You are on page 1of 11

Sofia

February 17, 2008

S
“ ofia! Aba’y bilisan mo nga ang kilos at tanghali na! Ano pa aabutan natin sa palengke
nyan kung ganyan ang kilos mo!”, galit na sinigaw ni Tyang Diding habang nakapamewang sa
labas ng gate at nagpapapresko gamit ng portable electric fan sa kanyang kaliwang kamay na
punong puno ng alahas. Humahangos pababa ang isang dalagita na halos hindi pa naayos ang
kanyang pinong buhok. “Ito na po Tiya Diding! May dinagdag lang po ako sa mga dalahin natin.
Pasensya na po.”, winika ni Sofia. Pagkalapit ng dalagita sa matanda ay agad itong nakapag-
almusal ng pingot sa tainga at sigaw kahit halos isang ruler lang ang layo nila sa isa’t isa.

Ganito na halos ang takbo ng umaga ni Sofia. Gigising at imbes na lamnan ang tiyan,
mag aalmusal muna ng sermon mula sa Tyang Diding niya. Hindi na niya nakilala ang kaniyang
mga magulang dahil ang kaniyang ina ay pumanaw sa panganganak sa kanya at ang kanyang
ama, na ayon sa Tyang Diding niya, ay isang Amerikanong sundalong nakabase sa Olongapo ng
mga panahon na iyon. Hindi man niya natikman ang pagmamahal ng isang ina, naranasan naman
niya ang tamis ng pagkalinga ng isang lola sa piling ng Mamay Helen niya. Ngunit sa edad
niyang sampung taong gulang, sumakabilang buhay ang lola niya at dahil dito, napilitan siyang
manirahan sa tiyahin niyang si Diding, ang nag iisang kapatid ng ina niya.

Nauna ng naglakad papunta sa terminal ng tricycle ang kaniyang Tyang Diding na parang
walang kasamang nilalang sa likod niya. Walang magawa ang pobreng bata kundi ang bilisan din
ang lakad upang makahabol sa tiyahin nito. Sa edad na labing tatlo, hindi maitatanggi na siya ay
matangkad para sa gulang niya, dahil na rin siguro sa lahi ng kanyang ama. Hindi rin makukubli
ang hazelnut brown na mga mata nito at pinong medyo maalon na buhok na mukhang namana
niya mula sa kanyang ina. Para siyang isang prinsesa sa unang tingin, pero sa piling ng kaniyang
tiyahin, mukhang malayo sa isang prinsesa ang buhay niya. Ngunit hindi ito naging hadlang
upang mawala ang busilak na puso ng dalagita.

“Good morning Kuya Oscar! Kamusta naman ang biyahe mo?”, bati ni Sofia sa driver habang
nakaangkas sa likod nito. “Ayos naman ako hija at kakasimula lang ng biyahe ko. Salamat sa
pagbati”, nakangiting tugon ng driver. Kilala na halos sa buong subdivision si Sofia hindi lang
dahil sa ganda nito kundi sa pagiging masiyahin at pagiging mabuti nito. Isa lalagpas ang isang
araw na hindi babati si Sofia sa halos sa lahat ng kapitbahay nito. Ito kasi ang turo ng kanyang
Mamay Helen sa kaniya – na huwag maging maramot sa ngiti na maari mong maibigay sa isang
tao.
Pagdating sa palengke, agad silang nagtungo sa pwesto na lagi nilang binibilhan ng mga karne.
“Beth, isang kilong baka at dalawang kilong baboy. Samahan mo narin ng dalawang kilong
manok at isang kilong tilapia! Gusto ko yung fresh ah! Kasing sariwa ko!”. Pabirong sabi ni
Tyang Diding sa tinderang si Aling Beth. Tumawa nalang ang tindera habang naghihiwa ng
baboy para timbangin. Inutusan ni Tyang Diding si Sofia na bumili ng mga gulay at kaunting
prutas sa hindi malayong pwesto mula kina Aling Beth. Ito an gang pwesto ng kumara nitong si
Choleng. Agad na sumunod si Sofia dahil na rin siguro sa takot na dulot sa kanya ng bawat utos
ng tiyahin niya. Naging ugali na kasi ni Tyang Diding ang pagalitan at paminsan-minsan
pagbuhatan ng kamay ang dalagita kahit nasa pampublikong lugar ang mga ito.

Pagdating ni Sofia sa pwesto ng mga prutas at gulay, agad niyang nakita si Niko, kaklase
ni Sofia at itinuturing na ring isa sa mga matalik na kaibigan ng dalagita. “Piaya! Hulaan ko kung
ano ang bibilhin mo!” Bungad na bati ng binate kay Sofia. “Sige nga Niko Matsing! Ano bibilhin
ko? Pag nagkamali ka, pitik sa tenga ah!”, sabi ni Sofia.

“Isang kilong manga para panghimagas ng tiyahin mong hilaw, dalawang pipino para
naman sa pinsan mong gandang ganda sa sarili niya, isang buong repolyo para sa nilagang baka
na ulam niyo ngayong tanghalian, dalawang balot ng munggo para sa walang kamatayan niyong
ulam tuwing Biyernes at ang pinaka huli…”

“Dalawang kilong kamatis para sa porselanang kutis!” Sabay na sambit ng magkaibigan


sabay nag-apir kakatawa.

Ganito lubos na kilala ni Niko si Sofia, o kung tawagin niya ay Piaya dahil sa payat na
katawan ng dalagita. Siya ang unang naging kaibigan nito sa eskweluhan at pati na rin sa
subdivision nila. Bagama’t labing apat na taong gulang, matangkad si Niko para sa edad niya.
Moreno at may hubog ang katawan dala na rin siguro sa araw-araw na pagbubuhat ng mga
binabagsak na gulay at prutas sa estante nila. Mukha man sanggano sa unang tingin, lubos na
palabati ang binata at kilala sa lugar nila na palabiro.

“O siya! Tama ka na! Ano pang hinihintay mo? Aba’y pagbentahan mo na ako bago pa
magbago isip ko” Pabirong sambit ni Sofia kay Niko. Dali-daling kinilo ni Niko ang mga prutas
at gulay na kelangan ng kaibigan niya at pagkatanggap ng bayad ay agad nitong sinuklian.
Mabilis ang utak ni Niko pagdating sa Math. Isa siya sa pinakamagaling sa eskwela nila,
samantalang English naman ang forte ni Sofia.

“Nga pala Piaya, tulungan mo ko sa book report natin kay Miss Saison, pasahan na yun
by next week. Romeo and Juliet yung sa akin eh. Yung iyo ba?”, tanong ng binata kay Sofia.

“I am torn between Pride and Prejudice at tsaka Secret Garden eh! Pero sige, gawan kita
kahit plot nun tapos ikaw na bahala sa iba ah! Baka mahalata ni Miss Saison na bigla kang
gumaling sa English just a matter of three days!”.
“Yabang ah! Sige wag kang papatulong sa akin sa Geometry ah lalo na’t alam kong hirap
ka sa proving”.

“Ito talaga hindi mabiro! O siya sige, baka hinihintay na ako ni Tyang Diding sa bungad.
Takits nalang bukas sa school!”.

Sigaw ang sumalubong sa dalaga paglapit nito sa tiyahin niya. “Ano? Humarot ka
nanaman ba sa estante nila Mareng Choleng? Inutusan lang kitang bumili ng prutas at gulay,
inabot ka na ng syam siyam!”. Sambit ng dalaga, “Hindi Tyan Diding, kinausap lang ako ni Niko
tungkol dun sa book report namin. Pasahan na po kasi next week”.

“Saws! Nagpalusot nanaman ang babae! O siya bitbitin mo na ito at pagkauwi iluto mo
na agad ung nilagang baka. Alam mo naman na paborito yun ni Sabrina kaya sarapan mo, kundi
tutuktukan kita ng sandok!”

Naunang naglakad ang matanda at sa likod nito ay si Sofia na napakamot nalang ng ulo
habang iniisip nito kung paano tatapusin ang book report nito habang nakaambang ang lahat ng
utos ng tiyahin niya sa kanya buong maghapon.
Prinsipe Nicolo at Amara
Marso 23, 1588

“Viva el Rey David, la Reina Isabel y Principe Nicolo del Reino de los
Villalobos!”(“Mabuhay si Haring David, si Reyna Isabel at Prinsipe Nicolo ng kaharian ng
Villalobos!”)

Makulay ang barangay na nasasakupan nila Rajah Makusog at Lakambini Amara. Lubos
ang galak ng mag asawa dahil hindi lamang ang unang kaarawan ng kaisa isa nilang anak na si
Binibini Mayumi ang pinagdiriwang kundi na rin ang pagtitibay ng samahan ng kaharian ng
Villalobos at ng barangay ng rajah.

Kilalang mabuting rajah si Makusog, ngunit taliwas ito sa ugali ng prinsesa na si Amara.
Ganid at mapangmataas si Amara, dahil na rin ito sa kinalakihan mga magulang na hindi lamang
mayaman at may katayuan sa nasasakupan nito, kundi dahil na rin sa sila ay kinatatakutan
sapagkat may kakayahan silang gumamit ng mahikang itim. Naging magkatipan sila Makusog at
Amara dahil sa bantang sumpa mula sa mga magulang ng maharlikang ganid kung hindi sila
mag-iisang dibdib. Nagbunga ang kanilang pilit na pag-iisang dibdib ng isang sanggol na si
Mayumi.

Sinalubong ng mag asawa ang magarang galyon na sinasakyan ng hari at reyna ng


kaharian ng Villalobos. Ngayon isasakatuparan ang pagtitibay ng samahan ng dalawang kaharian
sa pamamagitan ng pagkakasundong kasal nila Prinsipe Nicolo at Mayumi.

Dalawang taong gulang pa lang si Prinsipe Nicolo ng mga panahon na iyon. Tila isang
anghel mula sa langit ang amo ng mukha ng batang prinsipe dahil sa kutis nitong parang
porselana. Ang mga mata nitong kayumanggi na tilang tinunaw na tsokolate at matangos na
ilong ang nagpaganda pa ng mukha ng dugong bughaw na batang lalaki.

Pagdaong ng galyon ay agad na nagbigay pugay ang bawat pangkat para sa isa pa. Agad
nagtungo sa kamalig ng bahay kubo ni Rajah Makusog ang dalawang hari para sa sanduguan na
siyang magpapasimula ng kasiyahan ng buong barangay. Ito ang tradisyunal na paraan ng mga
Pilipino upang pagtibayin ang kasunduan ng dalawang pangkat pagkat naniniwala sila na
anuman ang pinagtibay ng dugo ay sagrado at hindi maaring mabali.

Matapos iyon ay nagtungo na ang dalawang hari sa babayin kung saan gaganapin ang
kasiyahan at ang anunsiyo ukol sa pag iisang dibdib nila Prinsipe Nicolo at Binibini Mayumi.
Agad ibinalita ng umalohokan ang balita ng naganap na kasunduan na siya namang ikinasiya ng
buong barangay. Higit kanino man, si Amara ang pinakamaligaya sa balita dahil mas
mapapalawig ng kasunduan ang soberanya niya hindi lang bilang isang Lakambini, kundi bilang
isang reyna ng isang estadong pinagtibay ng Espanya.

Upang makasiguro sa kasunduan, agad nagtungo si Amara sa kamalig kung saan


nakatago ang balaraw na ginamit ng dalawang hari para sa sanduguan. Hinanap niya ang balaraw
upang lagyan ito ng inkantasyon upang anuman ang mangyari ay magaganap ang kasunduan at
walang anuman o sinuman ang makakabali nito.

Natagpuan ni Amara ang balaraw na nakakubli sa loob ng isang banga na yari sa pilak na
isang regalo mula kina Haring David. Agad ipinikit ni Amara ang mga mata ang nagsimula sa
kanyang inkantasyon.

Lingid sa kaalaman ni Amara ay sinundan siya ni Reyna Isabel, na siyang may matagal
ng masamang kutob sa lakambini. Nakita mismo ng dalawang mata ng reyna kung paano lagyan
ng orasyon ni Amara ang balaraw. Bagama’t hindi maintindihan ni Reyna Isabel ang mga
sinasambit ni Amara, nararamdaman nito ang hindi magandang mangayayari. Kumuha ng bato
ang reyna at agad inihagis iyon patungo sa lakambini upang maantala nito ang ginagawang
orasyon.

Nakita ni Amara si Reyna Isabel, dahilan para mabatid na ang reyna ang bumato sa
kanya. Tumakbo palayo ang reyna upang magtungo sa piging para ipabatid ang nakita nito sa
asawang hari niya.

“Ninguin acuerdo sa llevara a cabo! No quiero interactuar con los demonios!” (“Wala ng
kasunduang magaganap! Ayaw ko makihalubilo sa mga kampon ng demonyo!”), agad na sigaw
ni Haring David nang malaman nito ang nakita ng reyna sa kamalig ng kubo ng rajah. Agad
sinabi ng reyna sa umalohokan na ipabatid sa barangay na hindi na kailanman
makikipagkalakalan ang Villalobos sa kanila dahil sa nakitang kababalaghan nito. Kristiyano ang
mga ito kaya naniniwala sila na hindi marapat na makipagkasunduan ang dilim sa liwanag.

Nang makarating si Amara sa dalampasigan kung saan naroon halos lahat ng


mamamayan ng barangay at ang pangkat ng hari. Buo na ang loob ng hari na umalis patungong
Maynila upang doon muna mamalagi bago maglayag patungong Espanya. Mukhang wala ng
sino man ang makakapigil sa hari.

“Maari pa naman natin pag-usapan ito. Taliwas sa iniisip ninyo ang ginawa ko. Para ito
sa ikabubuti ng kaharian ninyo at ng barangay naming”, pagsisinungaling ng lakambini. Ngunit
hindi ito napigilan ang pangkat ng hari na umalis palayo ng barangay. Tinangkang habulin ni
Amara ang hari at reyna, ngunit ito ay nadapa dahil sa isang lamparang yari sa ginto at
diyamante na tila isa pang handog ng mga taga Villalobos sa pamilya ng rajah. Wala ng nagawa
ang lakambini kung hindi ang tumangis at magtanim ng poot dahil sa nangyari.
Agad tumindig ang lakambini at sumigaw habang nakatingala sa kalangitan na
nagsisimulang dumilim.

“Isinasamo ko sa lahat ng mga diyos at mga diyosa na naghahari sa mundong ilalim! At


sampu ng aking mga ninuno! Nais kong gawin niyong makatotohanan ang aking mga
sasambiting inkantasyon!”. Labis ang kadiliman ng langit at nagsimulang kumidlat at lumakas
ang hangin, dahilan upang magkaroon ng malalaking alon sa dagat. Kinuha ng galit na lakambini
ang magarang lampara upang dito isalin ang malakas na itim na mahika na kanyang gagawin.
“Isang sagradong kasunduan ang binali ng mga dayuhan sa aming lupang hinirang! Marapat
lamang na patawan sila ng isang sumpang walang sino man ang makakawasak!”. Sinugatan niya
ang kanyang palad upang gawing matibay ang sumpa na tanging dugo lang niya ang makakabali.
Agad nagtungo ang atensyon niya sa prinsipe na siyang simbolo dapat ng pagpapatibay ng
samahan ng Villalobos at ng barangay. “Ang itinatangi niyang prinsipe ang siyang dapat na
magtatakda ng samahan ng dalawang kaharian! Kung gayon, isinusumpa ko na sa oras na itapak
ng prinsipe ang kanyang mga paa sa lupa ng Espanya, agad itong maglalaho at makukulong sa
gintong lamparang handog nila sa amin. Dadalhin ang lamparang ito patungo sa makabagong
panahon hanggang sa makarating ito sa aking lupang hinirang, hudyat ng pagkawala ng prinsipe
bilang isang paslit!”.

Batid ni Amara na ang lahat ng sumpa ay may kapalit. Dahil dito, agad niyang binuwis
ang kanyang buhay at tuluyang pumanaw. Napawi ang madilim na mga ulap naging kalmado
ang kalangitan at pati na rin ang karagatan. Kalakip man ay kaba dahil kahit hindi naintindihan
ng hari at reyna ang sumpa ng reyna, batid nilang hindi ito makakabuti sa kanilang buhay, lalo na
ng prinsipe.
Sofia at Niko
Sa awa ng Diyos ay natapos ni Sofia ang kanyang book report pati na rin ang plot para
naman kay Niko. Ito ay sa kabila ng kaliwa’t kanang utos ng tiyahin niya noong Linggo. Hindi
ito naging hadlang upang tapusin ni Sofia lahat ng Gawain niya bilang isang estudyante at,
masakit man isipin, atsay sa bahay ng mismong tiyahin niya.

Lunes ng umaga at agad naghanda ng agahan para kina Tyang Diding at Sabrina si Sofia.
Yun kasi ang isa sa mga gintong utos ng mapagmalabis na tiyahin nito sa kanya – na bago
unahin ni Sofia ang sarili niya, unahin niya muna ang mag-ina. Nagluto ito ng pritong hotdog at
sunny side up egg. At ininit na lang ni Sofia ang tirang nilaga kahapon para sa ulam niya at
nagtimpla ng hot chocolate upang maghanda sa pagpasok.

Paglabas ni Sofia, agad ay may sumigaw sa likod niya. Hindi ito sigaw ng Tyang Diding
niya kundi sigaw ni Nico. “Piaya! Sabay na tayo! Angkas ka na para fresh ka pa rin pagdating sa
school!”, bati ni Nico sa dalaga. “Naku! Sige sige! Tamang tama at wala na akong pera eh.”,
sagot naman ni Sofia na may halong matamis na ngiti. Batid talaga ng dalawa kung kalian nila
kailangan ang isa’t isa. Tila may sinulid na nakatali sa utak nila na nakakonekta sa bawat isa.
Halos alas sais na sila nakarating at may halos isang oras pa sila para sa flag ceremony.

“Students! I need to see today at least the plot of your book report! When I call your name,
submit to me your plot and let’s see if it needs improvement or there’s no room for improvement
at all!”, bungad na bati Miss Saison sa mga estudyante niya ng II – Aristotle kung saan kabilang
sila Sofia at Niko. Kampante ang dalawa dahil labis ang galing ni Sofia pag English subject na
ang usapan. Kayang kaya gumawa ng essay ni Sofia sa lob lamang ng labinlimang minute,
kasama na dito ang proof reading.

“Niko Gerald Alcantara!”, tawag ni Miss Saison sa binata. With full of confidence, agad
tumayo si Niko at ibinigay ang plot ng book report niya hango sa libro ni William Shakespeare
na Romeo and Juliet. Binasa ni Miss Saison ang plot. Ngumiti ang guro at sabay sambit, “Looks
like you still have a room for improvement Mr. Alcantara. May mabuting nadudulot sayo ang
pagsama sama mo sa kaibigan mong si Miss Salonga.” Puri ni Miss Saison kay Niko.

“Naku, salamat Miss Saison, sobrang gaan talaga ng pakiram…”

“I don’t remember giving you permission to speak in vernacular inside this room while I
am here Mr. Alcantara”, antala ni Miss Saison sa binata. English Only Please policy ang unang
unang batas ni Miss Saison pagdating sa asignatura niya. Naniniwala kasi siya na: For effective
English mastery, you should not only think English; you must speak and feel English. Hindi lang
ito ang batas niya sa loob ng silid kundi: I am the only one who can bend my rules. Not until you
pass my subject, you don’t even dare to speak in vernacular inside this room.

Tumahimik na lamang ang binata dahil hindi naman siya ganun kagaling pagdating sa
pagsasalita ng ingles. Iniabot ni Miss Saison ang plot kay Niko at nang tatalikod na sana si Niko
upang bumalik sa upuan niya, pinigilan siya ng guro. “Actually, bagay kayo ni Sofia. Sana
paghanda na kayo when it comes to love sana maging kayo.”, pabulong na sabi ng guro kay
Niko. Namula agad si Niko pero alam niyang kaibigan lang ang turing ni Sofia sa kanya.

Matagal ng may gusto ang binata kay Sofia. Sa pagkakatanda niya noong Grade 2 palang
ay gusto na niya si Sofia. Dahil na rin siguro sa pagiging malapit nila at dagdag na dito ang
angking ganda ng dalaga. Hindi naman talaga maitatanggi na bagay silang dalawa dahil makisig
naman na lalaki si Niko. Marami rin nagkakagusto sa binata sa paaralan nila, ngunit hindi
kailanman nabaling ang atensyon nito sa iba liban kay Sofia lamang. Pero tulad ng ibang lalaki,
mahina ang loob ng binata at iniisip nito na masyado pa silang bata para sa ganung usapan.

Nakabalik na sa kinauupuan niya si Niko at agad siyang kinurot ng marahan sa braso ni


Sofia. “Ano? Puring puri ka ni Miss Saison no kaya ka namumula?”, bungad ni Sofia.

“Naku, hindi no. Tsaka wag ka ngang maingay. Marinig tayo ni Miss Saison”.

“Eh ano nga? Bakit ka namumula jan?”

“Wala nga.”

“Isa…”

“Sinabi ngang wala eh”

Napalakas ang sabi ni Niko nito, sapat marinig sila ni Miss Saison na kaunti lang ang
layo mula sa kanila. Tiningnan ng matalim ng guro ang dalawa, hudyat para tumahimik sila.
Agad tumingin sa malayo sa Sofia, ngunit si Niko ay nakatingin pa rin sa guro niya. Akala nito
ay galit pa rin ang guro, ngunit sa gulat nito ay bigla itong ngumiti na tilang tinutukso nito ang
binata sa dalagang katabi nito. Mukhang batid na ng guro na may crush si Niko kay Sofia. Agad
yumuko si Niko sa sobrang hiya.

Habang nakayuko si Niko, naglalaro pa rin sa isip niya ang sinabi ng guro sa kanya.
Hindi niya kung maglalakas na siya ng loob na magsabi ng nararamdaman nito sa dalaga.

“Sofia! Bilisan mo magbihis at magsaing ka na!”, utos ng Tyang Diding nito sa dalaga pagdating
na pagdating. 5:30PM kung matapos ang klase ni Sofia dahil kabilang nga ito sa star section,
dahilan para may mga advanced subjects ito. Halos kakatapak lang ng mga paa nito sa bahay ay
utos agad ang bumungad sa kanya. Mabuti na lang ang pinsan nito na si Sabrina ay hindi
nagmana sa ina nito. “Sige akyat ka na Sofia tapos ako na lang magsasaing. Just make sure na
nakababa ka na after 3 minutes tapos upo ka lang sa sofa para kunwari ikaw ung nagsaing.”

Isang biyaya galing sa langit ang turing ni Sofia sa pinsan nito na si Sabrina. Taliwas sa
ugali ni Tyang Diding, mabait si Sabrina at maunawain. Takot lang sa ina nito kaya hindi siya
makapagsalita kapag nagmamalabis ito sa pinsan niya. Mahigpit na bilin ni Tyang Diding na
kapag nasa bahay na si Sofia, hindi na gagalaw ng gawaing bahay si Sabrina. Ngunit pag
nakakatiyempo, tumutulong si Sabrina sa pinsan kahit paano tulad ng pagsasalansan ng pinggan
matapos maghugas o pagsasaing.

Matalino rin sa English si Sabrina. Pareho sila ng paboritong subject ni Sofia, kaya lalo
sila naging malapit sa isa’t isa.

Umakyat na nga si Sofia sa kwarto niya at nagbihis, at tulad ng bilin ni Sabrina, binilisan
niya ang bihis at agad bumaba para palabasin na siya ang nagsaing. Buti na lang at hindi sila
nahuli ng tiyahin niya, na nasa patio lang para magpahangin.

Nang maluto ang sinaing nito ay agad nagluto si Sofia ng hapunan nila. Pagkaluto ng
adobo ay naghapag na ng pagkainan si Sofia sa mesa at agad niyang niyaya ang tiyahin at si
Sabrina. Agad bumaba si Sabrina upang kahit paano makatulong kay Sofia, ngunit naabutan siya
ng ina. “Anong ginagawa mo Sabrina? Hayaan mong si Sofia gumawa niyan. Aba, yan na nga
lang naitutulong niya sa bahay na ito no!”. Walang nagawa ang dalaga kundi sundin ang ina.
Ngumiti nalang si Sofia sa pinsan upang ipakita na ayos lang siya. “Hoy Sofia, tandaan mo ang
bilin ko na ayaw na ayaw kong gagalaw si Sabrina sa bahay para gawin ang lahat ng gawain dito.
Tandaan mo, yan lang ang ambag mo sa bahay ko! Kung hindi dahil sa amin siguro nasa
lansangan ka na. Kung sa lola mo ay buhay prinsesa ka, pwes dito hindi!”, galit na sabi ng
tiyahin nito sa dalaga.

Galit man sa narinig ay wala ng nagawa si Sofia kundi yumuko at magpatuloy sa gawain.

Matapos kumain ay naghugas agad si Sofia ng mga pinagkainan at umakyat sa silid nito
upang magpahinga. Magsasara na ng pinto si Sofia ng bigla siyang tawagin ni Sabrina. “Pag
pasensyahan mo na lang si Mama Sofia. Hindi ko nga rin alam kung bakit ganyan ugali niya
sayo.”, sambit ni Sabrina sabay abot ng isang chocolate bar sa pinsan. Ngumiti pabalik si Sofia
at hindi napigilan ang luha at agad niyakap ang pinsan. Mahinang tumangis si Sofia habang
yakap ang pinsan, tanda ng halong galak na may mabuti siyang pinsan at lungkot dahil kahit
kailanman ay hindi siya mamahalin ng tiyahin niya.
Prinsipe Nicolo
Mayo 15, 1589

Labis ang kasiyahan sa kaharian ng Villalobos dahil ito ang ikatlong kaarawan ng
Prinsipe Nicolo. Napakulay ng kaharian ngayong araw na ito. Kahit saan ka luminga ay may
mga bulaklak at mga dekorasyon na iba’t ibang kulay. Sa trangkahan ng kastilyo nila ay puno ng
mga taong nagsisisayawan upang magbigay pugay sa prinsipe. Ganito lagi sa buong kaharian
kapag may okasyon, lalo na kapag ito ay para sa prinsipe na siyang magmamana ng trono sa
takdang panahon.

Isang taon ng mahigit ng naganap ang sumpa ni Amara sa mahal na Prinsipe. Ngayon din
nakatakda ang binyag ng Prinsipe upang ito ay maging isang ganap na kristiyano. Ito rin ang
nakikitang paraan ng mag asawang dugong bughaw upang mabali ang sumpa ng lakambini sa
kanilang supling.

Hindi nagtagal ay lumabas na ng silid ang hari at reyna, kalong ang kanilang nag iisang
tagapagmana na si Prinsipe Nicolo. Mula sa balkonahe ay tanaw nila ang buong kaharian. Puno
ito ng kulay, palamuti at mga taong nagsisiyahan dahil sa kaarawan ng kanilang anak. Labis din
ang galak ng hari at reyna dahil ito rin ang araw na magwawakas sa sumpa na ipinataw ni Amara
sa kanila anak.

“Viva el Prinsipe Nicolo! Feliz cumpleaños!” (“Mabuhay si Prinsipe Nicolo! Maligayang


Kaarawan!”). Halos hindi magkanda mayaw ang mga tao ng masilayan nila ang hari, reyna at
ang prinsipeng kalong ng kanyang ina. Halong ngiti, hiyaw ng galak at luha ng kaligayahan ang
mapipinta sa mga wangis ng mga mamamayan ng Villalobos. Sadyang labis talaga ang
pagtatangi nila sa hari at reyna, pati na rin sa prinsipe.

Kilalang busilak ang puso at mapagkalinga sa kapwa ang hari at reyna. Labis nilang
pinapahalagahan ang bawat mamamayan ng kanilang nasasakupan. Wala rin silang kinikilingan
pagdating sa hudikatibong parte ng kanilang pamumuno. Walang mahirap o mayaman sa
kanilang paningin – lahat ay pantay pantay. Ito ang dahilan kung bakit ganun na lamang ang
pagtangkilik sa kanila at pagmamahal ng buong pamayanan ng Villalobos.

You might also like