You are on page 1of 9

POLYTECHNIC UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES

PUP A. Mabini Campus, Anonas St., Sta. Mesa


Manila, Philippines 1016

Pangitnang Pangangailangan: Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros (2005) sa direksyon ni


Auraeus Solito

Ipinasa ni:
MARASIGAN, Joshua Louis L.
BA in International Studies 2-1

Ipinasa kay:
Gng. Emelinda C. Layos

HUWEBES, AGOSTO 1, 2019


IKALAWANG BAHAGI: RETORIKA

Ang pelikulang Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros ay tumatalakay sa maraming


isyung panlipunan na magpahanggang sa ngayon ay umiiral pa rin. Unang-una na rito ay ang
kabuuang pagtanggap ng lipunan sa mga taong kabilang sa LGBTQIA+. Nagsilbing isang daan
ang pelikulang ito upang ipahatid sa mga manonood na mahalagang bigyan ng lubos na
pagtanggap ang mga taong kabilang sa LGBTQIA+ dahil sila ay tao rin na dapat respetuhin at
pahalagahan dahil sila ay hindi salot at may malaking ambag sa lipunang ating ginagalawan.
Masasabi kong naging kontrobersyal ang pelikula dahil noong panahong ito ay ipinalabas,
kakaunti pa lamang ang mga taong sumusuporta sa LGBTQIA+ kaya maaaring ito ay makalikom
ng maraming puna ngunit dahil sa atakeng ginawa ng pelikula, mas naging katanggap-tanggap
ang mga LGBTQIA+ dahil ipinakita ang kanilang pagmamahal sa kanilang pamilya at sa kapwa.
Tinalakay din ng pelikula ang kahirapan at kung papaano nito pinalalala ang masasamang
Gawain tulad ng pagnanakaw at pagkalulong sa masasamang bisyo. Sa kabuuan ng pelikula,
matutunghayan ang patuloy na paghihirap ng mga Pilipino kaya upang sila ay mabuhay at
makakain tatlong beses sa isang araw, kumakapit sila sa patalim at ang mga pulis naman ay
nagbubulag-bulagan dahil bukod sa may banta sa kanilang buhay ay may katapat na salapi ang
kanilang pananahimik at mas pinipili na lamang nila na pagtuunan ang ibang bagay. Ikahuling
itinampok sa palabas ay ang kahalagahan ng pamilya at kung ano ang epekto nito sa paglaki at
pag-unlad ng isang tao. Upang lumutang ang tema ng pelikula, pumili ako ng sampung eksena o
diyalogo na binanggit sa kalakhan ng palabas na mas lalong nagpatatag sa hangarin ng pelikula.

1. Oo, marami ngang masamang tao, pero isa lang ang papa ko. - Maxie

Ang linyang ito ay binanggit ni Maxie kay Victor bago matapos ang pelikula. Bilang
anak na nawalan na ng isang ina, napakasakit para kay Maxie na mawala pa ang kanyang
pinakamamahal na ama. Sa simula pa lang ay alam na ni Maxie na ilegal ang trabaho ng
kanyang ama at mga kapatid ngunit hindi niya sila isinuplong sa mga awtoridad dahil nanaig
pa rin ang pagmamahal nito sa kanyang pamilya lalong-lalo na sa kanyang ama. Bilang isang
anak, si Maxie ay masunurin at mahilig magpasaya sa kanyang pamilya tuwing ito ay
nalulungkot. Siya rin ay tumayong ikalawang ina ng pamilyaNoong kausap ni Maxie si
Victor, mapapansin ang pighati at pagsisisi niya na nagtiwala siya kay Victor dahil sa
kanyang palagay ay nawasak ang pamilya niya. Dahil sa linyang ito ni Maxie, napagtanto ni
Victor na dapat hindi na lang siya nanghimasok sa buhay ni Maxie dahil sa isip-isip niya ay
isa siya sa may kasalanan kung bakit nawasak ang pamilya ni Maxie kaya naman sa huling
minuto ng pelikula ay makikita na nais nitong makausap si Maxie at humingi ng tawad.

2. Pinalaki kitang magnanakaw, pero mamamatay tao? Putangina mo, hindi! - Paco

Si Paco ay ang mapagmahal na ama nina Boy, Bogs, at Maxie. Kahit na illegal ang
kanyang trabaho, tinanggap naman niya nang buong-buo si Maxie at ginawa niya ang lahat
upang maprotektahan ang kanyang pamilya kahit na ang kapalit nito ay ang kanyang buhay.
Ang linyang ito ay isinambit ni Paco sa kanyang anak na si Boy noong nalaman niya na ang
kanyang anak ay isang suspek sa pagpatay sa isang labing-anim na taong gulang na
estudyante. Tinanggap na ni Paco na ang kanyang realidad na pinalaki niya ang kanyang
pamilya sa isang maling paraan ngunit sa kabila nito ay hindi niya tinuruan ang kanyang mga
anak na maging mamamatay tao. Itinatak niya sa isipan ng kanyang pamilya na pwedeng
magnakaw ng materyal na bagay ngunit hindi ang magnakaw ng buhay. Dahil sa nagawa ni
Boy ay labis na nadismaya si Paco ngunit kahit man ito ay nadismaya, hanggang sa huling
hininga niya ay pinagtanggol niya si Boy sa mga pulis. Ang linyang ito ay naging napakalaki
ang epekto kay Boy dahil nagsimula itong magbagong buhay at mas tinutukan na ang pag-
aalaga kay Maxie upang hindi ito matulad sa kanilang dalawa ni Bogs.

3. Ano pa ba ang gusto mo Maxie? Hindi ka pa ba kuntento sa buhay na ‘to? Hindi mo


ba naiisip na nakasasalay ang buhay namin makakain ka lang araw-araw? – Paco

Muli, ang linyang ito ay nagmula kay Paco noong kausap niya ang kanyang anak na si
Maxie. Sa parteng ito ng pelikula ay nagkaroon ng masinisinang usapan ang mag-ama dahil
si Maxie ay nalilito na kung pagtatakpan pa rin ang kanyang pamilya o isusumbong ang mga
ito kay Victor. Bilang isang ama, isinasaalang-alang niya ang kanyang buhay at kumakapit sa
patalim para lamang makapagbigay at matuunan ang pangagailangan ng kanyang mga anak
kahit na sa maling paraan. Habang ito ay kanyang sinasambit, walang halong galit ang
pananalita ni Paco kundi pagmamalasakit lamang sa kanyang anak dahil gusto lamang niya
na matanggap siya ng kanyang anak tulad ng pagtanggap niya rito. Dahil sa sinabi ni Paco ay
hindi isinuplong ni Maxie ang kanyang ama at mga kapatid bagkus ay hinayaan na lamang
niya ang tadhana na isiwalat ang lahat.
4. Maraming masamang tao sa mundo, Maxie. Minsan kailangan mo silang tapatan
kung hindi walang magbabago. – Victor

Ang linyang ito ay kasama sa unang retorika at nagsilbi itong payo ni Victor para kay
Maxie dahil bilang isang pulis ay ginagawa niya lang ang kanyang tungkulin. Para kay
Victor, alam niya na napakahirap gampanan ang kanyang tungkulin dahil maraming
maaapektuhan lalong-lalo na ang kanyang kaibigan na si Maxie. Ngunit sa pelikula,
itinampok si Victor na iba sa mga karaniwang pulis na tumatanggap ng pera o pampadulas
para makalusot ang mga isyu dahil siya ay isang marangal na alagad ng batas. Ipinahayag ni
Victor ang linyang ito dahil gusto niyang maunawaan ni Maxie na kahit para sa kanya ay
naging mabuting ama si Paco, ngunit sa mata ng batas, si Paco ay hindi dahil marami itong
nalabag at naagrabiyado. Sa aking palagay, malaki ang naging impluwensiya ng pahayag na
ito kay Maxie dahil natutunan niyang tanggapin ang katotohanan na ang ama niya ay labis na
nagkasala sa batas at kahit anong hinagpis niya ay hindi na babalik ang pinakamamahal
niyang ama.

5. Hindi ako kagaya ng mga pulis na nakilala mo. (Victor) Tama ka dyan, kasi ikaw ang
pinakatanga na nakilala ko. (Bogs)

Ang usapang ito sa pagitan nina Victor at Bogs ay naganap noong nasa presinto si Bogs
upang pagbayaran ang kasalanan na ang kapatid niya na si Boy, ang gumawa. Napakahalaga
ng naging papel ni Bogs sa palabas dahil isa siya sa mga tao na naniniwala sa kakayahan ni
Maxie at katulad ng kanilang ama ay tinanggap at mahal na mahal niya ang kanyang bunsong
kapatid. Kahit na siya ay mamatay, gagawin niya ang lahat upang magkaroon lamang ng
magandang buhay si Maxie. Katulad ng aking nabanggit sa ikaapat na retorika, si Victor ay
ibang-iba sa mga pulis na nakadestino sa kanilang lugar. Marahil sasabihin ng iba na siya ay
bago pa kaya masunurin sa batas ay hindi ibig sabihin noon ay kapag tumagal na sa trabaho o
umangat ang posisyon ay maging isang inutil o walang silbing pulis na. Si Victor ay isang
imahe ng pulis na dapat pamarisan ng iba lalo na sa ating panahon ngayon. Sa diyalogong ito
ay makikita kung papaano nakakatakas ang ilang kriminal o masasamang tao sa
pamamagitan ng pera. Minsan kailangan mo lang talagang abutan ang mga alagad ng batas at
sila ay mananahimik na ngunit katulad nga ng aking nabanggit, iba sa kanila si Victor dahil
ginagawa niya lang ang kanyang trabaho. Sa eksena ring ito tampok ang realidad na kung
saan mas itinuturing na walang silbi o tanga ang mga mararangal na pulis at ang mga ganid
naman sa yaman at posisyon ang itinuturing na dakila. Dahil sa palitan ng linya nina Bogs at
Victor, napagtanto ni Bogs kung gaano kahalaga ang pagsunod sa batas dahil kung patuloy
siyang lalabag dito ay hindi siya tunay na magiging masaya at malaya. Kaya naman sa dulo
ng pelikula ay makikita na itinataguyod nilang tatlo ang kanilang pamilya kahit na sila ay
nahihirapan ngunit sa kabila nito ay patuloy pa rin silang naghahanap buhay sa magandang
paraan naman.

6. Ang hilig-hilig niyo sa maingay! (Maxie) Mabuti na ‘yon para nakakalimutan mo ang
iniisip mo. (Paco)

Kung ang mga naunang retorika ay matatagpuan sa gitna o dulong bahagi ng pelikula,
ang isang ito naman ay nasa unang sampung minuto ng palabas. Sa diyalogong ito sa pagitan
ng mag-ama ay mahihinuha na marami sa mga tao sa lipunan ang mas pinipiling balutin ang
kanilang sarili sa mga bagay na maiingay upang makalimutan ang kanilang problema o
paghihirap sa buhay. Sa pamamagitan nito, kahit papaano ay nakakatakas sila sa realidad at
totoong buhay kaya nagkakaroon sila ng pagkakataon na magsaya o magliwaliw. Ang
pahayag na ito, para sa akin ay isang magandang halimbawa ng retorika na makikita sa
palabas dahil ito ay matatagpuan sa buong pelikula at maski na rin sa totoong buhay. Sa
palabas ay tampok ang retorikang ito dahil ang mga karakter ay laging kumikilos,
nagmamadali at binabalot ang kanilang mga sarili sa mga bagay na maiingay at makukulay
upang mapunan ang kanilang kalungkutan at lumbay. Ang usapang ito pinakilos hindi
lamang si Paco maski na rin si Maxie dahil sa pelikula ay makikitang lagi siyang nanunuod
ng mga palabas upang makatakas sa kanyang mga problema at iwanan ang kahirapan ng
kanilang buhay.

7. Kapag mali, walang kakilala. Kaya ngayon pa lang pinakikiusapan na kita eh – Victor

Makikita sa aking mga halimbawa na ang karamihan dito ay nagmula kay Victor. Sa
pelikula, mapapansin na ang mga linyang binitawan ni Victor ay paniguradong tatatak at
kikintal sa puso at isipan ng mga manonood. Ang linyang ito ni Victor ay ipinahayag niya
kay Maxie at sa kanyang pamilya dahil bagamat sila ay magkakakilala na, sa matas ng batas,
walang sinuman ang mataas dito at kapag nakagawa ng mali ang isang tao, dapat niya itong
pagbayaran kahit ito, kaibigan man o kaaway. Ipinahayag ito ni Victor dahil kinukutuban na
siya na ang pamilya ni Maxie ay mga kriminal at dapat nilang pagbayaran ang kanilang mga
kasalanan upang wala nang madamay at hindi pa huli para sila ay magbago. Kahit na ang
kanilang hangarin ay maging mabuti ang buhay ni Maxie, maaari naman nila itong gawin sa
mabuting paraan at sa marangal na trabaho. Pinakilos nito ang mga karakter dahil nagawa
nitong pag-isipin si Maxie kung ilalantad niya ba ang mga angawa ng pamilya niya sa pulis o
patuloy silang pagtatakpan ngunit dahil na rin kay Paco ay nalantad ang kanilang mga
Gawain ngunit ang naging kapalit nito ay ang kanyang buhay. Bagamat siya ay pumanaw,
naging daan naman ito upang mapagtanto ng magkakapatid ang kanilang mga mali at tuluyan
na silang nagbagong buhay.

8. Ano papasok ako sa factory, kakayod na parang kalabaw sa katiting na sweldo. Tapos
magkakasakit tapos di makakapagbayad sa ospital? – Paco

Bukod kay Victor, ang mga linya ni Paco ay punong-puno rin ng retorika at maalala ng
mga manonood. Sa usapang ito nina Paco at Maxie ay nilinaw at ipinaunawa ni Paco sa
kanyang anak kung bakit pagnanakaw ang pinasok niyang trabaho. Ipinahayag ni Paco ang
kanyang saloobin dahil ayaw niya na makulong lamang sa isang trabaho na unti-unting
papatay sa kanya at hindi sapat ang kinikita sa pagsisikap na kanyang ibinibigay. Dahil sa
labis na kahirapan ng kanilang buhay ay kinakailangan kaagad nilang kumite o makalikop ng
salapi sa mabilis na paraan kaya siya ay naging isang magnanakaw kahit labis ang panganib
sa ganitong gawain. Ang papel ni Paco sa pelikula ay upang buksan ang isipan ng mga
manonood at ipahatid sa kanila na ang bawat magnanakaw o mga kriminal ay may kwento
rin kung bakit sila naging ganoon ngunit kahit ano man ang iyong kwento o istorya, mali ang
bumaling sa ganitong gawain dahil marami ang madadamay at maaapektuhan. Dahil sa
masinsinang usapan ng mag-ama, naisip ni Maxie na huwag ipaalam sa iba lalo na kay Victor
ang gawain ng kanyang ama upang hindi ito mawala sa kanya ngunit hindi alam ni Maxie na
dahil sa aksyon niya na ito ay mas lalo lamang niyang inilapit ang kanyang pamilya sa
kapahamakan.

9. Pero kapag nagkatrabaho ka na, matutulungan mong maiangat ang pamilya mo.
Gusto mo ba yung nagnanakaw sila, nananakit ng ibang tao? – Victor

Sa ika-siyam na retorika ay muli kong napili ang linya ni Victor noong sila ay nag-usap ni
Maxie araw pagkatapos niyang mabugbog at pagbantaan nina Paco at Bogs. Sa panahong ito ng
pelikula, unti-unti nang nalalaman ni Victor ang tunay na estado at kalagayan ng pamilya ni
Maxie kaya naman inihayag niya ang mga linyang ito kay Maxie dahil nais niya na maunawaan
ni Maxie na mali ang ginagawa ng kanyang pamilya at dapat nila itong pagbayaran dahil kung
hindi, habangbuhay silang magdurusa at magtatago. Bukod pa rito, ninais ni Victor na magbalik
eskuwela si Maxie upang matulungan niya ang kanyang pamilya, maiahon ang mga ito sa
kahirapan at maialis sa makasalanang mundo. Si Victor sa pelikula ay tumayong kapatid ni
Maxie na tagapayo at tagapagligtas tuwing si Maxie ay naaapi at nasasaktan. Masasabing ito ay
bahagi ng kanyang trabaho bilang pulis ngunit isa na siya sa natatakbuhan ni Maxie upang
manghingi ng payo sa tuwing siya ay nalilito at nahihirapan. Kaya naman sa linyang ito ni Victor
ay bumalik si Maxie sa pag-aaral upang makatulong sa kanyang mga kapatid kahit ang kapalit
nito ay ang pagkakaibigan nila ni Victor.

10. Paglaki mo, dapat gumawa ka ng trabaho na hindi mo ikakahiya ah. – Victor

Ikahuli sa aking nakalap na retorika ay ang linya ni Victor noong sila ay kumakain sa
lugawan ni Maxie. Sa eksenang ito, nagsisimula nang kilalanin nina Maxie at Victor ang isa’t isa
ngunit mapapansin na nag-aalangan pa si Maxie na ikuwento ang hanapbuhay ng kanyang
pamilya kay Victor dahil alam niya na bukod sa ito ay mali at labag sa batas ay maaari silang
hulihin ng kanyang bagong kaibigan. Dahil alam ni Victor na si Maxie ay nakatira sa masasabi
kong mahirap na barangay sa Maynila ay gusto niya na kahit anong mangyari ay makahanap si
Maxie ng trabaho na marangal kahit mababa ang sweldo at hindi isang hanapbuhay na ilegal at
kanyang itatago. Ipinahayag ito ni Victor dahil siguro ayaw niyang matulad si Maxie sa mga
taong kanyang hinuhuli at nakikitaan niya ito ng potensyal upang umunlad at maging mabuti.
Kaya naman makikita sa palabas na hindi natulad si Maxie sa kanyang mga kapatid at ama na
magnanakaw at sa halip ay piniling ituon ang atensyon sa paglilibang at pag-aaral.

Sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga retorika, masasabi kong napaigting nito ang mga
tema na nabanggit sa unang talata dahil ang mga diyalogo ay tumatalakay sa iba’t ibang isyung
panlipunan at hindi lamang sa iisang tema. Nabigyang importansya rin ang mga papel na
ginampanan ng bawat karakter upang mas maunawaan pa ang palabas at kung saan talaga ito
patungo. Isa pa, dahil sa mga linyang ito ay mas nakilala pa ang mga karakter at kung ano talaga
ang kanilang layunin sa palabas na mas lalong nagpatingkad sa tema nito.
IKATLONG BAHAGI: KONKLUSYON

Ang wika na ginamit sa pelikula ay impormal at minsan naman ay balbal at kolokyal


dahil ang mga karakter bukod kay Victor ay kulang at limitado ang kaalaman at ang mga ito rin
ay hindi nakapagtapos ng pag-aaral kaya ang wikang kanilang ginagamit ay mula sa kanilang
nakalakihan at kung ano ang angkop sa kanilang kapaligiran at lugar. Ang wikang kanilang
ginamit ay may relasyon sa intelektuwalisasyon. Magbibigay ako ng tatlong punto na
nagpapatunay ditto. Una, bagamat sila ay hindi nakapagtapos ng pag-aaral, kakaunti lamang ang
mga salitang Ingles na kanilang ginagamit kaya mas lumalago at yumayabong ang wikang
Filipino sa palabas. Hindi nakukulong ang wika bagkus ito ay naging dinamiko. Nakaakma ito sa
kung saang sitwasyon ito ginagamit. Ikalawa, dahil sa madalang na paggamit ng wikang banyaga
ay napapatunayan na kayang makasabay ng wikang Filipino sa iba pang wika at kaya naman ng
mga Pilipino na makalikha ng isang sining o palabas na may limitado lamang na impluwensiya
mula sa kanluranin at sa halip ay gumamit at sumandal sa kung ano ang meron tayo. Ikatlo at
ikahuli, ang wika sa pelikula ay sumasalamin sa kung ano ang kultura at realidad ng mga tao sa
ganoong estado. Isa na roon ang mga nakatira sa squatter’s area o mga illegal settlers. Dahil dito,
mas napapadali ang pakikipagtalastasan ngunit hindi ito marapat na gamitin sa mga pormal na
okasyon at pagtitipon.

Bilang paglalagom, masasabi ko na ang mga linya at diyalogo sa pelikula ay nagpaangat


sa kagalingan ng mga Pilipino dahil mas nahasa nito ang bokabularyo ng madla ukol sa paggamit
ng ating sariling wika. Katulad nga ng aking nabanggit sa itaas, dahil sa ito ay mas gumagamit
ng wikang Filipino at limitado lamang ang Wikang Ingles, mas napaunlad nito ang wikang atin
at nakapagbigay ng mga kahulugan na maaaring gamitin sa ating panahon ngayon. Isa pa, dahil
sa mga linyang binitawan din ng mga karakter, mapapansin na ito ay may kalaliman at hindi
mahahalata na ang karamihan sa mga ito ay salat ang kaalaman at karunungan lalong-lalo na ang
bida na si Maxie dahil napakalalim na niya mag-isip sa kanyang murang edad. Bilang pagtatapos,
ang wikang ginamit sa pelikula ay tumataliwas sa nagsasabing ang wikang Filipino ay salat at
limitado dahil may mga salita sa pelikula na walang katumbas sa ibang wika at ang mga ito ay
para sa mga Pilipino lamang.
IKAAPAT NA BAHAGI: TALASANGGUNIAN

Solito, A. (Director), & Yamamoto, M. (Screenwriter). (2005). Ang Pagdadalaga ni Maximo


Oliveros [Video file]. Philippines: UFO Pictures, Cinemalaya. Retrieved July 31, 2019, from
https://www.youtube.com/watch?v=NyONbn3WRTU

Zulueta, L. B. (n.d.). Ang Pagdadalaga Ni Maximo Oliveros: Growing up gay, grim and
determined. Retrieved July 31, 2019, from
https://www.manunuri.com/reviews/ang_pagdadalaga_ni_maximo_oliveros_growing_up_gay_gr
im_and_determined

Uhlich, K. (2006, March 08). Review: The Blossoming of Maximo Oliveros. Retrieved July 31,
2019, from https://www.slantmagazine.com/film/the-blossoming-of-maximo-oliveros/

You might also like