Ang Ibong Adarna ay isang korido na isinulat noong panahon ng Espanyol na
ngayon ay bahagi na ng Panitikan at Mitolohiyang Pilipino. Noong panahon ng
pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas, kilala ito sa pamagat na Korrido at Buhay na Pinagdaanan ng Tatlóng Prinsipeng Magkakapatid na anak nang Haring Fernando at nang Reyna Valeriana sa Kahariang Berbany. May mala-epikong istilo ng pagkakasalaysay ang Ibong Adarna na tumatalakay sa kabayanihan, pag-ibig at kababalaghan. Nakasentro ang kuwento sa Adarna, isang ibon na nagtataglay ng mahiwagang kapangyarihan na nakapagpapagaling ng anumang karamdaman sa sandaling umawit at marinig ang tinig nito. Umiikot din ang kuwento sa pakikipagsapalaran ni Don Juan, isang prinsipe ng Kahariang Berbanya sa kanyang paghahanap sa Ibong Adarna, paglalagalag sa iba't ibang lupain at pakikipag- ibigan kina Donya Maria Blanca at Donya Leonora. May ilang mga kritiko ang nagsasabing maaaring ang sumulat ng Ibong Adarna ay si Jose de la Cruz o kilala sa tawag na Huseng Sisiw.