You are on page 1of 2

Wikang Pambansa: Daan sa paglinang ng kaalaman

Neil John F. Catapang

Sa kasalukuyang panahon, kapansin-pansin ang pagbaba ng halaga ng ating Wikang Pambansa


kung ito’y ituring ng ating pamahalaan. Nanganganib na ang kalagayan ng ating wikang Filipino, bilang
ating Wikang Pambansa sa kasalukuyan, nang ito’y tanggalin ng Commision on Higher Education
(CHED) bilang isang mayor na asignatura sa kolehiyo sa pamamagitan ng CHED Memorandum Order
(CMO) No. 20, Series of 2013. Dahil dito, nagkaroon ng grupong tinatawag na Tanggol Wika na layuning
maibalik at maipaglaban ang Filipino bilang isang mayor na asignatura hindi lamang sa elementarya at
sekundarya ngunit sa tersiyaryong antas din ng paaralan. Kanilang isinasabi na ang CMO na ito ay
lumalabag sa Artikulo XIV, Seksyon 6 ng 1987 Konstitusyon na nagsasabing dapat simulan at
ipagpatuloy ng ating pamahalaan ang paggamit sa wikang Filipino bilang wikang pang-komunikasyon
at wikang panturo. Bagamat nilalayon ng CHED na mapabuti ang kalagayan ng ating edukasyon,
nalalagay naman ang ating wika sa mga bagay na hindi napagtutuunan ng mabuting pansin. Bilang
kaluluwa ng ating kultura, ang ating sariling wika ay kailangan nating mapaunlad kasabay ng paglinang
ng ating sistema ng edukasyon.
Maraming nagsasabi na mahirap gamitin ang wikang Filipino sa pagtuturo ng ilang mga
asignatura, lalo na sa mataas na paaralan. Marahil ito ay dahil sa mga konseptong ating nakuha at
nahiram lamang sa mga dayuhan, lalo na ang mga konseptong siyentipiko at matematika. Ngunit hindi
ito nangangahulugan na imposibleng magamit ang ating wika sa pagtuturo ng mga asignaturang ito.
Gamitin nating halimbawa ang pagtuturo ng agham. Sa ngayon, hindi pa gaanong kilala ang
bokabularyong Filipino ng mga terminong pang-agham sa mga Pilipino, tulad ng initsigan
(thermodynamics), kapnayan (chemistry), at sipnayan (mathematics). Isang paraan upang ito ay lubos na
makilala ay ang pagbibigay pansin ng ating pamahalaan, paaralan, at ng ating mga sarili sa kahalagahan
ng paggamit nito bilang wikang panturo. Ang pagpapatupad ng patakaran tungkol sa mandatoryong
paggamit ng wikang Filipino bilang wikang panturo sa agham, matematika, at iba pa sa mataas na
paaralan ay isang daan patungo sa intelektwalisasyon ng wikang Filipino. Ang hakbang na ito ay
umaabot ng napakahabang oras at dumadaan sa maraming proseso upang magawa nang maayos, subalit
isa itong epektibong paraan upang ating mapaunlad hindi lamang ang ating wika ngunit ang ating
sistema ng edukasyon din. Ayon sa pagsaliksik ni Kocakulah et al. sa bansang Turkey, nalaman nilang
mas malawak at mas angkop ang pagkakaintindi ng mga mag-aaral sa mga kahulugan ng mga
konseptong siyentipiko kung ito ay ituturo gamit ang kanilang katutubong wika kumpara sa kung ito ay
ituturo gamit ang dayuhang wika (21). Bagamat karamihan ng konseptong siyentipiko ay abstract,
naipakita ng pag-aaral na ito na nakatutulong ang paggamit ng kinalakihang wika upang ang mga ito ay
mas maunawaan. Dito natin makikita ang potensyal na kalamangan ng paggamit ng wikang Filipino sa
pagtuturo kumpara sa wikang Ingles.
Bukod dito, marami pang ibang modo ng pagtuturo ng isang konsepto o aral. Makatutulong ang
paggamit ng mga aktibidad na ipinapadaan sa iba’t-ibang midyum (tunog, biswal, galaw ng katawan, at
iba pa) upang mas lumawak ang pagkakaintindi ng bawat mag-aaral. Sa mga ganitong aktibidad, mas
epektibo ang paggamit ng wikang Filipino bilang wikang pang-komunikasyon at wikang panturo dahil
dito malilinaw ang pagkakaugnay ng konsepto ng asignatura sa tunay na buhay o pang araw-araw na
buhay, lalo na’t ang wikang Filipino ang ating ginagamit sa ating pang araw-araw na buhay.
Nakita natin na hindi kailangang masakripisyo o mapabayaan ang wikang Filipino sa
pagpapaunlad ng ating sistema ng edukasyon. Sa halip, napatunayan natin na ang pagpapaunlad ng
wikang Filipino ay makatutulong din sa pagpapaunlad nito. Dito makikita ang kahalagahan ng Filipino
para sa ating mga buhay at sa ating edukasyon.
Works Cited

Kocakülah, S. et al. “The effect of teaching in native and foreign language on students' conceptual

understanding in science courses.” Asia-Pacific Forum on Science Learning and Teaching, vol. 6, no.

2, 2005.

You might also like