Kumusta ka na? Nitong mga nakaraang araw ay hindi ko mapigilan
na isipin ka. Alam kong mali. Alam kong hindi na dapat. Pero hindi ko maiwasan na mag-alala para sa iyo. Isang taon na din simula nung huli tayong nagkita at nakapagusap. Isang taon na din ang nakalipas simula ng maghiwalay tayo. Hindi ko rin alam kung bakit nais ko pa din na bigyan ka ng liham kahit malaki ang posibilidad na hindi ko ito maipadala sa iyo. Pero kung sakali man, nais kong ipaalam sa iyo na unti-unti ko ng natatanggap ang nangyari. Unti-unti ko ng natatanggap ang katotohanan. May sakit pa din akong nararamdaman kada naaalala ko ang nangyari. Hindi ko aakalain na mas pipiliin mo ang pumanig sa sakim na gobyerno at itapon ang lahat ng mga magagandang ala-ala natin. Hindi ko pa din kayang tignan ang paglubog ng araw sapagkat yung mga panahong sabay nating pinapanood iyon ang aking naaalala. Naaalala ko ang mga matatamis mong mga ngiti, ang pagkinang ng iyong mga mata na kasing liwanag ng mga bituin, ang iyong mga tawa na para bang musika sa aking pandinig. Tila ba minumulto ako ng iyong presensya sa tuwing pumupunta ako sa mga lugar na ating pinupuntahan. Pero sana, sa pamamagitan ng huling liham na ito ay magawa na kitang mapatawad at makalimutan. Sana, magawa ko ng tignan ang mga bituin at buwan ng walang pait na nararamdaman. At sana, sa susunod nating pagkikita ay kaya na kitang ngitian at tignan sa mata na walang nararamdaman na kahit anong sakit, kundi puro kasiyahan lamang. Pero sa ngayon, nais ko munang matutunang mahalin ang sarili ko muli. Gayunpaman, hangad ko pa din ang iyong kaligtasan at kalayaan.