You are on page 1of 2

Sa Puso Ng Isang Ina (OFW Kuwento Ng Buhay)

January 2, 2013 cluelezz417


Isa po sa aking naging matalik na kaibigan sa maikling panahon ang nagbahagi ng
kanyang kuwento. Matapos niyang basahin ang ilan sa aking mga nabahagi ay nasumpungan na
lamang niya ang kanyang sarili na isinusulat at ibinabahagi ang buod ng kanyang kasaysayan
bilang isang OFW.
Sa puso ng isang ina, ang kanyang kuwento:
Maraming taon na ang lumipas, sa liblib at malabunduking nayon na napaliligiran ng
malawak na bukirin. Dito nakatirik ang aming munting tahanan na gawa ng kawayan, kahoy at
talahib. Saksi ang aming karukhaan sa buhay na tanging bukid at pamimingwit sa batis ang
aming pinagkukunan ng makakain. Sa sipag at tiyaga, nagtatanim kami ng aking mahal na asawa
ng sari-saring gulay sa paligid. May baboy, manok at pato din kaming alaga. Nabiyayaan kami
ng apat na supling. Mahirap man kami, mayaman naman sa pagkakaisa, pagmamahalan, pag-
uunawaan at higit sa lahat, pananampalataya sa Panginoon. Naging maligaya kami. Bagamat
hindi maiiwasan ang kaunting tampuhan sa pagitan namin ng aking asawa. Bago matulog,
sinisikap naman namin na maaayos ang gusot at hindi pinaaabot ng umaga. Napakabait,
mapagmahal at ulirang asawa at ama sa apat kong mga anak.
Ngunit sadyang napakalupit ang kapalaran. Binawian sya ng buhay pagkatapos maidaos
ang ikalawang kaarawan ng aking bunso.Sa mga sandaling ito, halos bumagsak ang mundo sa
harapan ko. Kulang na lamang na mabaliw ako sa tindi ng dalamhating bumabalot sa buo kong
pagkatao. Durog na durog ang aking puso. Nanghina ang aking mga kalamnan. Hungkag ang
aking isipan. Diwa ko’y tulala at walang sigla.Iniwan kami ng aking asawa sa gitna ng
masalimuot at walang katulad na kahirapan. Habang nakatingin ako sa aking mga anak, lalong
nararamdaman ko ang sakit at nagdurugo ang aking puso. Buong pagsuyong niyakap ko sila at
nangako ako sa aking sarili na gagawin ko ang lahat para mabibigyan ko ng mabutng
kinabukasan ang aking mga anak. Sa murang edad, hindi mauunawaan ng aking mga anak ang
aking hangarin na mapalayo sa kanila. Kinausap ko ang aking panganay na sampung taong
gulang lamang noon. Tagos sa puso ko ang binitawan niyang mga salita.
“Mamang, wala na si Papang, pati ba naman ikaw, iiwan mo rin kami? Sino ang titingin sa
amin? Hindi ka ba naaawa sa amin?”
Napipi ako! Niyakap ko siya nang mahigpit at sabay kaming umiiyak. Larawan ng pangungulila
at kawalan ng pader sa tahanan. Hindi ko alam kung paano hahakbang. Halos madapa na ako!
Sumigaw ako habang nakayakap sa puntod ng aking asawa. “Bakit mo kami iniwan? Anong
gagawin ko, hirap na hirap na ako.” Walang patid ang aking hagulgol hanggang maramdaman
ko ang unti-unting pagpatak ng ulan na bumasa sa walang sigla kong katawan. Dahil kailangan
kong magpakatatag, buong tapang kong hinarap ang matinding pagsubok na nakaatang sa aking
harapan. Sinubukan kong mag-apply sa opisina ng Mayor sa aming bayan. Kahit hindi ko
natapos ang kurso ko, tinanggap naman ako. Nakatulong sa akin ang mataas na grado ko sa
unibersidad. Lumalaki ang aking mga anak at kasabay ang malaking gugugulin sa pag-aaral at
pang araw-araw na pangangailangan. Sadyang napakahirap ang tungkuling ama at ina nang
sabay. May bukid ngunit walang nag-aasikaso dahil lahat sila ay nag-aaral. Hindi kalakihan ang
aking sahod sa DSWD bilang Social Worker. Nagdesisyon akong magresign at mag-aabroad na
lamang. Halos hindi tinanggap ang aking resignation, pero nang ipinaliwanag ko ang lahat ay
naunawaan din ako. Para makapag-umpisa sa pag-aapply, isinanla ko ang bukid at ito ang
ginamit ko sa pag- aapply. Pinalad naman akong makaalis. Sa KSA ako napadpad. Bago ako
umalis, ipinagbilin ko ang mga anak ko sa aking mga biyenan, bayaw at hipag. Naranasan ng
aking mga anak ang sapilitang pagtatrabaho bago pumasok sa eskuwela. Buwan-buwan akong
nagpapadala ng gastusin nila . Ang masakit at halos hindi ko matanggap ay ang pang-aalila nila
sa aking mga anak. Sa financial hindi ko sila pinababayaan. Ang pagkukulang ko ay moral
support at haplos sa puso ng isang ina na uhaw din na mayakap at mahagkan ang mga mahal na
anak. Hindi mailarawan ang sakripisyong dinadala ko para lamang sa aking mga anak. Araw at
gabi, umiiyak ako. Homesick at pangungulila ang naging kalaban ko. Ngunit may pangarap ako
para sa aking mga anak.
Sa awa ng Diyos, hindi hadlang ang pagkamatay ng ama nila upang makapagpatuloy sa
pag-aaral. Walang patid ang aking komunikasyon. Hanggang sa nakatapos ang panganay ko ng 4
year course. Mag-aabroad naman ang pangalawa. Dalawa pa ang pinapaaral ko. Hindi ko akalain
na malalampasan ko ang krus na nakapasan sa aking balikat. Nang dahil sa pangarap para sa mga
anak, isinantabi ko ang aking sariling kaligayahan. Buong buhay ko ay inilaan ko sa aking mga
mahal na anak. Ito ang makulay kong kasaysayan bilang isang OFW.

https://definitelyfilipino.com/blog/sa-puso-ng-isang-ina-ofw-kuwento-ng-buhay/

You might also like