Luna at Hidalgo ay karangalan hindi lamang ng Pilipinas kundi ng España. Totoong sila‟y isinilang sa
Pilipinas ngunit maaaring isilang sila kahit saan sapagkat ang talino ay walang kinikilalang bayan. Ito‟y
umuusbong kahit saan tulad ng liwanag ng karunungan. Uminom tayo para sa kalusugan ng ating mga
dakilang artistang Luna at Hidalgo. Uminom tayo para sa kalusugan ng kabataang Filipino, ang banal na
pag-asa ng lupang tinubuan. Nawa‟y pamarisan nila ang dalawang artistang ito at nang ibigay na ng
Madre España na maasikaso at maingat sa ikabubuti ng kanyang mga probinsiya ang mga repormang
matagal nang binabalak para sa Pilipinas.” Hindi inakala ni Rizal na mamasamain sa Pilipinas ang isang
6
TRANSCRIPTION BY: Tabitha Alindogan Peña
No copyright infringement intended

talumpating pinapurihan ng mga liberal na tao‟t pahayagan sa España. “Mahal kong kapatid, may
karamdaman ang Nanay. Hindi siya makakain at makatulog. Matamlay at hindi makabangon. Ikaw ang
dahilan nito. Kumalat dito ang balita tungkol sa talumpating ibinigay mo para sa dalawang pintor at may
nakapagsabi na hindi ka na makakauwi dahil dito. Napakarami mo nang kaaway. Ang iyong kapatid,
Paciano.”

Naging mahirap ang kabuhayan sa Calamba nang bumagsak ang presyo ng asukal sa pamilihan.
Dahil dito, lubhang nahuli ang pagpapadala ng salapi kay Rizal. Nagprisinta naman siya na umuwi na
lamang sa Pilipinas, yaman din lamang at nakuha na niya ang lisensiyado sa Medisina at hindi
kakailanganing mag-aral ng doktorado dahil hindi naman niya balak magturo ng Medisina.
Napagkasunduan ng pamilya na huwag pauwiin si Rizal at sundin ang mungkahi na magsanay muna siya sa
optalmolohiya sa isang klinika sa Paris. “Mga 50 hanggang 100 ang pasyente sa klinika ni Dr. Louis de
Weckert. Maraming duling ang naitutuwid ang mata. Kahapon, inoperahan namin ang isang kusinera na
mas duling pa kina Emilio at Mariano. 2 minuto lamang, naayos na.”

Madalas siyang maging panauhin ng pamilyang Pardo de Tavera, mga biyenan ni Juan Luna.
“Sakali‟t kapusin ako ng salapi, nagprisinta si Luna na pautangin muna ako dahil mayroon pa raw siyang
naitatabi. Dahil isang pintor, kung minsa‟y pobre siya at kung minsan nama‟y parang milyonaryo.”
Ginantihan naman ni Rizal ng pagkakaibigan ang kabutihan ni Luna. Naging modelo siya sa iba‟t ibang
larawan ng pintor.

Napagpasiyahan ni Jose na magtungo sumandali sa Heidelberg, Germany upang magsanay pang


lalo sa klinika ni Otto Becker. Pinagbuti rin niya ang pagsasalita at pagsulat ng wikang Aleman. Ngunit
sadyang may lungkot na matatagpuan sa malalaking gusali at nagniyeniyebeng mga daan. Kaya, laging
pinananabikan ni Rizal ang init ng pagtingin ng kanyang pamilya. Kahit kapos sa salapi, pinagsisikapan
niyang bigyan ng aginaldo ang kanyang mga pamangkin. Isinalin niya at ginawan ng dibuho (sketch) ang
mga kwentong pambata ni Hans Christian Andersen. Madalas din niyang ipagtampo ang katamaran ng
kanyang mag-anak sa pagsulat. “Mga mahal kong magulang at kapatid, napuno ko ang apat na pahina
kahit walang sinasabi na nagpapakita lamang na pwedeng sumulat ang isang tao kahit wala naman siyang
malaking ibabalita.”

Sa panahong ito, nagsimula sa pamamagitan ng isang sulat ang matalik na pagkakaibigan nina
Jose Rizal at Ferdinand Blumentritt, isang Austrian iskolar. “Propesor Ferdinand Blumentritt, nang mabalitaan
ko po na pinag-aaralan ninyo ang aming wika at sa katunaya‟y nakapagpalimbag na ng ilang akda tungkol
dito, minabuti kong padalhan kayo ng isang aklat na sinulat ng isa sa aking mga kababayan. Gumagalang,
Jose Rizal.” Agad na sinagot ni Blumentritt ang sulat. Pinakilala ni Blumentritt si Rizal sa mga kilalang iskolar
ng Europa, mga higante ng karunungan at siyensya. Bagama‟t sa simula‟y siyensya at Filipiniana ang
nagbuklod sa kanila, sa pagtagal ng panahon, si Blumentritt ay naging ama-amahan, tagapayo,
tagapagtanggol at tagahanga, ang tunay na kabiyak ng kanyang kaluluwa. “Kasama ng sulat na ito ang
isang larawang iginuhit ko sa lapis upang makilala ninyo ako sa istasyon.” “Masakit sa amin ang matagal
mong hindi pagsulat. May sakit ka ba o may masamang nangyari sa iyo? Ngayong bisperas ng Bagong
Taon, ang pamilya ko‟y iinom ng punch para sa iyong kalusugan. Pinuno ako ng kaligayahan nang
matanggap ko ang sulat mo. Sa labis na kasabikan, matagal akong hindi nakakain. Salamat sa Diyos at
magaling ka na. (Blumentritt)” “Lumamig na ang sabaw sa pagkatulala ko nang mabasa ko ang dalawang
sulat. Busog na busog ang puso ko. Naisip ko: anong kabutihan ang nagawa ko upang maging karapat-
dapat sa pagkakaibigan ng tulad ninyong busilak ang puso?”

7
TRANSCRIPTION BY: Tabitha Alindogan Peña
No copyright infringement intended

Sa panahong ito‟y tinatapos na ni Rizal ang Noli Me Tangere pero nahirapan siyang maghanap ng
pondo upang ipalimbag ito sa mga imprenta ng Berlin. Hindi pa nabebenta ang asukal sa kamalig ng mga
Rizal at mahirap ang buhay ng pamilya. Sa kabutihang palad, nagpunta roon si Maximo Viola, isang
kaibigang nakilala niya sa Barcelona. Agad na humanga si Viola kay Rizal dahil sa talino nito at dedikasyon
sa mga gawain. Dinala niya si Rizal sa isang espesyalistang doktor na nagsabing nagkasakit ito dahil sa
labis na pagtitipid sa pagkain. Inabonohan din ni Viola ang buong halaga ng pagpapalimbag ng Noli Me
Tangere kahit na noong una‟y ayaw pumayag ni Rizal . “Propesor Ferdinand Blumentritt, kasama nito ang
isang libro, ang kauna-unahan at matapang na libro tungkol sa buhay ng mga Tagalog. Makikita dito ng
mga Pilipino ang kasaysayan ng nakaraang 10 taon. Marahil ay tutuligsain ito ng gobyerno at ng mga
prayle pero nananalig ako sa Diyos ng katotohanan at sa mga taong nakakakita ng aming tunay na
kalagayan.”

Nagpasya si Rizal na bumalik sa Pilipinas, sa kabila ng pagpigil ng lahat. Aniya‟y sinong


maniniwala sa intensyon ng kanyang nobela kung hindi siya uuwi sa kanyang bayan upang magsilbing
halimbawa? Sasabihin nila na malakas lamang ang loob niyang magsulat dahil napakalayo niya sa
panganib.

Ang Lakbayin Patungo sa Ligalig

Nang magbalik si Rizal sa Pilipinas, hindi pa gaanong napag-uusapan ang Noli Me Tangere.
Bukod sa kakaunti ang kopyang nakapasok sa bansa, kasalukuyan pa lamang itong sinusuri ng mga prayle.
Naging mainit ang pagtanggap kay Rizal ng mga karaniwang tao. Matapos kumalat ang balita tungkol sa
kanyang husay sa panggagamot, maraming bata, ale at matatanda ang sumusunod saan man siya
magpunta. Pero makaraan ang 3 linggo, nagkatotoo ang hinala ni Rizal.

Pinatawag siya ng gobernador-heneral sa Malacañang dahil sa reklamo ng mga prayle tungkol sa


nobela. Inilipat ng gobernador sa Komisyon ng Sensura ang pagpapasya sa nobela at nagtalaga ng 1
militar kay Rizal na „di umano‟y mangangalaga sa kanyang kaligtasan ngunit sa katotohana‟y isang bantay.
Sinundan ni Taviel de Andrade si Rizal saan man siya magpunta. Nagkasundo silang 2 dahil siya‟y edukado
at liberal. Tinulungan pa siya ni Taviel na pabulaanan ang mga mapanirang anas-anasang kinakalat ng
mga prayle. “Espiya raw ako ng mga Aleman, Protestante, Mason, mangkukulam. Pinagbabawalan ako ng
aking ama na lumabas ng mag-isa o makikain sa bahay ng iba. Natatakot at nangangatal ang matanda
para sa akin.” Hindi rin siya pinayagan ni Don Kikoy na pumunta sa Dagupan upang makita si Leonor at
gayun din naman ang ama ni Leonor sa kanya.

Nang imungkahi ng Sensura na pigilin ang pamumudmod ng Noli Me Tangere, pinagkaisahan ng


mga prayle na pilitin ang gobernador na gumawa ng marahas na hakbang tulad ng pagpapakulong kay
Rizal. Pinayuhan siya ng heneral at ng mga mahal sa buhay na umalis na lamang upang matahimik na ang
lahat.

Nilisan ni Rizal ang Pilipinas. Tumigil muna siya sa Hongkong, Macau at pagkatapos ay sa Japan.
“Kakaunti lang ang magnanakaw sa Hapon. Sinasabi na laging nakabukas ang kanilang mga bahay.
Gawa lamang sa papel ang kanilang mga dingding. At sa mga hotel ay maaari kang mag-iwan ng salapi
sa mesa ng walang panganib. Kaunti lamang ang mga pulubi. Walang nag-aaway sa daan. Malinis ang
mga bahay.” Nahumaling si Rizal sa Japan at maging sa isang Haponesang pinangalanang O Sei San.
Walang naiwang salaysay tungkol sa kanilang pagniniig maliban sa ilang pangungusap sa kanyang mga

8
TRANSCRIPTION BY: Tabitha Alindogan Peña
No copyright infringement intended

tala. “Walang sinumang babae ang nagmahal sa akin tulad mo. Hindi magmamaliw sa aking ala-ala ang
iyong larawan. Ang pangalan mo ay mananatili sa aking labi sa bawat buntong hininga. Taglay mo ang
lahat ng kulay ng camellas, ang kanyang kasariwaan at karilagan. Sayonara, sayonara!”

Pagkatapos ay sa Amerika naman naglakbay si Rizal mula California hanggang New York.
“Dinalaw ko ang pinakamalalaking siyudad ng Amerika, ang kanilang naglalakihang gusali, mga ilaw na
de kuryente. Walang duda na dakilang bansa ang Amerika bagama‟t marami pa rin itong depekto. Walang
tunay na kalayaan ang mga tao. Sa ilang estado, halimbawa, hindi pwedeng mag-asawa ang isang negro
at isang puti.”

Sa Inglatera susunod namalagi si Jose. Sa tulong ng isang sulat mula kay Blumentritt, nakilala niya
doon si Dr. Reinhold Rost na mabilis din niyang naging mabuting kaibigan. Bukod sa palagiang pag-iimbita
sa kanya sa bahay upang mag-tsaa kasama ng kanyang pamilya, tinulungan siya nitong makakuha ng
permisong gumamit ng aklatan ng British Museum. Doon natagpuan ni Rizal ang isang libro tungkol sa
kasaysayan ng Pilipinas (Sucesos de las Islas Filipinas) na sinulat ni Antonio Morga, isang tagapayo ng
gobernador-heneral na namalagi sa Pilipinas ng 10 taon. Para kay Rizal, mainam na dokumento ang libro ni
Morga upang pabulaanan ang paratang ng mga Español na walang sibilisasyon sa Pilipinas bago sakupin
ng España. Kaya sa halip na sumulat ng sarili niyang kasaysayan ng Pilipinas, ipinasya ni Rizal na muling
ilimbag ang akda ni Morga kasama ang kanyang mga tala. Matiyaga niyang kinopya ang buong
dokumento pagkatapos ay ikinumpara ang datos nito sa iba pang dokumento tungkol sa Pilipinas. Nang „di
tumupad ang kababayan niyang si Antonio Maria Regidor sa pangakong ipalilimbag ang aklat, nagtungo si
Rizal sa Paris upang makamura sa palimbagan.

Panahon din ito nang maging aktibo si Rizal sa La Solidaridad, ang pahayagang propagandistang
inilalabas ng mga Filipino sa España. Nagsulat siya sa paanyaya ni Graciano Lopez Jaena, ang una nitong
editor at kahuntahan niya noong nasa España. Karaniwang tema ng mga artikulo ni Rizal ang pagtatanggol
sa kultura at pagkatao ng Filipino laban sa panghahamak ng mga peryodistang Español. “Hindi tamad ang
mga Filipino. Tingnan niyo na lamang kung paano mamuhay ang mga Europeong nagpaparatang nito sa
kanila. Napapaligiran sila ng mga alila na tagatanggal ng sapatos at tagapaypay. Ang tao ay hindi hayop,
hindi makina. Ang mithiin niya sa buhay ay hindi ang gumawa para sa ibang tao kundi tuklasin ang kanyang
kaligayahan at ikauunlad bilang nilalang. (La Indolencia de los Filipinos)” Nagsulat din siya tungkol sa mga
karapatan na dapat sana‟y tinatamasa ng mga Filipino bilang lehitimong mamamayan ng España na
nagbabayad ng buwis at nagbibigay-serbisyo. Isa rito ang sikat na liham sa mga babae ng Malolos na
pinapurihan niya sa kanilang pakikipaglaban upang bigyan ng pagkakataong makapag-aral ng wikang
Español.

Mahirap na hindi humanga sa kasipagan ni Rizal bilang iskolar at sa katapatan niya sa direksiyong
itinakda niya para sa kanyang sarili, lalo na kung iisipin na sa buong panahong ito‟y ginigipit siya ng mga
problema sa salapi at ng patuloy na pagpapahirap sa kanyang mga kamag-anak at kaibigan sa Pilipinas,
bunga ng kanyang mga akda at ng patuloy na suportang ibinigay nila ni Paciano sa paghahain ng kaso
laban sa mga prayleng nagmamay-ari ng Hacienda de Calamba na dati‟y kapanalig ng pamilya Mercado.
Ayon sa sulat ng bayaw niyang si Silvestre Ubaldo, “Señor Jose Rizal, sa kasalukuyan, 13 o 60 sakada ang
nakademanda sa korte ng Hukom Tagapamayapa. Sakaling matalo, palalayasin sila at ipagigiba ang
lahat, ang kamalig, ang asukalera, at lahat ng nakatirik sa lupa. (Silvestre)” Ilang ulit ding ipinatapon sa
Tagbilaran ang bayaw niyang si Manuel Hidalgo, asawa ni Saturnina. Dinampot siya habang nagno-
Noche Buena ang pamilya. At nang umabot ang kaso sa sukdulan, pinalayas ang mga magsasaka ng
Calamba kasama ang pamilya Rizal. “Aking mahal na kapatid, napakasakit ng naganap na pagpapalayas.

9
TRANSCRIPTION BY: Tabitha Alindogan Peña
No copyright infringement intended

Ang awtoridad, naroon silang lahat upang kamkamin lahat ng pag-aari ng mga pinalayas. Mga 300
pamilya ang inagawan ng kanilang lupa, bahay, hayop, ani ng asukal at bigas. Wala kaming magawa.
Nagkalat ang mga guwardiya sibil, ginugulo ang lahat. Pati mga batang 12 taon ay pinabibili nila ng
sedula. Ang iyong nagmamahal na kapatid, Narcisa.”

Ipinatapon si Paciano kasama ng kanyang mga bayaw sa Mindoro. Nang mamatay ang bayaw
niyang si Mariano Herbosa, pinagkaitan ito ng Kristiyanong libing. Maging ang kanyang munting
pamangkin na namatay sa sakit ay balak ding pagkaitan ng libing. Matagal na ibinurol ang bangkay ng
bata habang hinihintay ang sagot ng arsobispo. Hindi mapanatag si Rizal, lalo na‟t totoong malaki ang
kinalaman niya sa protesta ng Calamba at sa pagkatha ng nobela. “Umapela na ang kapatid ko sa Korte
Suprema at kailangan kong pumunta sa España upang bantayan iyon o bumalik sa Pilipinas upang
masubaybayan ang mga pangyayari. Nanaisin ko pang mamatay para sa aking mga kababayan kaysa
mabuhay dito ng maginhawa.” Pero pinigil siya ng kanyang mga kamag-anak at kaibigan. Ano pa bang
magagawa niya sa Pilipinas kundi dagdagan ang kanilang pasakit?

Ang mga bagay na ito ang gumugulo sa isip ni Rizal nang mamalagi siya sa España. Kaya, hindi
kataka-taka na hindi niya gaanong natanganan ang mga sumunod na pangyayari.

Nagkaroon ng kaunting intriga sa pagitan nina Rizal at Del Pilar tungkol sa organisasyon at
pamamalakad ng gawain ng mga Filipino sa Madrid. Sinasabi na nagsimula lamang ito sa palagiang
pagpapayo ni Rizal tungkol sa pamamalakad ni Del Pilar ng La Solidaridad. Bukod pa rito ang madalas
niyang panunuligsa sa pagpapabaya at pambababae ng mga Filipino. Walang malisya ang mga payong
ito ni Rizal. Siya ang tinitingalang pasimuno ng mga makabayang manunulat at hinirang na pinunong-
pandangal ng La Solidaridad. Gayunman, nang bumalik siya sa España matapos ang mahabang panahon,
marami siyang ideya at pangarap para sa mga Filipino roon na inakala niyang hindi siya mahihirapan na
ipatupad. Hindi niya naisip na posibleng naliligaw siya sa teritoryo ni Del Pilar na kinikilala din ng lahat,
kasama na ni Rizal, bilang pangunahing tagapagsulong ng lahat ng gawaing pulitikal ng mga Filipino sa
Madrid mula nang umalis si Rizal.

Ayon kay Rizal, sinamantala ng kampo ni Del Pilar, lalo na ng dati niyang karibal na si Eduardo de
Lete, ang isang eleksiyon para sa pagkapinuno ng mga Filipino sa España upang hiyain siya. Inakala ni Rizal
na pormalidad lamang ang eleksiyon. Pero ilang ulit na hindi sumapat ang botong nakuha ni Rizal sa
napagkasunduang mayorya. Bagama‟t nanalo din siya pagkatapos ng ilan pang botohan, labis siyang
nasaktan. Ginawa man ni Del Pilar ang lahat upang aliwin si Rizal, lubha itong pinersonal ni Rizal na
lubhang nasugatan sa mga pangyayari. “Pero mayroon akong isang kahinaan. Marunong akong
magpatawad pero hirap akong makalimot. Kaya kung naaalala kong ikaw noon ang aking
tagapagtanggol, hindi ko rin malimot na ikaw ang unang taong ginamit nila upang patalsikin ako.”

Hindi pa man humuhupa ang kanyang poot, nakatanggap siya ng isang sulat mula kay Leonor
Rivera na taglay ang kamandag ng isa na namang kasawian. Wala na ang sulat na ito pero nalalabi pa
ang salaysay niya kay Blumentritt. “Ang aking kasintahan na nanatiling tapat sa akin ng higit sa 11 taon ay
magpapakasal na sa isang Ingles, isang inhinyero sa tren. Nang marinig ko ang balita, inakala kong
mababaliw ako pero nakalipas na „yon. Huwag mong pagtakhan na ipinagpalit niya ako sa isang Ingles na
nagngangalang Henry Kipping. Ang mga Ingles ay malaya; ako‟y hindi.” Nawaglit na sa kasaysayan ang
mga sulat nina Rizal at Leonor sa isa‟t isa. Ayon sa isang kwento, matagal na inilihim ng ina ni Leonor ang
mga sulat. Natuklasan lamang ni Leonor ang lahat nang malapit na siyang ikasal kay Kipping. Hindi niya
inurong ang kasal pero nagbigay ng ilang kondisyon: (1) dapat niyang makatabi ang kanyang ina sa

10
TRANSCRIPTION BY: Tabitha Alindogan Peña
No copyright infringement intended

simbahan, (2) hindi na siya kakanta habambuhay, at (3) habang panahong hindi patutugtugin ang kanilang
piano. “Tapos na marahil ang bagyo. Sisikat na ang araw dahil ang lahat, ang lahat-lahat, ay naglaho na.
Nawala na ang lahat sa amin. Nawala na ang lahat sa akin. At wala nang maaaring mawala. Siguro
nama‟y bubuti na ang mga bagay.”

Ganoon nga ang nadama niya nang magtungo siya sa Biarritz, isang maayang bayan sa France
malapit sa dagat. Biniyayaan siya ng panahon upang haluhin ang sarili, upang ayusin ang kanyang
ikalawang nobela, upang umibig nang muli. Umibig siya kay Nellie Boustead na sinusuyo ng kababayan
niyang si Antonio Luna. “Tinanong kita ng maraming beses kung may pagtingin ka Nellie. At sinabi mong
wala. Hinikayat mo pa nga akong ligawan siya.(Antonio)” Noong lumaon ay natanggap din ni Luna ang
mga bagay-bagay bagama‟t minsan nang malasing siya ay muntik na silang mag-duwelo ni Rizal. Nang
lumao‟y nagkabati rin ang dalawa at ipinaubaya ni Luna kay Rizal ang babae. Pero hindi maaaring
magpakasal si Rizal. Nakasangla ang puso niya sa kanyang mga gawain. “Marami sanang dalaga na
sana‟y nakapagbigay-liwanag sa aking buhay kahit isang araw man lamang. Subalit, wala, wala. Tulad
ako ng mga biyahero na dumadaan sa lugar na hitik sa bulaklak. Nilalampasan nila ito sa kaiisip na may
hinahanap silang kung ano na hindi nila mawari. Subalit paglaon, ang natatagpuan nila‟y pawang disyerto
at pagsisisi.”

Nagtungo si Rizal sa Belgium upang ipalimbag ang kanyang pangalawang nobela (El
Filibusterismo). Pero tulad ng dati, kinapos siya ng pondo. “Naisanla ko na lahat ng alahas ko. Tumitira ako
sa isang maliit na silid. Kumakain sa isang dukhang restawran para lamang maipalimbag ang aking libro.
Kung hindi lamang ako naniniwala na may natitira pang mabubuting Pilipino, iibigin ko pang lamunin ng
diablo ang lahat. Kay raming nangako na magbibigay ng salapi para sa libro. Ano bang akala nila sa akin?
Kung kalian pa kinakailangan ng isang tao na matahimik ang kanyang diwa at isip ay saka pa nila lilinlangin
at aabahin. Manaka-naka‟y naiisip ko tuloy na sunugin ang aking isinusulat at ako‟y lilisan upang
makapaghanapbuhay para sa aking sarili.” Pero tulad din ng dati, may kaibigan siyang Valentin Ventura na
nagpaluwal ng salapi para sa nobela.

Ang isa pa niyang kaibigang si Jose Basa ang nagpautang ng pamasahe patungong Hongkong.
Dito‟y muling nakatagpo ni Rizal ang kanyang pamilya.

Dapithapon at Dilim

Nang mabalitaan ng mga Español na pabalik na si Rizal sa Asya, minabuti nilang iliban si Paciano
at ang kanyang mga bayaw sa Jolo. Sa kabutihang palad, nakatakas sila at nakapuslit patungong Hong
Kong kasama si Don Kikoy. Sumunod na pinag-initan ang kawawang si Doña Lolay. Dinakip siya sa
balighong paratang ng hindi paggamit ng tamang apelyido. “Mula sa Maynila, pinaglakad siya ng 4 na
araw hanggang Sta. Cruz, Laguna. Isipin mo na lamang ang isang matandang babae na 64 anyos,
umaakyat ng bundok at naglalakad sa kalye.” Naawa ang gobernadorsilyo, pinawalan ang matanda. At
pagkaraa‟y pinahintulutang pumunta sa Hong Kong.

At sa isang maamong panahon ng biyaya, muling nagkasama ang mag-anak na Rizal upang
salubungin ang Bagong Taon. Nagbukas si Rizal ng klinika. Ang mga kapatid niyang babae ang
namamahala ng mga gawaing bahay. Masaya ang kanyang mga magulang, lalo na si Don Kikoy na laging
nakatanaw sa mga bapor sa dagat.

11
TRANSCRIPTION BY: Tabitha Alindogan Peña
No copyright infringement intended

Maligayang-maligaya na sana ang pamilya pero hindi mapalagay si Jose sa kapayapaan,


ngayong alam niyang napakaraming dapat gawin. Sinulat niya, inilimbag at ipinadala sa Maynila ang
konstitusyon ng isang samahang tinawag niyang Liga Filipina na naglalayong himukin ang mga Filipino na
magtulong-tulong upang gumawa ng mga kinakailangang pagbabago sa bayan.

Nagpunta din siya sa Sandakan, North Borneo na ngayo‟y Sabah sa pagnanasang magtayo ng
bayan-bayanang malilipatan ng mg Filipinong ipinatapon mula sa Calamba. Iniharap niya ang planong ito
sa bagong Gobernador-Heneral Despujol kasama ng paghingi ng pahintulot na bumalik upang ayusin ang
ilang personal na bagay. Pinahintulutan siyang bumalik pero walang ibinigay na garantiya sa kanyang
kalayaan. Ano‟t ano man, isa itong bagay na matagal na niyang napaghandaan. “Mga mahal kong
magulang at kapatid, maligaya kong isusugal ang aking buhay upang iligtas ang napakaraming inosenteng
tao. Mga giliw kong pamangkin, mga anak ng mga kaibigan na nagdurusa dahil sa akin, sino ba naman
ako? Isang tao lamang, walang mag-anak, tinatabangan na sa buhay. Umaasa ako na matutuwa ang
aking mga kaaway at ititigil na ang pagpapahirap sa mga inosente. Madilim ang aking kinabukasan. At
patuloy itong didilim kung hindi masisinagan ng liwanag ng bukang-liwayway sa aking tinubuang lupa.”

At nakita niya ang liwanag na „yon. Bagaman panandaliang nagpuspos ng kalungkutan nang
ipatapon siya sa malayong bayan ng Dapitan na nasa probinsiya ngayon ng Zamboanga del Norte. Tumira
si Rizal kasama ng komandanteng militar at ng kanyang maybahay na kapwa niyang nakagaanan ng
loob.Tumaya sila sa loterya (04441) ng magkabakas at nang manalo sila‟y pinaghatian ang premyo. Dahil
dito‟y nakabili si Rizal ng lupain sa dalampasigan ng Talisay sa halagang 18 piso. Noong una‟y isang kubo
lamang ang kanyang itinirik. Doo‟y nagpapalipas siya ng umaga‟t maghapon, nagbabasa, nagsusulat at
pagkataka‟y magbabalik na sa tahanan ng komandante.

Noong tumagal ay nagtayo siya ng klinika na bukas sa mayaman at mahirap at nagtatag ng maliit
na eskuwelahan. Dito‟y Europeo ang istilo ng pag-aaral. Itinuturo kasama ng wikang Español ang Ingles,
palakasan at mga kakayanan sa paghahanapbuhay. Hindi siya pinabayaan nina Blumentritt sampu ng mga
kaibigan nitong iskolar sa Europa. Lagi siyang nakakatanggap at sumusulat ng liham sa iba‟t ibang wika
tungkol sa iba‟t ibang bagay. Nariyan na iulat niya ang bagong species ng palaka at insekto na
ipinangalan naman ng mga Europeo sa kanya. Nariyang magpalitan sila ng mga kuro-kuro ni Blumentritt
tungkol sa wikang Tagalog. Dumating din ang panahon na pinayagang tumira kasama niya ang kanyang
ina at ilang kapatid na babae.

Gayunman, hindi maikakaila na inagaw si Rizal na nakagawian niyang buhay at ang tahanang
natagpuan niya rito ay walang iba kundi isang magandang hawla. Sa isang malungkot na tulang alay sa
kanyang ina, isinulat niya ang kanyang damdamin. “Ako‟y natapon sa kabatuhan ng bayan kong mutya.
Wasak na ang kinabukasan at tahanan may wala. Kaya‟t sana‟y magbalik dating pag-asa‟t adhika. Yaong
dalisay na pananalig ng tapat at musmos kong diwa. Na siya kong tanging yamang hindi nasasanla.”

Naibsan ang pangungulila ni Jose nang dumating si Josephine Bracken. Sinamahan ni Josephine sa
klinika ang kanyang nabubulag na ama-amahang si Mr. Taufer. Nahulog ang loob nila sa isa‟t isa. At
sinasabi na sa dalampasigan ipinagtapat ni Rizal ang nilalaman ng kanyang puso. “Josefina, Josefina,
naparito ka sa dalampasigan, naghahanap ng pugad, ng tahanan, tulad ng ligaw na ibon ng karagatan.
Sakaling dalhin ka ng iyong kapalaran sa Hapon, Tsina o Shanghai man, huwag sanang mawaglit sa „yong
isipan ang puso kong tumitibok na ikaw ang dahilan.” Bagama‟t tumutol si Mr. Taufer sa takot na
mawawalan siya ng tagapag-alaga, nagawa rin ni Josephine na dispatsahin ito sa Maynila at bumalik sa
Dapitan upang mamuhay kasama ng kanyang mangingibig na tinawag niyang Joe.

12
TRANSCRIPTION BY: Tabitha Alindogan Peña
No copyright infringement intended

Pinagkaitan sila ng kasal hangga‟t hindi pormal na nagbabalik-loob si Rizal sa simbahang Katoliko.
“Mahal kong ina, mabait siya, masunurin. Naglalaba siya, nananahi, nagluluto, pinaliliguan at nilalaro ang
kanyang mga pamangkin. Walang Filipinang makahihigit sa pag-aalagang ginagawa niya sa akin. Kasal
lamang ang kulang sa amin. Pero ikaw na rin ang nagsabi noon, Nanay, na mas mabuti pa ang mga
nagsasama sa grasiya ng Maykapal kaysa sa mga kasal na nagkakasalang mortal.” Gawin man ni Rizal
ang lahat ng paliwanag, ikinahiya ng ilang miyembro ng kanyang pamilya ang kanilang pagsasama. Ayon
kay Josephine, kung minsa‟y pinagduduldulan pa ito sa kanyang mukha sa harap ng kanilang mga
pamangkin. Gayunman, tiniis niya ang lahat ng pasaring.

Pero, sadyang mahirap takasan ang mga kamay ng kasaysayan. Tinanggihan man ni Rizal ang
plano ng mga Katipunero na itakas siya‟t gawing haligi ng himagsikan, hindi maikakaila na malaki ang
nagawa ng kanyang mga sinulat, ginawa at sinabi sa kamalayan ng mga taong nagpasyang makibaka.
Ang dahila‟y matagal na niyang itinakwil ang pulitika, matapos ang kapahiyaan sa Madrid, ang
pagkaudlot ng lahat ng kanyang plano upang bumangon muli sa Sandakan, at ang naunsiyaming
pagpapalaganap sa Liga Filipina. Pinili niya ang kapayapaan, ang buhay na sa wakas ay tahimik, ang
buhay na sa unang pagkakataon ay kanyang-kanya.

Sinunod niya ang payo ni Blumentritt na mag-boluntaryo bilang manggagamot sa Cuba sa ngalan
ng España upang mawakasan ang kanyang pagkakatapon at kalauna‟y makabalik sa kalayaan ng Europa.
“Nilisan namin ang Dapitan. Namalagi ako sa distritong „yon ng 4 na taon, 13 araw at ilan pang oras.”
Malayo na siya sa Pilipinas nang maibaba ang pasya na pabalikin siya sa Pilipinas upang humarap sa korte
sa paratang na rebelyon at pagbubuo ng mga ilegal na samahan.

Ipiniit siya sa Fort Santiago noong mga unang araw ng Nobyembre. Nilitis siya noong ika-26 ng
Disyembre. Pagkaraan ng 3 raw, binasa sa kanya ang hatol ng kamatayan. “Mga mahal kong magulang at
kapatid, gusto ko kayong makapiling bago ako mamatay. Pumunta rito ang mga malalakas ang loob. May
mahalaga akong bilin. Ang inyong anak at kapatid na taus-pusong umiibig sa inyo, Jose.”
Pinaka-unang dumalaw ang kanyang ina. Humingi si Rizal ng tawad para sa lahat ng paghihirap
na idinulot niya sa pamilya at hiniling na kunin nito ang kanyang bangkay. Gusto siyang yakapin ng
kanyang ina ngunit pinaghiwalay sila ng mga guwardiya sibil. Sumunod na dumalaw ang kanyang mga
kapatid na babae at mga pamangkin. Isa-isa niyang ipinamigay ang kanyang mga nalalabing gamit.
Ipinagbilin niya kay Trining ang isang lamparang inihandog sa kanya ng mga Pardo de Tavera. “There is
something inside,” ibinulong ni Rizal sa Ingles upang „di maunawaan ng mga guwardiya. Doon niya isiniksik
ang kanyang huling tula.

Sinulatan niya ang mga mahal sa buhay na hindi nakapag-paalam, ang kanyang matalik na
kaibigan na nagdadalamhati sa Europa. “Kapag natanggap mo ang liham na ito‟y pumanaw na ako.
Paalam, pinakamatalik, pinakamamahal kong kaibigan. May iniwan akong librong para sayo bilang ala-
ala mo sa akin.” Gayundin ang amang hindi pinahintulutang dumalaw. “Ipagpatawad ninyo ang sakit na
siya kong isinukli sa inyong mga pagsisikap upang mabigyan ako ng edukasyon. Paalam, Tatay, paalam.”
1/2
At ang butihing kapatid na malayo na noon sa larangan ng digma. “4 taon na tayong hindi nagkikita at
nagkakausap. Pero, hindi naman natin kailangan ng mga salita upang maunawaan ang isa‟t isa, hindi ba?
Masakit para sa akin na isiping iiwan kitang nag-iisa upang pasanin ang ating pamilya. Naiisip ko ang
iyong mga sakripisyo mabigyan lamang ako ng kinabukasan. Alam kong nagtiis ka ng napakaraming hirap
nang dahil sa akin. Patawarin mo sana ako. Ang iyong kapatid, Jose.”

13
TRANSCRIPTION BY: Tabitha Alindogan Peña
No copyright infringement intended

Disyembre 30, 1896, binaril si Rizal sa Bagumbayan. Ang kanyang huling sinabi bago siya barilin
ay “Consummatum est.” Nakabili ng kabaong ang pamilya Rizal pero ipinagkait sa kanila ang bangkay.
Inilibing ito ng lihim sa sementeryo ng Paco. Walang kabaong, walang pangalan.

14

You might also like