You are on page 1of 2

Dayao, Carlo Piere B.

Philo 1
2015-01335 Sir Jai Espiritu
Output #1

1. What do you think Philosophy is?


Dahil na rin sa kaunting ideya na ang salitang “Philosophy” ay nagmula sa mga salitang
nangangahulugang “love for wisdom” o pagmamahal sa karunungan, para sa akin ang
pilosopiya ay ang hindi pagiging panatag sa kung anong siyang ating nalalaman. Pagmamahal
na nangangahulugang patuloy na pagkalap ng bagong mga kaalaman sa pamamagitan ng
walang humpay na makabuluhang pagtatanong sa mga kaganapan at marami pang bagay na sa
ati’y pumapalagid. Ang pilosopiya ay ang pagsusumikap na mapalawak ang karunungan upang
mas makita ang diwa’t kahalagahan ng mga bagay-bagay kasama na rito ang ating buhay.

2. When you know something, do you know that you know it?
Sa aking opinyon, kapag alam mo ang isang bagay maaring hindi mo alam na alam mo
ito. Halimbawa na lamang ay kapag mayroon tayong mga tinatawag na hidden talents o hidden
skills. Hanggang hindi natin nasusubukang gawin o nabibigyan ng sapat na pansin ang mga
kahusayang ito, mananatili pa rin tayong walang ideya na may kaalama’t kakayahan pala tayo sa
mga ito. Isa na rin siguro ang tungkol sa ating mga memorya. Dumarating tayo sa punto kung
saan may mga alaala na tayong naibabaon sa kasuluk-sulukan ng ating mga isipan sa kadahilanan
ng paglipas ng panahon. Ngunit dahil minsan nga tayong bumuo’t nakibahagi sa mga alalaalang
ito, may kaalaman tayo tungkol dito subalit sadyang nagpapatong-patong ang mga bagay na
pumapasok sa ating isipan na wari bang nakaliligtaan natin ang mga nasabing alaala.

3. Do you think that the world is real?


May mga pagkakataon siguro na hinihiling ko na sana hindi na lamang totoo ang lahat
sapagkat sa mga hindi kanais-nais na pangyayaring naranasan ko pero naniniwala pa rin naman
ako na totoo ang mundo at ang lahat ng ito. Bukod siguro sa mga ebidensya ng mga siyentipiko
ukol dito, iba lamang ang dating sa aking naniniwalang tunay ang lahat ng ito. Kung iisipin nga
naman, maaring nakabase nga ang pagiging totoo nito sa mga bagay na makukuha’t
mapagtatanto natin sa lahat ng mga kaganapan sa ating kapaligiran. At talagang kakaiba siguro
sa pakiramdam na mapagtibay ang mga nahinuha mo lalo na’t kung naniniwala kang totoo ang
mundo. Ayon nga sa isang kaibigan ko, ang maaring tanong na isunod dito ay kung tunay ba
ang siyang ating nakikita. Sadyang nakakatuwang isipin.

4. Do you think you are free?


Maari ngang sabihin na marami pang mga bagay ang gumagapos sa ating mga buhay
katulad na lamang ng mga batas, mga pananaw sa ating lipunan at mga simpleng patakaran sa
ating kanya-kanyang mga bahay. Ngunit sa konteksto siguro ng aking pag-iisip, masasabi kong
malaya ako. Malaya akong paliparin ang aking isipan saan mang himpapawid ko ito nais tanawin.
Malaya akong paagusin ito sa iba’t ibang mga batis hanggang saan man ito makarating. Malaya
kong nagagawa itong lubhang tahimik para sa panahon ko sa aking sarili at malaya rin naman
akong pasayawin ito sa mga himig ng aking bawat damdamin.

5. Who are you?


Simple lamang ang sagot ko rito noon. Matapos banggitin ang pangalan at edad,
isinusunod naman ang aking mga mithiin sa buhay. Ilalarawan ang aking sarili bilang isang
simpleng taong binibigyan ng pagkakataon ang mga tao upang lubusan kong makilala.
Tatapusin ito sa pagpapahiwatig na may natatangi akong katangian at sabay ngingiti. Ngunit
ngayon, matapos ang lahat ng aking mga napagdaanan, marami pa akong bagay na nadiskubre
tungkol sa aking sarili. May mga pagkakataon ding sa tingin ko ay nawala ko na kung sino nga
ba ako dahil napapaisip ako na hindi naman ako ganito noong nakaraan at lalo ko itong naiisip
kapag hindi kanais-nais ang mga nangyayari sa akin. Basta ang alam ko lamang sa ngayon ay
handa akong mas kilalanin pa ang aking sarili nang mas malalim at nang mas malawak ang pag-
iisip na resulta ng labingsiyam na taon kong pamamalagi sa mundong ito.

6. Does God exist?


Noon pa man ay talagang naniniwala na talaga akong may diyos, isang kataas-taasang
nilalang na siyang gumagabay sa ating mundong ginagalawan. Hindi man ako sang-ayon sa
iilang mga gawi ng aking kinababahagiang relihiyon ay pinipili ko pa ring maniwala sa iisang
diyos. Hindi ko lamang talaga lubos maisip at natatakot na rin sa ideyang walang diyos ang
mundo. Maaring dahil na rin sa paniniwalang merong diyos ay mas napapatibay ang aking
paniniwala’t lumalalim ang aking pag-asa sa maraming bagay.

7. When is an action wrong? When is it right?


Isa pa rin talaga ito sa mga tanong na talagang hindi ako makabuo ng kongkretong
opinyon kapag aking sinasagot sapagkat habang mas pinaglalaliman ko ang diskusyon nito sa
aking sarili ay mas dumarami ang nabubuo kong katanungan. Dati ay binibigyan ko ng kahulugan
ang isang gawi at hinuhusgahan ito base sa intension ng gumawa. Naayon lamang ang pagiging
tama o mali nito base sa pagnanais na resulta ng gumawa. Datapwat mas maganda atang sagutin
ito kung merong isang perspektibang ang lahat ng mga gawi’y ating titignan at ito ang moralidad
na isinasaalang-alang ang maraming bagay katulad na lamang ng panahon.

You might also like